webnovel

CHAPTER 10

Aalis na sana kami nang bigla uli siyang magsalita. Hindi ko masyadong naintindihan ang kaniyang sinabi kaya napahinto kami na hindi pa rin sila nilingon.

''Babaeng taga-circus!'' Tawag niya sa 'kin. ''Binabayaran namin kayo para magpasaya, hindi para akitin ang aking kapatid!'' Nilakasan pa niya talaga ang kanyang boses nang sabihin sa akin 'yon. Bumilis ang tibok ng puso ko. Nag-init naman ang tainga ko nang marinig ang mga katagang 'yon.

''Ang swerte naman ng 'yong ama, malaki na nga ang ibinibigay namin sa kanya ay mukhang makabibingwit pa ng isang maharlika na magiging manugang! Aba, mukha kayong pera! Mga linta! Salot!'' Halata sa kanyang boses ang panggigigil. Hindi ko maintindihan kung bakit galit na galit siya sa 'kin. Wala naman akong ginawa sa kanyang masama.

Hindi ko na rin tuloy maipaliwanag ang aking nararamdaman. Napansin ko na lang na malalim ang aking paghinga. Halos manginig ako sa aking narinig. Uminit din ang aking pakiramdam na tila ba kumukulo ang aking dugo. Nagngingitngit ang labi ko, naramdaman ko na lang ang pagtigas ng aking panga. Sobra na ang kanyang sinabi! Dinamay pa niya ang aking ama!

Umihip pa lalo nang malakas ang hangin. Mas kumapal rin ang butil ng nyebeng bumabagsak. Nilingon ko si Matilde na nakangisi pa.

''Nasaktan ka ba sa sinabi ko, pulubi?'' Nanunutya ang tono ng pananalita niya. May mahina pang pagtawa na akala mo may nakakatawa.

''Sobra ka na, tandang Matilde! Alam mo bang mukha kang matanda? Ang dami mong kulubot sa mukha kaya pati ugali mo kulubot din!'' sabi ni Lucy.

''Ang lakas ng loob mong babae ka na sabihan ako na mukhang matanda! Kayong mga salot kayo umalis na kayo rito sa bayan namin! Mga walang kwentang tao! Sana ay mamatay na kayo!'' Sigaw niya.

Bigla na lang kumilos ang aking katawan na parang may sariling pag-iisip. Gumalaw ng kusa ang aking mga kamay. Ibinalibag ko ang nakasukbit na basket at hinubad din ang aking maskara. Kusang humakbang ang aking mga paa palapit sa kanya. Halos marinig ko sa aking ulo ang pintig ng aking pulso.

Nakatitig lamang ako sa kanyang mga mata. Matalim ko siyang tinitigan. Kung nakamamatay lamang ang pagtitig ay kanina pa siya bumulagta. Ngunit iba ang kakayanan ng aking mga mata. Nakalapit ako sa kanya ay hinatak ko ang kanyang braso. Hinawakan ko siya nang mahigpit.

''Bitiwan mo ako! Huwag mong ihawak sa akin 'yang marungis mong kamay!'' Nagpupumiglas siya pero hindi ko siya hinahayaang makawala.

''Insultuhin mo na ako, 'wag lang ang pamilya ko!'' Mayamaya ay nakita ko na ang pamumuo ng yelo sa bandang ilong niya.

''A-anong nangyayari sa 'kin?!'' Sigaw ni Matilde. Nakaalalay sa kanya si Rosemary na nakikisigaw na rin.

''Anong ginagawa mo sa akin?! H-halimaw ka!'' Napabitiw ako sa kanya. Saka lang nagising ang aking ulirat nang makitang unti-unting kinakain ng yelo ang kanyang mukha. Tiningan ko ang aking palad. Nanginginig ito at ako'y napatulala. Napatingin ako sa paligid. Natakot ang mga nakakita, napalayo at ang iba'y nagtago. Hindi!

