webnovel

Kabanata Apat [1]: Ang Pagsapi

Sa ilalim ng ilaw ay naroon nakatali sa upuan ang lalakeng walang pang-ibabaw na damit; wala itong malay at pawis na pawis, mababakas naman sa mukha nito ang mga pasa, at sa dibdib naman nito'y nakamarka ang sari-saring ding pasa at sugat na preskong-presko pa, sugat dulot ng binalatang bahagi na kinunan ng tattoo.

Sa katahimikan ay umalingawngaw ang langitngit ng pintong binuksan. Doon nagsipasok ang dalawang tao na diretsong napako ang mga mata sa lalakeng nakayuko't tulog na tulog pa rin.

"Gisingin mo na siya Steve." Utos niya sa lalake.

Agad namang sumunod ito at dinaluhan ang walang-malay na lalake, samantalang si Nevada naman ay dumiretso sa mesa at pumili ng magagamit na bagay mula sa kumpol ng kagamitang nakalatag. Habang namimili siya ay narinig niyang umungol ang lalake nang makatanggap ng malutong na sampal mula kay Steve, saglit niya itong nilingon at nakita niyang lantang-lanta ang lalake na kakagising lamang; humihingal ito at halatang pinoproseso pa ang mga pangyayari.

"Halika rito Nevada," tawag ni Steve, "Ikaw na ang kumausap sa lalakeng 'to."

Mapait siyang napangiti at agad na pinulot ang martilyo na nakalapag sa mesa, pinunasan niya muna ito at nilinis ng maigi ang mga duming kumakapit saka niya tinungo ang dalawang lalakeng magkaharap.

"Joshua," aniya sa lalake bilang pagbati at pinahalata ang hawak-hawak niyang martilyo, "Magtatanong na naman ako sa 'yo at pakiusap, sumagot ka na kung ayaw mong mas lumala pa itong mga natamo mong mga sugat. Maliwanag?"

Malakas namang napatango ang lalakeng pawis na pawis na hindi magawang sumagot dulot ng busal sa bibig. 'Yun na ang naging hudyat para sa kaniya upang alisin ang busal, marahas niya itong hinablot saka mariing hinawakan ang magkabilang pisngi ng lalake.

"Sino ang lider ng Black Triangle?"

"H-hindi k-ko alam. I-Isinekreto nila ito at a-ang mga nakakataas n-na miyembro lang ang n-nakakaalam tungkol sa kanila." Sagot nito.

"Sino-sino ang mga miyembro na nasa mas nakakataas?" Tanong niya ulit.

"H-Hindi ko r-rin alam, b-baguhan pa lang ako. Inuutusan lang ako ni Jacob."

"Wala kang kwentang kausap, Joshua. Bigyan mo naman kami ng impormasyon na kapaki-pakinabang!" Bulyaw ni Nevada at saka malakas na hinampas ng martilyo ang paa ng lalake.

Malakas na napasigaw si Joshua sa sakit nang maramdamang parang nadurog ang buto niya sa paa, nadinig niya ang tunog ng butong nabiyak dulot ng matinding paghampas. Ngunit, naputol ang sigaw niya nang isaksak muli ni Nevada ang busal sa kaniyang bibig, purong paimpit na lamang ang nagagawa niyang sigaw at mas lalong naiyak.

"Mag-isip ka muna Joshua, mag-isip ka nang mabuti at baka buong katawan mo ang madurog ko." Pagbabanta ni Nevada sa tindi ng galit.

Walang magawa ang lalake kung hindi ang malakas na napatango. Tagaktak pa rin ang pawis nito mula sa ulo na humahalo patungo sa mga sugat niya, napakahapdi nito at parang hinuhukay ang kaniyang laman. Napayuko na lamang siya habang dinadaing ang paa niya na hindi maigalaw sa sakit, at hindi rin siya makatingin sa babae dulot ng takot.

"Nevada, iihi lang ako saglit lang." Paalam ni Steve sa kaniya.

Tango lamang ang sagot niya at sinundan ng tingin ang lalakeng papaakyat sa hagdanang gawa sa kahoy. Nang marating nito ang dulo at naisara na ang lagusan ng basement ay muli niyang ibinalik sa lalakeng kaharap ang kaniyang atensyon. Gamit ang martilyo ay inilapat niya ito sa baba ng lalake saka pwersahang pinatingala, nagkasalubong ang tingin nila at kitang-kita niya ang paghihirap sa mga mata ng lalake.

Biglang nakaramdam ng awa si Nevada, sa 'di inaasahang pagkakataon ay nakonsensya siya sa pinaggagawa niya sa lalake. Hindi niya lubos maisip ang pagdurusa na dinanas nito nang saktan nila ito ng ilang oras. Hindi na niya lubos makilala ang sarili dahil sa pinaggagawa niya---ang sama-sama na niya.

Napaiwas siya ng tingin at napasinghap ng hangin. Mariin siyang napapikit at inisip ang mga kamalasang dinanas niya; mula sa gabing iyon, ang paggahasa sa kaniya, at ang paglibing. Muli ay iyon ang pinaghugutan niya ng determinasyon, mahigpit niyang hinawakan ang martilyo animo'y roon kumukuha ng lakas.

"May maipapahayag ka na bang kapaki-pakinabang tungkol sa grupo n'yo, Joshua?"

Tumango ang lalakeng umiiyak bilang sagot. Hindi naman ito pinatagal pa ni Nevada at agad na inalisan ng busal.

"N-Nagde-deliver k-kami ng droga---"

"Alam ko na 'yan, Joshua. Droga ang laman ng bag mo."

"O-Oo, tiyak nagtataka na s-sila ngayon kung bakit 'di 'yan nahatid sa buyer. At s-siguradong hinahanap na n-nila ako." Nakangising pahayag ng lalake na ikinagulat niya, "Mamamatay ka, papatayin ka nila. Bubugbugin ka nila at hindi sila titigil hangga't 'di yan nadudurog ka k---"

Natigil ang lalake nang biglang hampasin ni Nevada ang mukha nito ng martilyo. Tinamaan ito sa kaliwang panga kung kaya't nagdulot ito ng malutong na tunog ng butong nabali, at natabingi ang hitsura ng mukha nito nang pwersahang natulak pakanan ang sariling panga.

Hindi ito nakasigaw, sa halip ay purong impit na ungol ang nagawa ng lalake sa kakainda ng matinding sakit. Napapikit ito at muling rumagasa ang mga luha mula sa mata nito. Nagpumiglas si Joshua sa kabila ng natamo, pinilit nitong igalaw ang sarili umaasang makakatakas ito.

At sa puntong iyon ay mistulang sinapian ng demonyo si Nevada. Hindi pa rin siya nakuntento sa sinapit ng lalake, kung kaya't muli niyang pinaghahampas ang mukha nito nang paulit-ulit; buong lakas niyang ipinadama sa lalake ang galit at takot na biglang namuo sa loob niya.

Walang habas niyang pinaghahampas ang lalake kahit na nangangalay ang kamay niya at nananakit sa pagdikdik. Tuloy-tuloy lamang siya kahit na nagkayupi-yupi ang mukha nito at tumatalsik na sa kaniyang katawan ang dugo't laman nito.