webnovel

Pagkagat Ng Dilim I (Peculiar Love)

Isang tipikal na babae. Iyan si Liane. Maraming problema sa buhay. Sa sarili, sa pag-ibig, sa trabaho, at ang pinakamatindi ay ang problema sa pamilya na nakaapekto na sa kanya ng husto. Hanggang sa isang araw ay nakabuo siya ng isang desisyong tuluyang makapagpapabago sa takbo ng kaniyang buhay. Makakaya kaya niyang harapin ang lahat ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari na kaniyang nasasaksihan? At magagawa ba niyang papasukin sa kaniyang puso ang katok ng pag-ibig? Gayong iba ito sa kaniyang nakasanayan. Paano kung matuklasan niya ang tunay na pagkatao ng mga ito? Kasabay ng nagbabadyang panganib sa kanyang buhay. Mananatili ba siya at buong pusong tatanggapin ang lahat? O lalayo at pipiliting talikuran at takasan ang lahat?

MissA_begail16 · แฟนตาซี
Not enough ratings
46 Chs

ALEXANDER

Nagising ako dahil sa komusyong nagmumula sa labas ng bahay na sinundan pa ng sunud-sunod at malalakas na katok mula sa pinto ng kwarto ko.

"Alex! Alex! May problema tayo!" sigaw ni Samuel mula sa labas ng kwarto. Kaya napabalikwas ako ng bangon at halos nakapikit pang lumabas ng pinto.

"Anong nangyayari?" Naalarmang tanong ko na patungo na sana sa ibaba pero bigla akong hinarang ni Sam. "Bakit ba?" Kunot-noong tanong ko.

"Mag-ayos ka nga muna ng suot. Lalabas ka na nakaganyan? " Naeeskandalong bulalas nito dahil tanging boxer shorts at sando lang ang suot ko.

"Anong problema sa suot ko? Parang 'di mo pa ako nakitang nakaganito." Nagtatakang tanong njya at akmang lalagpasan ito pero mabilis nitong nahawakan ang braso ko para muling pigilan.

"Walang problema sa 'kin pero sa mga nasa labas meron. Maraming tao sa labas at mukhang takot na takot. Tapos lalabas kang ganyan ang itsura?" Pagkatapos ay isang matalim na tingin ang ipinukol sa harapan ko bago ito mabilis na tumalikod para bumaba. At nang tingnan ko ang tinutukoy nito ay doon ko lang nalaman na nakadungaw na pala ang junior ko.

" 'Di mo agad sinabi," reklamo ko sabay takip sa aking harapan at mabilis na bumalik sa loob ng kwarto at nagdoble ng pantalon.

Pagkatapos ay dali-dali na akong bumaba at doon bumungad sa akin ang mga taong nasa sala na pilit pinapakalma nina Sam, Chris at Jake. Dahil halos sabay-sabay na kung magsalita ang mga ito kaya hindi na magkaintindihan.

"Anong nangyayari? Bakit nagkakagulo kayo? " Bungad ko nang makalapit sa mga ito. Pero lalo lang nagkagulo ang lahat. "Kung maaari sana isa-isa lang ang pagsasalita dahil wala tayong maiintindihan kung sabay-sabay kayo."

Agad namang natahimik ang mga ito kasunod ang paghakbang paharap ng isang may edad nang lalaki, na nakilala kong si Mang Joseph.

"Nawawala ang asawa ko. Kahapon pa siya hindi umuuwi mula sa pamamalengke," sabi nito na bakas ang labis na pag-aalala sa tinig.

Sumunod naman na nagsalita ang isa pang lalaki na medyo bata pa, na nakilala ko namang si Joshua.

"May nakita kaming bangkay malapit sa bungad ng lugar natin. Hindi namin masabi kung sa hayop ba iyon o ano dahil halos lasug-lasog na ang mga iyon," sabi nito na bakas sa mukha ang pinahalong takot at pandidiri.

