webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbano
Classificações insuficientes
165 Chs

Nagagalit Siya Dahil Hindi Ito Dumating

Bakas ang pagkataranta sa mukha ni Mo Huiling. Napakagat ito ng labi bago kumuha ng isang paso na nasa tabi nito, at itinapon sa sahig. Pagkatapos ay kumuha ito ng isang pirasong basag at sinugatan ang kamay…

"Huiling, ano…" Sinubukan ni Gu Jingze na agawin iyon mula kay Mo Huiling pero huli na. Mabilis na nagsilabasan ang mga dugo mula sa pulso nito.

Hindi inaasahan ni Mo Huiling na ganoon pala kahapdi ang sugat na matatamo kaya napaiyak ito, "Jingze… Ginagawa ko lang ang lahat ng ito dahil gusto kong mapalapit sa'yo… Ikaw… Pakiusap, huwag ka ng magalit sa akin…"

"Ano… Ikaw…" Galit na si Gu Jingze. Anong nangyayari sa babaeng ito? Paano nito nagawa iyon? Hindi nakakatuwa ang ginawa nitong pananakit sa sarili!

Pagkatapos ay natumba sa sahig si Mo Huiling habang namimilipit sa sakit.

Nakatayo lang doon si Gu Jingze habang pinapanood itong umiyak. Napailing siya at tumawag ng sasakyan.

Sa restaurant.

Matagal ng nakaupo doon si Lin Che habang hinihintay si Gu Jingze, pero ni anino nito ay wala pa rin.

Marahil ay tama ang hinala niya na hindi na darating si Gu Jingze dahil tinawag ito ni Mo Huiling.

Namamanhid na ang pakiramdam ni Lin Che dahil sa kahihintay doon.

Nakaramdam na rin siya ng gutom kaya nag-order na siya ng pagkain. Kahit ano pa man ang mangyari, kailangan niya pa ring kumain.

Habang kumakain ay naramdaman niyang may lalaking nakatayo sa tabi niya.

Sa pag-aakalang si Gu Jingze ang dumating ay mabilis siyang nagsalita, at halata ang inis sa boses niya. "At dumating ka pa nga? Kinain ko na ang pagkain mo."

Pero, nang itinaas niya ang ulo ay si GU Jingyu pala ang lalaking iyon.

"Gu Jingyu?"

Hindi sumipot ang kuya nito. Sa halip ay ang nakababatang kapatid ang dumating.

Umupo si Gu Jingyu. "Anong nangyari? Hindi ka sinipot?"

"Nagkakamali ka sa iniisip mo…" Nahihiyang sagot ni Lin Che.

Ngumiti si Gu Jingyu at pinagmasdan ang maganda niyang suot. "Halata namang nagsisinungaling ka lang eh. Hindi mo naman kailangang magkunwari. Ganito na lang, dahil nakakaawa ang hitsura mo, tutulungan na lang kitang ubusin ito."

". . ." Bakit ganito ang mga Gu? Pagkatapos ng isa, nandito na naman ang isa?

Nagsimula na sa pagkain si Gu Jingyu. Tumingin ito sa kanya. "Balita ko ay maggi-guest ka raw sa isang reality show."

"Oo, iyong sikat na show. Nagkasundo na sila ng mga boss namin,"sagot niya.

Napabunghalit ng tawa si Gu Jingyu, "Hindi kaya masira ang image ng show na iyon dahil sa IQ mo?"

"Bakit naman?!"

"Dapat mong tandaan na kailangang magagaling at mahuhusay ang mga artistang sasali sa mga reality show nang sa gayon ay makuha agad nila ang atensiyon ng mga manonood. Pero sa utak mong iyan, paano ka naman makakasabay sa ganyang show?"

"Hindi naman ako ganyan kahina…" saad ni Lin Che. "Reality show iyon at lahat naman ng tao ay may sariling pagkakataon. At isa pa, kailan pa hindi naging sapat itong utak ko?!"

"Bakit hindi mo alamin kung sino ang mga makakasama mo doon? May mga artista na dalawang taon palang sa industriyang ito pero tiyak na alam na nila kung paano kukunin ang atensiyon ng mga tao kumpara sa isang katulad mo. Maliban sa kanila ay may ilan ding mga artista na kasama mo sa pagguest doon at palaban din ang mga iyon. Pero ikaw…" Ngumuya ito ng isang ulam na katabi ng steak at umiling nang ilang beses.

Tinanong ito ni Lin Che, "Sino pa ang ibang bisita na makakasama ko?"

"Balita ko ay mga bagong babaeng artista ang tema nila ngayon. Mga kapareho mong baguhan lang din ang mga makakasama mo doon. Makikilala mo agad sila kapag nakaharap mo na sila, pero iyong ibang nagsisimula palang din… Mas lalong nagiging palaban ang bawat baguhang dumadating. Maiintindihan mo ang gusto kong sabihin kapag nakaharap mo na sila."

Parang nakaramdam si Lin Che ng pag-aalinlangan. Kahinaan niya kasi ang maghanap ng magandang sponsors.

At hindi niya maitatanggi na hindi nalang sa pag-arte ang binabasehan ng industriyang ito ngayon.

Tiningnan ni Lin Che si Gu Jingyu, "Bakit ka nga pala nandito?"

"Ano namang problema?" Sagot ni Gu Jingyu. "Pag-aari ng mga Gu ang buong mall na ito, kaya nandito ako para bumisita lang."

Ah, pag-aari pala ito ng mga Gu.

