webnovel

Kabanata Dos: Pagbabago

NAKATINGIN pa rin si Yriel sa lalaki ngunit nananatili itong nakangiti sa kaniya. Tumayo siya at pinunasan ang mukha at saka humarap dito.

"Sino po kayo?" Tanong niya habang mahina pa ring humihikbi.

"Ako nga pala si Connor, naghahanap din ako ng batang aampunin eh," sabi nito at muli siyang nginitian. Pero hindi ganoon kaganda ang pakiramdam niya rito dahil hindi siya komportable sa mga ngiti nito.

"Ahh may nahanap na po ba kayo?" Tanong niya ngunit bumuntong hininga lang ito. Tumayo ang lalaki at tumango-tango.

"Ang totoo niyan ay wala pa, naghahanap ako ng batang aampunin. Iniwan kasi ako ng asawa ko dahil pinagpalit niya ako sa ibang lalaki at ang masaklap ay isinama niya pa ang anak namin. Isang taon na akong nangungulila sa isang anak kaya balak kong mag-ampon," malungkot na sabi nito kaya hinakawan naman ni Yriel ang kamay nito.

"Ang sakit naman po pala ng dinanas ninyo. Marami pong mababait na bata rito, hindi po kayo magkakamaling ampunin ang kahit sino sa kanila," nakangiti niyang sabi.

"Oo nga eh kaso gusto ko gaya ng anak ko, lalaki rin. 'Yong matapang at mabait gaya mo," sabi ng lalaki.

Napanguso naman si Yriel at napaisip, kung sasama siya sa lalaki ay malaki ang tsansang magkita na sila sa labas ni Angelette. Naisip niyang malaki ang posibilidad na madalas pa rin silang magkasama.

"A-ako na po ba talaga ang gusto niyong ampunin?" Paninigurado niya rito kaya tumango naman ito. "Nakita ko kanina ang pagiging matapang mo dahil may maganda kang puso. Naaalala ko ang anak ko sa'yo, minsan na siyang namatayan ng alagang aso. Nalungkot man ngunit sinikap niyang maging masaya pa rin kahit wala na ang kaisa-isa niyang kaibigan, naisip niyang mas maayos ang kalagayan nito sa langit," sabi ng lalaki kaya napangiti si Yriel.

Sa pagkakataong 'to ay gumaan na ang pakiramdam niya sa lalaki dahil naramdaman niyang mabuti rin itong tao. "Gano'n po ba? Kung ganoo'y puntahan na po natin si sister Eva para makapagpaalam na ako!" Masaya niyang sabi sabay hila rito.

"Talaga? Salamat hijo. Ano pala ang pangalan mo?" Tanong nito nang buhatin siya nito.

"Yriel po," sagot niya at humagikhik ngunit hindi pa sila nakakatatlong hakbang nang may magsalita sa likod nila.

Lalaki rin ito at nakasuot ng pulang polo at itim na pantalon. Nakasuot ito ng bowler cap, black mask at itim na shades. Matikas ang tindig nito at animo'y masamang tao dahil balot na balot ito.

"Sino ka?" Tanong ni Connor habang nakakunot ang noo. Inalis ng lalaki ang kaniyang salamin at patagong ngumisi.

"Hindi mo ba ako nakikilala Connor? Ibaba mo 'yang bata kung ayaw mong ngayon din ay tapusin ko ang buhay mo." Ma-awtoridad nitong sabi habang masama ang tingin sa kaniya.

"At bakit ko gagawin 'yon Reivehn?" Matapang na sabi naman ni Connor at ngumisi rin. Sa takot ni Yriel ay nagtago siya sa dibdib ng lalaki.

"Ibaba mo 'yang bata kung gusto mo pang makabalik sa impyerno. Isa!" Sigaw nito at biglang namula ang mga mata.

Sa takot ay wala ng ibang nagawa si Connor kun'di ibaba si Yriel. "Huwag mo po akong ibibigay sa kaniya!" Sigaw ni Yriel at pilit sumasama kay Connor ngunit umiling lang ito.

Agad naman hinila ng lalaking nakapula si Yriel at ikinulong ito sa mga bisig niya. Pilit kumakawala ni Yriel ngunit hindi niya magawa dahil sadyang mas malakas ito sa kaniya. Naramdaman din niyang mainit ang kamay nito kaya idinaan niya nalang sa iyak ang mga nangyayari.

"Tsk akala ko makukuha ko na ang an--"

Naputol ang sasabihin ni Connor nang tapatan siya ni Reivehn ng baril kaya itinaas niya naman ang dalawa niyang kamay na parang sumusuko ngunit nananatili siyang nakangisi.

"Dalawa! Huwag mo akong subukan Connor," sabi nito at nagtiim bagang habang masamang nakatingin sa kaniya.

Napailing-iling naman si Connor at tumingin kay Yriel. "Habang buhay kang hahabulin ng peligro bata," nakangising sabi ni Connor kay Yriel at saka biglang naglaho.

Ilang beses kinurap ng bata ang kaniyang mga mata kung totoo ba ang nakita niya. Lumingon siya kay Reivehn na nakasuot na ang salamin nito. "Anong ginawa mo sa kaniya?!" Sigaw niya rito.

Lumuhod naman ito sa kaniya. "Masama siyang nilalang Seraphiel, huwag mong kinakausap ang isang taong hindi mo naman kilala. Maraming mapagpanggap sa mundong 'to kaya mag-iingat ka, anak," sabi nito at gaya ni Connor ay naglaho na rin.