"Natatakot kami dahil hindi namin mapigilang isipin na baka ang bangkay na iyon ay ang nawawalang asawa ni Joseph," sabi ng may edad na babaeng, nakilala kong si Manang Elsa. Dahilan para muling magkaingay ang mga ito.

"Huwag muna kayong mag-isip ng kung anu-ano. Umuwi na kayo at gawin ang mga normal ninyong ginagawa habang inaalam namin kung ano nga ba ang bangkay na iyon," sabi ko sa mga tao. Napansin kong nag-aalangan ang mga itong sumunod pero hindi ko na pinuna ang mga iyon, sa halip ay binalingan ko na lang si Joshua. "Joshua, dito ka muna sa bahay at i-relax mo muna ang sarili mo," utos ko rito dahil napansin ko ang panginginig ng mga kamay nito. "Samahan mo siya, Erick."

"Opo." Magkapanabay na sagot ng mga dalawa.

Wala ng nagawa ang mga ito kundi ang sumunod sa sinabi ko. Habang kaming magkakapatid kasama si Joshua ay nagtungo sa lugar na sinasabi nito.

Agad kaming nagtungo sa kotse ko at halos sabay-sabay na nagbukas ng pinto. Walang imikan na tinahak namin ang daan patungo sa bungad ng lugar kung nasaan ang arko. Palapit pa lang kami ay nakita kong may ilang pulis na naroon kaya saglit akong napatingin ako kay Sam na nakaupo sa passenger seat.

"Tinawagan ko na sila para makordonan ang paligid at hindi na magalaw ng mga nakikiusyoso."

Napatango na lang ako at muling itinuon ang pansin sa daan. Ipinarada ko ang sinasakyan namin katabi ng sasakyan ng pulis bago nagmamadaling nagsibaba.

Nang makalapit kami doon ay sumalubong agad sa amin ang masangsang na amoy nang nilalangaw na bangkay.

"Anong natuklasan ninyo?" Usisa ni Sam na lumapit sa isa sa tatlong pulis na siyang may hawak na maliit na notebook.

"Wala masyadong mahanap na lead, sir. Maliban sa mahabang buhok na nagpapatunay na to ito at base sa haba ng buhok masasabi kong isa 'tong babae. Hindi na makilala ang bangkay dahil parang nilapa ng mabangis na hayop ang buong katawan nito."

Kahit na malakas ang loob naming magkakapatid ay halos maduwal sina Jake at Chris sa hitsura ng bangkay. Habang kami naman ni Sam ay lumusot sa ilalim ng tali upang lapitan ang bangkay.

"Base sa itsura nito medyo matagal na itong nakatiwangwang dito," sabi ni Sam. Nagtakip ito ng ilong gamit ang manggas ng suot nitong t-shirt bago lumapit sa bangkay upang inspeksyunin ito.

Nang makapag-adjust na ito sa amoy ay mabilis itong nagsuot ng plastic gloves at tumalungko malapit sa bangkay upang tingnan kung mayroon itong ibang makikitang makapagsasabi kung sino ito. Napansin kong napatigil ito sa ginagawa kaya napatalungko na rin ako sa tabi nito upang mag-usisa.

"Bakit?"

"Walang kahit isang pirasong punit na tela sa bangkay…"

"What do you mean? Hubad siyang pinatay?"

"Hubad o hinubaran, oo."

"Anong meron?" Narinig kong tanong ni Chris na lumapit na rin sa kinaroroonan namin kasama si Jake na nanatiling nakatayo.

"Malakas ang kutob kong ni-rape muna ito bago pinatay."

"Paano mo naman nasabi? Eh, hindi na nga siya makilala. Malay mo lalaki pala iyan."

"Tumigil ka nga, Chris. Puro ka kalokohan!"

"Tumigil nga kayong dalawa," saway ko sa mga ito at muling itinuon ang atensyon sa bangkay.

"Wala rin akong makitang ibang parte ng katawan. Lalo na sa bandang tiyan. Walang mga lamang-loob."

"Pero… paanong nangyari iyon? Wala namang mabangis na hayop dito sa lugar natin. At walang gagawa ng ganito sa mga nakatira rito."

