SERYOSONG NAKATINGIN ANG grupo sa kabuoan ng parke nang makababa sila sa ninakaw kotse. Pinapasadahan nila ng tingin ang liwasan, umaasang matutunton kaagad nila ang hinahanap. Dito sila dinala ni Cyan sa katotohanang narito ang isa sa mga kauri nila, isang taong maaaring magiging kakampi nila o kaya'y kalaban.
Ngunit tadtad ng mga tao ang pook; magmula bata hanggang matanda, kung kaya't sa dinami-rami ng mga panauhin ay 'di nila magawang bigyan ng pagkakakilanlan kung sino man itong tinutukoy ni Cyan na altered.
"Nasaan siya?" tanong ni Arlette nang hindi niya ito mahanap sa kumpol ng mga tao.
"Ayun," sagot ni Cyan at tinuro ang kinalulugaran nito, "yung babaeng nakaupo sa duyan."
Napatitig silang lahat sa babaeng nakaharap sa kanilang gawi na marahang sumasabay sa indayog ng duyan. Magmula sa kanilang puwesto ay kapansin-pansin ang nakatulalang mukha nito; blangko at malalim ang iniisip.
Ngunit, maayos naman ang kalagayan nito; may suot-suot itong damit na maayos, at may hawak-hawak na smartphone. Maganda ang babae, patunay na rito ay ang mga lalakeng napapatingin sa gawi nito sa tuwing napapadaan.
"Ang gulo ng isipan niya," reklamo ni Arlette, "hindi ko mabasa ng maayos dahil kung ano-ano ang nakikita ko."
"Kagaya mo ba siya Arlette? Isang telepath?" tanong ni Cyan na wala ring kaide-ideya patungkol sa babae.
"H-Hindi," sagot nito, "I-Iba kaming mga telepath, kaya naming alamin kung may kauri kami sa paligid."
"Mas mabuting kakausapin natin siya," suhestyon ni Valtor, "nang sa gayon ay makikilala natin siya ng lubos. Hindi naman siguro siya kampon ng Herozoan 'di ba?"
"Tara," pasya ni Arlette.
Sabay-sabay silang naglakad patungo sa kinalulugaran ng babae. Tahimik ang grupo habang tinatahak ang madamong lupain ng parke at nilalagpasan ang mga batang masasayang naglalaro sa ilalim ng init ng araw kasama ang kani-kanilang magulang.
Dahil sa tanawin ay lubos na nanlumo si Myceana. Nakaramdam siya ng inggit dahil sa oportunidad ng mga bata na magkaroon ng normal na buhay kasama ang kanilang mga magulang; walang pinoproblema't purong kasiyahan lang ang nasa isipan. Samantalang sila, mga biktima ay lumaking walang kaalam-alam sa kanilang pinanggalingan; hindi kilala ang magulang, hindi alam kung saan nakatira.
Sila ay mga estranghero sa sariling buhay, mistulang binura ang kanilang nakaraan.
Naisip niya na kung sana ay may kakayahan siyang kontrolin ang oras imbes na mga bagay ay napuna niyang mas malaki ang tsansang magkakaroon siya ng magandang buhay, maibabalik niya ang panahon at maiiwasan ang kung ano mang magiging dahilan ba't siya, sila nagkaganito.
"M-Miss?" pambungad ni Renie sa babaeng tulala pa rin nang makalapit ang grupo, "Maaari ka ba naming makausap? Kahit saglit lang?" aniya.
Mabilis na napakurap ang babae at napabuntong-hininga animo'y nagbalik na ang kamalayan nito sa kasalukuyan. Nabaling ang tingin nito sa lalake at biglang nagsalita.
"Ikaw si Renie 'di ba?" tanong nito.
"O-Oo, p-papaano mo nalaman?"
"Kilala kita," sagot nito, "At kilala ko kayong lahat." ani nito at isa-isang napatingin sa grupo.
Hindi sila makasagot at natahimik sa gulat dahil sa tinuran ito. Napatitig na lang sila sa kaharap na babaeng napatayo mula sa kinauupuang duyan at lumebel ang tangkad nito sa kanila. At sa malapitan ay kitang-kita nila ang
kulay-kape nitong mga mata na may kakaibang kahulugan sa maputlang mukha.
