"Nakita mo ba si Kuya Fernan?" Tanong ni Manuel sa isang binatang kumakain ng adobo sa gitna ng selebrasyon.
Nagkibit-balikat lamang ang may katabaang binata kaya't nagtanung-tanong ulit si Manuel sa iba pang mga bisita.
Nang halos lahat ng tao sa silid-tanggapan ng mansyon ay hindi alam kung nasaan si Fernan ay umakyat na si Manuel upang sa taas naman maghanap. Dumiretso siya sa kuwarto ng kuya at kumatok bago magtangkang buksan ito at nagulat siya nang pagpihit niya ng busol ay bumukas ang pinto kaya naman pumasok na siya.
"Kuya Fernan?" Tawag niya ngunit walang sumagot.
Lalabas na sana siya nang maagaw ang kaniyang atensyon ng isang maliit na kuwadernong nakapatong sa lamesa ng kuya kasama ang ilang mga libro at ilan pang mga kuwaderno. Lumapit siya sa lamesa upang tignan ang kuwaderno at nang makita na ito nang malapitan ay naalala niyang ito ang kuwadernong laging bitbit ng kaniyang Kuya Fernan saan man ito magpunta.
'Mukhang tinanggal niya ang kuwadernong ito sa kaniyang uniporme nang magpalit siya kaninang umaga at napagpasyahang huwag nang dalhin sapagkat sa bahay lang naman siya pagkatapos sa simbahan.' Naisip ni Manuel at kinuha ang kuwaderno.
Ang kuwadernong ito rin ang kinuha ni Fernan mula sa kaniyang bulsa nang lokohin niya si Niño na may ahas sa magubat na bahagi ng hacienda Enriquez, parehong kuwadernong nais malaman ni Andong kung para saan ngunit sinabi lang ni Fernan ay listahan ito ng mga utang.
Binuklat ni Manuel ang maliit na kuwaderno at pinalipat-lipat ang mga pahina nito.
'May talaarawan pala si Kuya Fernan.' Nasabi ni Manuel sa sarili matapos makita ang sunud-sunod na petsa sa bawat pahina ng kuwaderno.
Nahinto siya sa paglipat ng mga pahina nang mapunta sa pahina kung saan may nakaipit na papel. Kinuha niya ang papel at binuklat ito mula sa pagkakatupi at nakitang may iginuhit na larawan sa papel na iyon.
Larawan ng isang babaeng may kwintas. Napansin ni Manuel na mga letra ang nasa kwintas ng babae sa larawan kaya tinignan niya itong mabuti at nagulat nang mabasa ang pangalang 'Juliet.'
Agad na tinignan ni Manuel ang pahina kung saan nakaipit ang papel at nakita ang petsang Mayo 31, 1899 at binasa niya ito.
Mayo 31, 1899
Maaga kaming nagtungo nila Niño at Andong sa daungan ng Maynila upang umuwi sa aming mga tahanan. Nakasabay namin sina Ginoong Palma, Ginoong Alba at Ginoong Delos Santos na pawang uuwi rin sa San Sebastian upang makipista. Nang magsisimula na ang sayawan ay lumabas na kami sa aming mga silid at tutungo na rin sana ako sa baba ng bapor upang sumali sa sayawan nang mamataan ko ang mang-aalahas na anak ni Don Horacio, si Ginoong Caden Cordova. Naalala kong nais nga pala ni Pia ng pasalubong at regalo na rin para sa kaniyang nalalapit na kasal kaya minabuti ko nang maglakad patungo sa ginoo nang mapansin ko ang dalagang kaniyang kasama. Mestisahin ito't mukhang mahiyain. Mamula-mula ang kaniyang pisngi marahil na rin siguro sa init ng sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha. Pinagmasdan ko siyang bumaba kasama si Ginoong Cordova at mukhang tuwang-tuwa siya sa kaniyang nakikita na ipinagtaka ko. Bakas sa kaniyang mukha na ngayon palang siya nakakita ng mga bagay na nakikita niya nang mga sandaling iyon kaya naman naisip kong maaaring galing siya sa ibang bayan. Hindi nakalampas sa aking paningin ang kulay ginto niyang kwintas na hindi ko mawari kung ano ang nakasulat kaya't bumaba na ako at lalapit sana sa kaniya nang paligiran siya ng mga kalalakihan. Nagtaka ako nang bigla ring mag-alisan ang mga lalaking kanina lang ay pumalibot sa kaniya atsaka ko nakita si Niño na lumapit sa dalaga at yayain itong magsayaw. Ngayon ko lang naramdaman ang matinding pagkadurog ng aking puso nang makita kong magkasama silang pumunta sa sayawan ngunit ngayon ko lang din nakita ang mapupungay na mga mata ni Niño na umaliwalas nang ganoon kaya umatras ako sa sayawan at piniling manood nalang. Halong pagkabigla at pagkabigo ang naramdaman ko habang nanonood. Sa dinami-rami ng mga kababaihan dito ay sa iisang dalaga pa kami parehong nahumaling ng kaibigan kong tinuturing ko nang kapatid. Tahimik akong nanood at pinagmasdan kung paano sila magsayaw at dahil dito, sa wakas ay nabasa ko na rin nang maayos ang nakasulat sa kwintas ng dalagang bumihag sa aking puso... Juliet.
