webnovel

Pagkagat Ng Dilim I (Peculiar Love)

Isang tipikal na babae. Iyan si Liane. Maraming problema sa buhay. Sa sarili, sa pag-ibig, sa trabaho, at ang pinakamatindi ay ang problema sa pamilya na nakaapekto na sa kanya ng husto. Hanggang sa isang araw ay nakabuo siya ng isang desisyong tuluyang makapagpapabago sa takbo ng kaniyang buhay. Makakaya kaya niyang harapin ang lahat ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari na kaniyang nasasaksihan? At magagawa ba niyang papasukin sa kaniyang puso ang katok ng pag-ibig? Gayong iba ito sa kaniyang nakasanayan. Paano kung matuklasan niya ang tunay na pagkatao ng mga ito? Kasabay ng nagbabadyang panganib sa kanyang buhay. Mananatili ba siya at buong pusong tatanggapin ang lahat? O lalayo at pipiliting talikuran at takasan ang lahat?

MissA_begail16 · Fantasy
Not enough ratings
46 Chs

LIANE

Nagtatakang nagpalinga-linga ako sa paligid nang mapansin kong nakatayo ako sa labas ng apartment na tinutuluyan ko. At hindi ko alam kung paano nangyaring naroon ako, kakaiba rin ang pakiramdam ko dahil kahit pilit kong isinisiksik sa aking isipan na isa lang itong panaginip ay iba ang sinasabi ng katawan ko.

Isang malakas na sigaw na humihingi ng tulong ang pumailanlang sa katahimikan ng gabi na nagsulot ng takot sa akin. Idagdag pa ang pagsigid ng lamig sa bawat himaymay ng aking katawan dahil sa pag-ihip ng malamig na hangin. At ang madilim na paligid dahil natatabingan ng makapal na ulap ang buwan.

Nang subukan kong maglakad patungo sa pinto ng apartment ay parang may sariling isip ang mga paa ko na humakbang patungo sa direksyon na pinagmulan ng malakas na sigaw.

"A-anong nangyayari?" Malakas ang kabog ng dibdib na usal ko dahil kahit anong pigil ko ay mas lalong bumibilis ang bawat hakbang na nagagawa ko. Hanggang sa mamalayan ko na lang na tumatakbo na pala ako.

"Tulong!" Muling sigaw ng sa tingin ko ay nagmumula sa isang babae. Na binuntutat ng isang nakapangingilabot na halakhak na animo'y nagmumula sa ilalim ng lupa. Pakiramdam ko ay para akong binuhusan nang isang timba ng malamig na tubig at bigla akong napahinto sa pagtakbo. "Huwag! Maawa ka!"

"Ano bang nangyayari? Bakit hindi ko makontrol ang katawan ko?" Habol ang hiningang bulong ko dahil kusa na namang kumilos ang mga paa ko patungo sa direksyon ng sigaw. Ni hindi ko alintana ang sakit dulot ng maliliit na mga batong tumutusok sa aking mga talampakan makarating lang sa lugar na iyon.

Hanggang sa mapansin ko ang daang tinatahak ng aking mga paa. Ang kalsada malapit sa arko, kung saan ako pumasok. Pero bago pa man ako makarating sa arko ay kusa ng huminto ang mga paa ko sa hindi malamang dahilan.

"Huwag!" Palahaw muli ng tinig at ng alamin ko kung saan iyon nagmumula ay saka ko lang napansin ang tila mga aninong nagpapambuno lipang dipa ang layo mula sa kinatatayuan ko.

Dahil sa dilim ng paligid ay hindi ko gaanong maaninag ang nangyayari. At kahit gustuhin ko mang lumapit at tumulong ay hindi ko magawa. Dahil tila itinulos na ako sa kinatatayuan ko ng matinding takot.

At dahil tahimik ang paligid ay narinig ko ang pag-alingawngaw ng tunog ng tila napunit na tela

"A-anong gagawin ko?" Bulong ko sa nanginginig na tinig. Kasabay ng pag-agos ng aking mga luha. Napakuyom na rin ang mga kamay ko sa tapat ng dibdib dahil para bang kinakapos na ako ng hangin.

Pero hindi ko magawang ialis ang aking paningin sa direksyong iyon kaya kitang-kita ko ang unti-unting paglabas ng sinag ng buwan na tila apoy na gumagapang palapit sa dalawang anino. At halos panawan ako ng ulirat ng tumambad sa akin ang isang nakagigimbal na eksena.

Napatakip ako ng bibig upang pigilan ang pagsigaw ng bigla na lang ibaon ng itim na nilalang na ang kamay nito sa taong nakahandusay. At nanlaki ang mga mata ko ng makitang hinugot nito ang mga laman loob ng tao at parang isang mabangis at hayok na hayop na kinain ang mga iyon.

