webnovel

/1/ Ang Kaharian ng Nahalin

○●○

-----------------------------------------------------------------

Sa kaharian kung saan naghahalo ang amoy ng maputik na tubig at ang hangin mula sa maalat na dagat, isang lugar na sagana sa natural na yaman kung saan bawat umaga'y unang hahalik sa iyong pisngi ang matamis na simoy ng hangin mula sa bagong ararong bukid, siksik sa mga puno ng mangga na hitik na hitik sa matatamis na bunga ang mga kapatagan nito at halos bawat lingon ay palayan at maisan.

May pastulang singlawak ng karagatan na pinuno ng ibat ibang klase ng hayop gaya ng baboy, tupa, kambing, kalabaw, baka, kabayo, at mga manukan at pinapastol ng lagpas 100 kalalakihan na nagsisilbi sa rajah ng lugar. Ito ay ang Kaharian ng Nahaleen, ang kaharian ni Sri Ukob.

Biniyayaan ang kanyang kaharian ng sobra-sobrang likas-yaman na araw-araw, bawat pagsikat ng araw sa silangan ay buntong hininga niya ang pasasalamat sa Bathalang lumikha. Kasama niya sa pamamalalad ang anak ng kanyang kapatid, ang kanyang pamangkin na si Sri Hamabar.

Sampung taon na ang lumipas mula nang mabalitaan ni Sri Ukob ang pagkamatay ng kanyang ama mula sa kamay ng mga Magalos. Nagulat at naghinagpis man sa sinapit ng kanyang ama, hinangaan niya parin ito dahil sa ipinamalas na kabayanihan. Ngunit, ipinag-alala niya ang kanyang inang si Reyna Daling, dahil kahit ni isang patak ng luha ay hindi nya nasilayan mula sa mata ng ina.

Alam ni Sri Ukob na naghihinagpis din ang Reyna sa kaloob-looban nito, ngunit kailangan magpakatatag ang Reyna para sa emperyo ng kanyang yumaong asawa. Matagal na panahon na ang lumipas ngunit ang kwento ng kabayanihan ni Sri Lumay ay usap-usapan padin ng kanilang mga tauhan. Lalo na at isang palatandaan sa malagim na sinapit ang dalagang si Daya, na ngayo'y magdiriwang ng kanyang ika-18 kaarawan.

Maagang gumising ang buong kaharian upang maghanda sa kaarawan ng ulilang prinsesa. Mula nang matagpuan nila ang batang si Daya na palutang-lutang sa karagatan at kinupkop na sya ng palasyo ng Nahaleen ay itinuring na ni Sri Ukob na anak ang batang iyon at isa sa mga maharlika ng lugar.

Nag-ihaw sila ng baka, baboy, tupa at inihanda sa isang mahabang mesa sa bulwagan ng palasyo para sa mga panauhin sa pagdiriwang mamayang gabi. Nangako ang Rajah ng Sialo na siya ay dadalo sa pagdidiwang, pati na ang reyna ay dadalo rin.

Napabuntong hininga si Sri Ukob habang nakadungaw sa kanyang malaking bintanang bato ng kanyang kwarto at nakatingin sa malawak na kalupaan ng Nahaleen.

"Halos handa na ang lahat..." Sabi ng matandang rajah,"Nasaan na kaya si Daya..." dagdag niya.

Samantala...

"Bilisan mo Hamabar... mabagal kapa sa pagong!!!" pagsaway ni Daya sa kaibigan. "Dali at nang mahuli natin ang mabantot na Tikbalang na yun!"

Hingal na hingal si Hamabar, nasa gubat kasi sila ni Daya at hinahabol ang Tikbalang na namiminsala sa isang nayon malapit sa palasyo.

"Alam mo, para sa isang babae,...ang bilis mong tumakbo..." Labas dilang reklamo ni Hamabar.

"Alam mo Hamabar, para sa ilang lalaki...hmmmm" sandaling tumigil si Daya para mag-isip. "...masyado kang madaldal..." tawang sabi ni Daya.

