webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Thành thị
Không đủ số lượng người đọc
165 Chs

Ang Lamang Mo Lang ay Maswerte Ka

Nakatitig din sa kanya si Lin Che at nakamasid lang habang siya'y nagsasalita, "Okay, okay. Naintindihan ko na."

Pinangunahan nito ang bakasyong iyon dahil iyon ang dapat nitong gawin. Kapag gusto talagang magpalusot ng lalaking ito ay marami itong alam na idadahilan.

Hindi na rin nakipagtalo pa si Lin Che.

Kinabukasan ay naghanda na silang lahat para umuwi.

Ayaw pa sanang humiwalay ni Mu Wanqing kay Lin Che dahil ayon dito ay palagi silang mga busy at hindi man lang nakakadalaw sa mansyon kahit na malapit lang iyon sa kanila. Bago tuluyang maghiwalay ay sinabihan nito si Lin Che na bumisita doon paminsan-minsan na siya namang tinanguan ni Lin Che.

Naunang umalis sina Mu Wanqing sakay ng eroplano. Sumunod din sila ni Gu Jingze.

Habang sakay sa plane ay panay ang tingin ni Lin Che sa kanyang mga litrato kung saan nandoon siya sa beach.

Pinansin siya ni Gu Jingze, "Magaganda ang lahat ng iyan; hindi mo na kailangang mamili diyan."

"Kung sabagay, maganda naman kasi talaga ang balat ko, kaya maganda din ang lahat ng larawan ko."

Totoo naman eh.

Hindi naman siya pangit, kung tutuusin.

Pero, nakatingin pa rin sa kanya si Gu Jingze at sinabing, "Oh sino ngayon ang masyadong mataas ang bilib sa sarili?"

NIlingon niya ito. "Hmm, ano namang mali doon? Nang dahil sa itsura kong ito ay nakatagpo ako ng isang asawang katulad mo. Ibig sabihin ay walang pangit sa akin, di ba?"

Kumurap nang ilang beses si Gu Jingze. Hindi niya pwedeng kuntrahin ang sinabi nito. "Kung sabagay. Tama iyang sinabi mo."

Nagpatuloy ito, "Iyan ang lamang mo."

"Huh?"

"Maswerte kang babae, kaya nakatagpo mo ako."

"Bahala ka sa buhay mo!"

Hindi nagtagal ay nakauwi na sila. Binuksan ni Lin Che ang TV at pumunta sa news channel. Nakita niyang pinapalabas pa rin ang reality show na sinalihan niya. Marami pa rin ang mga magagandang komento tungkol sa kanyang pagiging inosente. May ilan pa nga na ipinakita ang kanyang larawan na wala siyang gamit na makeup. As in, natural lang niyang mukha. Pero hindi niya inaasahan na pati iyon ay magugustuhan ng mga tao.

Ganoon pa man, may iilan pa ring mga naiinggit at nagsasabing nagparetoke siya kaya walang dapat na ikahanga sa kanya. Ayon sa mga iyon, ipinagawa niya lang daw ang matangos niyang ilong.

Hindi napigilan ni Lin Che na mapabuntung-hininga. Sadyang may mga tao talagang ganito. Kahit na gustuhin man niyang subukan na magparetoke para naman mas maging kaaya-aya ang kanyang pagiging artista, wala pa siyang pera nang mga panahong iyon. Akala nila ay madali lang ang magpaayos ng mukha? Mahal ang binabayaran sa mukhang iyon!

Nang gabing iyon ay niyaya siya ni Qin Wanwan na kumain sa labas. Hindi naman iyon masama, aniya. Makakatulong iyon sa kanya para magkaroon pa ng mas maraming kakilala dahil nga mas nauna itong pumasok sa industriyang ito kaysa sa kanya. Napakaliit pa rin ng mundo niya bilang artista at iilan lang ang kaibigan niya dito. Kung sarili niya lang ang kanyang aasahan ay tiyak na hindi siya magtatagal sa industriyang ginagalawan.

At isa pa, nararamdaman naman niyang mabuting tao si Qin Wanwan. Umaasa siya na sana nga ay marami siyang matutunan mula dito.

Kaya pagsapit ng gabi ay pumunta si Lin Che sa address ng club na sinabi sa kanya ni Qin Wanwan. Isang pribadong silid ang kinuha ng kaibigan at marami siyang nakitang mga artista doon.

Nakaupo si Qin Wanwan sa bar counter. "Walang nakakapasok na mga reporter dito kaya huwag kang masiyadong mag-alala. At, nagpupunta dito ang mga katulad natin para mag-enjoy. Hindi magtatagal at marami ka kaagad makikilala dito."

Totoo ngang maraming mga artista na nandoon, at karamihan sa kanila ay mga matagal na sa industriya. Marami ring lumapit sa kanila para bumati kay Qin Wanwan.

Naiinggit na sinabi ni Lin Che kay Qin Wanwan, "Ang dami mo talagang kaibigan. Wala talaga akong kilala sa mga nandito. Tsk. Ito talaga ang kahinaan ko. Hays."

"Ganyan din naman ako noong nagsisimula palang ako, eh. Pero sa kalaunan ay mas nasanay nalang din ako. Okay lang 'yan. Dahan-dahan kitang tuturuan," tinapik ni Qin Wanwan ang balikat ni Lin Che habang nagsasalita.

Noon din ay may nagsalita mula sa likuran nila, "Lin Che? Bakit ka nandito?"

Sinundan ni Lin Che ang boses na iyon at paglingon niya'y nakita niya si Gu Jingyu.

Nabigla rin siya. "Bakit ka nandito? Talaga naman oh. Pakiramdam ko talaga ay isa kang anino. Palagi nalang kitang nakikita."

