webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbano
Classificações insuficientes
165 Chs

Tatabihan Kita Para Mainitan Ka

Mabilis na tumalon pababa si Lin Che. Pagkatapos ay umakto na animo'y may nakalimutan at biglang ipinalakpak ang kamay, "Ay, oo nga pala. Halika, susubuan kita."

Masama pa rin ang pagkakatingin ni Gu Jingze.

Mula sa gilid ay maingat na itinaas ni Lin Che ang kutsara at maya't-maya ay sinusubuan si Gu Jingze. Hindi rin naman nagtagal ay naubos na nito ang pagkain.

Pero, mamaya't-maya ay panay pa rin ang kilos nito. Hndi nawawala ang talim sa paraan ng pagtitig nito kay Lin Che na para bang may malalim itong galit na itinatago.

Lumabi lang si Lin Che at hindi iyon pinansin. Okay lang yun basta ang mahalaga ay kumakain ito.

"Pero paano mo naman nakuha ang sakit na'to?" Tanong ni Lin Che.

"lahat naman ng tao ay nagkakasakit," sagot nito.

"Siyempre naman, oo, alam ko iyan. Pero bakit bigla ka na lang nagkasakit?"

"Bakit? Napapagod ka na ba na samahan ako dito dahil may sakit ako at kailangan mo ring hintayin akong matapos sa pagkain? Kung ganun, pwede ka ng lumabas," naiiritang sabi ni Gu Jingze.

"Hoy, kailan ko sinabi iyan ha?!"

Matalim ang mga matang tinitigan niya si Gu Jingze. "Actually, sa ating dalawa, ako pa nga ang mas kawawa dito eh. Palagi mo nalang akong pinagdidiskitahan. Tapos, lagi mo rin akong pinapagalitan. Tapos ngayon, kailangan ko pang maghintay sa'yo. Ako ang kawawa dito!"

"Buti nga sa'yo," hirit pa ni Gu Jingze.

Naiirita na rin ang mukha ni Lin Che, "Maiba lang ako saglit, wala talagang kahit anong namamagitan sa aming dalawa ni Qin Qing." Pagkasabi niya nito ay palihim siyang sumulyap sa ekspresyon ng mukha ni Gu Jingze. Naalala niya ang sinabi ni Yu Minmin na baka nga nagseselos ito…

Nagseselos ba talaga ito?

Kaso nga lang, mas lalong diniinan ni Gu Jingze ang pagkakatitig sa kanya.

Muling nagsalita si Lin Che, "Yun talaga ang totoo! Nagkataon lang talaga na nagkasalubong kami doon sa mall at nag-usap saglit. Eh hindi naman namin inaasahan na may bigla nalang mahuhulog na salamin mula sa itaas! Ang totoo nga niyan eh parang mahihimatay ako sa takot kapag naiisip ko ang posibleng nangyari sa akin kung sa akin bumagsak iyon. Pero ganunpaman, naging magkaibigan din naman kami ng ilang taon, kaya natural lang sa kanya na tinulungan niya ako. At dahil nga sa ginawa niyang pagliligtas sa akin, hindi ko naman pwedeng basta nalang siyang iwan doon, kaya…"

"Tama na." Madilim ang mukha ni Gu Jingze nang patigilin nito sa pagsasalita si Lin Che. "Ayokong marinig iyang walang kwenta mong paliwanag."

"Ano… Okay, sige. Ipinapaliwanag ko lang naman sa'yo kasi baka kako nagseselos ka."

". . ." Napabunghalit sa pagtawa si Gu Jingze, "Sino kamo ang nagseselos?!"

"Hindi ba't nagseselos ka naman talaga?"

Umigting ang panga ni Gu Jingze sa narinig at matalim na tiningnan si Lin Che. "Nag-aalala lang ako dahil diyan sa kukute mo!"

"Ano naman ba ang kinalaman ng kukute ko dito, ha?" Bahagyang tumaas ang tono ng boses ni Lin Che.

Iniwas naman ni Gu Jingze ang tingin sa kanya. Maya-maya ay ibinalik iyon at sumagot, "Dahil… Dahil ano man ang mangyari, kailangan mo pa ring tandaan kung saan ka dapat lulugar. Magiging bayaw mo na 'yun. Magpapakasal na sila ng kapatid mo. Kahit ano pa man ang mangyari, mas maigi kung hindi ikaw ang kasama niya doon. Kung may masama mang mangyari sa kanya, sa tingin mo ba'y magandang tingnan kung ikaw ang huling tao na makakasama niya? Sa palagay mo ba ay ikaw ang dapat na mag-alaga sa kanya? Hindi! Ang mga taong dapat na makakasama niya sa ganyang sitwasyon ay ang pamilya niya, ang kapatid mo, at hindi ikaw, na bayaw lang niya! Kaya, ang pinakatamang desisyon sana na ginawa mo ay iniwan mo nalang siya doon, at tinawagan mo ang pamilya niya at ang kapatid mo!"

