webnovel

Chapter 8

Tirik na ang araw nang marating nila ang talon sa pusod ng gubat. Doon ay pansamantalang mananatili silang tatlo para sa paghahanda ng katawan ni Milo. Napakataas ng talo na nasisipat ni Milo at rinig na rinig niua ang malakas na pagbagsak ng tubig mula sa itaas. Napakalamig din ng hangin doon, na animo'y may kasamang pag-ambon dahil na din sa tilamsik ng tubig mula sa talon. 

Habang nagtatayo si Simon at Milo ng pansamantala nilang gagawing kubo, ay naglilibot naman si Maya upang mangaso at manguha ng kanilang makakain. Simpleng kubo lamang ang kanilang ginawa, gamit ang mga nakuha nilang dahon ng nipa sa daan at mga kawayang ligaw. Halos tanghali na ng matapos nila ang mumunti nilang pahingahan, tagaktak ang pawis ni Milo at ganoon din naman si Simon. Nanlilimahid ang pakiramdam nila, kaya mas minabuti nilang magtampisaw sa talon para makapaghugas at mapreskuhan ang kanilang mga katawan.

Nang makabalik na si Maya ay may hatak-hatak na itong isang maliit na baboy ramo at mg aprutas na kapipitas lamang nito.

"Naikot mo ba ang paligid Maya?" Tanong ni Simon.

"Oo, mukhang wala naman magiging problema, maliban na lang kapag may napadpad na mga hindi inaasahang bisita. Pero sa tingin ko, ligtas ang lugar na kinaroroonan natin." Sagot ni Maya at binitawan na ang hatak nitong baboy. Mabilis na umahon naman si Milo at siya na mismo ang naglinis nito para maluto na nila.

Dahil sanay sa bukid si Milo at sa mga gawaing bahay at kalimitan na nila itong ginagawa ng mga kaibigan niya ay naging madali sa kaniya ang pag-aasikaso ng pagiihaw sa baboy ramo. Hindi pa man din nakaka-sampung minuto ay nalinis at nahiwa na niya ang baboy. Ang mga balat naman ng hay*p ay ibinilad niya sa initan upang matuyo ito.

"Anong gagawin mo riyan sa balat ng baboy ramo?" Nagtatakang tanong ni Maya.

"Patutuyuin ko lang at ililibing sa lupa. Ganyan ang nakagawian namin gawin doon sa bukid ng mga kaibigan ko." Sagot naman ni Milo habang nagsisiga ng apoy.

Nagkibit-balikat lang naman si Maya bago tumalikod at inakyat ang isang puno di kalayuan sa kanila para magpahinga.

Habang gumagawa ng apoy si Milo ay bigla namang lumitaw ang tikbalang sa harap niya at naglapag ng mga kahoy na maari niyang gamitin sa pagsisiga. Napatulala naman siya sa dala nito at nakangiting napatingin sa tikbalang.

"Salamat, kaibigan. Hindi ka na dapat nag-abala." Sambit niya at mahinang humalinghing naman ang nilalang.

"Ang tuluyan mong pagtanggap sa aking presensya ay lubos kong ikinatutuwa. Hayaan mong kahit sa maliit na bagay ay mapagsilbihan kita." Wika pa nito. Bakas sa mga salita nito ang kasiyahan at respeto niya sa binata. Mababanaag mo din sa mga mata ng tikbalang ang kakaibang damdaming ioinapabatid nito sa tuwing kausap niya si Milo.

Animo'y isang panginoon si Milo na dapat niyang pagsilbihan na siya namang ipinagsasawalang-bahala ng binata.

Nang matagumpay nang makagawa ng apoy si Milo ay agad din niyang tinuhog ang mga karne gamit ang mga kawayang kaniyang pinutol kanina. Nilagyan lamang niya iyon ng asin at paminta upang kahit papaano ay magkalasa.

"Kaibigan,may alam ka bang lugar na maari nating kuhanan ng mga bungang ugat?" Tanong ni Milo sa tikbalang.

Nagmulat naman ng mata ang nilalang at napatingin sa binata bago nagwika ng...

"Bakit ka lalayo, kung maari mo naman itong hilingin sa lupa?"

Buong pagtatakang tinitigan ni Milo ang nilalang dahil hindi niya mawari ang ibig nitong sabihin.

"Nais mo bang malaman kung paano?" Tanong ng tikbalang. Wala sa loob ni Milo ang tumango at maging siya ay nagulat sa kaniyang naging tugon sa nilalang.

"Ilapat mo ang kamay mo sa lupa at humiling ka ng iyong kailangan. Taimtim na paghiling Milo at ikaw ay kanilang didinggin. Wala silang hindi ibibigay sa iyo." Wika naman ng tikbalang.

Napatingin naman si Milo sa kanniyang kamay at sa lupa na nasa kaniyang harapan. Dahan-dahan naman niyang inilapat doon ang kaniyang palad sa lupa at ipinikit ang mata.

"Sundin mo ang mga katagang babanggitin ko." Wika ng tikbalang na kaagad din naman niyang tinugon. Nagbanggit ang nilalang ng apat na salitang hindi maintindihan ni Milo subalit buong puso niya itong sinundan at walang kahirap-hirap na lumabas ang mga katagang iyon sa kaniyang bunganga.

Matapos niyang mabanggit ang apat na katagang sinabi ng tikbalang ay naramdaman niya ang mahinang pagyanig ng lupa sa kaniyang mga palad. Pagmulat ng kaniyang mata ay ay napahiyaw siya nang makita niya ang mga tila maliliit na elementong gumagapang sa lupa hatak-hatak ang iilang mga bungang-ugat na naiisip lang niya kanina.

