webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · General
Not enough ratings
55 Chs

Chapter 21

Naipagpasalamat na lang ni Aurora nang pagdating nila sa bukal ay wala na ang mga kababaihang nag-iigib. Naabutan na lang niya ang isang bata na nag-iigib. Kahit naman iwan nila doon ang balde ay di iyon mawawala. Mababait ang mga tao doon.

Nakaharap iyon sa dagat at ang mismong bukal ay maraming puno kaya naman presko doon at malilim. "Dito kami kumukuha ng tubig. Galing ito sa bundok. Madalas may tao dito pero gusto ko dito kapag tahimik.

"Wala yatang pangit sa lugar ninyo," sabi ni Alvaro. "Kahit saan pumunta ay maganda. Wala talagang turista na dumadayo dito?"

"Madalang ang pumupunta dito. Bukod sa malayo, pabago-bago pa ang panahon sa dagat. Marami lang tao dito kapag pista. May mga dumadayo dito na taga-ibang isla. Doon lang nagiging maingay itong isla namin. May banda ng musiko, prusisyon sa dagat, kainang bayan at mga palaro."

"Pero mabuti na iyon na di dayuhin ng turista ang lugar na ito. Maraming magagandang lugar sa mundo na nang ma-expose at dinayo ng mga turista ay nasira na at di napangalagaan. Mas pinahalagahan kasi ng iba ang pagkakamal ng salapi kaysa pangalagaan ang kalikasan. Which is sad."

"Hindi papayag ang mga tao dito na mangyari iyon. Pero kung ako ang tatanungin, gusto ko lang naman ng kaunting pagbabago sa isla namin."

"Gaya ng?"

"Maayos na paaralan. Elementarya lang ang mayroon dito sa isla. Sira-sira pa ang mga aklat namin at walang ilaw. Kung nais mag-high school, kailangan mo pang pumunta sa Isla Azul. Kaya maraming bata dito maagang nagsisipag-asawa kasi wala naman silang ibang gagawin. Kuryete para sa mga bahay-bahay kahit tuwing gabi lang. Mahirap din kasi ang walang ilaw. Di naman siguro masama na humiling." Ayaw niya na napag-iiwanan sila habambuhay kahit na sabihin pang simple lang ang pamumuhay nila.

"G-Gusto mo ba na magpatuloy ng kolehiyo?" tanong ng binata sa kanya habang hinihintay nilang mapuno ang tubig sa bukal.

"Alam mo na imposible iyon..."

"Pero kung makakapag-aral ka, gusto mo ba?" tanong ng binata.

"Oo," nagniningning ang mata niyang sabi at tinanaw ang kalawakan ng dagat. "Gusto kong maging isang guro. Gusto kong magturo sa mga high school. Pangarap ko na makapagpatayo ng sariling paaralan dito para doon ako magtuturo. At babasahan ko sila ng maraming-maraming libro. Gusto ko rin na magkaroon ng computer dito sa amin at internet para makita nila kung ano pa ang mayroon sa ibang mundo at magkaroon din sila ng makabagong kaalaman."

"Maganda ang pangarap na iyan."

"Kahit na parang imposible?" tanong niya at nilingon ito.

"Walang imposible basta panghawakan mo lang iyan. Malay mo naman dumating ang panahon na magkaroon ka ng oportunidad para sa pangarap mo. Nakakatuwa dahil hindi para sa sarili mo ang pangarap mo kundi para sa islang ito." Bumuntong-hininga ang binata. "That is really selfless, Aurora. You are admirable. Bukod sa pagiging guro, may iba ka pa bang pangarap para sa sarili mo?"

"Ano naman ang pwede kong pangarapin sa sarili ko?"

"Kung anong klase ng lalaki gusto mong maging boyfriend?"

"Ha? Ano ba naman 'yang tanong mo?" aniya at bahagyang tumawa.

Umuklo ito sa harap niya hanggang halos magdikit na ang mukha nila. "Come on. Humor me. Kailangan bang guwapo? Mayaman? Kaya kang dalhin sa ibang bansa at iikot sa mundo? Someone who will give you the moon and the stars?"

Natawa siya. "May ganoon bang lalaki sa totoong buhay? Alvaro, tayong mga mahihirap, mahihirap din ang makakatuluyan. Masuswerte na lang talaga kung may magkagusto sa ating mayaman. Pero di rin naman sa yaman ang basehan ng lahat. Ang sabi ni Tiya Manuela, wala daw pinipili ang pag-ibig. Kusa na lang daw dadating na parang magnanakaw. Hindi mo alam kung kanino titibok ang puso mo."