Naguguluhan man ay napaiyak nalang si Yriel sa kadahilanang umasa siyang magkakaroon na rin siya ng pamilya gaya ni Angelette at magkikita na sila ngunit nagkamali siya. Umapaw ang galit sa puso niya dahil nalinlang siya ng isang masamang nilalang.

Habang nakaupo sa likod ng puno ay hinayaan lang ni Yriel na ilabas ang mga luha niya. Maya-maya naman ay dumating na si sister Eva para sunduin siya.

"Y-yriel..." Tawag nito sa kaniya kaya pinunasan niya na ang basa niyang mukha.

"Tahan na anak, malay natin sa susunod may kukuha na sa'yo," mahinhing sabi ng madre kaya tumango nalang siya kahit naninikip ang dibdib niya.

"Opo sister..."

"Sino pala iyong kausap mo kanina at bakit ka sumisigaw?" Tanong ni sister Eva kaya umiling nalang siya.

Alam niyang kahit sabihin niya ang tungkol kina Connor at Reivehn ay hindi ito maniniwala sa kaniya gayong bigla nalang naglaho ang mga ito.

"Wala po, inilalabas ko lang ang nararamdaman ko," sagot niya habang nananatili pa ring nakayuko.

Tumango nalang ang madre at sinamahan siya sa loob para makapagpahinga na. Alas tres na rin ng hapon kaya naman oras na ng pagtulog nila.

Habang nakahiga siya sa kama ay hindi niya maiwasang mapaisip sa mga nangyari. "Bakit kailangang mawala agad ni Angel? Bakit biglang sumulpot ang dalawang mama kanina? B-bakit kailangan kong masaktan?" Tanong niya sa sarili habang umiiyak pa rin sa unan.

Hindi niya matanggap ang mga nangyari, kung bakit ito biglaan. Iniisip niyang sana naging handa siya para hindi siya lubos na nasasaktan ngayon. Na sa murang edad ay hindi niya dapat nararanasan ang mga ito.

SAMANTALA, pauwi naman sa bahay nila Mr. at Mrs. Dy sila Angelette. Habang nasa loob ng sasakyan ay tahimik lang ito at walang balak kumibo. Kanina pa siya kinakausap ni Porschia ngunit nakadukdok lang siya sa bintana.

"Mula ngayon Calli na ang pangalan mo. Calli Lhorain Dy, ang ganda 'di ba?" Masayang sabi ni Porschia pero hindi pa rin siya nililingon ni Angelette.

"Anak, kausapin mo naman kami ng Daddy mo."

Sa pagkakataong 'to ay humarap na siya sa kanila ngunit malungkot pa rin ang mukha. Iniisip niya kung anong ginagawa ni Yriel ngayon at kung maayos lang ba ang kalagayan niya. Pinunasan naman ni Philip ang pisngi niya gamit ang isa nitong kamay, nakakandong kasi siya sa harap kay Porschia.

"Huwag ka ng umiyak, bukas dadalawin natin si Yriel," sabi ni Philip kaya napangiti naman si Angelette. Naisip ng mag-asawa na si Yriel lang ang tanging makakapagpasaya sa kaniya ngayon dahil naninibago pa siya.

"Nagustuhan mo ba ang bago mong pangalan?" Muling tanong ni Porschia kaya tumango naman si Angelette at pilit na ngumiti.

Ilang saglit pa ay nakarating na rin sila sa malaking bahay ng mga Dy at labis na namangha si Angelette nang makita kung gaano ito kaganda at kalaki.

"Wow ang ganda po ng bahay niyo!" Natutuwang sabi niya habang papasok sila sa loob.

"Bahay mo na rin ito hija," sabi naman ni Philip at ibinaba ito.

Nang nasa sala na ay napansin ni Angelette ang isang lalaki, higit na mas matanda sa kaniya. Napatingin ito sa kaniya at ngumiti ito. "Hi, ikaw na ba ang bago kong kapatid?" Tanong nito at tinanguan niya naman ito.

"Opo, ako po si Angelette," pagpapakilala niya sa kaniyang sarili.

Naupo naman sa sofa sila Mr. at Mrs. Dy katabi niya. "Siya si Phoenix Petron Dy, siya ang kuya mo," sabi ni Porschia habang hinahawi ang mga hibla ng buhok na tumatabing sa mukha ni Angelette.

"Talaga po?" Tanong niya at masayang tumango naman si Mr. Dy.

"Hello, halika nga rito at payakap si kuya!" Masayang sabi naman ni Phoenix at niyakap ang bago niyang kapatid.

Pumunta naman sa kusina si Porschia para gawan ng meryenda ang magkapatid samantalang umakyat naman papuntang kwarto nila si Philip para magbihis.

"Ilang taon ka na Angelette?" Tanong ni Phoenix nang ikandong niya sa kaniya ang kapatid.

"9 po ikaw?"

"15. Masaya ako dahil ikaw ang maging kapatid ko," mahinang sabi nito habang hinahaplos ang pisngi niya.

Nakaramdam naman ng kakaiba ang batang babae dahil sa ginagawa ng kuya niya. Tumingin siya sa mga mata nitong medyo mapula at napagtanto niya talagang may kakaiba. Hindi nalang iyon pinansin ni Angelette at inisip nalang na masasanay din siya sa bago niyang pamilya.