webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · General
Not enough ratings
55 Chs

Chapter 28

"PWEDE tayong gumamit ng tela o kurtina na may painting ng colonial town o kaya ay ng kabundukan. Mas madali ang transition natin. Baka may History book diyan lalo na ang image ng sinaunang Samar. Doon na lang tayo kumopya ng background."

Hindi makapag-focus si Aurora sa pagkakabisa ng script. Nasa harap sila ng kapilya nag-eensayo para sa dula. Pero nakukuha ni Alvaro ang atensiyon niya. Mistula itong isang leader na nilalapitan ngayon ng mga kasama sa pagdidisenyo ng entablado. Marami itong kaalaman pagdating sa dula. Stage design daw ang tawag doon. Hindi niya maiwasan na makinig sa bawat sasabihin nito. Di lang naman siya kundi pati ang ibang kasamahan nila doon ay mistulang metal na namamagneto dito. Magaganda ang mga ideya nito at tumutulong naman ang iba para magbigay ng ideya kung paano iyon magagawa sa limitadong materyales nila sa isla.

Pero higit pa doon, ito na lang kasi ang pinakamalapit na makakausap niya ang binata. Mula nang maghapunan sila kasama ang ama niya ay umiwas na ito sa kanya. Hindi pala ganoon kadali na balewa lain lang ito habang parang napakadali naman para sa binata na magpanggap na wala siya doon, na parang di siya nito nakikita.

"Para daw iyon sa akin. Para sa akin," aniya at mariing pumikit. Sana bago umiwas sa kanya si Alvaro ay tinuruan muna siya nito paano magpanggap na wala siyang pakialam sa taong gustong-gusto niyang makita. Hindi ganoon kadali ang lahat. Sana tinuruan siya nito kung paano maging katulad nito. Isang linggo? Isang araw pa nga lang niya itong ginagawa ay parang maloloka na siya.

"Madami palang alam sa mga dula itong si Alvaro," anang ni Mang Roger na siyang namumuno sa paggawa ng props. Magaling kari itong karpentero at pintor. "Bahagi daw siya ng theater guild mula elementarya hanggang second year college bago siya tumigil sa pag-aaral. Kung sinabi mo noong una pa lang, sana nakahingi na kami ng tulong sa iyo."

"Hindi naman po ako ganoon kagaling," mapagpakumbabang wika ng binata. "May alam lang po ako ng konti."

"Bakit pala hindi ka nag-artista kung galing ka sa teatro?" tanong ni Marlon na kasama sa munting pulong ng mga ito. Kailangan kasing malaman kung ilan ang pagpapalit ng background na gagawin.

Nagkibit-balikat ang binata. "Hindi naman ako artistahin."

"Kung hindi ka pa artistahin, ano na lang itsura ng mga artista ngayon? May nakita nga ako nang lumuwas ako sa Cebu na pelikula, hamak mas guwapo ka naman sa bida," singit ni Bebang. "Wala silang mga taste kung ganoon."

"Alvaro, ipinagdala kita ng biko na may langka. Tikman mo," sabi ni Inez at sinubuan ito. "Masarap ba?"

Sabihin mo na hindi iyan ang gusto mo. Sabihin mo na mas gusto mo ang luto ko.

"Oo. Masarap ito. Salamat, ha?" anito at sumubo ng kakanin. Kinuha pa nito ang platito sa babae. "Tiyak na mauubos ko ito."

Parang piniga ang puso ni Aurora. Bakit ganoon? Isang araw lang ang lumipas pero nag-iba na ang tono nito. Nakalimutan mo nang luto ko lang ang gusto mo.

"Rora, mata sa script at hindi sa mga tagagawa ng entablado, malibang kabisado mo na," anang direktor nila na si Ma'am Mercy.

Iniwas niya ang tingin kay Alvaro at kumurap-kurap. "Sa dagat ako nakatingin. Napagod kasi ang mata ko sa pagbabasa."

"Heto ang dagat sa kabila." Itinuro nito ang kabilang direksyon. Nawala na lang siya ng kibo dahil wala naman siyang ibang mailulusot dito. Umupo ito sa tabi niya. "Huwag ka nang magpalusot. Si Alvaro ang mas gusto mong prinsipe, hindi ba?"

"Hindi po. Ayos naman si Omar na umarte at matagal ko na siyang nakakasama sa dula." Nang nakakaraang taon ay hindi naman romantiko ang kwento ng dula nila kaya hindi sila magkapareha. Pero kasama pa rin si Omar sa mga gumanap.

"Pero gusto mo si Alvaro?" panghuhuli ni Ma'am Mercy.

"Magkaibigan lang po kami. Nakita naman po ninyo na di ako tulad ng ibang babae na naghahabol sa kanya." Ayos na siya nang ganito. Patingin-tingin lang habang nasasaktan.

"Hindi nga dahil hindi naman ikaw ang tipo ng babae na naghahabol sa lalaki. Ikaw ang laging sinusuyo. Pero nakikita ko naman sa mga mata mo na gusto mo siya."

Bumuntong-hininga si Aurora. Ayaw naman ni Alvaro sa kanya. Lagi na siya nitong iniiwasan. Kapag may ibang tao ay ngingiti lang ito nang tipid tapos ay lalagpasan na lang siya. Ngayon ay kumakain na nito ng luto ng ibang babae.

"Nagbabakasyon lang po siya dito. Aalis din siya. Kaya nga ibinubuhos na niya ang lahat ng alam niya ngayon dahil aalis na siya sa isang linggo."

"Hindi na siya aabot sa pista?" bulalas ng matandang babae.

Malungkot siyang umiling. "Siguro naiinip na po siya dito. Iba naman talaga ang lugar na nakasayan niya. Wala tayong kuryente. Wala tayong signal ng cellphone o internet. Wala tayong mga mall na may sinehan." Bumuntong-hininga siya. "Tayo-tayo lang kasi ang mukha dito kaya nagkakasawaan."

"Pero mukha naman siyang masaya dito." Nilingon nito si Alvaro na nakangiti habang sinasabi ang mga ideya nito sa mga kagrupo. "Nakakalungkot naman dahil marami siyang naitutulong sa pagtatanghal natin. Kahit nga sa script minsan nagbibigay din siya ng suhestiyon. Hindi ba pwedeng pakiusapan siya na magtagal dito hanggang matapos ang pista? Masisiyahan siya tiyak."

"Wala naman po sigurong makakapigil sa kanya kung saan niya gustong pumunta." Siya ang huling taong pakikinggan ni Alvaro. Kung may bangka lang siguro na paalis na doon ay baka umalis na ito ng isla kanina pang umaga.

"Aurora, gusto mo bang mag-ensayo tayo?" yaya ni Omar at inabot ang kamay sa kanya.

Tipid siyang ngumiti at hinawakan ang kamay nito. "Sige."

Aalis din si Alvaro. At sa pag-alis nito, sino pa ba ang maiiwan sa kanya kundi ang katulad ni Omar? Ito ang hindi mawawala. Mabuti nang ngayon pa lang ay masanay na si Aurora na wala si Alvaro sa buhay niya.

I will have a school tour for Booklat at De La Salle Araneta on August 28. See you there!

Sofia_PHRcreators' thoughts