NGAYON ang huling araw ng burol ni Paulo. Sa kabutihang palad ay pinayagan sina Jacob na makapunta sa huling hantungan ng kaibigan ng mga ito. Hanggang ngayon hindi pa rin matukoy kung ano ang dahilan o sino ang may gawa ng krimen.
Nasa may pinakalikod lang sina Jacob. Tahimik na tumutulo ang mga luha ng mga ito. Pero si Kristoff ay parang batang ngumangawa.
"Kristoff, kumalma ka," sambit ni Tim. Pilit nitong pinatayo si Kristoff, niyakap at pinatahan.
Nakapikit lang si Kristoff. Nang magmulat ay biglang nakaramdam ng malamig na hangin. Nagitla ito nang may dumamping malamig na bagay sa parteng tainga.
"Huwag kang mag-alala, Kristoff. Malapit mo nang makasama ang kaibigan mo dahil isusunod na kita," sambit ng isang boses.
Napalingon-lingon si Kristoff para hanapin ang nananakot dito. Napansin nito ang bulto ng isang tao sa malayo na ikinagulat nito. "Pa-pare, 'di ba si—" Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil oras na para magpaalam ang mga ito kay Paulo.
Lumapit ang magkakabarkada sa kabaong ni Paulo. Pito ang mga ito noon na naging anim na lamang.
"Pau, hindi kami titigil hangga't hindi nadadakip kung sino ang gumawa sa 'yo nito," sambit ni Kristoff, naluluha na naman.
Inilapit nito ang mukha sa salamin ng kabaong ni Paulo pero agad ding napaatras nang may makitang babae na matalim na nakatingin dito. Nanlaki ang mga mata ni Kristoff. Nakatingin pa rin ito kay Kristoff. Gustong sumuka ni Kristoff dahil hindi nito masikmura ang nabubulok na mukha ng babae. Sa pagka-agnas ay hindi na ito makilala.
"Pare, ba-bakit may babae diyan?" pasigaw na tanong ni Kristoff.
Tiningnan ng magkakaibigan si Kristoff na para itong nababaliw. Nakatingin pa rin si Kristoff sa babaeng nasa kabaong.
"Ikaw na ang susunod..." narinig ni Kristoff na sabi ng babae.
"Hindi! Hindi mo 'ko mapapatay. Hindi mo 'ko mapapatay!" nababaliw na sambit ni Kristoff habang nakaturo sa kabaong ni Paulo.
Dahil doon ay sapilitang pinaalis ang magkakabarkada sa harap ng kabaong.
"Kristoff, ano bang problema mo?" singhal na tanong ni Jacob.
"Nakita ko ang pumatay sa kanya," wala sa sariling sambit ni Kristoff.
Agad na niyugyog ni Tim ang balikat ni Kristoff. "Totoo ba 'yang sinasabi mo? Sino? Sabihin mo," atat na tanong ni Tim.
"Nasa loob ng kabaong ni Paulo ang pumatay sa kanya. Hindi niyo ba nakita kanina? Nakatingin siya ng masama sa akin tapos—" Naputol ang sinasabi ni Kristoff dahil sa suntok ni Tim.
"Ginagago mo ba kami, Kristoff?! Ano 'yang pinagsasabi mo? Nababaliw ka na yata," galit na sabi ni Tim.
Pero hindi nakikinig si Kristoff na parang may sariling mundo. "Kailangan kong magtago. Ako na ang isusunod niya. Kailangan kong magtago. Tim, itago mo 'ko. Dali, baka makita niya ako," nababalisang sambit ni Kristoff.
"Kristoff, ano bang nangyayari sa 'yo?" sabat ng girlfriend ni Kristoff na si Bea. Lalapit na sana si Bea kay Kristoff pero itinulak ito ng huli.
"Huwag kang lalapit sa 'kin. Mamamatay-tao ka. Huwag," nababaliw na sambit ni Kristoff habang nakatingin kay Bea. Iba na ang kaanyuan nito sa paningin ni Kristoff. Ito na ang babaeng nakita kanina sa kabaong. "Siya! Siya 'yong sinasabi ko sa inyo!" sumbong nito.
Pero nakatingin lang ng masama ang mga kabarkada ni Kristoff dito. "Nababaliw ka na, Kristoff. Kailangan ka nang madala sa ospital," sabi ni Tim.
Hinawakan nina Jacob at Tim si Kristoff at kinaladkad patungo sa sasakyan. Si Nana na ang pinag-drive ng mga ito para mahawakang mabuti ang nagwawalang si Kristoff.
"Papatayin na niya ako. Ako na ang isusunod niya. Kailangan kong magtago!" Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ni Kristoff.
NAKARATING na ang magkakabarkada sa isang ospital. Inirekomenda ng mga doktor na ilagay muna sa isang mental institution si Kristoff. Tuluyan na raw itong nabaliw dahil sa sobrang stress. Wala rin ang mga magulang ni Kristoff para mag-monitor dito kaya mas mabuting doon muna sa institution.
"Huwag niyo akong iwan sa kanya dito. Papatayin niya ako!" sigaw pa ni Kristoff nang maipasok ito sa isang silid.
Pero hindi ito pinakinggan. Naaawa ang magkakabarkada kay Kristoff. Iniisip ng mga ito na nagkaganito si Kristoff dahil sa pagkamatay ni Paulo. Ibinilin ng mga ito si Kristoff sa mga nurse at umuwi na.
Sa loob ng silid ni Kristoff, nakasuksok lamang ito sa isang sulok habang nakatakip ang dalawang palad sa tainga. Naririndi ito sa matinis na pagtawa ng isang babae na parang demonyo. "Tama na. Tama na!" sigaw ni Kristoff.
Ngumisi lang ang babaeng nasa harap nito at nakatalikod.
"Maria Labo? Hindi ba ikaw si Maria Labo?" tanong ni Kristoff sa babae.
"Eh kung oo? Magbabayad kayong mga lalaking walang awa."
Nagpatay-sindi ang ilaw doon. Nangilabot ng husto si Kristoff nang humaba ang leeg ng babae. Nabasag ang isang bintana. Pumihit patalikod ang ulo ng babae. Gumapang ito patungo kay Kristoff nang nakabaliktad ang ulo.
"Humanda ka na."
Tumingin sa mga mata ni Kristoff ang babae. Gusto nitong umiwas ng tingin. Nakakatakot ito dahil wala na itong eyeballs, puro itim lang makikita. Nabigla si Kristoff nang kusang kumilos ang katawan nito at nagtungo sa banyo.
"Ngayon, pagbabayaran niyong mga lalaki ang lahat ng kahayupang ginawa ninyo."
Biglang yumukod ang ulo ni Kristoff patungo sa balde na puno ng tubig. Nilulunod ito. Wala itong makita sa ilalim ng tubig noong una. Pero bigla na lamang sumulpot doon ang ulo ng babae.
Nalalasahan na ni Kristoff ang nabubulok na mga laman ng babae na humahalo sa tubig, pilit nitong inaahon ang mukha pero hindi magawa hanggang sa unti-unting naubos ang natitipong hangin sa baga nito. Nakakainom na si Kristoff ng tubig na kulay dugo na ngayon.
"Tatapusin ko kayong lahat!" Narinig pa ni Kristoff na sambit ng babae. Mala-demonyong tumawa ang babae. Iyon ang huling narinig ni Kristoff bago ito tuluyang kinuha ng kamatayan.
You can now get a copy of this book! :) Just message me to order. The full version including the 2 special chapters are only available in the printed version. :)
FB: Alina Genesis