Lubos silang nagtaka nang makitang hindi pa rin umaalis ang tatlong lalake sa kinauupuang pwesto nito; hinihithit pa rin nito ang kaniya-kaniyang sigarilyo habang tinatalakay ang malalim na usapin. Dahil sa malayo-layo ang distansya nilang dalawa mula sa mga lalake, ang bawat salitang inuusal nito ay hindi nila naririnig at hindi rin nababasa sa labi.
Hindi sila umalis, sa kadiliman ng eskinita ay kitang-kita nila na may seryosong pinag-uusapan ang tatlo. Tiniis na lamang nila ang kati na dulot ng mga lamok na nangangagat sa madilim na bahagi at ang lamig ng simoy ng hangin ng madaling araw. Hangga't makakaya ay hindi nila aalisin ang sariling paningin sa grupo nang sa gayon ay masusundan nila ang bawat kilos nito.
Seryosong napatitig si Nevada sa tatlo at doon niya napagtanto na malayo-malayo ang tsansa na magkakapatid ang tatlo. Base pa lang sa hubog ng katawan nito at sa hugis ng mukha ay hindi na talaga magkaka-ugnay ang tatlo.
Ilang saglit pa, kasabay ng pagkaupos ng hinihithit na sigarilyo no'ng mga lalake ay kumilos na rin ang mga ito. Ngunit, imbes na tahakin nito ang kalsada ay tinungo ng grupo ang kalapit na pintuan ng kaharap nilang bahay. Sa isipan ni Nevada ay agad siyang napaisip kung magkakasama nga ba talaga itong tatlo sa iisang bubong o sadyang may pakay muna ang mga ito rito bago uuwi. Mas lalong umangat ang kyuryosidad niya nang makitang diretsong nagsipasok ang mga lalake. Bukas at hindi man lang naka-locked ang pinto, at nakakapagtataka na kung bakit nakabukas ito ngayong madaling araw.
Nang mawala sa paningin nila ang mga lalake ay agad siyang lumabas mula sa pinagtataguan. Sumunod naman kaagad si Steve na palaging nakababantay sa likod niya. Kapwa sila palingon-lingon habang inuusisa ang paligid at pawang maingat sa bawat hakbang habang papalapit sa pwesto ng bahay na pinasukan ng grupo kanina.
Nang tuluyang makalapit sa bahay ay dali-dali silang kumilos na nakayuko patungo sa makapal na bulaklak na santan. Doon sila panandaliang umupo at nagmasid sa paligid kung may nakapansin ba sa kanila. At nakahinga naman sila ng maluwag nang makitang tahimik ang paligid.
"Tulungan mo 'kong maghanap ng CCTV rito," utos ni Nevada sa kasama.
Kaniya-kaniya silang tumingala't mula sa mga sulok ng bubong at mga kahoy sa paligid ay tinignan nila kung may nakakabit ba na CCTV. Masusi nila itong inobserbahan at nang maaalarma kaagad sila kung mayroon mang nagmamanman sa kanila.
Makalipas ang ilang segundo ay nasiguro rin nila na walang CCTV. Naging kampante na sila't iyon na rin ang naging hudyat upang sila ay kumilos at gumawa ng paraan upang sumilip sa loob at sipatin ang mga pangyayari.
Nakasara ang bintana at may makapal na kurtina na nakaharang nito sa loob, kahit anong aninag ni Nevada ay wala siyang nababakas na mga kilos mula sa loob. Tanging malakas na kabog ng puso niya at ang panginginig ng mga braso ang kapansin-pansin sa mga oras na 'yun, mistulang abandonado ang loob ng bahay sapagkat ni isang tunog ay wala talaga siyang naririnig.
Sa kabilang dako naman ay nadismaya si Steve nang sumilip siya sa maliit na siwang sapagkat purong malabo ang kaniyang nakikita sa loob ng bahay dulot ng mga alikabok at sapot ng gagamba na humaharang sa kaniyang paningin.
Sa huli'y sumuko na lang silang dalawa at napaupo sa madamong lupa; kinalma muna ni Nevada ang sarili't tahimik na nag-isip ng plano, samantalang si Steve ay tumabi sa kaniya't naghintay ng desisyon ng babae.
"Anong gagawin natin? Lilibutin ba natin 'tong buong bahay nila para maghanap ng masisilipan?" Tanong niya.
"Hindi na siguro, baka mahuli pa nila tayo."