''Halika na, Holly!'' sabay hila sa akin ni Lucy.

Hindi pa ako nakagalaw nang ako'y kanyang hilahin, nanigas ang aking mga tuhod at para akong natuod habang pinagmamasdan si Matilde na unti-unting kinakain ng yelo ang buong mukha pababa sa kanyang katawan. Tumakbo kami ni Lucy, muntik pa akong madapa dahil pakiramdam ko'y nanlalambot ang buo kong katawan.

Hindi ko na nagawang isuot pa ang aking maskara,

sinulyapan ko na lamang ito kung paano liparin nang malakas na hangin at kung paano ito bumagsak at matabunan nang makapal na yelo.

Halos maubusan kami ng hininga ni Lucy nang makarating sa bakanteng lote kung saan itinayo ang circus house. Hawak niya ang dibdib at hingal na hingal samantalang ako ay napaupo sa makapal na nyebe.

Nakita kami ni Lucas na noo'y binubuhat ang mga maliliit na ilaw.

''Anong nangyari sa inyong dalawa?'' Nakakunot ang noo niyang tanong sa 'min.

''S-si ama, nasaan si ama, Lucas?!'' Masyado yatang napalakas ang pagtatanong ko sa kanya nang biglang lumitaw si ama mula sa likod ng karwahe.

''Bakit anak?'' Nagpupunas siya ng kamay nang lumabas siya.

Napatayo ako at tumakbo palapit sa kanya, niyakap ko soya't pumikit.

''P-patawarin mo ako, ama!'' Humapdi na ang aking mata, ang mainit na likido mula rito ay naramdaman kong tumulo sa aking pisngi. Nasisiguro kong magagalit si ama.

''Ano ba ang nangyari, Holly?'' Napakagat ako sa aking labi dahil sa kanyang tanong.

''K-kasi-''

''Hulihin ang babaeng iyan!'' Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko. Nilingon ko ang nagsalitang 'yon. Si Don Miguel, kasama ang napakaraming guardia.

Lalapit na sana ang mga guardia nang...

'''Wag ninyo siyang lalapitan o hahawakan!'' Napatingin ako sa lalaking dumating. Malalim at parang naghahabol siya ng hininga. Napagod siguro siya sa pagtakbo at wala rin siyang sapin sa paa. Nakapanlamig lamang siya ng kulay asul na may malaking talukbong, manipis na pantalong kulay tsokolate at wala ang mga karaniwan niyang sinusuot sa tuwing lumalabas siya, balabal, pantakip sa tainga at gwantes

''Frost...'' Bulong ko.

Tumakbo siya palapit sa akin at ihinarang ang sarili.

''Ano ba ang nangyayari, Holly? Wala akong maintindihan!'' Sigaw ni ama.

''Ang anak mo, ginoo, ay halimaw! Ginawa niyang yelo ang  mahal kong anak na si Matilde!'' Nakakuyom ang mga palad ng Don, kulang na lang ay magbuga siya ng apoy sa galit niya.

''Hindi ko po sinasadya ang nangyari ama! Nadala lamang ako sa bugso ng damdamin sapagkat iniinsulto niya ang pagkatao natin!'' Tiningnan ko si ama na ngayo'y nakakuyom na rin ang mga palad. Halatang dismayado siya sa nangyayari, kung kailan paalis na kami ay saka pa nangyari ito. Kasalanan ko.

''Patawad, Frost, hindi ko sinasadya.'' Lumuhod ako habang nakatalikod siya sa 'kin, patuloy lang din ang pagtulo ng mga luha ko.

Humarap siya sa akin at inalalayan akong tumayo, Pagkatapos ay ipinatong niya ang kamay sa ulo ko't hinimas ang buhok ko.

