webnovel

Kambal Tuko [TAGALOG]

Simula pa pagkabata ay makikita na ang malaking pagkakaiba ng magkakambal na sina Tina at Nana. Si Nana ay normal ang itsura samantalang si Tina ay may hindi pangkaraniwang kaanyuan na naging dahilan kung bakit naging tampulan ito ng tukso. Pero ng tumungtong si Tina sa legal na edad ay isang misteryo ang nangyari na nagbigay dito ng magandang kaanyuan. Dahil doon ay mas nadagdagan ang inggit ng kakambal nitong si Nana. At dahil din doon ay nalagay si Tina sa kapahamakan. Noong nawala si Tina ay nagsimula na rin ang misteryo na bumalot kay Nana at sa mga kaibigan nito. Gusto ni Nana na maitama ang lahat. Pero paano iyon gagawin ni Nana kung isa-isa nang namamatay ang mga taong nakapalibot dito at ito na ang isusunod? Book cover by: Shekina Grace Edited by: Elf King Publishing Editors

Jennyoniichan · Fantasy
Not enough ratings
23 Chs

CHAPTER 7

IMBES na magsaya ang mga nag-outing sa resthouse sa Baguio ay kalungkutan lamang ang makukuha ng mga ito dahil sa pagkamatay ni Paulo Yap.

Umaga na noon. Isa-isang nagising ang magbabarkada at nagkape. Pero nagtaka ang mga ito nang hindi pa nagigising si Paulo. Sabay-sabay ang mga itong natulog kagabi. Hindi ito tulog mantika kaya imposibleng hindi pa nagigising.

Nang lumipas ang isang oras ay nagpasya si Bea na puntahan si Paulo. Kinatok nito ang pinto pero walang sumasagot.

"Pau? Hoy, Paulo, gumising ka na diyan. Hala ka, darating si Maria Labo 'pag 'di ka pa gumising," pananakot pa ni Bea pero wala pa din itong nakuhang sagot pabalik. Bumalik si Bea sa sala. "Ayaw magising eh, hindi sumasagot," sabi nito sa mga kabarkada.

"Oh, buksan mo, ito ang susi. Kung kinakailangang bugbugin mo siya, gawin mo magising lang 'yon. Maaga tayong pupunta ng bundok para mag-hiking," utos ni Jacob.

Sinamahan naman ni Tim si Bea papunta sa kuwarto ni Paulo. Kumatok muna si Tim sa pinto. "Paulo, papasok na kami kapag hindi ka pa bumangon diyan," pasigaw na sabi ni Tim.

Pero wala pa ring sumagot kaya napagdesisyunan ng mga itong buksan ang pinto. Pagbukas ng pinto ay malakas na napasigaw si Bea.

Nagulat sina Jacob sa sigaw na narinig, dali-dali ang mga itong pumunta sa kwarto ni Paulo. Laking gulat ng mga ito nang makita si Paulo na nakabulagta sa sahig habang may hawak na kutsilyo, wakwak leeg nito.

"Paulo!" sigaw ni Jacob. Lalapitan sana ito ni Jacob pero agad na napigilan ni Tim.

"Huwag kang lumapit, Jacob. Baka fingerprints mo ang makuha diyan. Pero putang ina. Sino ang may gawa nito?!" Hindi na nakontrol ni Tim ang emosyon at napaiyak. Pati ang mga babae ay umiiyak na din.

"Pare naman, sana hindi ganito ang ginawa mo kung natatakot ka kagabi," umiiyak na sambit ni Kristoff habang akay si Girly na umiiyak na din.

Napansin ni Nana ang nakasulat sa dingding na gamit ang dugo. 1 down, 6 to go. Iyon ang nakasulat. Mukhang ito lang ang nakapansin. Hindi na iyon sinabi ni Nana sa iba dahil dadagdag lamang ito sa iniisip.

Tumawag ang mga ito ng pulis. Walang nagawa ang magkakabarkada at hinayaan ang pulis na mag-asikaso doon. Dumating din ang pamilya ni Paulo, galit na galit.

"Mga wala kayong utang na loob! Bakit? Bakit ang anak ko pa? Bakit niyo pa kasi siya isinama?" galit na sigaw ng ina ni Paulo habang tumutulo ang mga luha.

Napayuko na lang ang magbabarkada habang patuloy sa pag-iyak. Si Nana naman ay malalim ang iniisip.

