webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbano
Classificações insuficientes
165 Chs

Nakakahiyang Ama At Kapatid

Dumako ang tingin ni Lin Yu kay Gu Jingze habang ito'y naglalakad papasok at kaagad siyang tumayo.

Pati si Lin Youcai ay tumayo agad para salubungin si Gu Jingze.

"Mr. Gu, nandito kami ngayon para bumisita kay Lin Che. Sobrang gaan ng pakiramdam namin nang makita naming napakakomportable ng buhay niya rito."

Napaikot ng mga mata si Lin Che.

Nagkunwari lang si Lin Youcai na hindi iyon nakita at nagpatuloy lang sa pakikipag-usap kay Gu Jingze, "Siya nga pala si Lin Yu, kapatid ni Lin Che."

Nagliliwanag ang mata ni Lin Yu habang nahihiyang nakatitig kay Gu Jingze, "President Gu."

Sinulyapan ito ni Gu Jingze at pagkatapos ay tinawag si Lin Che. "Halika dito."

Agad namang tumalima si Lin Che at tumingin kay Gu Jingze, "May problema ang papa kaya pumunta sila dito para makausap ako."

Agad namang sumingit si Lin Youcai, "Totoo iyan. Ang anak naming ito, si Lin Yu, ay sobrang tapat at may pagmamahal sa sarili. Kung kaya nang lumabas ito para makipagkita sa isang kliyente, hindi nagustuhan ng kliyenteng iyon ang ganitong personalidad ng aming Lin Yu. Gusto daw kasi siyang hawakan ng lalaking yun pero tumanggi siya, kung kaya nagalit ito sa kanya. Alam mo kasi…"

Ipinagmalaki muna ni Lin Youcai si Lin Yu bago ipinaliwanag ang sitwasyon.

Sumagot si Gu Jingze, "May ipapadala nalang akong tao para ayusin ang problemang ito."

"Ah, tama nga ang pagkakaalam ko. Napakabuting tao ni President Gu. Lin Yu, pasalamatan mo si President Gu."

Kiming nagsalita si Lin Yu, "President Gu, hindi ko alam kung paano kita mapapasalamatan…"

Hinawakan ni Gu Jingze ang isang kamay ni Lin Che at ngumiti dito. Parang sinasabi ng mga mata nito na si Lin Che lang ang pinakamaganda at pinakamahalagang kayamanan sa puso nito. Nakita iyon ni Lin Yu kaya parang nabasag ang puso niya.

Ang isiping gusto ni Gu Jingze si Lin Che… hinding-hindi mananalo si Lin Yu kahit na hanggang sa kamatayan nila.

Nagsalita si Gu Jingze, "Hindi na kailangan. Magpasalamat ka nalang sa kapatid mo."

Gusto niyang ipahiwatig na tinutulungan niya lang ang mga ito alang-alang kay Lin Che.

Nanlumo ang puso ni Lin Yu at biglang bumigat ang pakiramdam.

Hindi. Wala siyang kahit katiting na balak na magpasalamat sa taong kahit kailan ay hindi niya itinuring bilang kapatid.

Nagpatuloy si Gu Jingze, "Hindi mo na kailangang isipin pa ang tungkol sa problemang ito."

Sumali din si Lin Youcai sa usapan, "Opo. Sa tulong ni President Gu, ay siguradong hindi na namin kailangan pang mag-alala. Pero, President Gu, maaari ka ba naming anyayahing kumain sa labas?"

Tipid na sumagot si Gu Jingze, "Hwag na."

"Hindi naman yata maganda ang ganito. Iisang pamilya na tayo ngayon. Kahit simpleng hapunan lang sana."

"Kumpleto na sa lahat ng kakailanganin ang kusina dito. Mas mabuti kung kayong dalawa nalang ang maimbita para kumain dito."

Mas lalong sumaya si Lin Youcai nang marinig iyon.

Syempre, mas maganda talagang manatili doon para kumain.

"Sobrang bait talaga ni President Gu. Kung gayon, hindi na ako magpapapilit pa."

Siniko ni Lin Che si Gu Jingze. Sinabi niya dito, "Pumasok na muna tayo. Gusto kitang makausap…"

Tumango si Gu Jingze at sinabihan ang mga katulong na asikasuhin muna ang mga bisita. Pumasok sila sa loob ni Lin Che.

"Bakit inanyayahan mo pa sila na kumain dito?" tanong ni Lin Che.

"Nagbigay sila ng panahon para magpunta dito. Ang sama namang tingnan kung hindi ko man lang sila pakakainin dito."

"Hindi mo naman kailangang maging mabait sa kanila. Kapag pinagbigyan mo sila ng isang beses, hinding-hindi ka na nila titigilan. Sa tingin mo ba'y hindi ko kilala ang ama ko?"

"Okay lang yan. Ano bang mapapala nila?"

"Pero bakit ka nga pala umuwi kaagad?" tanong ni Lin Che.

Tumingin sa kanya si Gu Jingze, "Kung hindi ako umuwi, titigil ba sila sa pangungulit sayo?"

"Ah…" Ngumiti si Lin Che at nagpapasalamat ang matang tumingin kay Gu Jingze. Alam niya kasing ang mga ito lang ang makikinabang sa pagpunta dito. "Pero hindi mo naman na kasi talaga sila kailangang patagalin pa dito at pakainin. Pambihira…"

Hindi nakaligtas sa mata niya kung paano tingnan ni Lin Yu si Gu Jingze. Parang naglalaway na ito sa sobrang pagtitig.

"Anong malay natin mamaya, baka may hindi magandang ideya na naman silang maisip na gawin?"

