webnovel

Chapter 18

Sa pagkakataong natapos na ang pagkukubli ni Milo ng kaniyang presesnya ay siya naman paglabas nila sa silid na iyon para puntahan si Aling Lorna. Kasalukuyan itong naghahain ng pagkain sa malaking mesa nito na nasa labas ng kanilang tindahan. May isang binata ang katulong nito sa paghahain at may dala-dala pang kaldero na ipinatong nito sa mesang gawa sa tabla.

May kalakihan din ang mesang iyon na halos kasya ang sampong tao na sabay-sabay kakain.

"O' andyan na pala kayo, hali na kayo at nang sabay-sabay na tayong makakain. Siya nga pala ito ang anak ko si Arnulfo, itong dalagita naman si Kalya, ang nag-aalaga sa Itay." Pakilala ni Aling Lorna sa mga kasama nito.

Ngumiti naman si Maya at agad na tinanguan ang mga ito.

"Ako si Maya, ito naman ang kapatid kong si Simon, at si Milo nga pala. Mga manlalakbay kami. Salamat sa pagtanggap sa amin dito sa bayan niyo." Malumanay na wika ni Maya. Malayo sa minsan parang siga nitong asta.

"Kinagagalak ko kayong makilala," wika ni Kalya.

"Ganoon din ako." Dagdag pa ni Arnulfo.

Mukha namang mababait ang anak at katiwala ni Aling Lorna kaya mabilis nila itong nakapanatagan ng loob. Sabay-sabay na nga silang kumain nang tanghaling iyon at panay naman ang paglinga-linga ni Maya habang pilit na pinakikiramdaman ang paligid.

Tanghaling tapat ay may nararamdaman siyang hindi kanais-nais sa paligid at isa iyon sa kanina pang bumabagabag sa kaniya.

"Bakit parang aligaga ka kanina Maya?" Tanong ni Milo. Napansin niya kasi na hindi mapakali ang dalaga habang nagtatanghalian sila. Pakiramdam tuloy niya ay may mangyayaring masama.

"Hindi niyo ba nararamdaman ang mga matang nakamasid sa atin kanina? Kinikilabutan ako kaya hindi ako mapakali." Sagot ni Maya habang ikinikiskis ang palad sa kaniyang maputing braso.

"Wala naman akong nararamdaman, ikaw ba Simon?" Tanong ni Milo sa kapatid ng dalaga.

Umiling naman si Simon bilang tugon bago ito nagsalita ng seryoso.

"Higit na mas malakas ang pakiramdam ni Maya dahil nasa dugo niya ang pagiging isang aswang. Kapag sinabi niyang may nararamdaman siya, ibig sabihin no'n mayroon nga. At kapag nanindig ang balahibo niya, isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi basta-basta ang mga ito. Kaya Milo, maging alerto ka, nakamasid lang iyan ngayon, subalit pagsapit ng dilim, doon sila gagalaw."

Napalunok naman ng laway si Milo sa narinig. Ibig sabihin ay mapapalaban agad sila sa unang bayan pa lang. Hindi pa niya alam kung ano ang makakalaban nila kaya naman pilit niyang pinapalakas ang loob niya.

Ayaw din naman niyang maging pabigat sa magkapatid kaya napagdesisyonan niyang magkulong sa kwarto nila para maghanda. Hindi naman tumutol ang dalawa dahil batid nila ang iniisip ni Milo. Natuwa naman sila sa ipinapakita nitong dedikasyon.

"Ang laki na ng pinagbago ni Milo." Puna ni Simon.

"Syempre, tayo ang nagsanay sa kaniya. Dapat lang na may pagbabago siya dahil kung wala, ibabalibag ko siya at ibabalik sa sinapupunan ng nanay niya." Wika naman ni Maya na ikinatawa ni Simon.

"Bakit ka natatawa?"

"Natatawa ako sa sinabi mong ibabalibag mo siya pabalik sa sinapupunan ng nanay niya." Tugon ni Simon at agad na natutop ni Maya ang bibig na tila ba may nasabi itong masama.

"Biro lang iyon, at isa pa hindi naman nila seseryosohin iyon di ba?" Napapakamot na wika ni Maya habang iniiikot ang mata sa paligid.

"Likas kay Milo ang matuto ng mabilis dahil sa dugong tinataglay niya. Kung mayroon mang pagbabago, natural lang din iyon. Tungkol naman sa sinabi ng babaylang aswang, hindi ito makakarating sa hari." Wika ng isang malamyos na boses ng isang babae. Iyon ang diwata ng hangin na laging nakasunod kay Milo.

"Nandiyan ka pala Diwatang Maliya, kumusta?" May paggalang na bati ni Simon na ikinangiti naman ng diwata. Sumilay sa labi nito ang matamis na ngiti na siguradong ikakasilaw ng mga ordinaryong tao na makakakita rito.

"Mabuti at nasasabik na makabalik sa aming mundong kinagisnan." Tugon ng diwata.

Isang ngiti at bahagyang tumango si Simon para tugunin ito. Mayamaya pa ay naglaho na rin ito sa kanilang paningin.

"Hindi ko alama na nandito pa pala siya, akala ko ay sumunod na din siya kay Karim doon sa kabila." Kamot-kamot ni Maya ang ulo habang nkaupo sa higaan.

"Wala ka kasing preno magsalita. Hindi ba't palagi kang napapagalitan ni Ina dahil diyan sa bunganga mo. Sa susunod umayos ka at baka iyan ang maglagay sa iyo sa kapahamakan."

"Oo na. Tatandaan ko na po." Nakabusangot na wika ni Maya.