Umupo si Gu Jingyu at tumingin kay Lin Che. "Paminsan-minsan lang naman akong pumupunta rito. Kung nagkataon mang nagkita tayo dito, eh ibig sabihin ay talagang pinagtatagpo tayong dalawa. Ano namang ikinagugulat mo?"

"At sino namang may gustong makatagpo ka? Pambihira talaga."

Kung nagkataon mang nagkita sila kahit hindi sinasadya ay nangangahulugang magiging laman na naman siya ng balita at susugurin na naman ng mga fans nito. Palagi nalang siyang nagtitiis dahil sa lalaking ito.

Tinanong siya nito, "Paano mo nalaman ang lugar na ito?"

Biglang may naalala si Lin Che at humarap para ipakilala ang kaibigang nagdala sa kanya sa lugar na iyon, "Si Qin Wanwan nga pala."

Tiningnan ni GU Jingyu ang kanyang kasama at tipid na ngumiti, "Oh, hello."

Sumagot kaagad si Qin Wanwan, "Gu Jingyu, alam mo bang matagal mo na akong tagahanga. Napanood ko na lahat ng iyong mga pelikula at teleserye, at hindi ko alam kung narinig mo na ito, pero sa tingin ko'y magkakasama tayo sa isang show sa susunod."

Nakangiti pa rin si Gu Jingyu. "Oh, talaga ba? Lahat kasi ng mga usaping may kinalaman sa trabaho ay ang kompanya ang humahawak para sa akin, kaya wala akong alam tungkol diyan."

Ngumiti rin si Qin Wanwan. "Kung ganoon, umaasa ako na magiging maganda ang pagtatrabaho natin nang magkasama."

"Hm."

Napakasigla ni Qin Wanwan. Tumawag ito ng waiter at nag-order ng maiinom nila at sinabi pang ililibre sila nito. Matipid naman ang naging sagot ni Gu Jingyu at pagkatapos ay may ibinulong kay Lin Che. "Hindi ka pa ba uuwi? Ihahatid na kita."

Napansin ni Lin Che na malalim na ang gabi, kaya humarap siya kay Qin Wanwan at sinabing, "Mauuna na akong umuwi."

Tiningnan ni Qin Wanwan si Gu Jingyu at halatang nalungkot. "Ang aga niyo namang umuwi. Pero di bale. Sa susunod nalang ulit."

"Okay."

Tumayo si Qin Wanwan at inihatid silang dalawa sa labas. Nang umalis muna si Gu Jingyu para kunin ang kotse ay tinapik siya ni Qin Wanwan. "Mukhang maganda talaga ang relasyon ninyong dalawa ni Gu Jingyu."

Sumagot si Lin Che, "Siguro."

"Palagi kasi talagang malamig makitungo si Gu Jingyu. Madalang lang ang makita namin siya na magkaroon ng kaibigan. Nakita mo naman diba? Halos hindi nga niya ako pinansin."

Matipid na ngumiti si Lin Che. "Medyo naweweirduhan nga rin ako sa kanya, eh. Pero okay naman siya kapag mas nakilala mo na siya. Hindi ba't magkakasama kayo sa isang show? Kapag natapos na ang inyong filming ay tiyak na mas makikilala mo pa siya."

"Pero kahit na, naiinggit talaga ako sa'yo. Nagawa mong makipagkaibigan sa isang big shot na katulad niya. Ang swerte mo."

"Iyon nga eh. Pero hindi kami gaanong magclose. Hindi naman din nagtatagal ang pag-uusap namin."

"Hindi mo ako naiintindihan. Napakahirap makalapit sa isang taong katulad niya. Gusto nila na sila lang palagi sa mundo nila, lalo na si Gu Jingyu. At sobrang yaman din ng pamilya niya. Hehehe. Iyong tsismis tungkol sa inyong dalawa? Hindi ba talaga iyon totoo? Pwede mo naman kasing sabihin sa'kin kahit na totoo man ang kumakalat na isyu. Promise, wala akong ibang pagsasabihan."

"Oo naman, tsismis lang iyon, ano! Ikaw mismo diba, nakita mo naman. MAgkaibigan lang kami!" Mabilis na sagot ni Lin Che.

"Oo na, oo na. Sige na, umalis na kayo. Hwag mong pag-antayin nang matagal si Gu Jingyu. Isama mo siya sa susunod ah."

"Okay…"

Nagpaalam na siya kay Qin Wanwan. Lumabas na siya sa club at sumakay sa kotse ni Gu Jingyu. Sinabi niya dito ang lugar at tinanong naman siya nito, "Bakit kasama mo siya?"

Sumagot siya dito, "Nagkasama kami sa isang show kamakailan lang. Inaasikaso niya at tinuturuan at pakiramdam ko ay napakadali niyang pakisamahan. Hindi kasi ako ganoon."

Hindi alam ni Gu Jingyu ang isasagot, "Ikaw talaga… Sa utak mong iyan, lagi mong tandaan na hindi ka dapat nakikisama sa mga taong ganyan. Hindi mo kaagad mahahalata kung niloloko ka lang pala."

"Imposible… Bakit niya naman ako lolokohin? At isa pa, pwede bang tigilan niyo na akong lahat sa pagsasabing mahina ang IQ ko?"

Sumagot si Gu Jingyu, "May iba pang tao na katulad ng iniisip ko sayo? Mukhang mababa nga talaga ang IQ mo… Ah basta, wag kang masyadong maging malapit sa kanya."

Sumimangot si Gu Jingyu, "Hindi ako komportable sa twing tinitingnan siya. Hindi ko siya gusto."

Mabilis na sumingit si Lin Che, "At kahit kailan ay hindi pa kita nakita na may nagustuhan ka…"