webnovel

HORROROSAN (tagalog)

Love. Hate. Revenge. Depth. mamamatay ka na. compilation of my short horror story.

xiunoxki · สยองขวัญ
Not enough ratings
17 Chs

IKA-PITONG KUWARTO 1

~SIGAW SA IKA-PITONG KUWARTO~

REGISTERED NURSE SI Evelyn, at nakipagsapalaran siya sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Habang nasa Maynila, nakikitira siya sa bahay ng kanyang Tiya Salud. Sa paghahanap niya ng trabahong mapapasukan ay napadpad siya sa North Caloocan. At masuwerte naman na natanggap siya sa isang Private Hospital na kanyang inaplayan. Sa pagkatanggap niya sa trabaho ay naghanap na rin siya ng mauupahan na malapit lang sa kanyang papasukan. Agad naman siyang nakahanap ng mauupahan na malapit lang sa ospital at puwedeng lakarin kapag papasok siya ng trabaho. Dalawang libo sa isang buwan ang upa ni Evelyn sa kuwartong kanyang nakuha. May banyo na at libre ang tubig, maliban sa kuryente. Pito ang kuwarto sa paupahang iyon at ang ika-anim na silid ang kanyang nakuha dahil ito na lamang ang bakante at ang ika-pitong kuwarto ay hindi na pinauupahan pa ng may-ari.

"TIYA, TUTULOY NA po ako. Maraming salamat po sa lahat," pagpapaalam ni Evelyn sa kanyang Tiya Salud at hinawakan ang kamay nito.

"Hija, mag-iingat ka doon. Huwag kang basta-basta maniniwala sa mga bago mong kakilala. Maraming loko-loko diyan. Bago ka matulog siguraduhin mong naka-lock ang pinto ng kuwarto mo, maging ang bintana. At bago ka pumasok ng trabaho, siguraduhin mong ma-lock ang pinto at ang bintana. Naku hija, baka manakawan ka. At isa pa kung gabi ka na makakauwi, doble ingat," bilin ng nag-aalala niyang tiya.

"Opo Tiya, ako pa. Sa edad kong twenty-five kayang-kaya ko na po ang sarili ko. Sila po ang mag-iingat sa 'kin kung ayaw nilang ma-injection-nan. 'Wag po kayong mag-alala lagi po akong mag-iingat." At niyakap niya ang kanyang Tiya Salud na naluluha na.

"Ikaw talagang bata ka. Basta lagi kang dadalaw, hah?" at tuluyan na itong umiyak.

"Siyempre naman po."

"Isa pa pala, 'wag ka munang makipagkaibigan sa mga bago mong kapitbahay doon, maging sa katrabaho mo. Maraming traydor na tao d'yan. Kilalanin mo muna sila ng maigi bago mo pagkatiwalaan. At ang pinakaimportante sa lahat, 'wag kang magpapautang baka hindi ka na mabayaran. Pa'no na ang pagpapadala mo niyan sa inyo?" naluluha pa rin na bilin ng kanyang tiya.

Napangiti siya. "Opo Tiya."

GABI NA NANG makarating si Evelyn sa kanyang inuupahan – at kinabukasan ay unang araw na niya sa trabaho. Pagkatapos niyang kumain ay iniligpit na niya ang kanyang mga gamit sa bago niyang titirhan. Sanay ng nag-iisa siya sa bahay, dahil noong nag-aaral siya sa kolehiyo ay nag-board siya sa loob ng apat na taon. Inihanda na rin niya ang kanyang mga gamit at isusuot na uniform para sa trabaho niya kinabukasan. At bago matulog ay naalala niya ang bilin ng kanyang Tiya Salud na i-lock ang pinto at isara ang bintana. Nang dahil sa pagod ay agad nakatulog ng mahimbing si Evelyn kahit pa unang gabi niyang matulog sa kuwartong iyon. Ngunit isang malakas na sigawan ang bumasag sa kanyang mahimbing na tulog.

"Naku naman. Akala ko ba walang umuupa sa ika-pitong kuwarto?" inis na wika niya ng matukoy ang pinagmulan ng ingay. Napakamot na lamang siya. Nang tingnan niya ang alarm clock sa ulohan niya, nadismaya siya nang makitang ala-una pa lang ng madaling-araw. Dinig na dinig niya ang sigawan dahil ang kama niya ay nakadikit sa pader na karugtong ang ika-pitong kuwarto. Dahil sa may pagkatsismosa ay pinatay niya ang electric fan na nakatutuk sa kanya at idinikit ang kanyang tainga sa pader upang lalong mapakinggan ang sigawan at maintindihan ang mga ito.