Bigla ang paghilab ng aking tiyan at para bang maduduwal dahil sa nakakadiring eksena. At sa takot na makita ako ng nilalang na iyon dahil patungo na sa direksyon ko ang liwanag ng buwan ay dahan-dahan akong humakbang paatras. Kahit na nanginginig at nanlalambot ang mga tuhod ko ay pinilit kong kumilos. Hanggang sa matapat ako sa maliit na espasyo ng dalawang magkatabing bahay.

Mabilis pero maingat akong nagsumiksik doon upang magtago. At nang masiguro kong hindi na ako makikita ay saka ko lang ibinuhos ang luhang kanina ko pinipigilan sa takot na umalpas ang isang hikbi. Pakiramdam ko ay nanlalaki ang akin ulo  dahil sa nasaksihan.

Mariin akong pumikit habang paulit-ulit na sinasabi sa sarili na isa lang itong napakasamang bangungot at sa pagmulat ko ay nasa sarili lang akong kwarto at nakahiga. Pero sa pagdilat ko ay naroon pa rin ako sa lugar na iyon.

Nagtatago sa isang sulok habang naliligo na sa sariling pawis. Naghalo na rin ang sipon at mga luha ko dahil sa walang tigil na pag-agos na mga iyon. Wala na akong ibang nagawa kundi ang magdasal na sana ay matapos na ang lahat ng ito at makabalik na ako sa sariling kong kwarto.

Hanggang sa makarinig ako ng mga yabag na papalapit sa direksyong kinaroroonan ko. Kaya pigil-hiningang hinintay ko ang biglang pagsulpot nito sa pinagtataguan ko habang mariing nakatakip ang mga kamay sa bibig upang hindi makalikha ng anumang ingay. At halos mabingi ako sa lakas ng pagkabog ng aking dibdib at pakiwari ko'y naririnig nito ang tunog niyon.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong posisyon ng walang anu-ano'y may malagkit at amoy malansang bagay ang bigla na lang dumikit sa mga binti ko na muntik ko ng ikatili dahil sa pagkagulat. At kulang na lang ay panawan na ako ng ulirat dahil sa labis na takot.

"Mukhang walang kamalay-malay ang magkakapatid na wala ng silbi ang ginawa nilang harang." Narinig kong sabi ng nilalang sa malalim na tinig bago humalakhak ng malakas.

'Anong ibig niyang sabihin? Ilang beses ko ng narinig ang tungkol sa harang na iyon pero wala naman akong nakikitang kahit na anong harang maliban sa mga bakod na kahoy at puno.'

Halos maestatwa ako sa pinagkukublihan ko ng manatili itong nakatayo sa bungad ng lugar na kinaroroonan ko. Kaya paulit-ulit kong naidasal sa isipan na sana ay umalis na ito habang hindi inaalis ang mga mata rito, kaya kitang-kita ko ang unti-unting paglalaho nito na para bang usok na tinatangay ng hangin.

At dahil sa pagkabigla ay hindi agad ako nakakilos at ilang sandaling natulala sa kawalan. Natauhan lang ako ng muling umihip ang malamig na hangin na lumikha ng ingay mula sa nagkikiskisang mga dahon ng malalagong puno malapit sa pinagtataguan ko.

Pero bago ako tuluyang lumabas sa pinagtataguan ko ay nakiramdam muna ako sa paligid at maingat na sumilip upang masigurong wala na ang nilalang na iyon.

At nang masiguro kong ako na lang ang tao ay maingat pero mabilis akong kumilos hanggang sa nakatayo na ako sa mismong pwesto na kinatatayuan ng itim na nilalang. Nagdadalawang-isip pa ako kung lalapitan ko ba ang bangkay o babalik na sa apartment.

Pero nang makita kong unti-unti na namang nilalamon ng dilim ang kinaroroonan ng bangkay ay mabilis na akong humakbang patungo sa direksyon ng apartment.

Hanggang sa hindi ko na namalayang tumatakbo na ako at kahit kinakapos na ako ng hininga ay hindi ko magawang tumigil dahil ng lingunin ko ang pinanggalingan ko ay nakita ko ang pagkalat ng dilim na para bang hinahabol ako at gusto akong lamunin.

Nang matanaw ko ang pinto ay mas lalo ko pang binilisan ang pagtakbo at dahilan para mawalan ako ng kontrol kaya tanging pagpikit na lang ang nagawa ko habang hinihintay ang pagbangga sa nakasarang pinto.

Naramdaman ko na lang na mayroong pwersang humila sa akin kasunod niyon ay ang pagbangga ko sa isang matigas na bagay bago ako unti-unting lamunin ng dilim dahil sa labis na panghihina at pagod ng katawan.