"At isa pa pala, sanayin mo ang sarili mong makipag-usap ng maayos kay Milo. Hindi porket isa ka sa naging maestra niya ay maari mo na siyang tratuhin ng ganyan. Mas mabuti na mas maaga ay maituwid mo ang uri ng pagtrato mo sa kaniya. Baka makasanayan mo iyan ay pati ako mapahamak dahil sayo. Misyon natin na madala si Milo sa lugar na iyon ng ligtas at bilang naatasang tagapagtanggol niya ay gagawin natin ito nang walang aberya." Mahabang litanya ni Simon sa kapatid. Lalong napasimangot naman si Maya ngunit mabilis din na sumang-ayon.

Alam niyang tama ang lahat ng sinabi ni Simon kaya walang puwang ang mga reklamo niya. Ang misyon ay misyon, hindi sila puwedeng magkamali.

Kinagabihan ay nanatili muna sila sa labas para magmasid. Kasalukuyan nang nagsasara si Aling Lorna ng tindahan nito kaya naman tinulungan na nila ito.

"Ang aga niyo naman yatang nagsara Aling Lorna?" Puna ni Maya.

"Ganitong oras talaga ako nagsasara ineng, wala na din namang bibili at wala na ding lalabas." Tugon ng ginang habang maayos na sinasara ang mga tablang nagsisilbing pangsarado nito sa harap ng tindahan niya.

"Kaya kayo, huwag kayong gagala sa dilim, mapanganib. May mga mababangis na nilalang ang gumagala sa gabi. At sino mang maabutan nila sa labas ay sinasakmal nila. Ewan ko ba kung saan nanggaling ang mga iyon. Maayos naman ang bayang ito noon, pero nagabago ang lahat sa nakalipas na tatlong buwan." Saad ni Aling Lorna.

Matapos nitong magsara ay pumasok na sila sa bahay. Doon ay pinagpatuloy ni Aling Lorna ang kaniyang kuwento. Ayon pa sa ginang, tatlong buwan na ang nakalipas simula nang unang dumating ang mga nilalang na bigla na lamang sumakop sa katahimikan ng kanilang bayan.

Walang makapagsabi kung anong klaseng nilalang ang bigla na lamang dumating sa kanilang bayan, ngunit ang hula nila ay mga aswang dahil simula noon ay palagi na silang nawawalan ng mga alagang hayop at dalawa o tatlong beses silang nakakakita ng pat*y na tao sa mga talahiban. Halos matuyo na ang dugo ng mga ito sa katawan at wala na rin lamang loob. Minsan pa nga ay kulang-kulang din ang parte ng mga katawan ng mga biktima.

Kaya simula noon, nag-doble ingat na din ang mga residente sa tuwing sasapit ang gabi. Wala nang nagtatangkang lumabas sa tuwing sasapit ang ala sais ng gabi. Nakasara na din lahat ng bintana at pinto sa bawat bahay sa takot na baka pasukin na sila ng mga ito kapag wala nang nakuhang bibiktimahin sa labas.

"Wala po vang albularyo antinggero dito sa Isidro?" Tanong ni Milo at umiling ang ginang.

"Magmula nang sumalakay ang mga nilalang, paisa-isa silang nangawala. Natakot siguro, lumipat ng ibang bayan, pero alam ko bago sila nawala may isa ang namat*y." Kuwento ni Aling Lorna sa pinahinang boses. Tila ba ayaw niyang marinig ito ng mga nilalang na umaaligid sa labas.

"Kaya kayo, habang nandito kayo, huwag kayong lalabas sa gabi. Iyan din ang dahilan bakit kayo pinatuloy agad dito sa bahay ko. Mga dayo pa man din kayo.panigurado kayo ang pupunteryahin ng mga iyon, kaya naku, mag-iingat talaga kayo." Dagdag pa ng ginang at nagkatinginan sila.

"Hindi ho ba kayo natatakot na baka dahil sa amin, baka dito sumalakay ang mga nilalang?" Tanong ni Milo sa ginang.

Natigilan naman si Aling Lorna bago sumilay ang ngiti sa labi niya.

"Matibay ang bahay ko, 'yan ang sabi ng dating albularyo rito. Bago siya nawala may iniwan siyang isang paalala, na kapag nakatagpo ako ng tatlong batang estranghero ay patuluyin ko sa bahay ko. Kaya lahat ng nagagawing estranghero na mga kabataan ay inaalok kong dito na tumuloy sa bahay ko." Natatawa pang wika ni Aling Lorna at nagkatinginan silang tatlo.

Batid nilang lahat ng sinasabi ni Aling Lorna sa kanila ay totoo, pero naging palaisipan para sa kanila kung sino ang albularyong iyon na nag-iwan ng mensahe sa kaniya. Nagkataon lamang ba ang lahat?

"O' siya magpahinga na tayo, isarado niyo lahat ng bintana sa kwarto niyo, at huwag na din kayong lalabas, may palikuran naman sa loob ng bahay." Paalala pa ng ginang bago ito pumasok sa silid nito.

Nagkatinginan silang tatlo at tinungo na ang malaking silid na pinagamit sa kanila ng ginang.

"Magiging mapanganib kung dito tayo gagalaw. Mas mabuting sa labas natin salubungin ang mga iyon." Suhestiyon ni Maya na tila ba nagugutom na naman ito. Panay na din ang punas nito sa kaniyang bibig na animo'y naglalaway siya pero wala namang nasisipat si Milo roon.

"Mas maigi pa nga. Dito na tayo dumaan sa bintana. Maya mauna ka na sa labas." Utos ni Simon at kinuha na ang sandata nitong nakakubli sa isang itim na tela. Gayun din ang ginawa ni Milo. Matapos lumabas ni Maya ay sumunod naman si Milo. Si Simon ang huling lumabas at isinara niya nang maigi ang bintana bago sila umalis.