Bahagya silang napaatras maliban kay Arlette, hindi nila alam pero natitinag sila sa presensya nito. Ramdam nila ang bigat ng dating nito sa kanilang sistema na nagsasabing kailangan katakutan ang babae, hindi ito basta-basta.
"H'wag dito, tara samahan n'yo ko." saad ng babae at nagsimulang humakbang sa kanang gawi nito.
Sa pangunguna ng babaeng estranghero ay tahimik na nakasunod lamang silang lima. Lahat sila'y naglakad patungo sa gawi ng isang gazebo na mababakas ang kalumaan, batid nilang doon gaganapin ang usapan, kung saan mapayapa't tahimik para sa grupo.
Kaniya-kaniya silang nagsiupo sa nakalaang mga pahabang upuan, nasa kaliwa ang grupo nina Arlette samantalang ang babaeng bagong kasama ay nasa kabila at direktang kaharap ng grupo.
"Ano ang nais n'yong pag-usapan?" tanong ng babae nang mapalagay na silang lahat, seryosong-seryoso ito at walang mababakas na emosyon sa mukha animo'y hindi ibinababa ang depensa.
"Ako si Arlette, bilang kasapi ng grupo ay nais sana naming hingiin ang 'yong tulong laban sa Herozoan." diretsong saad ni Arlette na nanguna sa pakikipag-usap sa babae, "Natitiyak kong alam mo naman yung mga kaganapan ngayon."
"Digit," aniya, "Ako si Digit." pagpapakilala ng babae.
"Digit, kung maaari ay isasama ka namin sa 'ming grupo. Hihingiin namin ang iyong tulong upang pabagsakin ang Herozoan." alok ulit ni Arlette.
Tahimik lamang ang apat at nangibabaw sa loob ng gazebo ang boses ng dalawa na nasa seryosong usapin. Bawat isa'y kabado, hindi sila mapalagay sapagkat iba talaga ang dating ni Digit sa kanila.
"Mapapagkatiwalaan ko ba talaga kayo?"
"Oo, w-wala kaming masamang binabalak tungo sa 'yo Digit."
"Gaano naman kayo kasigurado na ako nga ay makakatulong sa 'yo?" tanong nito na hinahalukay ang grupo sa pamamagitan ng simpleng tanong, "Papaano kung walang silbi ang kakayahang nakuha ko para sa pagpapabagsak ng Herozoan?"
"May silbi ang lahat ng kakayahan, mahina man o malakas, may malaking epekto na yun. Isa pa ay mas mas malakas ang ating puwersa kung mas marami tayo." paliwanag ni Arlette.
"Sa totoo lang, ilang araw ko na kayong sinusundan. Nakita ko ang lahat ng pangyayari magmula no'ng araw na nagtagpo kayong tatlo." sabi nito at itinuro sina Myceana, Arlette at Cyan, "Ang pagsabog sa simbahan, ang atake sa diner na pinagtatrabahuan mo at sa nangyari nitong umaga lang."
"P-Paano?" nauutal na tanong ni Cyan.
"Paano mo nalaman?" tanong naman ni Myceana.
"Mamaya na, sa ngayon ay kailangan na nating umalis." aya ni Digit na ikinaalarma ng grupo, "Paparating na sila." ani nito at napatayo at napapatingin sa gawi ng bungad ng parke.
"Sino? Sinong paparating?" tanong naman ni Valtor.
"Ang ipinadala ng Herozoan." sagot nito, "Malapit na sila."
"Harapin natin sila, kayang-kaya natin 'to!" suhestyon ni Valtor at mababakas sa braso nito ang iilang hibla ng kuryente na lumilitaw at gumagalaw.
"Hindi puwede rito, maraming inosenteng madadamay." muling sagot ni Digit at nagsimula nang humakbang palabas ng gazebo.
Sa takot at agad silang nagsikilos at nagsitakbuhan patungo sa isang kulay lila na van na nakaabang sa may tabing-kalsada. Nakasunod lamang sila kay Digit na malalaki ang hakbang animo'y nangangambang maabutan ng sinasabing paparating na Herozoan.