15 Kabanata Lima [1]

Nauna si Digit at diretsong binuksan ang pinto ng storage van, agad siyang pumasok sa loob at hinawakan ang itim na manibela, saka sinimulang buhayin ang makina. Sa kabilang dako naman ay mabilis na nagsipasok sa likurang bahagi ng sasakyan sina Myceana, panay sila sa paglingon upang siguruhing walang nakakasunod sa kanila.

Sa loob, nang tuluyan nilang naisara ang pinto ay lubos silang namangha nang malamang hindi masikip ang loob ng sinasaksyang van. Kamangha-manghang makita na may iisang hilera lang ng malambot na mga upuan ang gilid na inukupa nila, sa gitna naman ay naroon ang isang parisukat na mesang diretsong nakakonekta sa sahig, at sa ibabaw nito ay may basket na nakalapag na may lamang mga prutas at iilang makakain.

Nang maisara nila ang pinto ng van ay agad na binuhay ni Digit ang makina ng sasakyan, wala na siyang pinatagal pa at agad na pinaharurot ito ng takbo upang makalayo sa parkeng pinangangambahan nilang pagkakalatan ng mga sundalo at altered ng Herozoan.

Tahimik lamang ang lahat nang tahakin nila ang kahabaan ng daan; kaniya-kaniya silang nag-obserba sa loob ng van at napasin nilang pinaglaanan talaga ng oras ang pagsasaayos nito at binago na para bang isang tipikal na silid.

Ngunit, hindi nagtagal ay nabasag ang katahimikan nang magsalita si Renie, "Digit, ikaw ba ang nag-ayos ng van na 'to?" tanong nito habang nakatingin sa nakasabit na mga puting christmas lights na nagbibigay ng kaunting liwanag sa loob ng sasakyan.

"Pinagawa ko lang, nagbayad ako upang ipaayos 'to nang sa gayon ay may matutulugan ako at makakalipat kaagad ng puwesto kung sakaling nasa paligid lang ang Herozoan." sagot nito at binalingan lang sila ng tingin gamit ang rear view mirror.

"Gano'n pala,"

"S-Salamat nga pala, Digit." pahayag ni Arlette na sumingit sa usapan.

"Tungkol saan?"

"Dahil isinama mo kami," ani nito, "pinagkatiwalaan mo kami."

"Wala 'to sa plano ko, ayoko rin namang iwan kayo roon dahil paniguradong magdudulot iyon ng kaguluhan; maraming inosente ang madadamay, at ang mas malala pa ay baka mahuli kayo." paliwanag ng babae na seryosong nakatuon ang pansin sa pagmamaneho. "Tiyak na kokontrolin ulit kayo upang tuntunin at dakipin ang ibang altered, paniguradong magiging mas matagumpay ang Herozoan lalo pa't kasama n'yo si Cyan at malalakas din ang kakayahan n'yo. Mahirap na yun."

"Saan na tayo pupunta ngayon?" tanong naman ni Valtor.

"Maghahanap muna tayo ng ligtas na lugar na puwedeng pagtambayan natin saglit, kikitain din natin ang kakilala kong isang altered na tiyak makakatulong sa inyo. Sa ngayon ay magpahinga muna kayo at kumain naman kung kayo'y nagugutom."

"Sino?"

"Si Vinceo,"

Dahil sa hindi naman nakakaramdam ng gutom si Myceana ay napagpasyahan niyang umidlip na lang muna. Ramdam niya ang pagod na bumabalot sa kaniyang katawan at ang pananakit ng sariling ulo kung kaya't naisip niyang lubos-lubisin itong pagkakataon na mapayapa.

Umayos siya sa pagkakaupo, at dahil nasa isang sulok siya ay nagawa niyang bigyan ng kumportableng posisyon ang sarili upang magpahinga. Ngunit sa puntong naipikit na niya ang mga mata, sa kasamaang-palad ay biglang binaha ang kaniyang isipan ng masalimuot na alaala.

Ika-7 ng Setyembre, 2018

1:19 pm

Nanginginig ang kamay ni Myceana at lubos na pinagpapawisan. Sa kabila ng tindi ng lamig ng kinalulugarang silid ay hindi ito tumatatalab sa kaniyang sistema, sa halip ay mas nangingibabaw ang init sa kaniyang kaloob-looban. Isa pa ay balot na balot din siya ng takot sa maaaring resulta ng gagawin.

Napatingin siya sa dalawang maskuladong lalake na nagsipasok sa silid, akay-akay nito ay ang isang lalakeng payat na walang pang-itaas na damit; gaya niya ay pawisan din ito, lubos na namumutla at nanlalanta. Kinaladkad ito hanggang sa tuluyang pinaupo ang lalake sa nag-iisang silyang nakalaan sa gitna. Balak man nitong tumakas ay 'di nito magawa dahil sa agad siyang tinutukan ng baril sa sentido.

