Isang araw ng Sabado ay nasa bahay lamang si Paulo. Wala silang schedule and engagement sa weekend na ito pero nakatakda silang maglibot sa iba't-ibang probinsya sa susunod na linggo bilang Youth Representative ng Education Department sa nalalapit na pagbubukas muli ng klase.
Kasalukuyan siyang nasa kanilang terrace at hawak ang kanyang gitara at nagpapatugtog gamit ang naturang instrumento. Sa lalim ng iniisip ni Paulo ay hindi niya namalayan na may ilang minuto na palang nakatayo at pinagmamasdan siya ng kanyang ina.
"Pau, anong ginagawa mo dyan?" pagtatanong nito.
"Uy, 'Ma. Wala po. May iniisip lang po ako," sagot naman niya sa kanyang ina.
"Mukha nga eh. At napakalalim pa nga yata eh," natatawang sagot ng ina nito.
"Hindi naman 'Ma," wika ng binata.
"May problema ba ang grupo nyo?" tanong ng ginang.
"Wala po," sagot ni Paulo.
"Ang company, may problema ba?" muling tanong ng ina.
"Wala rin po?" sabi pa muli ni Paulo.
"Nag away ba kayo ng mga kapatid mo? Sa akin?" nakakunot ang noong tanong ni Mrs. Narido sa anak.
"Hindi rin 'Ma," natatawa at nakukulitang sagot ni Paulo.
"Ah. Lovelife. So, ano problema nyo ni Anna," nakangiting tanong ng ginang.
"Lovelife agad? At si Anna agad ang naiisip mo?" nakakunot ang noong sagot ni Paulo sa kanyang nanay.
"Ay aba syempre. Bakit may iba pa ba?" balik na tanong nito.
"Si Mama naman eh," nahihiyang wika ni Paulo.
"Eh ikaw eh. Bakit ba? Ano ba yang iniisip mo?" muling tanong ng kanyang ina.
"Kasi 'Ma naguguluhan po kasi ako eh," panimula ni Paulo.
"Saan ka naguguluhan," muling tanong ng kanyang ina.
"Eh, 'Ma feeling ko gusto ko si Anna. No. Gusto ko talaga siya," pagtatapat ni Paulo sa kanyang ina.
"So?" nakakunot ang noong wika ng ginang.
"Yun nga 'Ma. Gusto ko si Anna. Yun ang problema ko," sagot naman muli ng binata.
"At bakit naging problema ang pagkakagusto mo sa kanya?" tanong ng ina sa kanyang anak.
"Eh baka hindi niya ako gusto. Baka kaibigan lang ang tingin niya sa akin at hindi na higit pa doon," nakayukong sagot ni Paulo.
"Tinanong mo na ba siya? Sinabi mo na ba ang nararamdaman mo?" pagtatanong ni Mrs. Narido sa anak.
"Hindi pa. Natatakot kasi ako. Baka kasi mareject ako eh," malungkot na tingin ni Paulo sa kanyang nanay.
"Anak, wala ka pa naman palang ginagawa eh. Hindi mo pa naman sinusubukan eh. Anong kinakatakot mo?" panimula ng ginang.
"Alam mo ba anak, noong nagpaalam ka na gusto mo talagang mag audition, sa totoo lang natakot din ako. Natakot ako kasi baka kasi ma reject ka at malungkot ka kung sakaling hindi ka makapasa. Alam ko na gustong-gusto mong mag perform at ayaw ko masaktan ka sa mga bagay na gusto mo. Pero nakita ko yung passion mo sa ginagawa mo. Kahit mahirap kinakaya mo. Kahit nakikita kong yung pagod mo, hindi kitang magawang mapigilan. Dahil alam kong mahal na mahal mo ang pagkanta. At kung pipigilan kita eh di parang inalis ko na rin ang bagay na nagpapaligaya sa iyo. So, ngayon anak gusto kong makita muli sa iyo ang pagiging masigasig mo. Yung passion na ibinibigay mo sa mga bagay na gustong-gusto at mahal na mahal mo," mahabang litanya ng ginang.
"Mahal mo ba si Anna, anak?" tanong ng ina.
"Opo," matapat na sagot ni Paulo.
"Eh kung ganun naman pala, eh di ipakita mo sa kanya. Iparamdam mo," muling wika ng ina.
"Okay lang sa iyo 'Ma?" seryosong tanong ni Paulo sa ina.
"Anak, hindi ka na teenager para mag-alala pa ako. At higit sa lahat, alam kong responsableng tao ka, at hindi ka gagawa ng mga bagay na ikakasira mo at makaksakit sa ibang tao. Bukod pa doon anak, gusto rin namin si Anna. Kung magkakamanugang lang din naman ako, sana si Anna," nakangiting wika ng ginang.
"Talaga 'Ma," masayang-masayang wika ni Paulo.
"Oo. Kaya kung ako sa iyo. Kumilos ka na. Bahala ka, baka maunahan ka pa," nakangusong susug ng ina kay Paulo.
"Salamat 'Ma," wika ni Paulo sabay yakap sa ina.
"Sige, 'Ma aalis lang po ako," tumayo at nagtungo sa kanyang motor na wika ni Paulo.
"Aba. Saan ka pupunta," nagtatakang tanong ng ginang.
"Dyan lang po 'Ma. Sisimulan ko na po. Ayaw ko lang maunahan," natatawang wika ni Paulo.
"Naku, eh mag-ingat ka anak. Simulan mo na pero dahan-dahan ah," huling wika ng ina ni Paulo bago siya tuluyang umalis.
Naiwang naka tanaw na lamang si Mrs. Narido habang papalayo ang motor ng anak.