Natigil ang pagbabangayan nina Chris at Jake nang mapagtantong hindi lang basta-basta ang nangyaring pagpatay.

"Posible bang — (may nakapasok?)"

"Imposible iyang naiisip mo, Chris." Putol ko sa anumang sasabihin nito.

"Pero nagawa ngang makapasok ni Liane, hindi ba?"

"Imposible 'yan. Wala namang sinabi sina mommy at daddy na mangyayari ang ganito." Tanggi ni Jake.

"Pero… wala nga ba?" Mahinang sabi ni Sam kaya napatingin kami rito.

"Hindi natin malalaman dahil wala sila mommy. Kailangang tayo ang humanap ng sagot." Pagkatapos kong sabihin iyon ay tumayo na ako at sinenyasan ang tatlong pulis. Tumayo na rin si Sam at hinarap ang mga ito.

"Wala kayong pagsasabihan na kahit sino habang hindi pa natitiyak na ang bangkay nga ang nawawalang asawa ni Mang Joseph." Mariing bilin nito sa mga pulis. "At ibalita n'yo agad sa akin kung ano ang magiging resulta ng autopsy.

"Yes, sir."

"Dalhin n'yo na iyan sa morgue. Siguraduhin ninyong walang ibang makikialam sa bangkay."

"Yes, sir."

"Mauna na kami at mangangalap din kami ng ibang impormasyon." Huling sinabi ni Sam bago tumalikod at naglakad na patungo sa kinaroroonan ng kotse namin.

Nang makalapit kami sa kotse ay hindi muna kami sumakay dahil binantayan muna namin ang pagkuha sa bangkay.

"Sa tingin mo sino kaya ang maaaring gumawa ng ganito?" Mahinang tanong ni Chris habang nakatanaw sa mga pulis. Napansin kong napatiim ang mga bagang nito kasabay ng pagkuyom ng kamao dahil sa pinipigilang emosyon.

"Mahirap na manghula kailangan nating alamin kung mayroon ngang kahinaan ang harang na hindi ipinaalam sa atin. Ang magagawa na lang natin sa ngayon ay ang siguraduhing hindi na ito mauulit," seryosong sabi ko bago bumaling kay Sam na tahimik na nakasandal sa kotse habang nakapamulsa. "Sam, magpakalat ka ng utos na magkakaroon na ng curfew dito sa lugar natin. Hangga't hindi nahuhuli ang kriminal walang lalabas o walang mananatili sa labas sa oras na kumalat na ang dilim.

"Alam kong hindi n'yo magugustuhan ang sasabihin ko. Pero kailangan simulan natin ang pag-iimbestiga kay Liane… Dahil ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa lugar natin sa loob ng mahabang panahon." Matigas ang tinig na sabi nito.

"Hindi mo naman siguro sinisisi si Liane sa nangyari? " Usisa ni Sam dito. "Wala siyang alam tungkol sa lugar natin o kung ano talaga tayo. "

"S'yempre hindi," bigla itong ngumiti na parang baliw. "Sigurado akong tulog pa rin iyon hanggang ngayon dahil sa ginawa natin sa kaniya kagabi. "

"Baliw ka rin, eh, 'no?" Sabi ni Chris na may kasama pang batok.

"Ano ba?!" At ilang sandali pa ay nagre-wrestling na ang dalawa. Napailing na lamang kami ni Sam.

"Tara nang umuwi. May mga dapat pa tayong gawin," sabi ko nang makita kong umalis na ang sasakyan ng mga pulis at ang ambulansiya.

***

Pero lingid sa kanilang kaalaman ay may isang pares ng mga mata ang lihim na nagmamatyag sa kanila. Hindi nila ito naramdaman o naamoy man lang dahil siniguro nitong hindi mangingibabaw ang sariling amoy sa pamamagitan ng pagpahid ng kung anong likido sa buong katawan.

"Liane pala ha? Tingnan nga natin kung sino ang babaeng iyon. " Bulong nito sa sarili. At kasabay ng isang hakbang nito paatras ay naglaho na ito.