webnovel

Chapter 9

Lumipas pa ang isang araw at doon na nagsimula ang pormal na pagsasanay ni Milo sa kombate pisikal.

Binigyan siya ng mahabang kawayan ni Simon na may habang nasa dalawang metro.

"Ano'ng gagawin ko dito Simon?" Tanong ni Milo habang hawak ang kawayan sa kaniyang kamay.

"Nakikita mo ba ang masukal na parte na iyon ng gubat? Nais kong tabasin mo ang parteng iyon gamit lamang ang kawayang iyan." Tugon naman ni Simon.

Agad namang tumango si Milo sa pag-aakalang madali lamang ang pinapagawa ni Simon. Subalit nang simulan na niya ang paghampas ng kawayan sa mga talahib ay doon nya napagtantong napakahirap pala ng gagawin niya. Bukod sa walang talim ang kawayan para pumutol sa mga talahib at napakasukal din nito na siyang nagpapahirap na ihampas niya ang kawayan doon.

Tagaktak na ang pawis ni Milo ngunit hindi pa rin siya nangangalahati sa kaniyang tinatabas. Magkagayunpaman ay buong pagsisikap niyang itinuon ang kaniyang pansin sa kaniyang ginagawa. Hindi niya ininda ang nararamdamang pagngalay ng kaniyang mga braso.

Sa kaniyang pagtatabas ay bigla naman umuhip ang malamig na hangin sa kaniyang tabi. Napahinto siya at napalingon at doon sumilay sa kaniya ang diwatang minsan na din niyang nakita kasama ang gabay ng tikbalang.

Kumukumpas ito na animo'y sumasayaw ang mga kamay kasabay nito ang pag-ihip ng banayad na hangin sa kaniya.

"Salamat kaibigan." Wika pa niya bago pinagpatuloy ang kaniyang ginagawa. Kahit papaano ay nasanay na rin siya sa mga nilalang na laging nagpapakita sa kaniya. Halos lahat naman ng mga ito ay walang ibang ginagawa kun'di ang tulungan siya.

Halos palubog na ang araw ng matapos siya sa kaniyang ginagawa. Pag-ikot ng kaniyang paningin ay doon niya napagtantong nagapas niya ang kabuuan ng talahib sa parteng iyon ng gubat at lumantad sa kaniya ang kagandahan ng buong lugar. Napakalawak ng lugar na iyon na animo'y sinadyang paikotan ng mga matataas na puno.

"Napakaganda, hindi ba? Simula ngayon dito na tayo mananatili, dahil dito na magsisimula ang totoo mong pagsasanay. Sa nakikita ko handa na ang katawan at isipan mo." Nakangiting wika ni Simon at napalunok naman ng laway si Milo.

Ang buong akala kasi niya ay nagsisimula na ang pagsasanay niya, hindi pa pala. Ibig sabihin mas matinding bugbog pa sa katawan ang kaniyang aabutin.

"Ano ba ang pagsasanay na tinutukoy niyo?" Napapakamot na tanong ni Milo.

"Kombate pisikal, tuturuan ka namin makipaglaban, gamitin ng iba't-ibang klase ng sandata." Tugon ni Simon at hinugot nito sa kaluban ang isang balaraw na tila ba napaglumaan na ng panahon. Mapurol din ang balaraw na iyon dahil hindi mo iyon makikitaan ng talim.

"Isa ito sa mga sandatang pinanday ng aming ama. Kung makikita mo wala itong talim at hindi ito nakakasugat sa mga tao. Subalit ibang usapan kapag ang kaharap mo ay isang aswang o kahit anong masasamang elemento. Meron itong limang uri at ang dalawa ay nasa mga kamay naming magkapatid. Ang pangatlo ay mapuputa sa iyo. Dahil ang tabak ang siyang unang naging sandata mo ay iyon din ang uri ng sandata na mapupunta sa iyo." Paliwanag ni Simon at lumuhod ito sa lupa.

Mayamaya pa ay nagsimulang gumalaw ang bibig ni Simon na animo'y nag-uusal ng mga salitang hindi niya maintindihan. Makalipas ang ilang sandali ay inilapat ng binata ang kaniyang palad sa lupang niluluhuran niya.

