webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbano
Classificações insuficientes
165 Chs

Hangang-hanga Sa Kanya

Nagpost din sa kanyang WeChat account si Lin Li. Nakita niya ang kotseng ipinost ni Lin Che kaya lalo lang siyang nainis. At dahil pareho silang artista, marami ang kanilang mutual friends sa WeChat. Nabasa niya ang mga comments doon tungkol sa laki ng bakuran na kinaroroonan ni Lin Che. Naisip ni Lin Li na tiyak na bahay iyon ni Gu Jingze.

Sigurado siya na sobrang laki ng bahay ni Gu Jingze.

Nakakainis lang na ang pobreng katulad ni Lin Che ay doon nakatira. Hindi ito nababagay doon.

Samantala, marahang hinaplos ni Lin Che ang kanyang kotse at nasasabik ng magmaneho. Kaso nga lang, hindi siya marunong magdrive.

Lumingon siya kay Gu Jingze at nagtanong, "Gaano ba katagal ang pag-aaral magdrive?"

Sumagot si Gu Jingze, "Kung gusto mong matuto, pwede kitang turuan ngayon mismo. Madali lang naman iyan."

"Talaga?"

"Hindi naman masiyadong maghirap magdrive. Halika. Punta tayo sa walang masiyadong dumadaan na mga sasakyan. Doon tayo magsasanay."

"Magandang ideya iyan!" Napatalon-talon si Lin Che habang nakahawak sa kamay ni Gu Jingze.

Hindi nagtagal ay nasa labas na sila. Maliit lang ang kotseng iyon kaya medyo hindi komportable si Gu Jingze na sumakay doon. Nahihiya namang tiningnan ni Lin Che ang lalaking 1.9 metro ang tangkad na nakayuko sa loob. Hindi na siya nagtataka kung bakit sa isang sedan ito malimit sumakay at hindi sa mga tulad ng sasakyan na ito.

Hininto ni Gu Jingze ang sasakyan at matiyagang ipinaliwanag ang iba't-ibang parte nito.

Nakasimangot naman si Lin Che habang nakikinig, "Sigurado ka bang madali lang matutunan ang pagmamaneho?"

"Oo naman. Isang beses lang ipinaliwanag sa akin ng aking instructor ang lahat-lahat at pagkatapos nun ay ako na ang nagmaneho ng sinasakyan namin. Ngunit sa ganyang utak mo, marahil ay kalahating araw ang magagamit natin."

Tumango lang si Lin Che. Confident siya na matututo siya kaagad.

Pero…

Ilang minuto lang ang nakakalipas…

"Lin Che, para sa gas iyan, hindi iyan ang accelerator."

"Lin Che, bitiwan mo muna ang manibela."

"Lin Che, saan ka ba liliko? Magpapakamatay ka ba?"

Lalong nagiging strikto si Gu Jingze sa tuwing pinapagalitan niya si Lin Che. Pero kapag pinagagalitan siya ay lalo lang ding natataranta si Lin Che. Sa huli ay hindi na niya napigilang magalit din, "Gu Jingze, pwede ba, 'wag mo nga akong sigawan! Kinakabahan ako lalo nang dahil sa'yo eh!"

Napasimangot si Gu Jingze at tiningnan siya. Mukhang nagkamali siya sa inisip kanina.

"Ngayon lang talaga ako nakatagpo ng babaeng napakatangang katulad mo!"

"Ano naman ngayon kung tanga ako?" Panghahamon ni Lin Che.

"Ano…" Totoong ngayon lang siya nakatagpo ng katulad ni Lin Che. Ngayon lang din siya nakakilala ng napakaingay na babaeng katulad nito. Ganoon pa man…

Kakaiba ito sa lahat ng babaeng nakita't kilala niya. Sobra itong nakakainis na minsan ay naiisip niyang sakalin ito maya't-maya.

"Pwede pa, pagsabayin mo nga iyang paa at kamay mo?!" Nauubos na ang pasensiya ni Gu Jingze.

Natatarantang sumagot si Lin Che, "Eh hindi ko nga kayang pagsabayin sila eh! Ano ba'ng magagawa ko? Diba sabi ko sa'yo kanina na wag mo akong sigawan? Oo, ikaw na ang magaling at matalino sa lahat pero hindi lahat ay katulad mo!"

"Talaga namang…" Bumuntung-hininga si Gu Jingze, "Nagkamali ako kanina. Baka isang buwan ang kailanganin mo."

". . ." Nadismaya si Lin Che sa narinig, "Kung naiinis ka sa pagtuturo sa'kin, fine! Hindi mo ako kailangang sigaw-sigawan. Wala akong pakialam diyan sa mga leksiyon mo!"

Humugot ng malalim na hininga si Gu Jingze at nilingon si Lin Che na nagpatuloy sa pagsasalita, "Siguro magaling din iyang Mo Huiling mo. Tiyak na matututunan niya agad ito nang isang turuan lang. Ba't di nalang kaya siya ang turuan mo?!"