"Host-004, ang lalakeng kaharap mo ay isang kriminal. Kilala siya sa sunod-sunod na kaso ng pagnanakaw sa syudad." pagpapakilala ng doktor na kasama niya, "Ibig sabihin, isang makakasala ang lalakeng ito at nararapat lang na makatanggap ng parusa."

"A-Ano p-po?"

"H'wag, maawa kayo! H'wag pakiusap!" pagmamakaawa ng lalakeng hindi makagalaw sa kinauupuan, "M-May pamilya po ako, pakiusap!"

"Gusto kong gawin mo sa lalakeng 'yan ang ginawa mo sa mannequin kahapon."

"H-Hindi ko po m-magagawa y-yun." tanggi niya, "A-Ayokong manakit ng tao."

"Sige,"

Wala nang iba pang sinabi pa ang doktor, sa halip ay nagulantang na lang siya nang biglang nangibabaw sa kaniyang sistema ang 'di mawaring sakit. Parang sinisilaban ng nagbabagang apoy ang kaniyang utak nang muling dumaloy ang kuryente sa kaniyang katawan---pinaparalisa siya't kinukunan ng lakas.

"Ta-Tama na!" sigaw niya, "A-Ayoko na! Pakiusap!"

Sigaw siya nang sigaw, nagmamakaawa na itigil na ang pangunguryente sa kaniya. Namamaos na ang kaniyang boses at nanunuyo ang sariling lalamunan, ang ulo naman niya'y labis na sumasakit animo'y pinaghahampas ito ng martilyo. Napaluhod na lang siya't diretsong bumagsak sa malamig na sahig, panay siya sa pagpupumiglas at namimilipit habang iniiyak ang sakit na ipinataw.

"G-Gagawin k-ko na!"

"Kahit kailan ay napakatigas pa rin ng ulo mo." pahayag ng doktor, "Ilang beses ko nang sinasabi sa 'yo na walang magandang dinudulot ang pagpapairal ng awa; mas lalo 'yang magpapahina sa 'yo."

Sa isang kurap lang ay biglang tumigil ang pananakit sa kaniya, lantang-lanta pa rin siya sa sahig; iniinda ang pamamanhid at panhahapdi ng katawan. Ngunit sa kabila nito ay ramdam naman niyang dahan-dahang humuhupa ang sakit. Hinihingal siya at pinagpapawisan ng todo, malakas naman ang pagsinghap niya ng hangin at pilit pinapakalma ang sarili.

"Tumayo ka na riyan at simulan mo na kaagad, Host-004. Hindi ka makakabalik sa kuwarto mo kung 'di mo 'to magagawa. Kung patatagilin mo pa ay paniguradong mas malala ang aabutin mo."

"Myceana ang pangalan ko,"

"H'wag mong ubusin ulit 'tong pasensya ko."

Agad naman siyang kumuha ng suporta mula sa magkabilang braso na malakas na nangangatog, kahit hirap ay pinilit pa rin niyang bumangon; gumapang siya patayo hanggang sa tuluyan siyang nakaupo. Hindi na siya tumayo pa, bagkus ay sinubukan niyang ituon ang buong atensyon sa kaharap na lalakeng biktima na parte ng pang-araw-araw na pagsasanay.

'Host Unlocked,'

At sa isang hudyat hudyat, kahit nag-aalinlangan ay pinili niyang sundin na lang ang inuutos ng doktor. Sa isang kurap lang, kahit hindi siya gumagalaw ay ramdam na niya ang malamig na katawan ng lalakeng kaharap; damang-dama niya ang namamasa-masang braso nito at ang nanginginig na laman. Kahit nakatitig lang siya sa lalake ay alam niyang lubos itong natatakot sa sariling sitwasyon.

Napaiwas siya ng tingin uoang 'di masaksihan ang susunod na mangyayari, nang masigurong balot na ng kaniyang puwersa ang lalake ay nagbilang siya ng tatlo, at sa pagsapit ng panghuling bilang ay diretso niyang inikot ang braso nito.

Hindi man siya nakatingin ay nakakagambala pa ring marinig ang palahaw nitong nakakapanindig-balahibo kalakip ang tunog ng butong nabali. Bahagya siyang napakislot nang parang ramdam na rin niya ang sakit nito.

"Yung isa pang braso, ikutin mo."

Bilang pagsunod at pagligtas na rin ng sarili ay agad niyang tinupad ang utos ng doktor. Isang kurap lang ay agad na pumihit ang kabilang braso ng lalake at lubos siyang nanlumo, mabilis itong umikot at kumawala na naman ang malutong na sigaw mula sa lalake. Puno ng hinagpis ang iyak nito, mababakas ang takot at pinaghati sa boses ng lalake habang inuusal nito ang mga malulutong na mura.

"Sa leeg naman niya,"

avataravatar
Next chapter