"ARTUS, pakawalan mo na ako. Hayaan mo na akong bumalik sa aking pamilya. Hindi sila titigil hangga't hindi nila nalilipol ang buong nasasakupan mo. Ang mga inosente ay..."
Naputol ang pagbibitaw ng linya ni Aurora nang marinig ang halakhak ng isang babae. "Ang galing mo talagang magturo, Alvaro. Nakita mo naman, hindi ba? Nagalingan sila sa akin," kinikilig na sabi ni Bebang sabay yakap sa binata.
"Wala iyon. Maliit na bagay."
"Ako din naman. Payakap nga, pare," sabi ni Celso at tumawa rin ito kasabay ni Alvaro.
Itinulak palayo ni Bebang ang lalaki palayo kay Alvaro. "Baliw! Pati ba naman ikaw kakaribalin pa kami?"
Parang may bikig si Aurora sa lalamunan habang nakikitang masaya si Alvaro kasama ang ibang tao. Ni hindi siya nito nilingon o kinausap mula kanina. Parang wala siya sa mundo nito. Habang siya naman ay awtomatikong
"Aurora, ikaw na ang susunod. Ano na?" untag sa kanya ni Omar na bakas ang iritasyon sa anyo.
"A-Anong sabi mo?" usal niya.
Ginagap nito ang kamay at inulit ang linya. "Mahal kita. At handa akong lumaban para sa pagmamahalan natin. Sabihin mo sa akin na mahal mo rin ako. Na di mo hahayaan na gapiin nila tayo."
"Alvaro, nakakatampo na. Di mo pa ako tinutulungan sa script ko," narinig niyang sabi ni Inez na tumagos sa kamalayan niya.
"Subalit..." Kinagat ni Aurora ang pang-ibabang labi. Hindi na niya alam kung ano ang susunod na sasabihin. Nasa dulo ng dila niya ang salita. Habang ang ibang salita ay lumulutang lang sa utak niya at di niya alam kung paano pagsusunud-sunurin. Isa lang ang malinaw sa kanya - si Alvaro. Si Alvaro na masaya kahit di siya kasama. Si Alvaro na wala nang pakialam sa kanya.
"Aurora naman! Wala ka namang gagawin sa dialogue na iyan kundi nakatayo ka lang at titingnan mo ako. Di naman ganoon kakomplikado ang linya. Ano ba naman ang mahirap doon?" angil ni Omar at isinuklay ang daliri sa buhok sa labis na inis.
Yumuko siya. "Pasensiya na. Nakalimutan ko kasi."
Gusto na niyang maiyak. Di naman nangyari sa kanya dati na nawawala siya sa sarili. Kaya siya ang kinuhang bida dahil madali siyang makakabisa ng linya niya. Madali siyang katrabaho. Hindi niya binibigyan ng problema ang kasamahan niya. Pero sa nangyayari ngayon, parang napakatanga niya. Wala siyang kwenta.
"Omar, huwag masyadong mainit ang ulo mo," saway ni Ma'am Mercy dito.
"Si Aurora po kasi. Dapat kabisado na niya ang script niya ngayon tapos simpleng eksena lang hindi pa niya nakuha," paninisi ni Omar sa kanya at ihinilamos ang palad sa mukha.
Nailang si Aurora dahil pinagtinginan na sila ng ibang kasamahan nila. Kung magsalita si Omar ay parang napakalaki ng pagkakamali niya. Nakakapanliit tuloy.
"Lahat naman tayo nagkakamali. Napakaliit na bagay pero mainit ang ulo mo kay Aurora. Huwag naman ganyan," saway ni Ma'am Mercy dito sa malumanay na boses.
"Magpahinga muna tayo," sabi ni Marlon at inakbayan si Omar. "Hindi ka kasi kumain ng miryenda kanina kaya mainit ang ulo mo. Gutom lang iyan."
"Aurora, bakit di ka muna magkabisa ng script mo?" sabi ni Ma'am Mercy.
"Bumalik ka na lang kapag kabisado mo na para hindi naman nasasayang pare-pareho ang oras natin dito," pahabol pa ni Omar bago tuluyang hilahin ni Marlon palayo.
"Pasensiya po ulit. K-Kakabisaduhin ko na lang." At tumakbo siya palayo.
SA TALAMPAS nakarating si Aurora at tahimik na umiyak doon. Kabisado naman na niya ang script niya. Napuyat nga siya nang nakaraang araw para lang makabisa iyon. Kundi lang umeksena si Alvaro at ang mga babae nito, kaya naman niyang sabihin ang dialogue niya nang hindi nagkakamali.
Dahil kay Alvaro ay naaapektuhan na ang gampanin niya sa dula. Hindi pwedeng ganito siya hanggang makaalis ito. Hindi naman niya pwedeng sisihin ang mga ito bagamat medyo maingay ang mga ito kanina. Kasalanan niya. Kasalanan ng puso niya na walang ibang laman kundi si Alvaro.
Yumukyok siya at patuloy na umiyak. Anong gagawin ko ngayon? Paano kung mas lumala ako pag-alis ni Alvaro? Paano ko ba aayusin ang sarili ko?
Hindi niya alam kung kanino siya tatakbo o magsasabi ng saloobin ngayon. Sino ba ang maari niyang masabihan ng nararamdaman niya na makakaunawa sa kanya? Sa Tiya Manuela sana niya pero nasa paaralan pa ito para sa practice ng children's choir na magtatanghal din sa pista. Hindi niya ito pwedeng abalahin.
Nang makarinig ng kaluskos ay inangat niya ang ulo. Sino kaya ang sumunod sa kanya dito? "Aurora! Aurora!"
"Alvaro?" usal niya nang marinig ang boses ng binata. Sinundan siya nito?
Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.
To be updated on my latest books, events, promos, and more news, send me a "Hi" message to Sofia PHR Page on Facebook.