''Alam mo bang nagmadali akong puntahan ka nang marinig ko ang balita at para tiyaking hindi ka nila masasaktan? 'Wag kang humingi ng tawad sa akin, alam kong napuno ka lang dahil sa ugali ng kapatid ko.'' Nakangiti pa siya sa akin. Imbes na magalit siya ay nakukuha pa niya akong ngitian. Mas lalo tuloy akong naiyak.

Muli naman siyang humarap sa kanyang ama.

''Ipinagtatanggol mo pa ang babaeng iyan?! Umalis ka riyan, Fros! Sige na mga guardia, hulihin niyo na ang halimaw at parusahan!'' Kung duruin ako ng kanyang ama ay tila napakababa kong nilalang.

''D'yan lang kayo!'' Huminto naman ang mga guardia sa utos ni Frost. Nilingon uli niya ako't tumitig sa 'king mga mata. Napatitig rin ako nang ilang saglit ngunit agad ko ring iniwas ang mga mata ko. Hinawakan niya ang mukha ko't ihinarap sa kanya pero pumikit ako.

'''Wag kang tumitig sa 'kin, Frost!'' Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya.

''Bibilang ako hanggang tatlo, tatakbo tayo,'' sabi pa niya.

''Nasisiraan ka na ba-''

''Isa.'' Pilit ko pa ring hinahatak ang kamay ko. Pati si ama ay nakiusap na sa kanya na bitiwan ako.

''Dalawa.''

''Ang tigas ng ulo mo, Frost! Pakiusap, bitiw na.'' Pagmamakaawa ko sa kanya.

''Wala na akong magagawa pa, hulihin niyo na rin pati ang suwail kong anak!'' Utos naman ni Don Miguel.

''Tatlo!'' Mabilis na yumuko't dumakot ng nyebe si Frost, saka ibinato sa mga papalapit na guardiang may dala-dalang mahahabang baril sabay hatak sa akin para tumakbo. Wala akong nagawa kundi ang mapasunod sa kanya.

"Ingatan mo ang aking anak, Master Frost!" Nilingon ko si ama nang isigaw niya 'yon. May mga guardia ring nagkumpulan palapit sa kanila at isa-isang nilagyan ng panali ang kanilang mga palapulsuhan. Nakatingin lang sa akin si ama at tumango. Hindi ko kaya na sila ang magsasakripisyo dahil sa nagawa ko!

''Sandali!'' Huminto ako kahit pa hindi siya papayag.

''Malapit na nila tayong maabutan! Sinabi na ng iyong ama na ingatan kita, ibig sabihin lang no'n 'wag kitang ibibigay sa kanila!'' Suminghot ako at nagpahid ng luha.

''Hindi mo naiintindihan, ayokong isakripisyo nila ang kaligtasan nila para sa akin! Ako, ako! Ako ang kailangang maparusahan!'' sabi ko sa kanya.

''Patawarin mo ko Holly, subalit.'' Walang kahirap-hirap lang niya akong binuhat at pinasan sa kanyang balikat na parang sako. Saka ko lang din napansin ang maliit na pamumuo ng yelo sa kanang bahagi ng kanyang siko.

''Hindi ko hahayaang makuha ka nila.'' Dagdag pa niya sabay takbo.

Ipinangako ko sa sarili kong babalikan ko si ama at sina Lucas. Ang tanging magagawa ko na lang muna ngayon ay ang sumama sa kanya. Nakatingin lang ako sa kinaroroonan nina ama habang unti-unti na silang nawawala sa aking tanaw. Malapit na rin ang mga guardia sa amin. Umihip ako sa hangin at makapal na hamog ang sumalubong sa kanila. Napahinto ang mga guardia dahil na rin sa hamog kung kaya hindi na nila kami masusundan sa ngayon.

***

Nakarating kami ni Frost sa may bangin. May mahabang tulay rito bago makarating sa mismong bundok ng Saxondale. Mataas ang kinalalagyan nito't sa ibaba'y nagyeyelong ilog na.