"Ano…" Agad namang namula ang mukha ni Lin Che dahil sa hiya, "Hindi ko na naisip ang mga bagay na iyan…"

"Eh, di sa susunod ay mag-isip ka na! Gamitin mo na iyang utak mo!"

". . ."

"Ewan ko nga sa'yo! Ah, wag ka na nga lang palang mag-isip masyado. Sa susunod na may mangyari pang ganito, tawagan mo na lang ako kaagad. Alam ko naman kasi na sa klase ng utak na mayroon ka ay hindi rin makakatulong sa'yo kung ikaw lang ang magpapasya para sa sarili mo."

". . ."

Sinulyapan ni Lin Che ang mukha ni Gu Jingze. "So, hindi ka talaga nagseselos?"

"Ako, nagseselos?! Asa ka pa! Bilisan mo na nga! Subuan mo na ako!"

Bahagyang namumula ang mukha ni Gu Jingze. Hindi niya mapigilang mapamura nalang kahit na hindi niya naman ugali ang magmura.

Mabilis din namang tumalima si Lin Che at nagsimulang subuan si Gu Jingze.

Huminga naman nang malalim si Gu Jingze. Nagsimula na din siyang kumalma.

Pagkatapos ng mahabang sandaling paghihirap ay sa wakas at natapos na rin siyang pakainin si Gu Jingze. Lumabas na siya para ilabas ang tray na pinaglagyan ng pagkain. Tiningnan niya ang mga katulong at tinanong, "Sabihin niyo nga sa akin. Paano ba talaga nagkasakit ang Sir ninyo? Parang biglaan naman yata itong pagkakasakit niya."

Sumagot ang katulong, "Madam, ikaw lang po talaga ang nakapagpakain sa kanya. Hindi ho talaga siya kumain ng kahit na ano kahit na sino sa amin ang naghatid ng pagkain sa kanya."

"Talaga ba…" Sabi ni Lin Che. "Kasi naman, wala kasi kahit isa sa inyo ang may lakas ng loob na pagalitan siya."

Nagsalita naman ang isang katulong, "Kahapon po ay maghapon lang na nagbabad sa pool si Sir. Kung kaya nilagnat na po siya pagsapit ng gabi. At mukha hong hindi pa siya bumubuti ang kanyang pakiramdam ngayon. Nag-aalala na po kami."

Maghapong nagbabad sa pool?

Pambihira talaga…

Kaya naman pala ito magkakasakit ay dahil na rin sa katigasan ng ulo nito!

Napailing na lang si Lin Che habang iniisip ang tungkol doon. Mas mabuti nga siguro kung babalik na muna siya sa loob at bantayan ang may sakit at pasaway na bata sa kwarto.

Nang gabing iyon ay hindi pa rin bumababa ang lagnat ni Gu Jingze.

Binigyan na ito ng gamot ni Lin Che pero wala pa ring pinagbago.

Habang nakikita niya na lalo lang namumutla ang mukha ni Gu Jingze ay nagsisimula na rin siyang mag-alala nang husto.

Hindi niya alam kung ano ang gagawin kaya nakaupo lang siya habang tinitingnan ito. Pagkatapos nitong uminom ng gamot ay panay pa rin ang galaw nito habang nakahiga. Hindi din naman siya dinadalaw ng antok dahil nag-aalala siya sa kanyang pasyente.

Nang marinig niya na parang may sinasabi ito ay dahan-dahan siyang umunat papunta sa tabi nito at hinawakan ang mga kamay nito. "Gu Jingze, anong nangyayari sa'yo?"

Parang nahihirapan sa pagsasalita si Gu Jingze, "Lin Che…"

"Oh, andito ako."

"Lin Che?"

"Nandito ako. Sssh. Nandito lang ako." Pinagsara niya ang kanilang mga kamay nang mahigpit. Naramdaman niya ang malamig na pawis sa mga palad nito kaya dagli niyang kinuha ang kanyang cellphone. Gusto sana niyang lumabas muna para tawagan ang doktor nito pero pinipigilan siya ni Gu Jingze. Ang mga kilay nito ay magkadikit at mukhang nahihirapan talaga.