Tumaas ang nguso ni Hamabar sa narinig. Magkababata sila ni Daya at sabay silang lumaki sa palasyo. Sabay silang tinuruang magbasa at magsulat at makidigma at aminado si Hamabar na pangalawa lang sya kay Daya sa galing nito sa pakikipaglaban. Sa tuwing nangangaso sila ay tila ba may ibang sumasapi kay Daya kapag hawak nito ang sundang.

Ang kakaibang kulay apoy na mga mata nito ay nagiging 'sinlamig ng yelo kapag nanghuhuli ng bibiktimahing baboy ramo. Kagaya ngayon, ang buong atensyon ni Daya ay nakatuon sa pagtalo sa tikbalang na takot na takot na tumakas nang makita ang malalamig na titig ng dalaga.

Titig ng isang taong handang pumatay ng sinumang haharang sa kanya. Tila isang rosas si Daya, maganda, mabango, nakakahalina, ngunit matinik at nakakasugat.

"Alam mo Daya, kung hindi mo babaguhin yang ugali mo, hinding-hindi ako magpapakasal sayo..." pabirong sabi ni Hamabar.

Ngunit hindi sya pinansin ng dalaga. Bagkus, itinaas nito ang kanang kamay na tila naghuhudyat sa kanya na tumahimik. Sinunod ni Hamabar si Daya at tahimik na yumuko sa mayabong na sukal. Nakita nya doon ang rason kung bakit pinapatahimik sya ni Daya. Sa isang patag, sa gitna ng naroon ang tikbalang, nagtatago at tila nanginginig sa takot.

"Tanga, nagtago pa talaga sya sa lugar na walang mapagtataguan..." bulong ni Hamabar kay Daya.

Hindi sya pinansin ng dalaga. Sa halip ay bigla itong lumundag papunta sa tikbalang. Nagulat ang tikbalang sa paglabas ni Daya mula sa sukal kaya tila nanigas ito sa takot. Ngumisi si Daya, kinuha nya ang kanyang dalang lubid, inikot-ikot ito sa hangin at ihinagis sa ulo ng gulat na tikbalang. Dumulas ang tali papunta sa leeg ng tikbalang at doon napagtanto ni Hamabar ang pagkapanalo ni Daya.

Tumakbo si Hamabar papalapit sa tikbalang at akmang hahampasin ng kanyang hawak na malaking sanga ng kahoy. Tila bumagal ang oras nang nakita ni Hamabar ang pagpigil ni Daya sa gagawin nya ngunit huli na ang lahat nang mapagtanto niyang mali ang kanyang desisyon.

"Hamabar waaaaaaaaaaagggggggggggggg!!!!" sigaw ni Daya.

Naramdaman ni Hamabar ang matigas na sapatos ng kabayong paa ng tikbalang sa kanyang malambot at gwapong mukha. Umikot ang paningin ni Hamabar at tumilapon sya papalayo.

"Tanga..." mahinang angil ni Daya.

Sa puntong iyon, habang hawak-hawak parin ni Daya ang lubid na nakatali sa leeg ng tikbalang ay pinaikutan nya ito. Nang matapat sya sa likod ng tikbalang buong lakas syang tumalon pasakay sa matigas at mabalahibo nitong likod. Nagpupumiglas ang tikbalang, naglulundag upang maiwaksi si Daya na kapit-tuko sa kanyang likuran. Iginapang ni Daya ang kanyang kamay sa batok ng tikbalang at buong lakas na binunot ang gintong buhok nito.

At sa isang iglap, natigil ang tikbalang. Bumaba si Daya sa likod nito at lumuhod ang tikbalang sa harapan ng dalaga.

"Ako'y iyong alipin... ano ang nais mo..." wika ng tikbalang na nakayuko at nakapako ang mga mata sa madamong lupa.

"Umalis ka sa kaharian namin at wag nang manggulo pa dito,...yun lamang..." deklara ni Daya.

"Masusunod..." ang wika muli ng tikbalang at kumaripas papalayo.

Nagdiwang ang isip ni Daya. "Magdiwang....parang pamilyar..." sabi ni Daya sa sarili.