"Parang magnanakaw ka rin. You just came into my life unexpectedly and everything has changed since then."

Natigagal siya. "A-Anong ibig mong sabihin?"

Sinasabi ba nitong tumitibok din ang puso nito para sa kanya? Pareho lang sila ng nararamdaman? Sana nga. Sana nga, asam ng puso niya. Pero kaya ba niyang sabihin dito na ito agad ang pumasok sa isip niya nang tanungin nito kung anong klaseng lalaki ang magugustuhan niya?

"Tapos na ba kayo na mag-igib?" tanong ni Omar na basta na lang sumulpot.

"O-oo," sabi naman ni Aurora. "Pabalik na nga kami dito. Anong ginagawa mo dito?"

"Sabi kasi ni Manoy Gener baka kailangan ninyo ng tulong."

"Kaya ko nang bitbitin ito," sabi ni Alvaro at binitbit ang balde.

"May sugat ka pa. Baka mamaya bumuka pa iyan," sabi naman ni Omar at kinuha ang balde mula kay Alvaro. Wala nang nagawa ang binata kundi hayaan na lang ito.

Nakakainis. Panira ng masasayang sandali si Omar. Nakakarami na ito.

Nakita din niya na malungkot si Alvaro. Hindi ito halos nagsasalita habang bumabangka naman si Omar sa pagkukwento tungkol sa koprahan nito at iba pang panaim sa bukid.

"Magpahinga ka muna, Alvaro. Tapos sumama ka sa akin mamaya sa dula. Ipagluluto din kita ng nilagang saging," sabi niya sa binata nang tumapat sa bahay nila.

"Salamat, Aurora. See you later."

Nawala na ang ngiti niya nang makaalis ang binata at si Omar naman ang hinarap niya. "Anong ginagawa mo dito?"

"Nasabi na ni Manoy Gener na gusto kong tumulong sa iyo para mapabilis ang trabo mo. Alam ko naman kung gaano kahalaga sa iyo ang dula," sagot ni Omar.

"Iyong totoo," gigil niyang usal. "Maglolokohan pa ba tayo?"

"Naninilbihan ako sa pamilya mo."

"Naninilbihan para saan?"

"Gusto kong manligaw."

"Manligaw?" Pagak siyang tumawa. Iyon yata ang huling bagay na gagawin ni Omar para sa kanya. "Wala ka ngang pakialam at interes sa akin dati tapos naisip mo na lang gusto mo na manligaw? Inutusan ka ba ni Kap para ligawan ako?" Dahil ba sa biglang pagsulpot ni Alvaro sa buhay niya kaya natataranta ito?

"Ano naman ang masama kung ligawan kita? Pareho naman tayong dalaga at binata. Bagay tayo sa isa't isa. Iyon ang sinasabi ng lahat. Nasa edad naman na siguro tayo para maging seryoso sa isang relasyon. Hindi na rin naman tayo bumbata."

"Bata pa ako. Beinte uno pa lang ako at matanda ka lang ng apat na taon sa akin."

"Alam mo na sa isla natin ay matandang na iyan na iyan. Wala pang disisais ay nag-asawa na ang ibang mga bata dito," tatawa-tawa pa nitong sabi. "Nag-aalala na ang tatay mo dahil di ka man lang tumatanggap ng manliligaw."

"Omar, hindi ko alam. Parang malabo tayong dalawa."

Hindi naman talaga siya nito gusto. Nararamdaman niya na wala sa puso n Omar ang ginagawa nito. Hindi rin naman niya gusto ang lalaki at pawang mga ama lang nila ang gusto na magkatuluyan sila.

"Hayaan mo akong manuyo sa iyo. Titigil lang ako kapag may nobyo ka na. Bigyan mo ako ng pagkakataon," anito at ginagap ang kamay niya.

Binawi niya ang kamay dito. Mali. Mali na ito ang may hawak sa kamay niya. Mali na hayaan niya itong manligaw sa kanya. "Papasok na ako sa loob. Baka may kailangan si Amay." Hahayaan niya ito sa ngayon pero alam niyang maghihintay lang ito sa wala.

Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.

And see you on September 15, 2019 sa SMX Mall of Asia for my Manila International Book Fair Book Signing. Pwede kong i-sign ang Finding Ethan books ninyo at iba pang books. May new book din ako na lalabas sa event.

Sofia_PHRcreators' thoughts