webnovel

CHAPTER 2

▪▪▪

Sa wakas ay narito na kami sa Saxondale. Pumasok na ang karuwahe namin sa mismong bayan. Napakaraming taong namimili sa palengke na katapat lang mismo ng mga gusali. Nasa tabi lang sila ng makipot na daang nababalutan ng yelo. Bumaba ako, si Lucas at Kirstine mula sa karuwahe. Naglakad na lamang kami para mapabilis at mapagaan ang laman nito.

Namangha ako sa mga nakasabit na banderitas sa mga gusali. May mga bata rin kaming nadaanang naglalaro at gumagawa ng snowman. Ang iba'y nagbabatuhan at naghahabulan. Napangiti ako, naalala ko kasi ang aking kabataan.

Napatingin ako kay Lucas na nasa kabilang gilid ng karuwahe. Nataranta ako kasi nakatingin rin siya sa akin at kumindat pa't ngumiti. Napayuko ako. Uminit na naman tuloy itong mukha ko. Ano ba 'yan.

Kunwari ay nagkamot na lamang ako ng pisngi. Baka mamaya mahalata niya ako, nakakainis naman. Huminga ako nang malalim, kasabay no'n ang biglang paglitaw ng dalawang snowflakes mula sa aking bibig. Natutop ko bigla ito. Tumingin pa muna ako sa paligid, baka mamaya kasi ay may nakakita. Pumikit ako, sadyang lumuwag ang pakiramdam ko nang walang nakapansin.

Sa paglalakad namin ay may mga kababaihan akong napansin, nakatingin sila sa akin. Nakikita ko sa mga mukha nila ang labis na pagtataka, mga nakataas ang kilay. Kung ako'y kanilang titigan ay mula ulo hanggang paa. Balot na balot sila nang magara, makapal at mabalahibong panlamig. May takip rin ang mga tainga nila at bandanang nakapulupot sa kanilang leeg.

''Kakaibang dalaga, napakaputi niya, kasing puti niya ang nyebe at kakulay rin ng abo ang kanyang buhok. Maging ang kutis niya'y kumikislap na parang yelo.'' Narinig kong sabi ng babae sa kasama niya na may hawak na panyo.

''Ano pa bang aasahan mo, nagtatrabaho siya sa circus kaya ganyan ang itsura niya. Tingnan mo ang suot niyang maskara, may mga nakadikit na dyamanteng nagkikislapan. Siguro'y mga peke 'yon, nakakatawa, pati pampaganda nila'y peke,'' sagot ng nakaismid na babae. Kay dali nilang manghusga. Kung ano lang ang nakikita ng kanilang mga mata. Ang mga mayayaman talaga.

Nakalagpas na kami sa palengkeng 'yon nang matanaw namin ang isang lalaking iwinawagayway ang sombrero. Namumukhaan ko siya.

''Hooo...'' Pinahinto ni ama ang mga kabayo at bumaba. Sinalubong din niya ang lalaking kumakaway.

''Ginoong Leopold! Mabuti at nakarating kayo.'' Kinamayan niya si ama.

''Paumanhin dahil hindi ako nakapagpakilala noon, ako si Maximus nagtatrabaho ako sa pamilya Noelle.'' Inakbayan niya si ama at naglakad nang kaunti.

''Malapit na kasi ang kaarawan ng pang-limang anak na lalaki ni Don Miguel Noelle at matagal na akong naghahanap ng magagaling na tagapagtanghal, sa wakas ay natagpuan ko kayo.''

''Ikinagagalak naming maimbitahan ginoo hayaan mo't gagalingan namin para sa maharlikang pamilya,'' sabi ni ama sabay tapat niya ng sombrero sa kanyang dibdib.

''Kung ganoo'y sumunod kayo sa akin at ipakikita ko sa inyo ang bakanteng loteng maaari niyong pagtanghalan.''

Sumunod kami sa lalaking nagngangalang Maximus. Kaya pala pamilyar siya sa akin ay siya pala ang nag-alok kay amang magpunta rito. Mukhang mas bata siya kay ama ng ilang taong. Mas matangkad si ama sa kanya kung kaya't tumitingala pa ito.