At doon tila binuhusan sya ng isang baldeng malamig na tubig nang maalala nya ang pagdiriwang para sa kaarawan nya sa palasyo. Tinungo nya ang kinaroroonan ni Hamabar at ginising ito.

"Hamabar! gumising ka... ang pagdiriwang..." nag-aalalang tugon ni Daya.

Ngunit tila nanaginip si Hamabar dahil bigla nitong hinila ang kanyang batok at inilapit sa kanyang mukha ang mukha nito... ilang pulgada nalang ang layo ng kanilang mukha. Kitang kita ni Daya ang namamagang pisngi ng binata ngunit, gwapo parin ito tingnan.

Ang mamula mula nitong labi at ang mahahaba nitong mga pilikmata, ang matangos nitong ilong at ang mabango nitong hininga ay sobrang lapit sa mukha ni Daya, "nakaka-lason ang kagwapuhan ni Hamabar" wika ng isip ni Daya.

Unti-unti, ipinikit ni Daya ang kanyang mga mata at hinintay na magdikit ang kanilang mga labi, bumilis ang tibok ng kanyang puso at napalunok sya ng laway, binasa rin nya ng laway ang kanyang ibabang labi nang biglang may narinig si Daya na gumalaw sa likod ng mayabong na sukal sa kanilang ulunan. Medyo nagbalik narin ang ulirat ni Hamabar nang binitiwan ni Daya ang binata at nilapitan ang sukal. Malakas ang pintig ng puso ni Daya, hindi dahil sa bagay na nasa kabilang dako ng sukal kundi dahil sa pagpapaubaya nya sa kamandag ni Hamabar.

Huhugutin na sana ni Daya ang kanyang sundang nang lumundag ang isang maliit na kuneho mula sa malagong damuhan. Napatda si Daya ngunit natuwa rin sya at hindi iyon isang mabangis na hayop.

Muli syang lumapit kay Hamabar at walang ano-ano'y sinampal ito ng ubod lakas. Nagbalik ang malay ni Hamabar dahil sa sampal na iyon. Napahawak na lamang sya sa kanyang dalawang pisngi, ang isa'y tinadyakan ng tikbalang at ang isa ay sinampal ng amazonang si Daya.

"Namumuro ka na sakin Daya ha..." pagrereklamo ni Hamabar.

Ngunit sa halip na sumagot, nag-umpisa nang maglakad si Daya papalayo. "Tumayo ka na diyan, mahuhuli na tayo sa okasyon." malamig nyang sabi. Naiinis sya kay Hamabar pero mas naiinis sya sa kanyang sarili dahil di sya nakapagpigil.

Ipinangako nya na hinding-hindi sya magkakagusto sa kababata sapagkat ito ay babaero at manloloko. Halos lahat ng kababaihan sa kanilang palasyo ay naging nobya na nitong si Hamabar at ayaw niyang masali ang kanyang pangalan sa mga babaeng pinaiyak lamang nito.

Hamabar, 18

○●○

*Hamabar*

"Halos mabingi ako sa bulyaw ni Sri Ukob." sabi ni Hamabar sa sarili habang kinakalikot ang sariling teynga.

Naupo sya sa balkon ng palasyo, malapit sa malaking hagdanan papunta sa bulwagan. Nasa tapat sya ng mismong pinto ng palasyo at kitang kita niya ang mga maharlika at iba pang mga kilalang pangalan na marahang papasok sa palasyo.

"Ang matandang hukluban ay galit na galit dahil dapithapon na nang makauwi kami na Daya mula sa paghabol doon sa walanjong tikbalang na sumipa sa makinis at malambot kong pisngi. Pero okey lang, gwapo padin naman ako. Kasalanan naman kasi na Daya, ayaw paawat sa paghabol sa mga halimaw, nung isang araw ay higanteng paniki, nung isang linggo ay mga salbaheng nuno.

