ISANG oras ang itinagal ng operasyon habang apat na oras naman ang blood transfussion. Matapos iyon ay nailipat narin si Vinnie sa isang private room. Doon narin niya minabuting magpahinga kasama ang dalaga na nang mga sandaling iyon ay nanatili paring tulog.
Tatlong araw matapos niyon ay pinayagan narin si Vinnie na lumabas ng ospital at sa bahay na tuluyang magpagaling. Sa mga panahong iyon ay nanatili lang na civil ang pakikitungo sa kanya ni Lloyd. Well at least hindi na niya nararamdaman ang galit nito sa kanya, at kahit paano nakakasilip nasiya ng chance na somehow ay mag-kakaayos din sila.
Ang driver ng traysikel na kinalululanan noon ni Vinnie ay sinikap na makipag-areglo sa pamilya ng dalaga. Inamin nitong nakainom ito noon dahil nagkaroon ito ng pagtatalo at ang asawa nito. At dahil ligtas naman na si Vinnie ay ipinasya nalang ng pamilya nitong patawarin ang driver lalo pa at may dalawang anak itong binubuhay.
Ang nangyaring iyon kay Vinnie ang naglapit sa mga magulang nila. Ilang beses rin kasing dinalaw ni Carmela ang nobya niya para dalhan ng kung anu-ano. Maging si Irene na napag-alaman niyang nakipagayos narin pala kay Vinnie bago nangyari ang aksidente.
"Huwag kang mawawala sa anniversary namin ng Papa ni JV hija, kasama ka sa family picture taking kaya hindi ka pwedeng umabsent" si Carmela nang isang gabing nagpasama ito sa kanya sa pagdalaw kay Vinnie.
Iyon na ang huling linggo ng pagliban ni Vinnie sa klase. Dalawang linggo kasi ang hiningi niyang excuse sa SJU para matiyak na talagang magaling na ang sugat ng dalaga pagbalik nito sa klase. Kahit kung tutuusin ay isang linggo lang ang sinabi ng doktor. Nang mga panahong iyon kasi ay napuna niyang iika-ika pa ito at nakasaklay kaya naisip niyang mahihirapan ito kung papasok na agad makalipas ang isang linggo.
Maluwang ang pagkakangiti siyang sinulyapan ni Vinnie. "T-Talaga po?" bakas ang excitement sa tinig nito.
"Oo naman! Alam mo kung ako lang ang masusunod gusto kong sa bahay kana tumira hija" natawa siya sa sinabing iyon ni Carmela.
"Naku naman Carmela, wala namang ganyanan at hindi pa nga nagdi-debut itong prinsesa namin eh gusto mo ng kunin" ang pabirong sagot naman ni Selma kaya nagkatawanan silang lahat.
Nasa ganoon ayos sila nang pumasok sa loob ng kabahayan si Lloyd. Nginitian nito ang Mama niya saka naman hinalikan ang ulo ng kapatid nitong nakaupo sa tabi niya. Isa rin iyon sa isa pang ipinagpapasalamat niya, ang muling pagkakaayos ng magkapatid nang magkamalay si Vinnie sa ospital.
"Usap muna tayo, pare?" pabulong nitong sabi nang magtama ang paningin nila.
Sinulyapan niya si Vinnie na tila humihingi ng pahintulot at nang tanguan siya nito ay tumayo siya.
"Mabuti nalang pala nagsama ng driver si Mama" natatawa niyang sabi nang makita ang ilang bote ng beer sa ibabaw ng hood ng jeep ng mga ito.
"Hindi ko naman gagawin ito kung wala kayong kasama driver" natatawang sagot ni Lloyd saka iniabot sa kanya ang nabuksan na nitong beer.
Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Madilim at bilog na bilog ang buwan, naalala niya nang gabi ng birthday ni Hara. Ganito rin kaganda ang buwan noon.
"Sinabi na sa akin ni Vinnie ang totoo, ang lahat ng sinabi mo sa kanya tungkol sa inyo ni Cassandra" basag ni Lloyd sa katahimikan.
Hindi siya nagsalita at sa halip ay sinulyapan lang ang kasama. Sa totoo lang ilang beses na ba niyang ipinagdasal noon na sana ay may kuya siya? May mga pinsan din naman siya pero dahil siya ang unang apo, siya ang pinakamatanda. Aminado siyang magaan ang loob niya kay Lloyd noon pa man, siguro dahil mahal ito ng babaing pinakamamahal niya.
"Patawarin mo ako, hindi ko ginusto ang lahat ng iyon. Natakot lang ako para sa kapatid ko, iyon lang talaga wala ng iba" pagtatapat nito.
Napabuntong hininga siya sa narinig. "I understand, sa totoo lang kahit sabihing playboy ako noon hindi naman lahat ng babaeng nagpapakita ng motibo sakin pinapatulan ko. Sa kanilang lahat kasi isa lang ang naramdaman ko, atraksyon. Iyon lang" aniyang natawa pa ng mahina. "si Miss L lang talaga ang babaeng minahal ko. Siguro naman napapansin mo iyon, lalaki ka rin" aniya.
