webnovel

Kambal Tuko [TAGALOG]

Simula pa pagkabata ay makikita na ang malaking pagkakaiba ng magkakambal na sina Tina at Nana. Si Nana ay normal ang itsura samantalang si Tina ay may hindi pangkaraniwang kaanyuan na naging dahilan kung bakit naging tampulan ito ng tukso. Pero ng tumungtong si Tina sa legal na edad ay isang misteryo ang nangyari na nagbigay dito ng magandang kaanyuan. Dahil doon ay mas nadagdagan ang inggit ng kakambal nitong si Nana. At dahil din doon ay nalagay si Tina sa kapahamakan. Noong nawala si Tina ay nagsimula na rin ang misteryo na bumalot kay Nana at sa mga kaibigan nito. Gusto ni Nana na maitama ang lahat. Pero paano iyon gagawin ni Nana kung isa-isa nang namamatay ang mga taong nakapalibot dito at ito na ang isusunod? Book cover by: Shekina Grace Edited by: Elf King Publishing Editors

Jennyoniichan · แฟนตาซี
Not enough ratings
23 Chs

CHAPTER 9

NAGKAGULO ang mga nurse sa mental institution nang makita ng nurse ni Kristoff ang lalaki sa banyo na nakalublob ang mukha sa isang balde ng tubig. Saktong dumating doon sina Jacob para bisitahin si Kristoff.

"Ano pong nangyayari?" tanong ni Bea sa isa sa mga nurses.

"Sabi po kasi nila may nagpakamatay na pasyente at mayroong dalawang nakatakas," sagot ng nurse bago lumayo.

"Puntahan natin si Kris, baka kung ano'ng nangyari sa kanya," nag-aalalang sambit ni Bea.

Pagdating ng magkakabarkada sa hallway ng kuwarto ni Kristoff ay may nakita ang mga itong police tape sa pinto.

"Kristoff!" sigaw ni Nana, kinakabahan na ito. Si Bea naman na kasintahan ni Kristoff ay umiiyak na.

Nilapitan ang mga ito ng isa sa mga pulis. "Kaanu-ano niyo po ang biktima?"

Biktima. Iyon ang tumatak sa isipan ng magkakabarkada. Alam na ng mga ito na may nangyaring masama kay Kristoff.

"Ano pong nangyari sa kanya? Sino ang may gawa nito?" histerikal na tanong ni Jacob.

"Nakita na lang siyang walang buhay sa loob ng banyo, nakalublub sa balde ng tubig ang kanyang ulo. Mukhang nagpakamatay po ang kaibigan ninyo dahil wala po kaming nakitang foul play o ibang fingerprints sa kahit saang sulok ng kuwarto at sa katawan ng biktima," paliwanag ng pulis.

"Hindi magagawa ni Kris 'yan! Hindi niya magagawang magpakamatay. Hindi niya ako iiwan," umiiyak na sambit ni Bea habang inaalo ito nina Nana at Girly.

"Bakit ba nangyayari sa atin 'to? Parang pinlano ang lahat. Kahit nagkaganyan si Kris, hindi siya magpapakamatay," sabi ni Tim.

"Ano sa tingin mo? Bakit ito nangyayari?" tanong ni Jacob.

"Hindi ko alam, pero masama ang kutob ko dito," naguguluhang sambit ni Tim. "Basta mag-ingat na lang tayo."

IKALAWANG gabi pa lang ang lamay ni Kristoff, ililibing na ito bukas. Ayaw daw kasing patagalin ng mga magulang nito ang lamay dahil mas lalo lang nasasaktan kapag nakikita pa ito.

Nandoon sina Nana, tumutulong sa pag-aasikaso ng mga bisita. "Hija, pwede mo bang punasan mo ang salamin ng kabaong ni Kris? Natapunan kasi ng tubig galing sa vase ng bulaklak," pakiusap ng nanay ni Kristoff. Tumango si Nana. "Pakikuha na lang ng basahan sa garahe namin."

Sumunod si Nana at pumunta sa garahe. "Ang dilim naman dito," sambit nito. Kinuha ni Nana ang cell phone at ginawang ilaw. Hinahanap pa nito ang basahan nang mag-ring ang cell phone.

Pagtingin ni Nana sa caller ID ay nabitawan nito ang cell phone. Number ni Paulo ang tumatawag dito. Mas lalong nakaramdam ng takot si Nana nang kusang mag-slide ang green answer button sa screen.

Nakarinig ng iyak si Nana na nanggagaling sa cell phone. Nabosesan nito kung sino iyon. "Paulo..." sambit ni Nana, nanginging na sa takot.

"Nana... iisa-isahin niya kayo... Mamamatay kayong lahat!" Nakakapangilabot ang boses ni Paulo pero mas nadagdagan ang takot ni Nana nang marinig ang isa pang boses.

"Hindi ba sinabi ko sa inyong papatayin niya ako?! Pero hindi kayo nakinig. Pinabayaan niyo ako. Kaya dapat din kayong mamatay!" boses iyon ni Kristoff, puno ng hinanakit.

Iglap lang ay may lumabas sa cell phone. Nagulantang si Nana nang makita ang paglabas ng ulo ni Kristoff na may mahabang leeg. Nakatingin ito kay Nana na puno ng galit at hinanakit.

"Sinabi kong 'wag niyo akong iwan pero iniwan niyo pa rin ako! Iniwan niyo ako kaya ako namatay. Kayo ang pumatay sa akin. Kayo!" sigaw ni Kristoff at biglang sinakal si Nana. "Ikaw ang mauuna ngayon."

"Tama—na—ack—" unti-unti nang nawawalan ng hangin si Nana nang dumating si Jacob.

"Nana, ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ka nakaupo diyan?" takang tanong ni Jacob.

Napalingon-lingon si Nana pero hindi na nito makita si Kristoff, nasa kamay na nito ang cell phone. At ang ilaw sa garahe ay nakabukas na.

"Halika na," sabi ni Jacob kay Nana. Nagpatangay lang ang dalaga dito. Dahil sa takot ay hindi na rin nakuha ang basahan.

Ano'ng ibig sabihin noon? Totoo ba ang mga iyon? May nagbabalak pumatay sa kanila isa-isa? Iyon ang mga tanong na nagpagulo sa isipan ni Nana.