Agad na ibinalik ni Manuel sa pagkakatupi ang papel na nakaipit sa kuwaderno at ibinalik ang lahat sa dati nitong ayos pagkatapos niyang mabasa ang entrada ng kaniyang Kuya Fernan sa talaarawan nito. Sa gulat at pagkatarantang baka'y mahuli siya ng kuya ay halos magkandapatid-patid na siya paglalakad palabas ng silid.
Lumabas siya sa kuwarto ng kuya na para bang walang nangyari. Bumaba siyang muli sa malawak na silid-tanggapan kung nasaan ang mga panauhin na nagkakasiyahan.
Nang kalmado na siya ay napatingin siya sa dalagang panay ang masid sa paligid at nakilala niya ang dalaga na si Emilia, ang nakababatang kapatid ni Andong na matalik ring kaibigan ng kaniyang Kuya Fernan. Lumapit siya rito.
"Mukhang may hinahanap ka, binibini." Sabi ni Manuel na ikinagulat ni Emilia dahil bigla nalang sumulpot ang binata.
"Kapatid ka ni Koronel Fernandez, hindi ba?" Tanong ng dalaga kaya't napakunot ang noo ni Manuel.
"At ano ang pakay mo sa kuya ko?"
"P-Paano mo nasabing ang kuya mo ang pakay ko?" Nagtataray na tanong ni Emilia.
"Pangalan niya ang unang binanggit mo kaysa kay Ate Pia na siyang dahilan ng selebrasyon na ito. Maaari mong sabihing kapatid ako ni Ate Pia ngunit pinili mong banggitin ang pangalan ni Kuya Fernan kung kaya't ipinahahayag lang nito na siya rin ang magiging paksa ng mga susunod mo pang sasabihin sa akin." Sagot ni Manuel.
Napatitig nalang si Emilia kay Manuel na nakabuking sa kaniya dahil wala na siyang maisip pang idahilan.
"May gusto nang ibang dalaga ang Kuya Fernan ko kaya sana'y huwag mo na siyang guluhin pa." Diretso ngunit mahinhin pa rin na sabi ni Manuel at tatalikod na sana upang umalis na nang sumagot si Emilia.
"Pero hindi ba't si Binibining Cordova lang naman ang may gusto sa kanilang dalawa?"
Halos magpanting ang tainga ni Manuel sa narinig lalo pa't ngayong alam na niya ang buong katotohanan sa likod ng sikreto ng kaniyang kuya, dalagang gusto nito, at kaibigan nito na gusto rin ang dalagang gusto ng kaniyang kuya.
Humarap siya sa dalaga at tumingin nang diretso sa mga mata nito.
"Nagkakamali ka kung inaakala mong si Binibining Juliet lang ang may pagtingin sa aking Kuya Fernan." Diretsong saad ni Manuel at tuluyan nang umalis.
Sa kabilang banda, nakatingin pa rin sa kawalan si Juliet na nasa isang hardin 'di kalayuan sa mansyon. Iniisip pa rin niya ang liham na ibinigay ni Niño. Natigil lang siya sa pagtitig sa kawalan nang may lumapit sa kaniyang isang binatang mestisohin.
"B-Binibining Juliet..." Tawag ng binata kaya tumayo naman si Juliet para lumapit sa kaniya.
"Siguro'y medyo pamilyar ka na sa mukha ko." Nahihiyang tawa ng binata at ngumiti nalang si Juliet kahit na 'hindi ko nga siya kilala, paano siya magiging pamilyar sa akin? Myghad!' ang tumatakbo sa utak niya.
"Ilang araw na rin akong nagpapabalik-balik sa hacienda Cordova upang masilayan ka kaya naman ngayon, nais kong sabihin na ang matagal ko nang gustong sabihin." Sabi ng binata kaya kinabahan naman si Juliet.
'Omygosh, don't tell me...' Naisip ni Juliet nang huminga nang malalim ang lalaki at nagsimula na.
"Binibining Juliet, nais kong malaman mo na mahal k—" Naputol ang sasabihin ng lalaki nang makita si Niño mula sa likod ni Juliet 'di kalayuan sa kanila. May dala itong baril at sa likod nito ay naroon sina Andong at Fernan na may hawak ring mga armas. Kinasa pa ni Andong ang hawak na baril gamit lang ang isang kamay habang hinahasa naman niya sa baril ni Fernan ang patalim na hawak sa kabila niyang kamay.
"Mahal . . . ?" Tanong ni Juliet na naguguluhan sa nais sabihin ng binata.
Napalunok ang binata bago ibalik ang tingin kay Juliet. "M-Mahal... mahal-ka-ng-Diyos!" Nagmamadaling sabi ng binata atsaka kumaripas ng takbo.
'Alam ko naman 'yun, bakit kailangan pa niyang sabihin? Hmm... well, baka alagad siya ng simbahan na nagpapalaganap ng salita ng Diyos.' Naisip nalang ni Juliet at babalik na sana sa pagmumuni-muni nang biglang sumulpot si Niño.