Oo at malakas at magaling si Daya sa pakikipag-buno sa mga halimaw na naninirahan sa Nahaleen pero di ko maiwasang mag-alala. Maganda si Daya, inaamin ko, pero sya yung tipo na hindi ko gugustuhing gawing nobya o kahit na ninumang lalaki dahil masyado syang malakas, sobrang lakas na mawawalan ng silbi ang pagkalalaki mo.

Mas tipo ko padin yung mga babaeng kinakailangan ang pagpoprotekta ko, at si Daya ay hindi ganun."

Nasa ganoong pagmumuni muni si Hamabar nang makita nya sa baba ng hagdan ang Reyna kasama ang ama niyang si Sri Bantog. Tangan ni Sri Bantog ang kanang kamay ng inang Reyna at dahan-dahang umakayat sa mahabang marmol na hagdanan. Madilim na pero kitang kita parin ang gara ng kasuotan ng Reyna.

Taas noo itong naglalakad paakyat sa hagdan na tila isang bulak na nililipad ng hangin sa bawat paglapag ng paa nito sa marmol. Yumuko si Hamabar nang dumating sa kanyang harap ang Reyna at ang kanyang ama.

" Ikinagagalak ko pong makita kayo ngayong gabi mahal na Reyna," sabi ni Hamabar at nagmano sa ina ng kanyang ama. "Tay..." sabi nya at niyakap ang ama.

"Nasaan si Sri Ukob Hamabar?" tanong ni Reyna Daling. Ang boses nito ay malaki at buo, tila bundok na naguutos kay Hamabar na sumagot agad-agad.

"Bakit walang mga alipin ang nagsisilbi sa amin..." dagdag nito.

"Nasa loob po ang hinahanap nyo mahal na reyna..." sagot ni Hamabar. "Hayaan nyo pong tumawag ako ng mga alipin..."

"Sige, anak...bilisan mo at kami ay papasok na muna..." marhang sabi ng kanyang ama.

Nakatingin lang si Hamabar sa dalawa na papasok sa malaking bulwagan. Napangiwi si Hamabar habang ginagaya ang sinabi ng reyna kanina.

"Tch..." sabi nya at nagtungo na sa kusina ng palasyo.

○●●

*Sri Ukob*

Aligagang-aligaga si Sri Ukob sa pag-aasikaso sa mga bisita sa pagdiriwang. Dumagdag pa sa mga inaalala nya si Daya," ang batang iyon talaga..." wika ni Sri Ukob sa sarili.

Pinagalitan nya kasi si Daya dahil dapithapon na nang umuwi buti na lamang ay kasama si Hamabar. Alam naman ni Sri Ukob na kahit wala si Hamabar ay kayang alagaan ni Daya ang sarili nya, pero mas panatag ang loob nya na my kasama ang anak-anakan sa pangangaso nito.

Narinig niyang may kumalabog sa kusina kaya mabilis na nagtungo si Sri Ukob sa pinanggalingan ng tunog. Nakita nya doon ang pamangkin na nakikipagharutan sa isang alipin. Alam niyang sadyang babaero si Hamabar kaya di na sya nagtaka na kahit alipin ay papatulan nito.

"Eheeerrrmmm..."naubo kunyari si Sri Ukob.

"Ah...p-pasensya napo..." nakayukong sabi ng alipin at mabilis na umalis.

Tumango si Sri Ukob, tanda na gusto nyang magpaliwanag si Hamabar. Dali-dali namang tumayo si Hamabar at lumapit sa matanda.

"Ahhhh...wala yun... alam mo naman po..." putol-putol na sagot ni Hamabar. "Oo nga pala, hinahanap ka ng Reyna..." pag-iiba ni Hamabar sa paksa ng kanilang pag-uusap.

Tila tinakasan ng dugo ang mukha ni Sri Ukob nang marinig ang turan ni Hamabar. Oo at anak sya ng Reyna pero, ang sadyain ng Reyna na hanapin sya ay tanging dalawang senaryo lang ang pumasok sa kanyang isipan, maaring may hindi ito nagustuhan o maaring mayroon itong magandang balita.

