webnovel

GENESIS

○●○

*DISCLAIMER*

Ang kwentong ito ay HALAW sa ibat-ibang alamat, kwentong bayan, epiko at literatura na matatagpuan sa Pilipinas. Ang mga pangalan ng mga karakter at sitwasyon ay pawang kathang isip lamang at hindi ibinase sa totoong pangyayari. Gayunpaman, ang pagkakatulad ng likhang ito sa ibang mga likhang nailimbag na ay hindi intensyon na magnakaw o mang-angkin, ngunit bahagyang binago upang mabigyan ng bagong panlasa.

All rights reserved and due credits are given to the rightful owners.

Maraming Salamat po sa pagpapahiram ng mga likhang karakter ninyo. Makakaasa po kayo na hindi ko yuyurakan ang reputasyon ng inyong mga likha.

○●○

"SANSINUKOB"

Noong unang panahon bago pa man dumating sa Pilipinas ang mga Kastila ay nauna nang nanirahan dito ang mga "Indio", ang mga sinaunang Pilipino. At sa puso ng Pilipinas mahahanap ang lugar na kilala noon sa tawag na Sinibuyang Hingpit o Sibu na ang ibig sabihin sa Ingles ay "place for trading". Subalit bago pa man nakilala ang Sibu, ito ay mas kilala sa ngalan na "Sugbo" o sunog na lupa dahil kay Sri Lumay, ang nagtatag ng monarkiya ng lugar.

Si Sri Lumay ay isang prinsipe mula sa Sumatra na ipinadala ng Maharajah sa Pilipinas. Kilala si Sri Lumay bilang Kang Sri Lumayng Sugbo o Sri Lumay's Great Fire dahil sa kanyang kakayahan sa pagkontrol ng apoy at lupa. Nagapi kasi niya si Dilaab, and dragon ng apoy at lupa nang unang beses na pag-apak nya sa Sugbo. Mula sa puso ni Dilaab ay ginawa nya ang kanyang agimat na nagbigay sa kanya ng kakaibang kakayahan, ito ay tinawag niyang "BAGA". Mula noon ginamit na ng matapang na rajah ang Baga upang protektahan ang emperyo na itinayo niya sa Sugbo laban sa mga halimaw at sa mga Magalos, ang mga tagasira ng kapayapaan sa sansinukob.

Dahil matipuno at gwapo si Sri Lumay ay maraming dalaga ang humanga sa kanya ngunit ang kanyang puso ay nabihag ng simpleng dalaga na si Daling, anak ng isang magsasaka. Nakilala nya ito nang minsay nailigtas nya si Daling laban sa isang "Pantasma", isang halimaw na may kakayahan na magbago ng anyo upang linlangin ang biktima nito.

Biniyayaan ni Bathala sina Sri Lumay at Reyna Daling ng maraming anak kaya hinati nya ang Sugbo sa kanyang dalawang panganay na mga anak, si Sri Alho ang namamalakad sa mga taga Sialo o ang mga nakatira sa bayan mula Carcar hanggang Santander ng makabagong panahon habang si Sri Ukob naman ang namamahala sa Nahaleen o ang mga bayan ng Consolacion, Liloan, Compostela, Danao hanggang Bantayan ng makabagong panahon.

Isang araw, nakatanggap si Sri Lumay ng mensahe mula sa Rajah ng Pulua kang Daya, ang kanyang matalik na kaibigan, na sila ay inaatake ng mga Magalos at sila ay nangangailangan ng tulong mula kay Sri Lumay ipinangangamba ng Rajah ng Pulua kang Daya na baka mayroong masamang mangyari sa prinsesa. Nagmamadaling naglayag si Sri Lumay patungo sa Pulua kang Daya kasama ang kanyang tatlong libong mandirigma.

Naging madugo ang kanilang labanan, maraming mga Magalos ang lumagapak sa lupa. Umalingaw-ngaw ang tunog ng libo-libong "sundang" at ang ungol ng bawat mandirigmang nasusugatan ng kalaban na tila ba'y sigaw ng mga kaluluwang sinusunog sa mainit na apoy ng impyerno.

Nakakatakot, nakakapanindig balahibo. Maraming mga walang buhay na katawan ang nakahandusay sa pulang baybayin, pula dahil sa madugong giyera. Ginamit ni Sri Lumay ang kanyang kapangyahiran upang magapi ang halos sangkapat ng mga Magalos na tila mga lantang dahon na sinunog at naging abo. Nangibabaw ang sigaw ng mga nasusunog na Magalos, nagsisitakbuhan sa dagat upang maibsan ang sakit ng nasusunog na balat. Dumiretso si Sri Lumay sa tirahan ng kaibigan na Rajah, papasok sa nakaharang na mga mandirigmang Magalos.

Hindi na matandaan ni Sri Lumay kung ilang beses niyang inihampas at itinarak sa mga kalaban ang kanyang sundang.

Nakarinig siya nga sigaw ng isang bata mula sa pinakamalaking bahay sa nayon, "marahil ito ay bahay ng aking kaibigan" sabi niya sa sarili.