Tumango si Lloyd. "Kung sa pagmamahal mo sa kapatid ko wala na akong pagdududa roon. Naipakita mo na ang lahat at hinigitan mo pa ang lahat ng inasahan ko" anitong ngumiti sa kanya pagkuwan.
Masaya siyang napangiti. "Salamat sa pagkakataon, Kuya" aniyang inilahad ang kamay sa harapan ni Lloyd.
Hindi iyon tinanggap ni Lloyd at sa halip ay pabiro nitong sinuntok ang dibdib niya. "Basta ingatan mo ang kapatid ko at huwag na huwag mong paiiyakin. Masaya na ako doon."
Tumawa siya. "At diyan naman tayo magkakasundo, kuya" aniya.
"HAPPY?" tanong sa kanya ni JV nang pareho na silang nakaupo sa swing na nasa likurang bahagi ng bahay ng mga ito. Iyon ang gabi ng party ng mga magulang ng binata at kasama niyang dumalo sa pagtitipong iyon ang parents niya at maging si Lloyd na napuna niyang madaling nakasundo ni Hara. Oo at dinalaw naman siya ni Hara noon, pero sa mga pagkakataong iyon madalas ay wala si Lloyd sa bahay at nasa poultry kaya hindi nagkikita ang dalawa.
Tiningala niya ang nobyo. "Sobra, halikan mo nga ako" paanas niyang sabi pa pagkatapos.
Natawa doon ang binata saka siya mahigpit munang niyakap bago maalab na hinalikan. Na miss niya ng husto ang halik nito at sa loob ng dalawang linggong puro panakaw na smack lang ay totoong nabibitin siya at nangulila siya ng husto sa real thing.
"I love you" nang pakawalan nito ang mga labi niya.
"I love you more" sagot naman niya.
Nangingislap ang mga mata ni JV nang tumayo ito saka may kung anong dinukot mula sa bulsa ng suot nitong pantalon.
"Nakalimutan kong ibigay sayo ito" anitong ang tinutukoy ay ang ankle bracelet na ibinigay nito sa kanya noong araw ng play. "akina isusuot ko sayo" anitong lumuhod sa harapan niya saka hinaplos ang kanyang binti. Napasinghap siya dahil sa tindi ng sensasyong hatid ng mainit na palad ng binata.
"Sa tingin ko mas maganda kung babalik tayo sa umpisa" anito sa kanya nang makatayo.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Anong___"
"Hi, I'm Jose Victorino De Vera III; you can call me JV for short. Ikaw, meron kabang pangalan?" saka nito nakangiting inilahad ang palad sa harapan niya.
Natatawa siyang tinanggap ang kamay ng nobyo. "Oo naman, meron akong pangalan pero mas maganda kung bibigyan mo ako ng nickname. Mas sweet iyon at mas gusto ko" aniyang naglalambing na tiningala ang nobyo.
Umangat ang sulok ng labi ni JV doon. "Nickname? Eh kung Mrs. JV De Vera III nalang kaya? Gusto mo ba iyon?" anitong inilabas nanaman ang isang maliit na kahon mula ulit sa bulsa nito.
Nanlaki ang mga mata ni Vinnie nang buksan iyon ng binata. Mabilis na nag-init ang mga mata niya saka pinaglipat-lipat ang tingin sa mamahaling diamond ring at sa gwapong mukha ng kaharap.
"Hindi lang gusto, gustong-gusto!" masaya niyang turan. Nang maisuot ang singsing sa kanya ay noon niya kinabig ang batok ng nobyo, at sa kauna-unahang pagkakataon siya ang unang humalik sa binata.
"May I have this dance?" anitong inilapag sa swing ang hawak na cellphone pagkatapos. Kasalukuyan ng naka-play doon ang The Last Waltz ng SJU Orchestra na lalong nagpabilis ng tibok ng puso niya.
Tumango siya ng magkakasunod. At habang sinasabayan nila ang magandang piyesa ay nanatiling nakatitig lang sila sa isa't-isa habang parehong nakangiti.
"So, willing kang maghintay hanggang maka-graduate ako?" aniya sa binata.
"Oo naman!" ngiting-ngiting sagot ni JV. "Sayo ko rin naman ibibigay ang singsing na iyan so bakit patatagalin ko pa?" dugtong pa nito saka siya kinabig at niyakap ng mahigpit para lang muling halikan.
Pikit-mata niyang ninamnam ang matamis na halik ng binata. At sa kabila ng kagustuhan niyang umiyak dahil sa labis na kaligayahan ay nagpigil siya. Sa halip ay tinugon narin niya ng maiinit ring halik ang binata.
So it's true, everything happens for a reason. At sa kanila ni JV, ito iyon. Ang nag-aalab na pag-ibig nila para sa isa't-isa. Isa lang sa napakaraming dahilan na dapat niyang ipagpasalamat.