webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · Tổng hợp
Không đủ số lượng người đọc
55 Chs

Chapter 22

NAGNGINGITNGIT ang kalooban ni Aurora habang nakaupo sa multi-purpose hall kung saan ginaganap ang pulong nila para sa dulaan. Sinundo siya ni Omar sa bahay nila. Bagamat kasabay nila si Alvaro ay minanipula naman ng kababata niya ang usapan. Pagdating sa maliit na multi-purpose hall kung saan nag-aabang ang ibang mga kalahok ay hinila naman si Alvaro ng ibang mga kababaihan. Kahit nang magsimula na ang pulong ay di na sila magkatabi. Kinailangan na lang niyang tiisin ang presensiya ni Omar.

"Aba! May bagong mukha pala tayo dito. Magpakilala ka nga," anang si Ma'am Mercy nang makita si Alvaro. Isa itong sa guro sa elementarya. Taga-Tacloban ito pero nakapag-asawa ng taga-isla at siyang magsisilbing direktor ng dula nila. Habang ang nakababata naman nitong kapatid na si Marlon na gumagawa ng script nila kapag may dula ay isa ring guro at taga-isla din ang napangasawa.

"Ako po si Alvaro Baltazar. Galing po ako sa Maynila. Nagbabakasyon lang po ako dito sa Isla Juventus," pagpapakilala ng binata.

"At sino naman ang kasama mo dito? Sino ang nobya mo dito?" tanong ni Ma'am Mercy.

"Ako po!" anang si Aurora at nagtaas ng kamay. Nagtinginan sa kanya ang lahat. Pati si Alvaro ay mukhang nagulat sa sagot niya.

"Siya ang nobyo mo, Rora? Aba! Di ko alam na may nobyo ka na pala," sabi ni Ma'am Mercy.

Dahan-dahan niyang ibinaba ang kamay at pilit na ngumiti. "Ang ibig ko pong sabihin, ako po ang kasama niya dito sa pulong. Sa kay Tiya Manuela po kasi siya tumutuloy," paliwanag niya.

"Ahhhh!" sabay-sabay halos na sagot ng lahat.

Nagpatuloy si Ma'am Mercy. "May bago tayong kwento ngayon. Ibang dula naman ang itatanghal natin ngayong taon. At ang kwento natin ngayon ay tungkol sa Alamat ng Isla Juventus."

Napuno ng bulung-bulungan ang multi-purpose hall. Ang Alamat ng Isla Juventus kasi ay kwento na nagpapasalin-salin lang mula pa noong panahon ng Kastila. Wala pang aktuwal na tala nito kaya isang malaking bagay na may dulang katulad nito.

"Aurora, ikaw si Joviana, ang anak ng gobernador-heneral noong panahon ng Kastila. At ang prinsipe..."

"Bagay na maging prinsipe si Alvaro. Matangkad at matikas. Guwapo pa," kinikilig na sabi ni Inez.

"Tama! Si Alvaro na lang para maiba naman. Tapos ako ang magiging prinsesa," sabi naman ni Bebang. "Kaya ko rin namang umarte."

"Kaso pang-kontrabida naman ang ganda mo, Bebang. Pwede din namang pang-horror," pang-aasar ni Jon-Jon dito, isa sa kaibigan ni Omar.

Sang-ayon si Aurora na si Alvaro ang maging prinsipe. Pero di naman siya papayag na di siya ang makapareha nito. Ilalaban niya ito ng pitikan ng ilong kay Bebang.

"Hindi naman siya tagadito. Bakit naman natin sisirain ang tradisyon na dapat ay mga taga-Juventus lang ang gaganap sa dula tuwing pista? Tradisyon natin iyan para maipakita ang talento sa iba," tutol naman ni Bert, ang matalik na kaibigan ni Omar.

"Saka ano naman ang alam niya sa pag-arte? Di naman pwedeng guwapo lang sa entablado," dagdag pa ni Omar na kampanteng-kampante sa talento nito sa pag-arte.

