webnovel

Camino de Regreso a Ti

Si Juliet ay isang mag-aaral ng medisina sa kasulukuyang panahon at magtatapos na sana sa susunod na taon nang madawit siya nang hindi inaasahan sa paglalakbay ng isang misteryosong lalaki. Napunta siya sa mundong malayo sa mundong kaniyang kinagisnan. Makabalik pa kaya siya sa sarili niyang mundo o matututunan na rin niyang mahalin ang bagong mundong kabibilangan niya?

PlayfulEros · 历史言情
分數不夠
98 Chs

XLVII

Ika-15 araw ng Agosto, taong 1899 at araw ng Martes. Maagang nagtungo si Niño sa daungan ng bapor nang mabalitaang babalik na mula sa Dagupan ang kaibigang si Fernan kaya sinalubong niya ito pagkababa sa barko. Isasama sana niya si Andong ngunit sinamahan nito ang ang kuyang si Jose Hernandez sa pag-aasikaso ng hacienda at mga tauhan nila dahil palapit na ang taglamig.

"Maganda yata ang gising mo?" Nakangiting sambit ni Fernan nang makita ang maaliwalas na mukha ng kaibigang sumalubong sa kaniya.

"Aba'y siyempre naman! Sa wakas ay umuwi ka na rin!" Sagot ni Niño at naglakad na sila patungo sa karwaheng sasakyan patungong Hacienda Fernandez. Ipinasok na nila ang mga bagahe sa loob pati na rin ang ilang gamit ni Pia na si Fernan na ang nagdala. Dala rin kasi ni Alejandro na asawa ni Pia ang sariling bagahe at ang bagahe ng asawa kaya't tinulungan na siya ni Fernan.

"Kamusta sa Dagupan?" Tanong ni Niño habang hinihintay nila sina Pia at Alejandro at nagbago naman ang ekspresyon sa mukha ni Fernan.

"Naroon si Goyo. Gabi-gabing nakikipista. Nagpasikat pa nga sa kabayo niya." Pailing-iling na sagot ni Fernan.

Napabuntong-hininga nalang si Niño.

"Pagpalain ka nawa, Pilipinas."

"Oo nga pala, nagdadalang-tao na si Pia." Sabi ni Fernan na ikinatuwa ni Niño.

"Sa Dagupan pa nga yata nabuo." Mahinang biro pa ni Fernan dahil malapit na sa kanila ang mag-asawa at nagtawanan sila ni Niño.

Nang makarating sila Pia at Alejandro sa kanila ay agad na binati ni Niño ang mag-asawa at inalalayan nila si Pia sa pagsakay sa karwahe atsaka sila sumakay at nagtungo sa Hacienda Fernandez. Habang nasa karwahe ay kinu-kuwentuhan ng magkapatid na Fernandez si Niño tungkol sa mga nangyari sa Dagupan at mga kamag-anak nila roon. Pagkatapos ay sila naman ang nagtanong kay Niño tungkol sa mga nangyari sa San Sebastian nang wala sila at sa kaniya.

Lumawak naman ang ngiti ni Niño atsaka ibinuka ang labi upang magsalita.

"Ikakasal na ako sa katapusan ng Setyembre."

Halos mapatalon si Pia sa gulat at galak sa narinig kaya't pinakalma siya ng asawa samantalang halong gulat, pagtataka, at kaba naman ang bumalot kay Fernan.

"Kanino, Heneral?" Tanong ni Alejandro.

"Kay Rosario ba?" Tanong ni Pia habang naghihintay lang ng sagot si Fernan.

"Hindi." Sagot ni Niño. "Kay Juliet."

Sandaling tumahimik ang buong karwahe dahilan para mas lalong maramdaman ni Fernan ang unti-unting pagkawasak ng kaniyang puso. Lumingon si Pia sa kapatid at kitang-kita niya sa mga mata nito ang sakit na nadarama kaya naman umarte siyang nahihilo upang mapunta sa kaniya ang atensyon at mawala na sa usapan ang nalalapit na kasal ni Niño at Juliet na kaibigan niyang iniibig din ng kaniyang kuya.

"A-Ayos ka lang ba? Anong nararamdaman mo, mahal?" Natatarantang tanong ni Alejandro.

"Paumanhin, p-paumanhin, hindi ko sinasadyang biglain si Pia." Natatarantang saad ni Niño.

Agad namang dumiretso ang karwahe nila sa pagamutan ni Angelito Custodio kung saan din tumutulong si Juliet para isugod si Pia. Halos mabato si Fernan sa kinatatayuan nang makita ang dalagang laman ng kaniyang puso na ikakasal na nga pala sa kaniyang matalik na kaibigan.

Mas lalo pang nadurog ang puso niya nang masaksihan ang palitan ng mga sulyap ng dalawa kaya itinuon nalang niya ang atensyon sa kapatid na hinimatay at inalalayan si Alejandro na buhat si Pia.

Pasimpleng sumilip si Pia upang malaman kung nasaan siya at nang malamang nasa pagamutan kung nasaan ang kaibigang si Juliet na iiwasan nga sana nila para sa kaniyang Kuya Fernan ay gusto na niyang bumangon bigla at sabihing ayos na siya para maligtas na ang kapatid sa pinagdadaanan nito.

'Sa dami ba naman ng pagamutan ay bakit dito pa? O Diyos ko, tulungan mo naman po akong iiwas ang aking kuya sa sakit na ito kung maaari lang.' Naisip ni Pia habang nagpipikit-pikitan at nagpapanggap pa rin na walang malay.

Pinigilan niya ang sarili dahil nakiliti siya nang hawakan siya ni Juliet sa may leeg upang tignan ang pulso niya. Ilang segundo pa siyang nagtiis ngunit hindi na niya nakayanan kaya naman nagpanggap siyang nagising na.

"Pia! Ayos ka lang ba? Anong nararamdaman mo?" Tanong ni Juliet habang patuloy pa rin sa pagpapanggap si Pia.

"A-Ayos lang... ano ba ang nangyari?" Pagpapanggap ni Pia na nagising mula sa pagkakahimatay.

"Kakagaling lang natin sa daungan at nakuwento kong ikakas—" Agad na pinutol ni Pia si Niño na babanggitin na naman ang tungkol sa kasal nila ni Juliet.

"Oo nga pala! Naalala ko na. Pasensiya sa abala at nagulat lang talaga ako pero halika na at umuwi. Ayaw ko ring mag-alala sila Ama at Ina kaya't huwag nang iparating sa kanila ang pangyayaring ito, maaari ba?" Sabi ni Pia at pumayag naman ang mga kasama.

Tumuloy na nga sila patungong Hacienda Fernandez. Pagkarating ay ramdam ni Pia na magku-kuwento at magku-kuwento si Niño kay Fernan at wala naman na siyang magagawa dahil hindi naman siya puwedeng dumikit nalang sa kuya kaya naman ipinagpasa-Diyos nalang niya ang durog na puso ng kapatid.

Maraming salamat sa pagbabasa!

- E

PlayfulEroscreators' thoughts