ONE year later...
Graduation day ngayon ng mga estudyante sa unibersidad na pinapasukan ni Nana. Nakakaramdam ng pagkasabi si Nana pero hindi pa rin lubos ang kasiyahan. Iniisip nito na sana kasama nito si Tina nang araw na iyon. Mabilis na inalis ni Nana sa isipan ang kakambal. Isang taon na ang nakalipas. Dapat na nito iyong kalimutan kahit alam na imposibleng mawala ang guilt sa puso nito.
May plano ang barkada ni Nana na mag-outing nang araw na iyon din. Excited din ito doon. Matagal na rin mula nang makapag-outing si Nana. Pagkatapos ng seremonya ay umuwi na rin ang mga estudyante para mag-celebrate kasama ang pamilya.
Alas-kuwatro ang alis nina Nana para sa outing. Si Paulo ang susundo sa mga ito. Gusto sanang iwasan ni Nana sina Paulo pero hindi magawa dahil sa takot sa mga ito. Ilang buwan na ring pumanaw ang ina nito na si Andrea dahil sa stroke.
Noong nangyari ang kasamaan kay Tina, ipinalabas lang nina Paulo na nawawala si Tina. Walang nagawa si Nana kundi ang sumang-ayon sa kuwento ng mga ito kahit hindi sigurado sa totoong kinahinatnan ng kakambal. Lahat ay naniwala din sa pagkawala na iyon ni Tina kaya walang naging imbestigasyon.
Nagulat din si Nana dahil agad iyong tinanggap ng inang si Andrea noon. Naging masaya pa ito dahil nawala na daw ang malas sa buhay ng mga ito at hindi na maalala ang nangyari dito noong angkinin ng isang engkanto.
Mabilis na lumipas ang oras. Hindi namalayan ni Nana na nakatulog ito sa paghihintay. Ang malakas na tunog ng alarm clock ang nagpagising dito. Iminulat ni Nana ang mga mata at nagising ang diwa nang makita ang mukha ng isang babae sa harapan. Duguan ito, itim ang kulay ng buong mata at inu-uod ang mukha. Naramdaman pa ni Nana na may nahulog na uod dito. Ngumisi ang babae.
Malakas na napasigaw si Nana, pumikit at tinakpan ang mukha. Nang magmulat ito ay wala na doon ang babaae. Nagtataas-baba ang dibdib ni Nana dahil sa matinding takot. Namamalikmata lang ba ito?
Iwinaksi na lang ni Nana sa isipan iyon, ginawa ang dapat gawin. Siguradong darating na si Paulo mayamaya.
Mga dalawampung minutong naghihintay si Nana sa labas ng bahay nito nang dumating ang puting van ni Paulo. "Bakit ang tagal niyo?" naiinis na tanong ni Nana. "Mauubos na ang dugo ko dito kakasipsip ng mga lamok."
Tinawanan lang naman ito nina Paulo.
"Huwag ka nang mainis, babe," malambing na sabi ni Jacob kay Nana.
Oo, magkasintahan na ang dalawa ngayon. Napangiti si Nana dahil sa paglalambing ni Jacob.
"'Yon, oh. Ikaw lang pala makakapagpa-ngiti, pards," sabi ni Paulo.
At naging tampulan na ang mga ito ng tukso.
"Tumahamik na nga kayo," suway ni Nana. Humilig ito sa balikat ni Jacob.
Pinagmasdan ni Jacob ang mukha ni Nana, mapait na napangiti. Kaya ito ginawang kasintahan ni Jacob dahil nakikita nito si Tina dito. Hanggang ngayon hindi pa rin makalimutan ni Jacob si Tina. Nagsisisi si Jacob na wala itong nagawa para kay Tina kaya ngayon ay ibinubuhos nito ang atensiyon sa kakambal nito. Iniisip ni Jacob na baka makabawi ito kay Tina sa paraang iyon.