Siya kaya ang may kagagawan nito? Pero paano? tanong nito sa sarili.

UMUWI ang magbabarkada na lugmok at nanghihina dahil sa nangyaring trahedya. Nasa biyahe na ang mga ito.

"Sino kaya ang may gawa noon?" lakas-loob na tanong ni Bea.

"'Di ba parang nagsuicide siya?" tanong din ni Kristoff sa malungkot na boses. Ito ang pinaka-naapektuhan dahil ito ang pinakamalapit kay Paulo.

"Imposible 'yon. Bakit wala man lang siyang iniwang suicide note? At bakit kailangang hiwain pa niya ang leeg niya, hindi iyon madali. Puwede naman siyang magbigti para mas mabilis. May suspek talaga sa lahat ng ito," konklusiyon ni Tim.

Napaisip ang lahat dahil doon. Pero sino? Sino ang may gawa nito? Iyon ang mga tanong sa isipan ng magkakabarkada.

BUMABA si Nana mula sa van matapos nitong magpaalam sa boyfriend. Bago pa ito makapasok sa loob ng bahay ay naramdaman nitong may nakatitig dito. Lumingon ito at laking gulat nang makita si Aya na nakangisi.

Mas nagulat si Nana nang biglang humangin, para bang may dalang mensahe ang hangin na 'yon na nakarating sa tainga nito. Magbabayad kayo... Nanindig ang mga balahibo ni Nana. Dali-dali itong pumasok sa loob ng bahay pero nilingon muna uli nito si Aya. Wala na ito doon! Ang bilis naman ata?

Nang makapasok na si Nana sa kuwarto ay napahiga ito kaagad at nakatulog...

Nakikita ni Nana ang lahat ng nangyayaring pambababoy kay Tina at pananakit dito. Kanina ay sinampal ito ni Paulo kaya nakaupo ito ngayon sa lupa. Hindi na natutuwa si Nana sa nakikita, naaawa na ito sa kapatid. Naiinis siya kay Tina noon pa. Pero sa nakikita ngayon, sobra na ang ginagawa ni Paulo. Hindi ito ang dapat na nangyayari. Kaya nakialam na si Nana.

Pinilit ni Nana na tumayo at muling inawat si Paulo. "Ano ba? Tama na," bulyaw ni Nana. Awang-awa na ito sa kapatid.

Biglang tinabig ni Tim si Nana. Si Kristoff naman ay binuhat si Tina. "Saan niyo siya dadalhin?" tarantang tanong ni Nana sa mga ito.

"Huwag kang makialam dito, Nana," mariing banta ni Paulo. "At huwag kang magkakamaling magsumbong kung ayaw mong may mangyari rin sa 'yong masama."

Natahimik si Nana, nilamon ng matinding takot ang puso nito. Hindi alam ni Nana kung ano ang sunod na nangyari sa kakambal. Nawala na lang ito at hindi na rin nakapagtanong si Nana kina Paulo. Natatakot si Nana. Hindi nito alam kung buhay pa ba o hindi ang kakambal...

"Bakit hindi mo ako tinulungan Nana?"

Napalingon si Nana sa pinanggalingan ng boses at nakita ang kakambal. "Ti-Tina? Buhay ka?" tanong ni Nana.

"Tell me, Nana. Bakit?" may mga luha na si Tina habang nakatingin kay Nana, unti-unting nagbabago ang anyo.

Ang mukha ni Tina ay naaagnas na, ang mga mata ay parang nawala ang eyeballs at naging purong itim. Ang puti nitong bestida ay may bahid na dugo at putik. Amoy nabubulok na rin ito.

Unti-unting lumapit si Tina kay Nana. Gustong umatras ni Nana pero parang nakadikit sa sahig ang mga paa nito, hindi maihakbang.

"Magbabayad kayo. Magbabayad kayo, Nana. Magbabalik ako!" sabi ni Tina habang sinasakal si Nana.

Naimulat ni Nana ang mga mata nang maramdaman ang sampal galing sa ina.

"Hoy, Nana. Ano'ng nangyayari sa 'yo at nagsisisigaw ka diyan?" tanong ni Andrea.

"Binangungot lang po ako, 'Ma," sagot ni Nana.

"Bumangon ka na diyan bago pa lumamig ang agahan na inihanda ko."

Tumango si Nana. Lumabas na ng silid si Andrea.

Bangungot nga lang ba 'yon? Tina, maghihiganti ka ba talaga?