Madali syang pumasok, at nagulat sa nakita niya sa loob. Hindi nya alam kung sya ba ay masusuka o matatakot o kaya'y himatayin sa nakitang nakakapangilabot na kademonyohan ng mga Magalos.

Mabilis ang pag-agos ng dugo mula sa binalatang katawan ng isang tao, "Babae.." bulong ni Sri lumay sa sarili.

Sa di kalayuan ay ang hiwa-hiwalay na katawan ng kanyang kaibigan, ang mga kalamnan nito ay nakalabas at nakalubog sa dugong walang humpay na pag-agos mula sa katawang nahiwalay sa dalawang bahagi. Napalunok si Sri Lumay, hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang sundang. Isa-isang nahulog ang kanyang mga luha sa nakita, nabiyak ang kanyang puso. Napaluhod sya sa duguang sahig, dugo ng kanyang kaibigan ng ng asawa nito.

Nasa ganoong anyo sya ng may kumalabog sa gilid ng malaking aparador, naroon ang batang prinsesa, nakasuksok sa sulok, nanginginig at takot na takot sa nakita. Duguan ang damit nito ngunit walang tinamong sugat at batang prinsesa. Dali-daling tumayo si Sri Lumay at dinampot ang bata at mabilis na lumisan sa bahay. Malapit na sa baybayin si Sri Lumay nang biglang may maitim na usok ang pumulupot sa kanyang beywang at itinaas sya nito sa hangin. Nailaglag niya ang batang walang kibo sa pangyayari, tulala at takot na takot. Lumabas mula sa likod ng isang puno ang isang malaking lalaki, mapula ang mga mata nito at napakaitim ng mabalahibong balat.

Nakakapangilabot ang ngisi nito na abot hanggang sa likod ng teynga, at may hawak na malaking "tustos" o sigarilyo sa kanang kamay.

"S-Sino ka?!" nahihirapang tugon ni Sri Lumay. "Walang kapangyarihan ang mga mandirigmang Magalos, sino ka?!!" dagdag pa niya.

"Ehehehehe," pagtawa ng kalaban. "Matagal na kitang gustong makilala dragon!" sagot ng lalaki. "Ako si Agta, ang Heneral ng hukbong Magalos, ikinagagalak kong patayin ka ngayong araw..." dagdag nito.

Nagtaka ang Rajah ng Sugbo, paano nagkaroon ng kapangyarihan ang heneral ng mga Magalos? "H-hindi ka tao! Anong halimaw ka?!" bulyaw ni Sri Lumay.

"Eheheheheh, hindi hindi hindi..." paunang sabi ni Agta at muling humithit sa kanyang tustos ang usok nito ay naging hugis kamay at nagtungo sa leeg ng nagpupumiglas na rajah. Sinasakal si Sri Lumay ng usok ni Agta at muling nagsalita ang halimaw... "Tao ako...DATI....ahahahahhaha,tao ako bago ko ibinenta ang aking kaluluwa sa aming Bathala na si Bathalang Ngil-Ad, ehehehehhe" paliwanang nito.

Humihigpit ang pagkakasakal ng usok kay Sri Lumay, nahihilo sya at nanlalamig. Nararamdaman niya ang mabilis na pagkaubos ng kanyang mahika.

"A-anong ginagawa mo sa akin?" pilit na sabi ni Sri Lumay.

"Kita mo kasi, kaya kong higupin ang lakas at kapangyarihan mo gamit itong usok ko. Inaamin ko, medyo malakas ka ngunit... mas malakas ang kapangyarihan na ibinigay ng Bathalang Ngil-ad sa akin...wahahahahahahhahahaha" tugon ni Agta at mala demonyong tumawa.

Unti-unti nang humihiwalay ang kamalayan ni Sri Lumay nang biglang lumagapak sya sa matigas at mabatong lupa. Desperadong huminga ng malalim si Sri Lumay, nanunuyot ang kanyang lalamunan at sumakit ang kanyang ulo bunga ng biglaang pagpasok ng hangin sa kanyang sistema. Nang makabawi ng kaunting lakas ay itinaas nya ang kanyang tingin at nakita niya ang batang prinsesa na may hawak na bato at nakatayo sa kanyang harapan.

"Salbaheng bata!!!!" bulalas ni Agta. "Matitikman mo ngayon ang galit ko!!!!" dagdag ng halimaw.

"Hindi kita hahayaang saktan si Sri Lumay! Masama kang nilalang!" sagot ng bata kay Agta.

Lumingon ang prinsesa kay Sri Lumay, nanginginig ang mga tuhod nito, " H-huwag kang mag-alala Sri Lumay, ako si Daya at p-protektahan k-kita..." nanginginig na sabi ng bata.

At doon, nakita ni Sri Lumay ang tatak ng bahaghari sa batang prinsesa. Ang tatak na tanging nakikita lamang sa mga magigiting na mga mandirigma, simbolo na kahit sa kanya ay wala. Natulala ang rajah, naisip niya kung gaano kakulay na hinaharap ang naghihintay kay Daya.