Tumikhim si Alvaro. "Ang totoo..."

"Bakit di na lang natin subukan kung marunong din palang umarte si Alvaro? E di paartehin natin sila," sabi naman ni Aurora. "Tingnan natin kung sino talaga ang bagay na maging prinsipe."

Hinawakan ni Omar ang braso niya. "Aurora, ano bang sinasabi mo?" asik nito.

"Sayang lang ang oras. Tagadito na lang ulit. Si Omar na lang. Saka di naman natin alam kung hanggang kailan dito ang bisita ninyo, Rora," wika ni Jon-Jon. "Di natin siya pwedeng bigyan ng ganoon kabigat na responsibilidad."

"Tama sila. Mas maganda kung si Omar na lanng ang prinsipe. Mas alam niya ang gagawin sa ganyan. Nandito lang ako kung may maitutulong kahit na magpukpok lang sa entablado pwede kong gawin," sabi naman ni Alvaro kahit na alanganin ang ngiti nito.

"Pwede ka sa mga props," sabi ni Marlon. "Maraming salamat sa pagpiprisinta."

Hinila ni Inez si Alvaro. "Dito ka sa amin, Alvaro. Naku! Aalagaan ka naming mabuti." At nagkanya-kanyang hati na ang grupo. Ang mga artista ay nagbasa ng script habang ang grupo naman ng paggawa ng props ay may sariling pulong.

Nang oras na ng miryenda ay nilapitan ni Aurora si Alvaro. "Pasensiya na sa nangyari. Nakakahiya naman sa iyo kasi ikaw pa ang hindi napili."

"Ako nga ang nahihiya sa inyo. Di naman ako tagadito pero ako pa ang napagpilian na gumanap. Tungkol nga pala saan ang kwento?" tanong ng binata at uminom ng sabaw ng buko n a may gatas.

"Tungkol kay Joviana na anak ng gobernador-heneral at kay Artus na anak ng huling datu ng Samar. Alam mo naman siguro na bago dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay pinamumunuan tayo ng mga sultanato at mga datu. Dahil ayaw pasakop ay nais sana na makipagkasundo sa mga Kastila ng kaharian nina Artus kaya kinidnap niya si Joviana."

"Para may leverage siya sa mga Kastila?"

Tumango si Aurora. "Pero nahulog na ang loob nila sa isa't isa. Nakatakda nang ipakasal si Joviana sa isang kapitang Kastila at pinaghahanap na siya. Ayon sa kwento, humingi ng tulong ang magkasintahang Joviana at Artus sa makapangyarihang diwata na si Maria Benita para protektahan sila. Sabi daw dito sila napadpad sa islang ito at namuhay kasama nag iba pang nasasakupan ni Artus. Di malapitan ang lugar na ito ng mga Kastila dahil sa nagkakalihang alon at uli-uli. At doon nabuo ang Isla Juventus."

"Now that is fascinating. Bagay na bagay sa iyo na maging Joviana."

"Sana na maging prinsipe kita," nanulas sa dila niya.

Nagulat ang binata. "Anong ibig mong sabihin?"

Bigla niyang nakagat ang dila. Paano ba niya ipapaliwanag dito? Bakit ba parang mali-mali siya ngayon? Ang mga sekreto na dapat ay sarilinin na lang niya ay baska na lang lumalabas sa bibig niya kapag kaharap si Alvaro.

"Rora, magbabasa na tayo ng script," tawag sa kanya ni Omar.

"Sige. Pupunta na ako doon," nagkukumahog niyang sabi at iniwanan ang binata. Pero nakita niya sa mga mata ni Alvaro na kailangan pa niyang buuin ang kwento niya dito. Hindi niya alam kung kaya pa niyang ulitin ang sinabi niya kanina o ipaliwanag iyon,

Malakas na malakas ang kaba ng dibdib niya. Gusto niya si Alvaro na maging prinsipe hindi sa entablado kundi sa totoong buhay.