"Tara na, uwi na lang tayo. Babalikan na lang natin 'to mamayang gabi ulit. Hindi magtatagal Nevada ay magliliwanag na rin ngayon, mas delikado na 'yun. Gusto ko na ring magpahinga." Suhestiyon niya.
"Mauna ka na Steve, ako na ang bahala rito. Hihintayin ko sila kung kailan sila lalabas at nang malaman ko kung ano ang ginagawa nila rito; sigurado akong may anumalyang nangyayari rito sa loob, hindi ko pa lang alam."
"Anong anumalya Nevada? Hindi ka ba magpapahinga?"
"Basta, malakas ang kutob ko sa mga lalakeng 'yun. Tsaka umeepekto pa rin naman ang Modafinil, Steve. Hindi pa talaga ako pagod. Susulitin ko na lang itong tsansa."
"Ayokong iwan ka rito, sasam----"
Hindi natuloy pa ng lalake ang pahayag nang biglang tinakpan ni Nevada ang bibig niya. Sumenyas ito sa kaniya na tumahimik at itinuro ang sariling tenga, senyales na kailangan niyang makinig ng maayos.
At bigla silang napayuko't ikinubli ang sarili sa gilid ng halamang santan nang marinig nila ang yabag ng mga taong kakalabas lang sa bahay, tumunog ang pintong isinara na nasundan ng malabong usapan ng mga lalake.
Habang nakatago ay sumilip sila't sinundan ng tingin ang nag-iisang lalake na tinatahak ang sidewalk patungong kaliwang gawi kung saan sila nagtatago kanina. At kapansin-pansin naman ang bitbit nito na backpack na punong-puno ng laman.
"Mag-isa na lang siya, malaking tsansa 'to para sa 'tin." Ani ni Nevada na nagsimula nang maging tensyonado.
"Ako na ang bahala sa kaniya," pahayag naman ni Steve, "sa pangangatawan niyang medyo payat ay kayang-kaya ko siyang pabagsakin, pero siguradong manlalaban 'yan kaya kailangan ko ang tulong mo, Nevada. Dala mo ba 'yun?"
"Oo," aniya at kinapa sa bulsa ang maliit na silindrong sisidlan upang kumpirmahin.
"Manatili ka lang dito at magtago ka, mamaya ka na lumapit kapag walang malay na siya. Maliwanag ba?"
Tanging tango lang ang sagot niya at hinugot mula sa bulsa ang silindrong sisidlan. Mula naman sa likurang bulsa ay hinugot niya ang isang nakatuping panyo na kulay puti.
"Steve, sandali lang."
Agad niyang ibinuhos ang likidong laman ng silindrong sisidlan diretso sa panyo, nang maubos ito ay ibinalik niya ang sisidlan sa bulsa at saka inabot sa lalake ang panyong namamasa-masa.
Gaya ng napag-usapan nila'y nanatili lamang si Nevada sa pwesto nito habang sinusundan ng tingin si Steve na papalapit sa lalake. Agad naman niyang sinuri ang paligid upang sipatin kung may nakatingin o nanonood sa kanila. Sa totoo lang ay kinakabahan siya't hindi mapakali sa takot na baka may makakakita at mauuwi sa delikadong sitwasyon ito; maaaring mahuhuli sila't makukulong, o mamamatay kapag natunugan sila ng iba pang ka-miyembro ng grupo.
Ngunit nang balingan niya ulit ng tingin si Steve ay nasaksihan na lamang niya na nakaalalay na ito sa lalakeng walang malay, lantang-lanta ito matapos mapatumba ni Steve at napalanghap ng kemikal na choloform na nasa panyo.
Hindi na siya nakatiis pa't dali-dali niyang sinugod at dinaluhan si Steve. Naabutan niya na pinup'westo nito ng maayos ang lalake tsaka diretsong binuhat at isinampa sa balikat niya; mistulang isang sakong bigas nitong binuhat ang lalake at saka dinala ito sa madilim na eskinita.
"Dalhin mo 'yang backpack niya Nevada, magliliwanag na. Kailangan nating magmadali bago pa tayo makita ninuman dito."
Agad naman niyang pinulot ang backpack na naiwan ni Steve at isinuot ito, saka siya humabol at sumabay sa malalaking hakbang ng lalake.
"Anong gagawin natin sa kaniya? 'Di ba tayo kukwestyunin nito?"
"Hindi, itatawid lang natin siya sa kabila at sasakay tayo ng taxi. Sakto lang at may bar doon sa malapit kaya ipapalabas na lang natin na lasing siya."