webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urbano
Classificações insuficientes
165 Chs

Bilisan Niyo Na At Bigyan Niyo Na Ako Ng Apo

May nag-abot ng isang bouquet ng sariwang mga bulaklak kay Lin Che. Nahihiya man ay tinanggap niya ito. Sinalubong din ng mga ito si Gu Jingze. Pagkatapos ay nag-usap ang mga ito sa wikang hindi maintindihan ni Lin Che. Mas lalo siyang humanga dito habang pinapakinggan itong magsalita ng ibang wika. Bagama't hindi niya nauunawaan ang sinasabi nito, pero natitiyak niyang mahusay ang pagkakabigkas nito ng mga salita.

Nang makasakay na ang lahat sa kotseng maghahatid sa kanila papunta sa resort, noon lang nagsalita si Lin Che. "Ano 'yong pinag-uusapan ninyo kanina? Anong wika iyon? Marunong ka palang magsalita ng ibang wika."

"Ah, iyon ba. Nagpasalamat lang ako sa kanila dahil sa magiliw nilang pagtanggap sa atin. French ang tawag dun. Bakit?"

"Marunong kang magsalita ng French?"

"Natuto ako noong nag-aral ako doon sa France."

"Kung ganoon, marunong ka bang magsalita ng English?"

"Oo naman. Universal language kaya yan."

"Ano pa ang ibang wika na kaya mong gamitin?" tanong ni Lin Che habang ang mga mata'y nangingislap.

Inisa-isa ni Gu Jingze sa pagsagot, "Italian, Japanese, Russian, at German. Kaunti lang ang alam ko sa mga ito pero kapag tungkol na sa negosyo ang pag-uusapan, kailangan ko pa rin ang tulong ng isang propesyonal na translator."

"Paano mo napag-aralan ang lahat ng iyan? Paano mo napagkasya ang panahon mo sa pag-aaral ng mga iyan?"

Hinimas ni Gu Jingze ang pisngi ni Gu Jingze at napapailing na sumagot, "Hindi mo talaga mauunawaan 'to sa ganyang liit ng utak mo. Iyong mga oras na ginagamit mo sa kakakain, panonood ng TV at kung ano-ano pang walang kwentang ginagawa mo ay ginagamit ko naman para mas marami pa akong matutunan."

Ngumuso si Lin Che, "Ang boring naman niyan!"

"Oo, boring talaga ang anito sa mga taong mababa ang IQ na katulad mo."

"Wala kang pakialam!"

Napatawa nalang si Gu Jingze dahil sa isinagot ni Lin Che.

"Pero tungkol dito sa engrandeng pagsalubong nila sa pamilya pagdating natin dito, dahil ba iyon sa Presidente ang kapatid mo?"

"Kahit kailan ka talaga… Kahit noon pa mang hindi pa presidente ang kuya, palagi ng nagbibigay ng suporta ang pamilya namin sa kanila. Pwede mong isipin na may kapit kami sa lugar na ito. Bagamat hindi namin ito lantarang sinasabi, alam naman ito ng lahat na nandito."

"So ibig sabihin ay ang Pamilyang Gu ang may huling pasya sa… kung sino ang magiging presidente ng bansa?"

"Kita mo, hindi ka naman pala masyadong mahina. Nauunawaan mo naman pala ang ganitong bagay."

"Syempre naman!" Dagdag pa ni Lin Che, "Mukha lang akong bobo pero ang totoo niyan, ay matalino talaga ako."

Muling tumawa si Gu Jingze at tumingin sa kanya, at walang nagawa kundi ang mapailing nalang.

Matalino ito sa ganitong level ng IQ?

Hindi nagtagal ay tumigil na ang kotseng sinasakyan nila sa labas ng resort.

Malawak ang resort at mula sa malayo ay makikita ang bughaw na kalangitan at karagatan. Nasa tabi ng dagat ang villa at agad na makikita dito ang napakagandang tanawin paglabas palang.

Habang nakatingin sa kanila si Mu Wanqing ay nakangiti ito at sinabi, "Pwede naman kayong magtagal dito sa villa. Kami naman, doon nalang muna kami sa isang villa sa may likod. Hindi namin kayo iistorbohin."

Mabilis na sumagot si Lin Che, "Hindi naman po kayo nakakaistorbo sa amin eh. Mama, gusto ko pa pong makasama ka."

Sumagot din si Mu Wanqing, "Okay lang kami. Naku, hindi papayag si Gu Jingze diyan. Sa totoo niyan, hindi na dapat kami sumama pa dito. Minsan lang kayong magkaroon ng bakasyon kaya dapat ay gamitin niyo ang panahong ito para sa inyong honeymoon. Nang ikasal kasi kayo ay hindi man lang kayo nagbigay ng panahon para sa honeymoon at wala rin kayong pormal na kasal. Naku, kasalanan talaga 'to ni Gu Jingze. Napakabusy niya kasing tao!"

Nagrereklamo si Mu Wanqing at masama ang tinging sinulyapan si Gu Jingze.