"Ano ang mga iyan?" Tanong ni Milo habang iniiwas ang mga paa niya dahil baka masagi niya ang mga ito.

"Mga lamang-lupa. Sila ang tumugon sa kahilingan mo. Kapag may nais ka sa kalikasan, maari mong banggitin ang mga katagang iyon para humiling. Iba't-ibang elemento ang darating para ika'y tugunin, huwag mo lang silang aabusuhin. At isa pang paalala, bawat ibinigay nila sayo ay may karampatang kabayaran. Maari mo silang alayan ng dasal o mga bagay na magugustuhan nila. Mga pakaing dasal ang tawag doon. Aralin mo ang mga iyon, upang kahit paano ay may alam ka." Paalala pa ng tikbalang.

"Ibig sabihin kahit ano'ng hilingin ko kaya nilang ibigay?" Nanlalaki ang mga matang tanong ni Milo.

"Hangga't hindi naaayon sa kasamaan Milo. Kapag naramdaman ng mga elementong may masama kang balak, kusa silang lalayo at kalah ng ibinigay nila ay pagbabayaran mo." Sagot naman ng tikbalang. Napalunok ng laway si Milo ay agad na nagpasalamat sa mga nilalang na iyon para sa handog nilang mga bungang-ugat.

Matapos makapagluto ay tinawag na niya ang magkapatid at nagsimula na silang kumain. Matapos ang simpleng tanghalian nila ay pinalusong na nila sa talon ni Milo.

Umupo si Milo sa malaking batong binabagsakan ng tubig at halos mapasubasob siya dahil sa lakas ng pagbagsak nito sa kaniyang katawan.

Sa pagkakataong iyon ay pinilit na maupo ng tuwid ni Milo habang iniinda ang sakit na dulot ng pagtama ng tubig sa kaniyang katawan.

Habang nasa ganitong sitwasyon si Milo ay nakatanaw naman sa kaniya nag magkapatid.

"Sa tingin mo Simon, kakayanin ba ng katawan ni Milo ang susunod pagsubok sa kaniya?" Tanong ni Maya.

"Kaya nga natin siya inihahanda, para makayanan ng katawan niya. Likas naman na malakas ang pangangatawan ni Milo dahil batak ito sa trabaho sa bukid. Subalit mahina ang espirituwal na kalakasan niya, doon natin siya hahasain. Ang mga pisikal na pagsubok ay paniguradong malalagpasan niya nang walang kahirap-hirap." Tugon naman ni Simon.

"Nauubos na ang oras natin, kailangan matutunan na ni Milo ang lahat oara makatawid na tayo. Naghihintay na sila, at hindi natin sigurado kung hanggang kailan nila kakayanin ang pagpigil sa mga kalaban." Wika ni Maya na bakas sa mukha ang matinding pag-aalala.

Maging si Simon ay bahagya ring nalungkot dahil batid din niya kung gaano na sila kagahol sa oras. Subalit hindi rin nila maaring madaliin si Milo dahil sila-sila lang din ang mapapahamak sa huli.

Wala din silang magagawa kun'di ang pagtuunan ng pansin pagtuturo at pagmumulat kay Milo sa lahat ng karunungang alam nila, dahil ito lang din ang nag-iisang paraan upang makatawid na sila.

Halos hapon na nang tuluyang makaahon si Milo sa talon. Pabagsak na napahiga siya sa lupa habang habol-habol niya ang hininga.

"Magpahinga ka na. Bukas ng umaga uulitin mo 'yan hanggang sa masanay ang katawan mo sa bigat ng paghampas ng tubig sa katawan mo. Kapag napagtagumpayan mo iyan, kombate naman ang ituturo namin sayo," salaysay ni Maya.

Tumango lamang si Milo habang humihingal dahil maging ang pagsasalita ay hindi na rin niya magawa sa sobrang pagod. Sa sobrang kapaguran nga ay hindi na niya namalayang nakatulog na pala siya.

Sa kaniyang pagkakahimbing ay isang boses ang tila tumatawag at humihingi ng tulong sa kaniya. Malumanay na boses iyon ng isang lalaki na sa wari niya'y isang binatang katulad niya. Malamyos ang tinig nito na napakalamig sa tenga. Subalit nang akmang sasagutin niya na ito ay isang itim na usok ang marahas na humarang sa kaniya na siyang ikinabalikwas naman niya mula sa pagkakahiga.

Noon lang din niya napagtantong, papasikat na ang araw. Dali-dali siyang lumabas sa kubo at napakamot pa sa ulo. Paglabas ay nakasalubong pa niya si Karim na may dalang isang bulig ng hinog na saging.

"Gising ka na pala, binuhat na kita kagabi para makapagpahinga ka ng maayos." Bungad na wika ng tikbalang.

"Salamat, Kaibigan. Kailangan ko ng magsimula ulit," tugon niya at patakbong tinungo amg talon. Tulad kahapon ay muli siyang naupo roon. Sa pagdaan ng oras na nakaupo siya sa ilalim ng rumaragasang tubig ay unti-unti niyang nararamdaman na nasasanay na ang kaniyang katawan. Tila ba humina ang pagbagsak ng tubig sa balikat niya at hindi na niya gaanong maramadamn amg sakit nito.

Natapos ang maghapon iyon na nakaupo lamang doon si Milo habang isinasabay ang pagninilay sa kaniyang mga kasalanan. Sa bawat pagninilay na kaniyang ginagawa ay nag-aalay din siya ng dasal, upang kahit papaano ay maging matiwasay ang pagtanggap niya sa mga hamong darating sa buhay niya.