Napatigil si Gu Jingze habang nakatingin sa seryosong mukha ni Lin Che. Nagngangalit ang kanyang mga ngipin sa sobrang inis.

Seryoso ang mga matang tinitigan niya si Lin Che, pagkatapos ay binuksan ang pinto at bumaba sa kotse.

Walang lingon-lingong lumabas at pabagsak na isinara ang pinto ng kotse at malalaki ang hakbang na umalis doon.

Wala na. Galit na galit na nga siya.

Naiinis naman sa sarili si Lin Che. Baki tba kasi ininis niya iyon at binanggit pa ang pangalan ni Mo Huiling? Hindi naman si Mo Huiling ang tinuturuan nito kundi siya. Kung pwede lang sana ay tiyak na mas pipiliin nito si Mo Huiling. Bakit pa ba ito mag-aaksaya ng panahon para turuan siya?

Aminado siyang siya ang mali ngayon. Napakatanga niya, mahirap turuan at makakalimutin. Lalo pa kapag tinitingnan niya ang lahat ng control ng sasakyan, pakiramdam niya ay mahihimatay siya.

Gusto din naman niyang matuto kaagad pero hindi niya talaga kaya.

Ilang sandali ang lumipas.

Naramdaman ni Gu Jingze ang paghawak ni Lin Che sa kanyang baywang. Sinabi nito, "Gu Jingze, huwag ka ng magalit. Nagbibiro lang naman ako. Hindi naman yata tama na magagalit ka na sa ganoong rason lang."

Lalo lang tumigas ang ekspresyon ng mukha ni Gu Jingze.

Bagama't gwapo pa rin itong tingnan, walang anumang hinahon na makikita sa mukha nito.

Hinawakan ni Lin Che ang kamay nito at humarap dito, "Huwag kang umalis, Gu Jingze. Nakikiusap ako."

Inalis ni Gu Jingze ang kanyang kamay, "Bitawan mo ako!"

"Gu Jingze!"

"Bitawan mo ako, sabi!" Seryosong utos ni Gu Jingze.

Ngunit mas lalong hinigpitan ni Lin Che ang pagkakahawak. "Hindi, hindi ako aalis dito." Iniunat niya ang mga braso at hinarang ang daraanan. "Hubby, nagkamali ako. Huwag ka ng magalit, okay?"

Binago ni Lin Che ang kanyang strategy. Umaarte siyang malambing sa harap nito, habang ang mga kamay ay nakahawak pa rin kay Gu Jingze at ang kanyang mga mata'y nakatingin dito nang may pagsusumamo. Ang kanyang labi ay naka-pout na para bang isang bata na nakikiusap.

Sumimangot si Gu Jingze at iniwas ang tingin, "Bitiwan mo ako."

"Hindi, hindi. Hindi ako bibitaw hangga't hindi sinasabi ng Hubby ko na hindi na siya galit sa akin."

"Ikaw…"

"Sige na, sabihin mo na, please. Hubby, tumingin ka sa'kin."

". . ."

Walang magawa si Gu Jingze. Humarap siya kay Lin Che at nakita ang mukha nitong nagmamakaawa na para bang isang munting tuta na nagpapakandong sa kanyang amo.

Lalo pa at tinawag siya nitong Hubby. Napakalambot ng pagkakabigkas nito, singlambot ng isang unan. Sino ba naman ang makakatiis nito?

Huminga ng malalim si Gu Jingze at sinabi sa isip, 'talagang kakaiba ang babaeng ito'.

Ang malas niya naman dahil ganitong babae ang napangasawa niya.

"Tumigil ka. Gusto ko lang maging maliwanag ito sa'yo. Since ganyan kababa iyang utak mo, pipilitin kong habaan pa ang aking pasensya," medyo mahinahon ng saad ni Gu Jingze.

Tumigas naman ang mukha ni Lin Che. Naiinis na tiningnan niya ang lalaki, "Hindi ka ba marunong magsalita nang hindi nakakasakit sa kapwa?!"

Bumalik na sila sa kotse. Pinanood ni Gu Jingze ang paghawak ni Lin Che sa steering wheel. Tumingala ito sa kanya, naghihintay ng instruction. Ngumiti siya at tiningnan ito sa mata, "May naisip akong paraan para mas madali kang matuto."

"Ano naman 'yon?"

"Magkakaroon tayo ng rewards at punishments."

"Huh?"

"Kapag tama ang nagawa mo, bibigyan kita ng reward."

"Ano namang reward ang ibibigay mo sa'kin?" Kaagad nangislap ang mata ni Lin Che nang marinig ang salitang 'reward'. Puno ng pananabik ang kanyang mata na nakatingin kay Gu Jingze.

Tumitig si Gu Jingze sa kanyang malaman na labi at mabilis na humalik.

Nabigla si Lin Che samantalang nakangiti naman si Gu Jingze, "Gagantimpalaan kita ng halik."

". . ." Namula ang mukha ni Lin Che, "Gu Jingze!"