"Walang hiya kaaa! Manloloko kang babae ka! Malandi kaaa! Minahal kita. Binago ko ang sarili ko para sa'yo. Nagpakatino ako. Pero niloko mo akooo! Papatayin kitaaaa!" galit na galit na sigaw ng lalaki.

"Huwag, maawa ka – hindi kita niloloko. Nagkakamali ka sa hinala mo. Wala akong ibang karelasyon. Ikaw lang ang mahal ko! Maniwala ka! Pakiusap, 'wag mo akong sasaktan. Alang-alang sa magiging anak natin..." umiiyak na pagmamakaawa ng babae.

"Anak natin? O anak mo sa kalaguyo mo? Huwag mo na akong paikutin pa. Kitang-kita ng dalawa kong mga mata ang panloloko mo..." naging malumanay ang boses ng lalaki pero ramdam pa rin ang madiing galit sa tinig nito.

"Pakiusap, hindi kita niloloko. Maniwala ka... ikaw lang ang mahal ko. Anak natin ang dinadala ko, anak mo," hagulhol ng babae.

"Tumigil ka naaa! Papatayin kitaaa! Mamamatay ka naaaaa!" muling sumigaw sa galit ang lalaki.

Napalayo si Evelyn sa pader. Diyos ko! bulong niya sa kanyang sarili habang nakatakip ang kanyang mga palad sa kanyang bibig. Matinding takot ang naramdaman niya at halos manginig ang buo niyang katawan dahil sa mga narinig. "Ano po ang dapat kong gawin? Diyos ko, Diyos ko, Diyos ko..." paulit-ulit siyang nagkrus.

Nang biglang tumahimik ang paligid, nilakasan ni Evelyn ang kanyang loob. Tumayo siya't sumilip sa bintana. Napaatras siya at napatumba nang pagbukas niya ng bintanang jalousie upang sumilip sa labas ay tumambad sa kanya ang duguang babae na nakasilip din sa kanyang bintana at halos magkaharap sila nito. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Bumalik ang takot na kanyang naramdaman at mas tumindi pa ito.

Sa ikalawang pagkakataon ay muling nilakasan niya ang kanyang loob. Muli siyang nagdasal at humungi ng tulong sa Panginoon. Inisip niyang baka humuhingi ng tulong ang babaeng duguan. Naisip niya rin na nurse siya kaya maari niyang matulungan ang babae. Ngunit ng muli siyang sumilip sa bintana ay wala na ang babaeng duguan. Nilibot niya ang kanyang paningin sa labas ngunit wala na talaga roon ang babae. Wala rin siyang nakitang mga tao na posibleng tumulong at sumaklolo rito. Pinakiramdaman niya kung may ingay o boses siyang maririnig, ngunit nakabibinging katahimikan ang namayani. Ilang minuto rin siyang nakiramdam, ngunit walang ingay o boses siyang narinig na may kaugnayan sa narinig niyang sigawan sa ika-pitong kuwarto na labis niyang ikinatakot. Kaya naman nagpasya na lamang siyang isara ang bintana. At nang maisara na niya ang bintana ay isang malamig na ihip ng hangin ang tumama sa kanya na nagpatayo ng kanyang balahibo at mas nagpabilis ng tibok ng kanyang dibdib. Naisip niyang patay ang electric fan kaya saan nanggaling ang malamig na ihip ng hangin na mula sa kanyang likuran?

"Tulong..." nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang boses ng isang babae na bumulong sa kanya. Naramdaman niya ang init ng hininga ng bumulong sa kanyang kanang tainga.

Sandaling natigilan siya sa bulong na narinig niya. At takot na takot siyang tumakbo patungo sa kanyang kama at agad siyang nagtaklob ng kumot. Naisip niyang baka napatay ng lalaki ang babae at ngayon ay minumulto na siya dahil wala siyang ginawa upang matulungan ito. Kaya naman paulit-ulit siyang nagdasal hanggang sa makatulog na lamang siya.