Hindi naman malayo ang nilakaran namin papunta sa loteng sinasabi niya. Tumambad sa amin ang napakaluwang na lote na may katabing lawa pero nababalutan nang makapal na yelo. May mga malalaking puno sa paligid na natabunan rin ng yelo ang mga sanga.

Tinulungan ko ang nga kasama kong magbaba ng mga gamit namin at ang circus house na kailangan uli naming itayo. Nag-uusap naman si ama at 'yong ginoo, nagtatawanan pa sila na parang matagal ng magkaibigan.

''Holly...'' tawag sa akin ni... Lucas. Nagpalinga ako, nang hindi ko siya nakita sa paligid ay lumingon ako sa likod ko, naro'n siya't nakapamulsa.

''B-bakit Lucas? Anong kailangan mo?'' Nginitian ko siya.

''Eh kasi napapansin kong, iniiwasan mo ko, may problema ba?'' Walang paliguy-ligoy niyang tanong sa akin.

''Ha? W-wala naman akong problema sa 'yo, kasi sina Laura... tinutukso tayong dalawa baka kasi...''

''Iyon ba? Sinabi ko kasi sa kanila na gusto kita.'' Diretsahan niyang sagot sa akin. Kahit kailan talaga'y napakaprangka niya. Hindi ko namang naiwasang manlaki ang mga mata ko.

''G-gusto mo ako?'' Bumilis uli ang tibok ng puso ko.

''Oo matagal na, simula noong mga bata pa tayo. Kaso hindi ako makatyempo para magtapat.'' Huminga siya nang malalim saka bumuntong hininga. ''Kaya naman, hindi man maganda ang panahon, sinigurado ko na masasabi ko sa 'yo.'' Hindi ako nakapagsalita agad. Tinitingnan ko lang siya habang kung saan-saan tumitingin. Nagkakamot pa ng ulo at pisngi... kunwari. Napangiti ako.

''Uuyyy!! Sa wakas nakapagtapat ka na Lucas!'' Malakas na sigaw ni Alphonse na nasa likod ng karuwahe, nagtatago sila nina Kirstine, Lucy, Sofia at Laura roon.

''Huwag kang maingay r'yan Alphonse, panira ka talaga. Pasensiya ka na, Holly.'' Umiling ako, hindi ko alam kung bakit pero biglang kumilos ang katawan ko mag-isa't niyakap siya. Nagulat yata siya sa ginawa ko dahil hindi siya nakakilos agad.

''Uuyyy!!!'' Mas lalo tuloy naghiyawan iyong mga nagtatago.

''Ibig bang sabihin, may gusto ka rin sa 'kin?'' Natatawa pang tanong ni Lucas. Hindi ako nakasagot agad.

''Nagpapasalamat ako dahil may isang tao pa lang magugustuhan ang kakaibang babaeng tulad ko.'' Napayuko ako nang bahagya hindi ko alam ang isasagot ko, pwedeng oo naman ang sabihin ko pero pasasalamat ang sinabi ko. Pakiramdam ko tuloy ay umurong ang aking dila.

''Holly!'' Narinig ko ang pagtawag ni ama. Mabilis akong kumalas sa pagkakayakap kay Lucas at nilingon siya. Nakatingin sila sa amin ng ginoong kasama niya na ngayo'y may isa pang kasama. Sinenyasan ako ni ama na lumapit sa kanila.

Tiningnan ko muna si Lucas at pinisil pa muna niya ang ilong ko.

''Usap tayo mamaya.'' Nakangiti niyang sabi. Tumango naman ako.

***

Lumapit ako kay ama at sa mga ginoo. Napansin ko ang bagong lalaki na kasama nila. Nakasuot ito ng makapal na mabalahibong panlamig. Nakapamulsa siya. Makapal rin ang scarf sa kanyang leeg. May takip rin ang mga tainga niya, 'yon nga lamang ay nakatalukbong ang ulo niya kaya hindi ko ga'nong makita ang kanyang mukha.

''Siya ang anak kong si Holly, mga ginoo.'' Pagpapakilala sa akin ni ama.

''Kumusta kayo, ikinagagalak ko kayong makilala.'' Nginitian ko sila.

