webnovel

IKA-PITONG KUWARTO 2

~ANG BABAENG BUNTIS~

KINAUMAGAHAN, HABANG NILALA-LOCK ni Evelyn ang pinto bago pumasok sa trabaho, may nakita siyang babaeng buntis na nakatayo sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto ng paupahan. Puro pasa ang mukha ng babaeng buntis at pati na sa ibang bahagi ng kamay at paa. Nahabag siya sa hitsura ng babae, lalo pa't buntis ito. At nang matitigan niya nang maigi ang mukha nito naalala niya ang babaeng duguan na sumulip sa bintana niya kagabi. 'Yon ang babaeng iyon. Salamat naman at buhay siya, bulong niya sa kanyang sarili at gumaan ang kanyang pakiramdam. Ngunit bigla siyang kinabahan ng makitang matalim ang titig sa kanya ng babaeng buntis.

Bagama't kinakabahan, nginitian niya ang babae. Nang tinangka niya itong lapitan at kausapin ay bigla na lamang itong pumasok sa loob ng kuwarto at malakas na isinara ang pinto. Nagulat siya at tumalikod na lamang at naglakad upang pumasok na sa trabaho.

"Galit kaya siya sa 'kin? Tama si Tiya. Hindi muna dapat ako makipag-usap o makipagkaibigan kahit kanino," mahinang sambit niya. At nang may makasalubong siya na nangungupahan din sa paupahang iyon ay bumati siya ng 'magandang araw' ngunit hindi na siya nagtanong pa tungkol sa mga nangyari nung madaling-araw. Pero bakit ganun? Ba't parang walang nangyari? 'Di kaya nila narinig ang malakas na sigawan na 'yon? pagtataka niya.

HABANG NAGLA-LUNCH SA canteen kasama ang mga bagong kakilala sa trabaho ay nakuwento niya ang mga nakakatakot na nangyari sa kanya. Ngunit sinabi sa kanya ng mga bago niyang kakilala na baka dala lamang iyon ng takot at stress kung kaya't may nakita siya at narinig na 'di mapaliwanag. Marahil daw ay napaglaruan lang siya ng kanyang imahinasyon. At sumang-ayon na lamang siya sa mga tinuran ng mga katrabaho niya upang palakasin ang kanyang loob at iwaksi ang takot sa kanyang dibdib.

KINAGABIHAN, PAUWI NA siya, at sa paglabas niya ng ospital ay nakita niya ang babaeng buntis na nakatayo sa 'di kalayuan at nakatingin ito sa kanya. Iniwas na lamang niya ang tingin sa babae at nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa kanyang inuupahan.

Binilisan niya ang kanyang paglalakad. Nang lumingon kasi siya sa likod niya, nakita niya ang pagsunod ng babae sa kanya. Matinding takot ang naramdaman niya lalo na nang makita niya sa unahan niya ang anino ng babaeng buntis na tila nasa likod niya na ito malapit sa kanya. Ngunit paglingon niya wala roon ang babae. At nang marating ni Evelyn ang paupahan, habang mabilis niyang nilalakad ang pasilyo patungo sa kanyang kuwarto, nakita niyang nando'n na ang babaeng buntis. Nakatayo ito sa harap ng pinto ng kanyang kuwarto. Nagkaroon siya ng pag-aalangan. Siya kaya 'yong nakita ko do'n sa may ospital? Siya ba 'yong sumusunod sa 'kin? Ba't ang bilis niyang napunta rito? Pero baka hindi naman siya 'yon? pagtataka niya. Natigilan siya sa paglalakad nang 'di umaalis sa harap ng pinto ng kuwarto niya ang babae. "B-Bakit po?" kinakabahang tanong niya, 'di niya makuhang lumapit dito kaya naman medyo malayo siya sa babae.