Binalot na naman ng matinding guilt ang puso ni Jacob. Wala itong ginawa noon. Hinayaan lang nito si Paulo. Hindi nito alam kung ano ang totoong nangyari kay Tina. Nawala na lang ito at hindi naman sinabi nina Paulo kung nasaan ito. Alam lang ni Jacob na may masamang nangyari kay Tina. At hanggang ngayon nakikisama pa rin si Jacob sa mga ito. Dahil sa takot. Kriminal na din ito. Lahat nang nakakita noon sa nangyari kay Tina ay mga kriminal. Pero dahil walang gustong maparusahan kaya nanahimik ang mga ito, nagpatuloy sa buhay, pinilit kalimutan lahat. But the guilt remained. It would forever remain.
Sinubukan ni Jacob na magmahal ulit. At noong naging karelasyon nito si Nana ay naging komportable naman ito. Siguro dahil may mga pagkakatulad talaga sina Nana at Tina. Huwag mo nang isipin si Tina, Jacob, sumbat ni Jacob sa sarili. Dapat na nitong piliting makalimot. Hinalikan ni Jacob sa tuktok ng ulo si Nana at natulog na din. Matagal pa naman bago makarating ang mga ito sa Baguio.
NAGISING si Nana sa mahinang tapik sa pisngi nito. Nang magmulat ito ng mga mata ay nakita na naman ang mukha ng babaeng nakita kanina. Muling pumikit si Nana.
"Nana, okay ka lang ba?"
Napamulat si Nana at mukha na ni Jacob ang nakita nito. Alam na ni Nana kung sino ang nagpapakita dito pero pilit idinidiin na imposible iyon.
"Oo, okay lang ako," pilit na ngumiti si Nana.
Sumunod si Nana kay Jacob nang lumabas na ito ng van. Dalawa na lang ang mga ito doon. Magandang tanawin kaagad ang nakita ni Nana. Napakalamig ng klima sa Baguio. Napayakap si Nana sa sarili, nakalimutan nitong kunin ang jacket sa loob ng bag.
"Nasaan ba kasi ang jacket mo?" tanong ni Jacob. Hinubad nito ang sariling jacket at ipinasuot kay Nana.
Napangiti si Nana. Simpleng gesture lamang iyon pero nagpasaya naman sa puso nito. Nagpatuloy ang mga ito sa paglalakad. Ilang sandali lang ay bumungad na ang rest house nina Jacob dito sa Baguio. Maganda ito bungalow-style ang structure ng bahay.
Pagkapasok sa loob ay agad na tumapat si Nana sa fireplace, nilalamig pa din.
"So ano'ng unang gagawin natin?" tanong ni Bea, isa sa mga kasama sa outing din na iyon.
"Pwede bang bukas na lang tayo gumala? Magpahinga muna tayo," sabi ni Kristoff, gustong-gusto na nitong matulog.
"Ang KJ nito," nakangusong bulong ni Bea, umupo na lang.
"Mag-inuman na lang tayo para dito lang tayo sa loob. Ano, game?" suhestiyon ni Paulo.
"Sounds good," sang-ayon naman ni Tim. Kanina pa itong tahimik habang nakatabi sa girlfriend na si Girly.
"Oh, ano pang hinihintay natin? Tara na. Pabayaan niyo 'yang isang KJ diyan, matulog na lang siya," pagpaparinig ni Paulo kay Kristoff.
"Walang ganyanan, pare. Alam mo namang asawa ko na iyang alak, eh," sagot ni Kristoff.
Nagtawanan ang mga nandito. Naupo ang lahat sa tapat ng isang pabilog na mesa.
"Guys, may naisip ako," sambit ni Kristoff mayamaya.
"Ano 'yon?" tanong ni Paulo.
"Magkuwentuhan tayo ng mga nakakatakot na bagay," nakangising sabi ni Kristoff na nagpatakot sa mga babae doon.
Napahigpit ang pagkakayakap ni Nana kay Jacob.
"Ano ba 'yan? Para tayong mga bata," hindi interesadong sabi ni Paulo.