Hinila siya ni Gu Jingze at sinabi, "Kaya nga binibigyan ko sila ng pagkakataon na ipakita ang anumang ideya na mayroon sila."

Ngumiti na si Lin Che.

May binabalak din pala si Gu Jingze.

At malaki ang tiwala niya na kayang hawakan ni Gu Jingze ang ganitong sitwasyon.

Samantala, totoo ngang may binabalak na hindi maganda ang dalawang tao sa labas.

Nang makita ni Lin Yu na pumasok sa loob sina Lin Che at Gu Jingze, galit na sinabi nito, "Pambihira. Ano ba kasing nakita ni Gu Jingze kay Lin Che?"

Mas malaki naman ang dibdib niya kaysa kay Lin Che.

Kahit na ipinagawa niya lang ang mga iyon.

Sinabi naman ni Lin Youcai, "Tama na. Dati ay binalak ko siyang ipakasal sa isang anak ng mga Cheng bilang kapalit mo. Mabuti nalang at hindi nangyari yun."

"At talagang inuungkat mo na naman iyan. Halos mamatay na ako sa sobrang kaba noon nang malaman kong ipapakasal mo ako sa ulyaning iyon. Hindi ako papayag," sabi ni Lin Yu. "Mas bagay siya na ipakasal sa lalaking walang silbi na yun. Malas nga kung tutuusin dahil hindi siya naituloy na maikasal doon. Kung natuloy lang sana ang pagpapakasal niya sa ulyaning yun, edi sana ay hindi ko siya nakikita at nakakaharap ngayon na napakaganda ng buhay. Hindi ako masaya!"

"Hwag kang mag-isip nang ganyan. Tayo rin naman ang makikinabang dahil sa katayuan niya ngayon," ani Lin Youcai.

"Ayokong makatanggap ng kahit anong tulong mula sa kanya. Anong malay natin kung anong ginawa niya para lang makuha ang lahat ng mayroon siya ngayon? Imposibleng wala siyang himalang ginawa. Sino ba namang magkakagusto sa hitsura niyang iyan?"

"Ah, Lin Yu, mag-isip ka nga. May pakinabang na siya ngayon; kaya nga nagkaroon ka ng pagkakataon na makaharap si Gu Jingze at makatungtong sa bahay niya. Huwag mong sayangin ang pagkakataong ito…" ang ekspresyon sa mukha ni Lin Youcai ay ibig ipahiwatig kay Lin Yu.

Na agad namang naintindihan ni Lin Yu.

Tama nga naman. Nakaharap na niya ngayon si Gu Jingze.

At maliban pa dito, sobrang gwapo at sobrang nakakaakit si Gu Jingze.

Kailangan niyang gamitin ang pagkakataong ito.

Oras na ng kainan. Inihanda na ng mga katulong ang malaking mesa at naglagay ang mga ito ng magagandang mga kagamitang pang-lamesa. Nakakatakam ang mga pagkain. Manghang-mangha sina Lin Youcai at Lin Yu. Ganito ang buhay ng isang mayaman.

Noon din ay lumabas na sina Lin Che at Gu Jingze.

Nakahawak si Gu Jingze sa kamay ni Lin Che nang makarating na sila sa hapag-kainan. Hinila niya ang silya at tinulungang umupo si Lin Che bago siya pumwesto sa pagkain.

"Simple at pang-araw-araw lang ang mga ipinahanda ko kaya hwag na kayong mailing," sabi ni Gu Jingze.

Kung simple at regular lang na handa ang mga iyon, gaano karami at kasarap pa kaya ang mga pagkaing inihahain sa bahay ni Gu Jingze?

"Sobra-sobra na nga ang mga ito, kung tutuusin. Sobra-sobra pa," wika ni Lin Youcai.

Habang kumakain ay panay ang sulyap ni Lin Youcai kay Lin Che na kanina pa nambabalewala sa kanya. Nagtitimpi lang talaga siya.

Natapos na sila sa pagkain at dahil wala na ng ibang mahanap na dahilan si Lin Youcai para mas magtagal pa doon, mabilis nitong tinawag si Lin Che. "Lin Che, gusto sana kitang makausap saglit nang tayo lang dalawa."

Hindi naman malaman ni Lin Che kung ano ang sasabihin.

Inilapag niya ang hawak na kubyertos at saka lumabas kasama ni Lin Youcai.

Mabilis namang lumingon si Lin Youcai at binigyan ng makahulugang tingin si Lin Yu.

Napaupo nang tuwid si Lin Yu. Kinakabahan siya pero na-eexcite din lalo pa't kaharap niya si Gu Jingze na makisig na nakaupo sa bandang doon.

Pero hindi niya pansin ang lamig sa mga mata nito.

Nang nasa labas na sila ay agad na nagtanong si Lin Che, "Papa, naayos na ang problema ninyo. Ano pa bang gusto mong pag-usapan?"

"Mukhang maganda ang pagdala sa'yo dito ng Gu Jingze'ng yun," saad ni Lin Youcai.

Sumagot naman si Lin Che, "Oo."

Muling nagsalita si Lin Youcai, "Lin Che, hindi naging madali para sa amin ang palakihin ka. Isipin mo nga. Kung hindi dahil sa Pamilyang Lin, sa tingin mo ba ay magkakaroon ka ng mayroon ka ngayon? Hindi pwedeng basta mo nalang iunat iyang mga pakpak mo, lumipad sa mataas na mga ulap, at kalimutan mo ang pamilya mong nag-aruga sa'yo."

"Papa, ano ba talagang gusto mong sabihin? Pwede ba, diretsahin mo nalang ako?"