Mas pinili ni Sri Ukob na isiping baka may di kaaya-ayang pakay ang Reyna sa kanya para maihanda nya ang kanyang sarili sa maaring mangyari. Noon pa man ay takot na si Sri Ukob sa kanyang ina, may kung anong awra ito na tumutulak sa kanya papalayo at magtago sa lugar kung saan di sya mahahanap ng inang Reyna.

Mula sa kusina ay naglakad si Sri Ukob sa malaking pasilyo papunta sa bulwagan. Bawat dingding ng pasilyo ay tinatakpan ng magarang larawang ipininta ng mga Tsino sa isang magarang klase ng tela na tanging mga maharlika lamang ang maykayang bumili.

Bawat larawan ay nagsasalaysay sa kagitingan at kabayanihan ng kanyang ama na si Sri Lumay laban sa mga halimaw at mga Magalos. Ang bawat poste ng pasilyo ay pinagliliwanag ng ilaw ng mga gasera at kandelabra na dala ng mga Hapon kapalit ang ilang butil ng ginto. Yumuko ang mga bantay nang marating ni Sri Ukob ang pinto ng bulwagan. Binuka ng mga ito ang kanilang mga sibat na ginamit upang harangan ang lagusan ng bulwagan.

Huminga ng malalim si Sri Ukob bago tuluyang pumasok sa silid.

Iniluwa ng malaking pinto si Sri Ukob papunta sa malaki at magarang bulwagan ng kaniyang palasyo. Puno ng mga bisita ang bulwagan at sabik na makita si prinsesa Daya. Tawanan at kamustahan ang ingay na maririnig sa bulwagan, idagdag pa ang ingay ng mga baso, plato at kubyertos na lahat ay galing sa Tsina, mula sa mamahaling bagay na tinatawag nilang seramik, kristal at pilak.

Nangingibabaw ang pinaghalong amoy ng mga masasarap na pagkain at mga pabango ng mga bisita pati na ang amoy ng alak, sake at tuba. Maraming bisita ang bumati kay Sri Ukob at bagamat kinakabahan ay nakangiti paring tinugon niya ang mga bati ng mga bisita.

Sa kanan malapit sa malaking hagdanan na pinalamutian ng libo-libong sampaguita, rosas, waling-waling at kadena de amor, papunta sa ikalawang palapag ng palasyo ay nakita niyang nakaupo ang mahal na Reyna sa upuang inilaan para sa mga pinakaimportanteng panauhin.

Tinungo niya ang reyna na nakasuot ng lila na bestida nakumikinang na tila pinalamutian ng mga tala sa bawat kilos at galaw nito. Katabi ng Reyna sa kaliwa ay ang kanyang kapatid na si Sri Bantog, na tuwang tuwa habang kausap ang isa sa mga tagapagsilbi sa palasyo.

"Magandang gabi mahal na reyna..." pagbati ni Sri Ukob at lumuhod. Nakapako sa sahig ang kanyang mata at amg kanang kamay ay nasa dibdib.

"Tumayo ka anak..." sabi ng Reyna. "maupo ka dire sa tabi ko..." dagdag nito na tinapik ang upuan sa kanan.

Dali-daling tinungo ni Sri Ukob ang upuan at umupo rito. "Hinahanap mo raw ako mahal na Reyna?" tanong ni Sri Ukob sa kanyang ina.

Sasagot na sana ang Reyna nang biglang tumunog ang trumpeta ng taga-anunsyo ng palasyo. Nakuha nito ang atensyon ng lahat at lumingon ang bawat lalaki at babae sa bulwagan sa isang malaking pinto sa taas ng malaking hagdanan na pinalamutian ng ibat-ibang bulaklak.

"Ikinagagalak kong ipaalam sa lahat, na ang may kaarawan, si Prinsesa Daya, ay nandito na..." sigaw ng taga-anunsyo.

Umalingaw-ngaw ang kanyang boses sa buong palasyo. Natahimik ang dati'y masaya at maingay na bulwagan. Tila ba tumigil ang oras at walang ni isang bisita ang gumalaw. Hinihintay nila ang paglabas ng prinsesa...

Itutuloy...