''Mukhang napakaganda ng 'yong anak Ginoong Leopold, sa tingin ko'y kasing edad lamang siya ng aking bunsong anak. Ngunit, teka hindi ba siya nilalamig? Napakanipis ng kanyang kasuotan, tanging boots at manipis na bestida lamang ang kanyang suot.'' Nakita ko sa mukha ni Ginoong Maximus ang pagtataka. ''At nakamaskara siyang tangibg mata lang ang natatakpan?''

''Siya'y may karamdaman, Ginoo, wala siyang kakayanang makaramdam ng lamig o init.'' Dahilan ni ama. ''Ang maskara nama'y para takpan ang malaking pilat sa kanyang mata, gawa ng isang aksidente.'' Lagi naman 'yon ang dahilan niya para ako'y maprotektahan sa mga mapanuring mata ng mga tao.

''Oh, ipagpaumanhin niyo ang kapusukan ng aking dila. Bueno, muntik kong makalimutan. Siya si Master Frost Noelle, ang pang-limang anak ni Don Miguel Noelle, ang binatang iyan ang may kaarawan sa darating na ikatlo ng Hulyo.'' Pagpapakilala niya sa kasama.

''Ikinagagalak ko kayong makilala.'' Matipid niyang sagot habang unti-unti niyang inaangat ang ulong kanina pang nakayuko. Una kong napansin ang kalamigan ng tono ng kanyang boses. May katangkaran din siya. Sapalagay ko'y hanggang dibdib niya ako. Nang mag-angat siya ng ulo ay tumitig siya sa aking maskara. Hindi man niya makita ang mata ko'y nag-iwas ako ng tingin.

Sa maikling sandaling 'yon ay para ba akong hinihigop ng kulay cerulean niyang mga mata. Mapungay 'yon, matangos ang ilong niya't may manipis na labi. Inilahad niya ang kamay na may gwantes na itim. Inabot ko naman iyon bilang pag-galang sa kanya.

Nakaramdam ako ng kakaiba nang hawakan ko ang kamay niya. Kahit na nakagwantes ito'y may kung anong kuryente pa rin ang dumaloy sa kamay ko. Bumilis ang tibok ng puso ko. Iba ito kapag si Lucas ang kaharap ko. Tila ba nagkaro'n ako ng pakiramdam na matagal ko na siyang kilala. Agad ko namang binitawan ang kamay niya. Nagulat siguro siya sa ginawa ko dahil napaawang ang kanyang bibig.

Napangiti siya, nakita ko kung gaano kaganda ang ngiti niyang 'yon. Pati ang kanyang mga mata ay ngumingiti rin. Hindi ko alam pero nagwawala ang puso ko. Ano ba puso, hindi ba't kay Lucas ka tumitibok? Ngunit bakit ngayon sa kakikilala mo pa lang na ginoo ay hindi ka mapakali?

''Ginoong Leopold, maaari ko bang dalawin ang 'yong anak mamayang gabi?'' Pagpapaalam ni Frost kay ama. Dadalawin niya, ako? Bakit? Tumingin ako kay ama, sana ay hindi siya pumayag dahil may pag-uusapan pa kami ni Lucas mamaya.

''Naku, ginoo, walang problema sa akin 'yan, ngunit ang anak kong si Holly lamang ang makakapagdesisyon kung tatanggapin niya.'' Tumingin rin si ama sa akin. Napanganga ako ng bahagya. Ibig sabihin ay payag siya pero ako pa rin pala ang magdedesisyon. Hay.

''Napakaswerte mo binibini, dahil ikaw pa lamang ang natatanging babaeng nais na madalaw ni Master Frost.'' Bulong sa akin ni Ginoong Maximus.

Ayoko namang mapahiya si ama kaya't...

''Pumapayag ako, ama,'' sabi ko. Hindi ko tiyak kong may boses pa ba ako. Pakiramdam ko kasi ay gusto na nitong mawala dahil sa desisyon kong 'yon.

''Kung ganoon ay pupunta ako mamayang ala sais, magandang binibini.'' Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan. Bahagya pang umurong ang talukbong ng panlamig niya kaya naman nakita ko ang kutis ng kanyang mukha, kasing puti rin ng nyebe gaya ng sa akin.

Muling nagwala ang puso ko dahil sa ginawa ni Frost, parang kilalang-kilala niya na halos lumabas na sa aking dibdib at pumunta sa binatang 'yon. Hay, nagpunta lang kami rito sa Saxondale ay nagkakaganito na ako.

***