Hindi sumagot ang babae. Tumalikod ito at pumunta sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto at muli itong humarap sa kanya. Iniwas niya ang kanyang tingin sa babae at yumuko siyang naglakad patungo sa pinto ng kanyang kuwarto. At habang nanginginig na binubuksan niya ang naka-lock na pinto ng kanyang silid ay nakatitig pa rin sa kanya ang babaeng buntis. At nang mabuksan na niya ang pinto, habang papasok na siya ay may naramdaman siyang malamig na ihip ng hangin – nang lingunin niya ang kinaroroonan ng babae ay wala na ito roon kaya naman dali-dali siyang pumasok at agad ikinandado ang pinto. Huminga siya ng malalim. "Ano ba ang problema ng babaeng 'yon? Naku, mababaliw ako sa taong 'yon. Ang weird niya!" inis na sambit niya habang sinisigurong hindi mabubuksan ang pinto ng kanyang kuwarto. Pagtalikod niya tumambad sa kanya ang nakatayong babaeng buntis na nasa loob na ng kuwarto niya. Hindi niya makuhang sumigaw. Umurong ang dila niya sa takot at di siya nakakilos. Humakbang palapit sa kanya ang babae at napapikit na lamang siya. Pero sa pagdilat niya wala roon ang babae. Luhaan siya at hangos na napaupo sa sahig – hindi siya makapaniwala sa malik-matang nakita niya – malik-mata nga lang ba talaga? Inisip niya nalamang na guni-guni ang kanyang nakita – pinaniwala niya ang sarili niya.

Bago matulog, nakaugalian na ni Evelyn magbasa ng libro, at habang nagbabasa siya pinakikiramdaman niya ang ika-pitong kuwarto. Wala siyang ingay na marinig mula roon. Bagkus ay ingay ng mga naglalarong bata at malakas na volume ng TV na mula sa ibang kwarto ang kanyang naririnig. Nang nakaramdam na siya ng antok ay nagpasya na siyang matulog at agad naman siyang nakatulog.

"NA NAMAN?" REKLAMO niya nang magising siya dahil sa lakas ng sigawan ng nagtatalong babae at lalaki sa ika-pitong kuwarto. At nang tingnan niya ang oras ay ala-una palang ng madaling-araw. "Naman?!" dismayadong sambit niya. Hindi na siya nag-abala pang pakinggan ang ingay – nagtaklob siya ng kumot at pinilit na lamang niyang makatulog.

BAGO PUMASOK SI Evelyn sa trabaho kinaumagahan, nilipat niya ang puwesto ng kanyang kama. Nilayo niya ito sa pader na nagdurugtong sa ika-pitong kuwarto. Sa paglabas niya, muli niyang nakita ang babaeng buntis na nakatayo sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto. At sa wari niya'y parang naulit lang ang nangyari kahapon nang una niyang makita ang babae, dahil 'yon pa rin ang suot nitong damit. Binalewala na lamang niya ang babae. Pinakiramdaman niya ang iba niyang kapitbahay ngunit wala siyang makitang reaksiyon sa mga ito tungkol sa mga nangyari at parang hindi nakikita ng mga ito ang babaeng buntis. Siguro talagang hindi nila marinig ang away ng mag-asawang 'yon. At siguro hindi nila kilala ang babaeng 'yon kaya wala silang pakialam. Dapat siguro pabayaan ko na lang din ang mga taong 'yon – pero pa'no naman ako? Nagigising ako ng alanganing oras dahil sa sigawan nila. 'Di naman ako puwedeng lumipat pa baka mahirapan ako sa paghahanap ng bagong mauupahan. Tsaka isa pa, nakapagbayad na ako para sa isang buwan kong upa, wala ng bawian. Kainis, ang weird naman ng mga tao dito! bulong niya sa sarili habang naglalakad papasok sa ospital. Sana naman mamaya wala na silang pag-awayan. Paulit-ulit lang naman ang pinagsasabi nila. Kairita!

NGUNIT KINAGABIHAN, BAGO mag-ala-una ng madaling-araw ay nagising na naman siya dahil sa sigawan – at muli niya itong pinakinggan. At ang pinagtataka niya ay parang naulit lang ang mga pangyayari – parehas ang laman ng sigawan ng lalaki at babae sa ika-pitong kuwarto nang una niya itong mapakinggan. At mas lalo niya itong naririnig gayung malayo na ang kama niya sa pader ng ika-pitong kuwarto at hindi naman niya idinikit ang tainga niya sa pader. Para bang nasa harapan lamang niya ang nagsisigawan. Nagtaklob siya ng kumot. Ngunit bigla na lang na para bang may malamig na hangin na paikot-ikot sa loob ng kanyang kuwarto at tumatagos ito sa nakataklob na kumot sa kanya. Alam niyang hindi electric fan ang hanging iyon dahil mahina lang ang ikot ng kanyang electric fan. Naramdaman niya rin na parang may humihila sa kumot na nakataklob sa kanya – at nakipaghilahan siya rito. "Hindi totoo 'to. Hindi totoo 'to..." paulit-ulit niyang sambit at pinagpawisan siya sa takot. Maya-maya pa biglang tumahimik na lamang ang paligid. "Hindi naman kaya ako na ang nasisiraan?" naluluhang nasabi niya at taimtim siyang nagdasal bago muling matulog – na nababalot ng takot.