Bigla naman nagliwanag ang kamay ni Simon at dahan-dahang iniangat ang kamay, kasabay ng pag-angat ng kamay nito ay ang paglitaw naman ng isang tabak.

Nanlalaki ang mga mata ni Milo sa pagkamangha dahil sa nakikita. Hindi niya maipaliwanag amg kabang nararamdaman niya dahil sa ginagawa ni Simo. Parang isang panaginip lang ang lahat, hindi niya mawari kung paano ito nagagawa ni Simon.

"Kaisa ni Simon at Maya ang kalikasan dahil anak sila ng isang dibinong babaylan na minsan na ding naging anak ng kalikasan." Isang boses ang namutawi sa kaniyang isipan na dagli din niyang nakilala kung sino.

Nang makuha na ni Simon ang tabak ay agad din niya itong iniabot kay Milo. Hinugot iyon ni Milo sa kaluban nito at nakita niya ang napakapurol nitong talim, subalit hindi maipagkakaila ang metikulusong pagpandsy sa naturang sandata. May mga simbolo ring nakaukit sa hawakan ng sandata na animo'y mga dasal at maging sa pinakakatawan ng tabak ay may mga simbolo ring nakasulat.

"Sa ngayon, hayaan mong makapagpahinga ang iyong katawan. May naitayo na kaming panibagong kubo sa 'di kalayuan. Nakapaghanda na rin kami ng hapunan kaya tayo na." Ani Simon at tumalikod na. Sumunod naman si Milo at namangha siya nang marating ang sinasabi nitong kubo.

Higit na may malaki iyon sa nauna nilang ionayo doon malapit sa ilog. Gawa sa mga pinagtagpi-tagping kahoy at baging ang naturang kubo na hindi naman malaman ni Milo kung paano ginawa nina Simon at Maya.

"Paano kayo nakagawa ng ganitong bahay sa maikling oras lamang? Gulantang na tanong ni Milo habang iniikot ang buong bahay.

"Walang imposible kapag kaisa mo ang kalikasan. Tinulungan kami ng mga engkantong naririto sa kagubatan. At tumulong din ang gabay mong si Karim." Kibit-balikat na tugon ni Simon.

"Mag-uusap lang ba kayo riyan? Lumalamig na ang kanin." Tawag ni Maya na noo'y nakahain na sa isang maliit na mesa na nasa loob ng bahay.

Dali-daling pumasok na sila sa loob at naupo sa papag kasama si Maya. Tahimik silang kumain sa mesa hanggang sa tuluyan silang matapos.

Si Milo na ang nagpresentang maglikigpit ng kanilang pinagkain na hindi naman tinanggihan ng dalawa. Matapos makapaghugas ay agad nang nagpahinga si Milo sa kwartong inihanda nina Simon para sa kaniya.

Kinaumagahan, maaga pa lamang ay gising na silang tatlo, habang si Maya ay naghahanda ng kanilang almusal ay sinimulan nang turuan ni Simon si Milo ng mga pangunahing depensa at atake gamit ang sandta niya.

Matapos nilang mag-almusal ay doon na nagsimula ang katakot-takot na pagsasanay ni Milo na halos ikalumpo ng buo niyang katawan. Mabuti na lamang at walang talim ang balaraw ni Simon dahil kung hindi ay kanina pa natadtad ang kanyang katawan.

Mabilis na inatake ni Simon si Milo gamit ang balaraw nito at halos mapasubasob sa lupa ang binata dahil sa lakas na ipinamalas ni Simon.

"Teka, bakit ang lakas mo? Sabi mo mas malakas sayo si Maya?" Reklamo ni Milo habang nakaupo sa lupa.

"Higit nga na mas malakas si Maya kumpara sa akin, pero hindi ko naman sinabing mahina ako. " nakangising tugon ni Simon at sumenyas sa binata.

"Tumayo ka, kung ayaw mong atakihin kita diya sa kinauupuan mo. Kung isa akong aswang o masamang elemento ay kanina ka pa nakalibing sa lupa. Hindi ka dapat nagpapakita ng ganyang kahinaan sa kalaban mo. Oo at pagsasanay lamang ang ginagawa nating ito ngunit pakakatandaan mo sana na sinasanay kita sa isang tunay na laban." Wika ni Simon at dali-daling tumayo si Milo at kinuha ang tabak niya sa lupa. .