Wala siyang nagawa kaya doon nalang siya tumawag kay Chen Yucheng. "Doctor Chen, masyadong mataas ang lagnat ni Gu Jingze at hindi pa rin bumababa hanggang ngayon. Pwede ka bang pumunta ngayon dito para tingnan siya?"

"Ganun ba. Gaano kataas ang lagnat niya?"

"Nasa 38.7 degree."

"Okay pa yan, sa totoo lang. Tawagan mo nalang ulit ako kapag umabot na sa 39 degree."

"Ano…"

"Seryoso ako. Karaniwang epekto ng mga gamot na iniinom niya ay ang pagtaas ng kanyang lagnat. Noon nga ay umabot na sa 41 degree ang kanyang lagnat, kaya sisiw lang iyang 38 degree sa kanya."

"Seryoso ka ba talaga…"

"Haha. Kung talagang nag-aalala ka nang sobra sa kanya… bakit hindi ka na lang muna makipag-ehersisyo sa kanya. Baka sakaling bumuti ang pakiramdam niya kung pagpapawisan siya nang kunti."

"Nahihilo nga siya at hindi makaupo nang maayos eh. Anong exercise pa ba ang magagawa niya?"

"Exercise sa kama."

"Ano…"

Agad na pinatay ni Chen Yucheng ang tawag kaya hindi na nakapagtanong pa si Lin Che. Dahan-dahan niyang hinaplos ang noo ni Gu Jingze.

"Gu Jingze, magpagaling ka na kaagad."

"Gu Jingze, kumusta ang pakiramdam mo?"

Napansin niya na parang bumubuka ang bibig ni Gu Jingze. Parang sinasabi nito na "malamig, malamig."

Nang makita niya iyon ay nataranta agad siya. Binalutan niya ito ng kumot pero mukhang hindi iyon nakatulong.

Kaya, lalo siyang nataranta. At dahil dito ay walang pag-aalinlangang ibinaon niya ang sarili sa ilalim ng kumot at tumabi kay Gu Jingze.

Tinitigan niya ito at mahigpit na niyakap. Naramdaman naman niya ang paghawak at ang sadya nitong pagdikit sa kanya. May kung anong init din na bumalot sa kanyang puso dahil sa simpleng pagkilos na iyon. Idinikit niya ang sarili sa pisngi nito at mahinang nagsalita, "Ikaw naman kasi. Bakit ba nagbabad ka nang ganun katagal doon sa pool?"

Samantala, nagising si Gu Jingze na nahihilo at nasusuka ang kanyang pakiramdam. May naaaninag siyang babae sa tabi niya. Bahagyang bumubuka ang malambot nitong labi at nakatingin sa kanya. Mas nangingibabaw ang banayad nitong panenermon at ang nag-aalalang mukha kaysa sa mga sinasabi nito.

"Gu Jingze, gising ka na ba? Mabuti naman. Halos mamatay na ako sa sobrang takot." Nang yakapin siya ni Lin Che ay damang-dama niya ang pagdikit ng malambot nitong katawan sa kanya. Animo'y may sariling isip ang kanyang katawan dahil kusa rin itong humarap para sagutin ang yakap nito.

"Ah… teka…"

Bahagyang nagulat si Lin Che pero napahinto siya nang lumapat ang labi ni Gu Jingze sa kanya habang sinasabi, "Wag kang umalis, wag kang aalis… dito ka lang, okay?"

Halos matunaw ang puso ni Lin Che dahil sa sarap sa tainga na dulot ng boses nito.

Paano niya naman matitiis na hindian ang ganung boses?

"Hindi ako aalis… hindi kita iiwan."

Tiniyak niya rito na hindi siya aalis at habang sinasabi iyon ay maingat niyang hinahaplos ang buhok nito gamit ang kanyang daliri.

Biglang nanigas ang ekspresyon sa mukha ni Gu Jingze nang marinig ang ganung boses ni Lin Che. Kaya, sa loob lang ng mabilis na sandali ay nakabalot na ang kanyang katawan sa katawan ni Lin Che.

Hawak niya ang mukha nito habang mainit na hinahalikan ang labi ni Lin Che.

Malakas ang kanyang pagkakahawak kay Lin Che. Gamit ang kanyang lakas ay kanyang ipinasok ang nag-iinit niyang dila sa loob ng maliit nitong bibig na walang laban at nabigla dahil sa bilis ng mga nangyayari.