Ganoon pa man, nakaramdam na naman siya ng lungkot at inis nang maalala niya na magkasama pa rin ngayon sina Gu Jingze at Mo Huiling. Muli niyang tiningnan si Gu Jingyu at sinabing, "Kung ganoon, mauuna na akong umalis."

Pagkatapos magpaalam kay Gu Jingyu ay dumiretso na siya sa pag-uwi. Pero wala pa rin doon si Gu Jingze.

Nagpasya siya na lumabas nalang muna kasama ni Shen Youran. Nang gabi na ay hindi pa rin umuuwi si Gu Jingze.

Napaupo sa kama si Lin Che, pinipigilan niya ang sarili na tanungin ang mga katulong kung nasaan si Gu Jingze. Pero, nag-aalala na siya. May sakit ba si Gu Jingze? Sumumpong ang sakit nito nang huling beses na dumikit dito si Mo Huiling. Baka hindi na naman nito nakontrol ang sarili kay Mo Huiling kaya nagkasakit na naman ito.

Pero, bakit naman nito hahawakan si Mo Huiling…

Nang maisip niya iyon ay lalo lang siyang nag-alala at nainis. Bakit hindi nito kayang kontrolin ang sarili kapag kasama ang babaeng iyon? Kung ganoon lang din, buti nga sa kanya na magkaroon ng sakit.

Kung mamatay man ito ay kasalanan lang din nito.

Nagtalukbong ng kumot si Lin Che. Pilit niyang inaalis sa isipan si Gu Jingze.

Kinabukasan, hindi pa rin umuuwi si Gu Jingze.

Maaga pa lang ay bagsak na kaagad ang mood ni Lin Che. Mag-isa lang siyang natulog kagabi sa kwarto pero hindi siya nakatulog nang maayos. Hindi niya alam kung bakit pero hindi siya mapakali. Karaniwan naman siyang tulog-mantika eh, pero maya't-maya ang gising niya kagabi.

Marahil ay nag-aalala lang siya sa kalagayan ni Gu Jingze.

Nang sandali ding iyon ay ipinarada ni Gu Jingze ang sasakyan sa labas ng bahay.

Narinig ni Lin Che ang ingay at agad na napatayo. Pero, bigla niyang naalala na magdamag itong magkasama ni Mo Huiling. Baka nananaginip pa ito na kasama si Mo Huiling kaya nagpasya siya na huwag nalang munang magtanong ng kahit ano.

Dahil kung tutuusin, si Mo Huiling naman kasi talaga ang nasa puso nito.

Napakagat na lang siya ng labi at nanatili sa loob.

Dumiretso agad si Gu Jingze sa kwarto. Pumanatag naman ang kanyang isip nang makita si Lin Che na nandoon din.

Buong magdamag niyang pinatahan si Mo Huiling dahil paulit-ulit itong nagbanta na magpapakamatay. Kahit sino man ang nasa kalagayan niya'y mauubusan din ng pasensiya.

Pero gaano man kainis si Gu Jingze kagabi, alam nitong walang mabuting maidudulot kung magpapatalo siya sa emosyon.

Inisip na lang niya na siya ang dahilan kung bakit nagkakaganito si Mo Huiling. Hindi naman kasi ito ganito dati.

"Oh, nandito ka na pala," tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze at walang ganang bumati dito.

Tumango naman si Gu Jingze at sinubukang magpaliwanag, "Nasa hospital si Mo Huiling. Sinugatan niya ang kanyang pulso kagabi at hindi maayos ang kanyang pakiramdam. Natakot ako na baka may mas malala pa siyang gawin kaya…"

Nakatingin pa rin si Lin Che, "Ganoon ba? Eh di sana ay hindi ka na muna umalis doon."

Naglakad ng ilang hakbang si Gu Jingze at balak na yakapin si Lin Che mula sa likod.

Pagod na pagod siya dahil sa pagpapakalma kay Mo Huiling kagabi. Para bang gagaan agad ang kanyang pakiramdam kung makalapit siya kay Lin Che…

Naramdaman naman ni Lin Che na papalapit ito sa kanya kaya mabilis siyang umatras.

"Gu Jingze, anong balak mong gawin?!" Masama ang tinging tanong niya.

"Anong problema… Galit ka bas akin dahil hindi ako sumipot sa restaurant? Pasensya na. Biglaan lang kasi talaga ang nangyari…"

"Hindi ako galit. At bakit naman ako magagalit? Tama lang naman ang ginawa mo na sinamahan mo si Mo Huiling at hindi ko na dapat iniisip pa iyon! Sadyang… Kailangan ko ng pumunta sa trabaho at baka ma-late pa ako. Tumabi ka diyan."

Itinulak niya si Gu Jingze at nagmamadaling lumabas ng kwarto.

"Ano…" Walang nagawang pinagmasdan ni Gu Jingze ang pagtalikod ni Lin Che. Napabuntung-hininga nalang siya habang naka-krus ang dalawang kamay.

Ayaw ni Lin Che na isipin pa si Gu Jingze. Naisip niya na mas mainam siguro kung ididistansiya na niya ang sarili mula dito.

Dahil kung hindi, baka masanay na siya nang tuluyan na laging nandiyan si Gu Jingze sa tabi niya. Ano ng mangyayari sa kanya kapag nagdivorce na sila?

Hindi sila habambuhay na magsasama ni Gu Jingze. Ginagawa lang ito ni Gu Jingze para protektahan si Mo Huiling; kaya hindi tama na masanay siya sa buhay na ito.

Kahit gaano pa man kaganda ang takbo ng mga pangyayari, hindi niya dapat makalimutan na peke lang ang lahat ng ito.