Tumagal pa ng ilang oras ang kanilang pagsasanay at pakiramdam ni Milo ay hihiwalay na ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang katawang-lupa.

"Ayoko na. Pahinga muna!" Hiyaw ni Milo habang habol-habol ang paghinga. Nakahiga siya sa lupa at napaupo na rin si Simon sa sobrang pagod. Halos tuloy-tuloy na nagbuno silang dalawa hanggang sa pagsapit ng hapon.

"Magpahinga na kayo sa loob. May dadaang bagyo." Sigaw ni Maya sa kanila. Mabilis silang tumayo pareho at saka patakbong pumasok sa loob ng bahay.

Agad namang nagsara ng pintuan si Maya, matapos mag-iwan ng isang usal sa labas ng bahay.

"Nagsabi sa akin si Maliya na magkakaroon ng isang bagyo mayamaya. Tatagal ito ng buong gabi kaya mas maiging dumito na lamang tayo. Bukas niyo na ipagpatuloy ang pagsasanay." Suhestiyon ni Maya.

"Bakit biglaan naman yata ang bagyong iyan?" Tanong ni Milo, hindi pa man nakakasagot si Maya ay bumagsak ang malakas na ulan sa buong kalupaan.

Agad naman nakaramdam ng pag-aalala si Milo sa kaniyang lolo dahil nag-iisa lamang ito sa kanilang kubo.

"Alam kong nag-aalala ka kay Lolo Ador, maging mapanatag ka Milo, ang kubo niyo ay nakatirik sa ilalim ng balete, walang bagyo ang makakasira ng natural na pananggalang ninyo. Mahiwaga ang baleteng iyon at pinamamahayan iyon ng mga mabubuting engkanto, kaya wala kang dapat ipag-alala." Wika naman ni Simon at doon lang nakaramdam ng kapanatagan si Milo.

Matapos nilang pagsaluhan ang isang simpleng hapunan ay tuluyan na silang nagpahinga. Dahil sa sobrang pagod ay hindi na namalayan ni Milo na nakatulog na siya. Naging mahimbing ang tulog ni Milo nang gabing iyon dahil nasa tabi niya ang diwata ng hangin at ang tikbalang na nakabantay malapi sa binata ng kaniyang silid.

Pagsapit nang umaga ay doon nila nakita ang pinsalang nagawa ng bagyo nang dumaang gabi. Halos mabuwal ang iilan sa mga puno 'di kalayuan sa kanila ngunit kapansin-pansin ang pagiging maayos ng lahat ng puno na malapit sa kinatatayuan ng kanilang bahay.

Paglabas ng bahay ni Milo ay nasipat niya ang ilang nilalang na may kulay berdeng balat na pilit na inaayos ang mga punong nabuwal dahil sa bagyo. Pinagtutulungan nilang itayo ang mga ito sa kabila ng balingkinitan nilang pangangatawan.

Napabuntong-hininga naman si Milo at agad na lumapit sa mga ito para tumulong. Magkahalong gulat at galak naman ang naging rekasyon ng mga nilalamg nang lumapit at tumulong sa kanila si Milo. Matapos maisaayos ang lahat ng mga punong nabuwal ay pinagkumpulan si Milo ng mga nilalang na animo'y nagsasaya.

Bahagyang nakaramdam ng kilabot si Milo dahil sa mga 'di pangkaraniwang wangis ng mga ito. Kulay berde ang mga balat nito na maihahalintulad mo sa lumot, mayroon silang matutulis na mga tenga at manilaw-nilaw na matulis na ngipin. Kulay lila rin ang kanilang mga mata at mayroon silang gintong pilikmata. Kakaiba rin ang amoy mg mga nilalang na iyon dahil maihahalintulad mo ito sa amoy ng mga damong kagagapas mo lamang.

Panay ang kalabit ng mga ito sa kaniya na tila ba nag-aayang makipaglaro. Hinayaan lang naman ni Milo ang mga ito dahil hindi naman sila nakakasakit. Kalaunan ay nagsibalik na ang nga ito sa isang malaking puno ng talisay na nakalagak sa unahang parte ng gubat na nasa likuran lamang ng kinatitirikan ng kanilang bahay.