webnovel

Chapter 17

Sa kanilang paglalakabay, ay ipinagpapatuloy nila ang pagtuturo kay Milo kapag nagpapahinga sila o humihinto. Pagsapit ng dilim ay nagpalipas sila ng gabi sa gubat na nadaanan nila. Malayo pa kasi ang susunod na bayan kaya wala silang magagawa kun'di ang magpalipas ng gabi roon. Hindi naman iyon mahirap sa grupo dahil pare-pareho naman silang sanay sa ganoong sitwasyon.

Nakahiga si Milo sa damuhan habang nakatingin sa mga bituing nakalatag sa malawak na kalangitan. Ito ang unang beses na naglakabay siya, kaya naman hindi agad siya nakaramdam ng pagkaantok. Kasalukuyan silang nakahiga sa ilalim ng isang malaking puno ng balete na nasa gitna ng gubat. Ayon pa kay Simon, mas mapapabilis ang pagtawid nila kung doon sila sa bundok dadaan.

Hindi man maintindihan ni Milo ay hindi na siya nagtanong pa, bilin din kasi ng lolo niya na sumunod na lamang siya sa sasabihin ng magkapatid dahil ito ang mas nakakaalam ng kanilang mga gagawin sa paglalakbay na iyon. Mayamaya pa ay nakabalik na si Maya, dala-dala ang iilang mga prutas na nakuha umano nito sa malapit na mga bungang-kahoy. Wala siyang nahuling baboy-ramo nang panahon iyon na hindi naman alintana ng dalawa.

Tahimik nilang pinagsaluhan ang mga prutas na iyon para sa hapunan. Matapos kumain ay nagpahinga na sila. Tulad ng nakagawian ay nasa itaas ng puno si Maya. Hindi raw ito komportable na nasa lapag at mas madali sa kaniya ang masipat ang mga paparating na kalaban kapag nasa itaas siya ng puno. Hindi naman iyon pinansin ni Milo at nahiga na sa ibaba ng puno na pinagpapahingahan ng dalaga. Katabi niy noon si Simon na panay din ang pagbabasa ng maliit na libreta.

Dahil sa nakita ay tahimik niyang kinuha ang libretang pinamana sa kaniya ng kanyang ina sa kaniya at binuklat iyon. Sa pagkakataong iyon ay mabilis na niyang nababasa ng walang kahirap-hirap ang mga katagang naipapaloob doon. 

Kinaumagahan, maaga pa lamang ay nagsimula na silang maglakad papaakyat ng bundok, nang marating nila ang tuktok ay agad din silang nagpanhinga muna habang sinisipat ang kabuuan ng baryong kanilang tutunguin.

"Ano na Milo, subukan natin ang bilis mo?" Tanong ni Simon. Napakamot naman si Milo bago napangisi. Mabilis siyang tumango at agad na dinampot sa bulsa niya ang ibinigay na mutya sa kaniya ni Karim na gawa umano sa ginintuang buhok niya.

Sa isang iglap at tila nagkarera ang tatlo pababa ng bundok. Napakabilis ng takbo ni Simon at Maya na tila ba ang mga paa nila ay sumasakay sa hangin. Gayunpaman hindi rin nagpapatalo si Milo sa kanila. Animo'y nagliliwanag naman ang buong katawan ni Milo habang tumatakbo siya. Mabilis nilang naiiwasan ang mga pjnong nadadaanan nila at napakalakas ng hanging dumadaan sa pisngi ni Milo na tila na nahahati sa kaniyang pagdaan. Naririnig din niya ang mga pagaspas ng mga sanga at dahon ng mga punong nadadaanan nila.

Ang ilang oras na gugugulin nila sa paglalakad pababa ay halos ilamg minuto lang nilang tinakbo.

"Mukhang nasasanay ka nang gamitin ang mutya ni Karim ah. Magalin, mas mapapadali sa iyo ang makipaglaban lalo sa mga aswang na may angking bilis." Masayang puna ni Simon at napangiti naman si Milo.

Kamakailan lamang nang tuluyang ibigay ni Karim ang mutyang iyon at halos ilang araw pa lang nang simulan niya itong gamitin. Hindi niya inaasahan na ganoon na din ang estado niya ng paggamit dito. Natuwa naman siya dahil kahit papaano ay hindi na siya magiging pabigat sa kanilang grupo.

Muli ay nagpahinga sila sa ilalim ng lilim ng isang puno at pinagmasdan ang mga magsasakang pumaparoo't - parito .

Pagkababa kasi nila ng bundok ay halos kitang-kita na nila ang Isang bayan. Maraming tao ang dumadaan sa kanilang kinaroroonan na agad din namang napapatingin sa kanila.

Mayamaya pa matapos magpahinga ay magsimula na silang tahakin ang daan papasok sa bayan. Ayon pa sa napagtanungan nila, iyon ang bayan ng Isidro. Malayo pa ito sa bayang pupuntahan nila.