Tumawa si Kristoff. "Takot ka lang, eh. Huwag mo sabihing takot ka sa multo, Paulo?" pang-aasar nito.
"Ha? Ako? Ta-takot? Sige, simulan mo na," sang-ayon ni Paulo para hindi mahalatang natatakot ito.
"Alam niyo bang may pagala-galang multo daw dito sa Baguio? Lalo na dito sa lugar nina Jacob. Tinawag nila itong si Maria Labo. Gumagala daw siya tuwing gabi, lalong-lalo na sa ganitong oras. Naghahanap siya ng mga lalaking single at inaakit daw gamit ang natatanging alindog. 'Pag naakit na niya ito ay saka na niya papaslangin. May galit siya sa mga lalaki dahil biktima siya ng rape."
Tumahimik ang paligid na parang may dumaang santo. Shit, wrong topic. Iyon ang nasa isip ni Kristoff.
Magsasalita sana si Jacob nang biglang mamatay ang ilaw. Nagtilian ang mga babae. Si Paulo naman ay biglang napakapit kay Kristoff.
"Ano ka ba, Paulo? Para ka namang bakla, eh," sita ni Kristoff na nagpaayos kay Paulo.
Tumawag si Jacob sa main source ng kuryente at itinanong kung ano ang nangyari. "May sumabog daw na isang planta kaya mawawalan muna ng kuryente sa ngayon."
"Ano ba 'yan?" nagrereklamong sambit ng mga nandoon.
"Mabuti pa matulog na lang tayo," ani Jacob.
Magkakasama sa kuwarto sina Jacob at Nana, Tim at Girl, Kristoff at Bea. Si Paulo lang ang mag-isa dahil wala itong kasintahan ngayon. Magkatabi si Jacob at si Nana, si Tim at Girly, Kristoff at Bea. At si Paulo lang mag-isa. Ito lang ang walang kasintahan sa mga ito ngayon. Gusto sana ni Paulo na makisama sa kuwarto nina Kristoff ngayon pero sinipa ito ng huli.
Walang nagawa si Paulo kundi ang mag-isa sa kuwarto nito. Naalala nito ang kuwento ni Kristoff kanina. Paano kung mapadpad si Maria Labo dito? Single pa naman ito. Iwinaksi iyon ni Paulo sa isipan at nagtalukbong ng kumot.
Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid bago narinig ni Paulo na may tumawag dito.
"Paulo..."
Ayaw ni Paulo tumingin dahil nakakakilabot ang boses nito. Pero para bang nahipnotismo ito sa himig na iyon. Tinanggal nito ang nakatakip na kumot sa mukha at nakita ang isang babaeng nakaputi. Napakaganda nito.
"Lumapit ka..."
Hindi napigilan ni Paulo ang sarili. Lumapit ito sa babae. Walang maipipintas sa babae dahil napaka-perpekto nito.
"Ang ganda mo," sambit ni Paulo.
Sinunggaban nito ang babae at hinila patungo sa kama. Nakapikit lang si Paulo habang ninanamnam ang masarap na labi ng babae. Pero napatigil ito nang nag-iba ang lasa niyon-para bang nabubulok at napakabaho na ng hininga nito. Agad na napalayo si Paulo.
Nakita ni Paulo ang totoong anyo ng babae. Ang mukha nito ay inaagnas na, ang mga mata ay purong itim, at ang bibig ay may tumutulong maitim na likido.
"Kumusta, Paulo?" nakangising sambit nito kay Paulo.
"I-ikaw. 'Di ba pa-" Hindi na naituloy ni Paulo ang sinasabi nang biglang magkaroon ng kutsilyo ang kaliwang kamay nito. Kusa ring tumaas ang kamay nito at inilaslas ang kutsilyo sa sariling leeg.
Napaubo na ng dugo si Paulo habang walang pagsidlan ng kasiyahan ang babae sa nakikitang paghihirap ng lalaki. Lumapit ang babae kay Paulo at inilapit ang bibig sa tainga ng lalaki. Dream of me...