Nang muhing humarap si Daya kay Agta ay nagulat nya nang nasa harapan na niya ito. Sinampal ni Agta ang batang prinsesa dahilan ng paglipad nito ng mga sampung metro mula sa dating kinatatayuan.

Namaga ang mukha ng prinsesa mula sa pagkakasampal ng malahiganteng si Agta. Muli, tinungo ni Agta ang kinaroroonan ni Daya ngunit bago pa man makaabot ng tatlong metro sa pakay at biglang nag-apoy ang lupa, nakapalibot sa kanya ang napakainit at naglalagablab na apoy.

Napakalaki at napakataas ng apoy na ito, 'singtayog ng niyog at 'sing init ng araw. Mala ginto ang liwanag ng apoy at maladugo ang kulay.

"Isang hakbang pa at sinusumpa ko susunugin ko pati ang demonyo mong kaluluwa!!!" angil ni Sri Lumay. Nanghihina man ay pilit syang tumayo at pumunta sa kinaroroonan ni Daya.

"P-paanong may lakas ka pa, inubos ko nang lahat mong kapangyarihan..." nagtatakang tanong ni Agta.

Patuloy ang paglalakad ni Sri Lumay, unti-unti nang nanghihina ang kanyang katawan. Ang kulay ng kanyang mga mata ay kumupas at nawalan ng kulay ang kanyang mga pisngi.

Naintindihan ni Agta ang nangyayari, kaya di nya napigilang tumawa ng malakas, " Bwahahahahah, baliw ka na Sri Lumay... sarili mong buhay ang ginamit mo upang mailigtas ang batang yan... hahahahahahaha, baliw ka na.." sigaw ni Agta.

"Sige, yaman din lamang na nais mong magpakamatay, hahayaan kita, tingnan natin kung hanggang kailan mo kayang panatilihin ang diwa mo... hahahahahah" dagdag pa nito.

Binuhat ni Sri Lumay ang prinsesa papunta sa maliit na bangka sa dalampasigan. Nanghihina na ang kanyang katawan pati na ang harang niyang apoy ay humihina narin. Isinakay nya si Daya sa bangka, nagbalik ang malay ng prinsesa buhat ng malakas na pagkakasakay nya sa bangka.

Narinig ni Sri Lumay na sumigaw si Agta, nilingon nya ang hukbo ng mga Magalos at nakita niyang nawala na ang harang na apoy na kanyang ginawa.

"Hanggang tatlong minuto lang pala ang kapalit ng buhay ko..." malungkot niyang sabi.

At sa isang iglap, nagsiliparan ang libo-libong palaso sa kahel na kalangitan.

Dapithapon na, palubog na ang araw tulad ng kanyang palubog na buhay. Kumikinang ang mga palaso sa kalangitan na tila ba ay grupo ng mga talang nahuhulog, subalit ang mga talang ito ay kamatayan ang hatid.

Nilingon ni Sri Lumay ang umiiyak na si Daya, nginitian at niyakap. Sa isang kisapmata ay sabay sabay na tumusok sa katawan ng makapangyarihang rajah ang sanlibong palaso, paulit-ulit, ramdam niya ang hapdi at kirot ng bawat pagpasok ng talim ng palaso sa kanyang balat, nakakapanlamig, nakakatakot. Kasunod niyon ay ang buong lakas niyang paglalayag sa bangka na kung saan lulan ang batang prinsesa.

"T-tnggapin mo i-ito mahal na prinsesa," sabi ni Sri Lumay habang pilit na ibinabangon ang katawang lubhang sugatan, walang humpay ang agos ng batis ng dugo sa kanyang katawan, kasama nito ang pagkaubos ng kanyang buhay. "tanggapin mo itong puso ng dragon at mapapasaiyo ang aking kakayahan, nawa'y gamitin mo ito sa kabutihan at balang araw ay ikaw naman ang poprotekta sa aking mga nasasakupan...magiging isang magaling na mandirigma ka, hahangaan ng lahat...mamahalin..."

Hinawakan ng luhaang prinsesa ang malamig at duguan na kamay ng bayaning rajah, "Maasahan mo Sri Lumay, magsasanay ako ng husto at balang araw ay masusuklian ko ang iyong kabutihan, aalagaan ko ang iyong pastol, hahanapin ko kahit ang pinakahuling tupa na wala sa iyong ginawang pastulan,..." hinalikan ng prinsesa ang duguang kamay ng rahaj bago pa man ito binawian ng buhay.

Ilang araw nagpalutang-lutang sa karagatan ang bangka na sinakyan ng prinsesa hanggang makita sya ng mga tauhan ni Sri Ukob at dinala sa pinakamalapit na daungan, sa Nahaleen o Danao ng makabagong panahon, ang pastulan ng mga hayop na ginagamit nila para makipag-barter sa mga Hapon at Tsino kapalit ng mga porselana, palamuti at iba pa.

----------------------------------------------------------------------------------

itutuloy...