Agad na nagpalinga-linga si Milo nang marating nila ang bukana ng bayan ng Isidro. Sa unang pagkakataon ay nakasilay si Milo nang mga kakaibang bagay na hindi pa niya nakikita sa kanilang maliit na baryo. May kalakihan din ang bayan ng Isidro. Napakaraming bahay ang nakatayo roon na halos ang iba ay dikit-dikit pa. May mga kubo rin siyang nasisipat subalit mas marami ang napansin niyang gawa na sa yero at pawid.

Napansin namab agad nila ang kakaibang tingin sa kanila ng mga tao roon. Ipinagkibit balikat lamang nila at nagtuloy-tuloy na sa paglalakad.

"Ilang araw ba ang balak niyong mananatili rito?" Tanong ng isang ginang nang magtanong sila rito.

"Ah eh, mga dalawa hanggang tatlong araw ho. Mukha po kasing may darating na bagyo mamaya kaya kailangan namin ng matutuluyan." Nakangiting wika ni Simon.

"E' mukhang mababait naman kayo, mayro'ng dalawang bakanteng kwarto ako sa bahay, puwede kayo roon," wika ng ginang. Agad naman nagkatinginan si Milo at Simon saka tumango.

"Talaga po, magkano naman po?" Tanong ni Milo.

"Naku, hindi ako maniningil, total tatlong araw lang naman. Pero kaya niyo bang tumulong saglit sa bahay, alam niyo kasi kulang ako ng tao ngayon." Nakangising wika ng ginang at agad ding sumang-ayon ang tatlo.

Nang makapasok sila sa bahay ni Aling Lorna ay agad din silang namangha sa laki ng bahay nito. Bukod pala sa tindahan nito na nasa labas ng gate ay malaki rin ang bahay nito na gawa sa solidong kahoy.

"Ang laki naman mg bahay niyo Aling Lorna, sino-sino po ang nakatira rito?" Tanong ni Simon habang naglalakad sila upang libutin ang buong bahay.

"Oo napakalaki, kaya hindi ko gaano maasikaso dahil abala din ako sa tindahan sa labas. Ako, ang anak kong si Arnulfo at ang baldado kong ama ang nakatira lang dito. Minsan may mga tao akong binabayaran para maglinis, may isa akong katiwala si Kalya, anak ng isnag magsasaka, siya ang nag-aalaga sa Itay." Mahabang salaysay ni Aling Lorna.

"Sa inyo po ba ang bahay na ito?" Tanong ni Maya habang inililibot ang mata sa paligid.

"Oo ineng, minana ito ng Itay sa kaniyang yumaong ama." Tugon naman ng ginang at huminto na sila sa sinasabi nitong kwarto. Magkatabi ang mga ito kaya naman natuwa si Maya.

"O, ito ang magiging kwarto niyo. Itong malaking kwarto, para sa inyong dalawa at itong maliit naman para kay Maya." Suhestiyon ng ginang. Muli silang sumang-ayon at pumasok na roon upang matingnan ito.

"Ayos na ba sa inyo ito? Kapag may kailangan kayo,nasa tindahan lang ako. Sa tulong naman na hinihingi ko, simple lang naman, tutulong lang kayo sa paglilinis ng bahay. Ayos lang ba sa inyo iyon?" Tanong ng Ginang.

'' Opo naman, huwag ho kayong mag-alala. Bago matapos ang tatlong araw, paniguradong malinis na itong bahay niyo." Wika naman ni Milo na ikinatawa naman ng ginang.

"O' siya magpahinga muna kayo, pumunta kayo mamaya sa tindahan para sabay-sabay na tayong magtanghalian." Pahabol na wika pa ng ginang bago sila iwanan.

Nang makalayo na ito ay agad na pumasok ang tatlo sa malaking silid na iyon.

"Mukhang ayos naman ang bahay na ito. Pero Simon,naramdaman mo ba ang mga presensyang nakamasaid kanina sa atin?" Tanong agad ni Maya, pasimple itong sumilip sa maliit na suwang na nasa bintana na gawa sa pawid.

"Oo, naramadaman ko rin. Tanungin na lang natin mamaya si Aling Lorna. Sa ngayon, talasan niyo ang inyong mga pakiramdam." Wika naman ni Simon. Tahimik lang si Milo dahil kahit siya ay naramdaman ang presensyang iyon, hindi lamang niya pinansin dahil hindi naman kumikibo ang magkapatid.

"Ikaw Milo, huwag kang maging kampante, ngayong wala na tayo sa baryo siguradong ramdam na ng mga humahanap sa iyo ang pag-alis mo. Mas makabubuting ikubli mo ang iyong presensya para hindi tayo matunugan." Utos ni Simon at tumango lang si Milo.

Bago nga sila lumabas ng kwarto ay nag usal muna si Milo para ikubli ang kaniyang presensya.