Hindi ko mawari kung saan siya humuhugot ng lakas para makatagal sa lamig kahit na puno na ng malalaking pulang pantal ang buong katawan niya. Ang labi niya'y namumuti na rin. Malalim at mahaba na rin ang naging kanyang paghinga, ako ang nakararamdam ng hirap sa tuwing pinagmamasdan ko siya.

Dahil sa pagtitig niya sa 'kin kanina kaya ngayo'y nangangalahati na ang yelo sa kanang bahagi ng kanyang katawan. Mula sa kanang braso papuntang dibdid at balikat.

''Alam mo ba, may lumang bahay sa kabilang ibayo, nadiskubre ko 'yon no'ng nakaraang taon,'' sabi niya habang naglalakad kami sa tulay na nababalutan ng nyebe.

'''Wag ka ng magsalita pa, Frost-''

''H-hindi ko na maramdaman ang kanang kamay ko,'' sabi niya kaya't hindi ko naituloy ang sasabihin ko. May kung anong kurot sa aking puso ang nagsimulang tumusuk-tusok.

Nasa kalahati na kami ng tulay nang mapaluhod siya. Nakita ko ang mga paa niyang halos mamuti na, puno na rin ito nang makakapal, malalaki at mapupulang pantal. Hindi na niya nagawang magsuot ng sapin sa paa makapunta lang sa akin. Nahahabag ako. Nakagat ko ang ibaba ng labi ko. Naluluha rin ako pero hindi ko dapat ipakita sa kanya. Nanginginig ang labi ko, hindi ko mapigilan. Tumalikod ako't pinunasan ang aking mga mata at muling humarap sa kanya.

''K-Konti na lang, Frost.'' Tumango lang siya at ngumiti. Pumunta ako sa kanyang harapan at sinabihang kumapit sa aking balikat. Ako na muna ang magiging saklay niya. Naninikip tuloy ang dibdib ko. Kung hindi na sana ako gumanti ng titig sa kanya siguradong hindi siya nagkakaganito.

''Sana'y nakalilipad ako sa hangin, gaya ng mumunting snowflakes tuwing tag-lamig,'' sabi niya kaya nakinig ako.

''Sana'y gaya mo, maaari akong magtagal sa malamig na lugar. Naiinis ako sa sarili ko, bakit ako pa ang minalas na magkaroon ng ganitong sakit!'' Ramdam ko ang pagkadismaya sa tono ng kanyang pananalita. Hindi ako makaharap sa kanya dahil sa ngayo'y umiiyak na ako.

***

Nang makarating kami sa luma at maliit na bahay ay agad akong naghanap ng lumang kumot kung mayro'n man. Mayro'n nga akong nakita ngunit maikli ito, hindi na ako nagatubili pang ibalot ito sa kanya. Mabuti na lamang at may nakaimbak na mga putol na kahoy rito, may posporo ring tatlo na lang ang laman.

Nagpasindi ako sa may maliit na pogon. Inalalayan si Frost maupo malapit do'n, pinagmasdan ko muna ang nagyelo niyang kamay, halos ang buong kanang braso at buong dibdib na niya ang nababalutan ng yelo.

Naupo ako sa gilid ng sirang kama. Sira na ang paligid ng bahay at mukhang malapit na ring bumagsak ang kisame. Makapal naman ang yelong nasa gilid ng sirang bintana. Tiningnan ko ang aking kamay pagkatapos ay sinulyapan ko si Frost na nakapikit. Naikuyom ko ang aking palad at naalala ang aking naging panaginip.

Ako ang bagong Snow Queen at si Frost ang kanyang sinta. Ano ba ang ibig niyang ipahiwatig sa panaginip ko? Paano ko babaguhin ang tadhana kung ito mismo ang gumagawa ng paraan upang hindi ito matupad? Kung talagang hindi sila para sa isa't isa'y... hindi talaga. Ngunit napakalaki nang ngiti ng Snow Queen sa aking panaginip na tila naniniwalang mapagtatagumpayan ko ito.

***