Nagising siya nang makaramdam ng tawag ng kalikasan makalipas ang halos dalawang oras. Habang nasa banyo siya may naririnig siyang mga yapak ng paa sa labas ng pinto. Binilisan niya ang kanyang ginagawa at nang bubuksan niya na ang pinto para lumabas, 'di niya ito mabuksan gayung ang luck nito ay nasa loob. Nakaramdam siya ng takot at muli siyang naupo sa toilet bowl. Pero ilang saglit lang kusa nang nagbukas ang pinto.

KINABUKASAN, MULI NIYANG nakita ang babaeng buntis at inisip na lamang niya na wala siyang nakita. Ilang hakbang palang siyang nakakalayo nang 'di niya matiis na lingunin ito, ngunit wala na ang babae. "Nawala nga?" mahinang nasabi niya sa kanyang sarili at nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakad. "Kaloka!"

SA OSPITAL, NA-ASSIGNED sa emergency room si Evelyn. Habang abala siya sa pag-aasikaso sa mga pasyente, dumating ang ambulansya lulan ang buntis. Nagsisigaw ang buntis sa pananakit ng tiyan at isinisigaw nitong manganganak na siya. Awtomatiko ang naging kilos ni Evelyn na tulungan ang pasyenteng kailangan ng tulong – nagulat siya nang makita ang buntis na pasyente – ang babaeng buntis sa ika-pitong kuwarto.

"Tulong..." naging tila bulong sa hangin ang naging sigaw ng babaeng buntis na nagpatayo sa mga balahibo ni Evelyn. Saglit siyang tila nawala sa kanyang sarili at napatulala na lamang na nakatitig sa buntis na pinandidilatan siya ng mga mata. Halos 'di niya marinig ang ingay ng lugar, tanging mabilis na tibok ng puso niya ang naririnig niya.

Kundi dahil sa kasamahan niyang nurse, 'di pa siya babalik sa katinuan ng kanyang isip. Sinagi siya ng kasamahan niya at tinanong kung okay lang ba siya. Napayuko siya at napapikit. Sa muling pagtingin niya sa buntis, iba na ang hitsura nito. Hindi iyon ang babae sa ika-pitong kuwarto.

NAULIT PA ANG sigawan sa ika-pitong kuwarto sa ikaapat at ikalimang pagkakatoon – magigising siya nang ala-una ng madaling-araw. At kinaumagahan, makikita niya ang babaeng buntis na puro pasa at ang damit ay hindi nagbabago, sa harap ng pintuan ng ika-pitong kuwarto at nakatitig ito sa kanya – at sa pagbalik niya mula sa trabaho ay muli niya itong makikita na nakatayo lang sa tapat ng ika-pitong kuwarto. Labis na takot at kaba ang dulot ng mga pangyayaring iyon sa kay Evelyn. Gustong-gusto niya nang magwala sa mga nangyayari, ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili dahil natatakot naman siya at baka kung anong gawin sa kanya ng mag-asawa sa ika-pitong kuwarto. At ang hindi niya lang lubos na maisip, ang mga nararamdaman niya at mga guni-guning nakikita niya. At madalas din siyang managinip na may humahabol sa kanyang babaeng buntis ngunit wala itong mukha – sa panaginip niya hinahabol siya nito ngunit humihingi ito ng tulong. Isang gabi, nagising siya sa kalagitnaan ng gabi na uhaw na uhaw at tila galing siya sa isang masamang panaginip. Pinagpapawisan siya ng malamig, agad siyang bumangon para uminom ng tubig. Pagkainom niya ng tubig nabitawan niya ang baso at nabasag ito sa sahig, nagkalat ang nabasag na piraso ng baso – tumambad kay Evelyn ang babaeng buntis sa ika-pitong kuwarto na labis niyang ikinatakot. Agad siyang lumabas ng kuwarto niya. At sa paglabas niya, papasok sa kuwarto niya ang tumambad sa kanya – muli siyang bumalik sa loob nito – tumambad sa kanya ang tinatakasang buntis na nakalutang sa hangin at duguan ang mga binti nito. Sigaw siya nang sigaw ng tulong ngunit tila walang nakakarinig sa kanya. Nagising na lamang siya, umaga na. Isang nakakatakot na panaginip lamang pala iyon na akala niya totoo na.

Next chapter