Hindi naman alam ni Gu Jingze kung ano ang gagawin. Napansin iyon ni Lin Che kaya sumagot siya, "Hindi naman po mahalaga iyang pormal na kasalan tsaka honeymoon eh. Ganoon din naman po kasi ako, masyado rin akong busy sa trabaho."

Nagkasundo sila dati na hindi na magdaos pa ng pagsasalo-salo para sa kanilang kasal dahil ayaw nilang magkaroon pa ng mga problema balang araw.

Tiningnan silang dalawa ni Mu Wanqing. "Iyon na nga! Oo nga't family trip itong pinuntahan natin pero hahayaan na namin kayong dalawa na magkaroon ng time para sa isa't-isa. Hindi namin kayo iistorbohin pa."

"Hindi na po talaga kailangan…" Inirapan ni Lin Che si Gu Jingze at mabilis na pinigilan si Mu Wanqing.

Gusto niyang magsalita si Gu Jingze at sabihin sa ina nito na gusto nilang mamasyal sa lugar na iyon nang kasama ang buong pamilya, at hindi silang dalawa lang.

Pero, nakatayo lang doon si Gu Jingze at walang balak na magsalita. Tahimik lang ito at parang isang tuod.

Muling nagsalita si Mu Wanqing. "Okay, sige na. Pumasok na kayo sa kwarto niyo. Huwag niyo na kaming isipin pa."

Sinamaan ng tingin ni Mu Wanqing ang anak at nagmamadaling umalis sa lugar na iyon.

Hindi na nagawa pang pigilan ni Lin Che ang ginang at hinatid nalang ito ng tingin palabas. Naiinis na nilingon niya si Gu Jingze. "Nakita mo iyon? Bakit wala ka manlang ginawa?"

Kaswal lang na sumagot si Gu Jingze. "Tama na. Hindi rin naman talaga ako mahilig na makipaghalubilo sa maraming tao kapag nasa labas ako. Kilala nila ako."

Hindi pa rin sang-ayon si Lin Che. "Pero family vacation ang sinadya natin dito. Hindi naman yata tama na magsolo lang tayo rito."

Niyakap ni Gu Jingze si Lin Che sa leeg. Matangkad ito kaya kung yuyuko si Lin Che ay makukulong siya sa may kilikili nito. Parang may lumulutang na mga puso sa paligid nila dahil sa posisyon nilang dalawa.

Nagsalita si Gu Jingze, "Relax ka lang. Hindi magagalit si Mama. Eh mas gusto pa nga non na palagi tayong magkasamang dalawa eh." Bahagya siyang lumapit kay Lin Che. "Nang sa gayon ay mabigyan na natin sila ng bibong apo."

"Tumigil ka nga," kinurot ni Lin Che sa tagiliran si Gu Jingze.

Muling napahalakhak si Gu Jingze.

Mainit na ang sinag ng araw at marami ring mga turista ang nagsasaya sa beach pero walang kahit isa sa mga ito ang makakalapit sa kanila. Sinadya ng management ng resort na harangan ang kabilang bahagi ng beach para sa Pamilyang Gu.

Sa beach ay napansin ni Mu Wanqing si Gu Jingze na nag-iisa lang. Nilapitan niya ito at tinanong, "Kumusta naman ang relasyon ninyo ngayon ni Lin Che?"

Inaasahan na ni Gu Jingze na magtatanong ito nang ganoon, "Mabuti naman."

"Kung ganoon, bakit hindi pa kayo nagbabalak na magkaroon ng anak?"

Sumagot si Gu Jingze, "Ma, hindi naman porket gusto mo ng magkaanak ay mabibigyan ka agad. Dahan-dahan lang, darating din kami diyan."

"Bakit hindi? Kayong dalawa ba ay talagang may balak na magkaanak? Hindi ka nagsisinungaling sa akin, tama ba?"

Tumingin sa malayo si Gu Jingze. "Oo naman, sinusubukan namin. Kung ayaw mong maniwala sa sinasabi ko ay wala na akong magagawa diyan. Alangan namang ipakita ko pa sa'yo kung paano namin ginagawa iyon?"

"Naku, pilyong bata ka talaga! Lagi ka talagang may isasagot sa akin! Hindi ako naniniwala sa sinabi mo pero, gusto ko lang ulitin sayo na tama lang naman na magkaanak na kayo. Pagdating talaga sa pagpapatuloy ng lahing ito, kahit isa sa inyong tatlo ay walang gustong sumubok. Tingnan ninyo kami ng papa niyo. Noong nasa edad niyo pa lang kami, eh talagang ginagawa na namin ang lahat ng makakaya namin. Pero kayong tatlo? Wala sa isip ninyo ang ganitong bagay. Hay naku!"

Bumuntung-hininga rin si Gu Jingze, "Sige na nga, oo na. Wag mo na akong sermunan pa, please. Babalik na ako sa room namin at aasikasuhin ko iyan sa loob ng tatlong araw at tatlong gabing pamamalagi natin dito. Masaya ka na ba?"

"Ganyan. Ganyan dapat!"

Maya-maya lang ay narinig niyang may nag-iingay sa likod.

Lumingon siya at pagharap niya'y nakita niya si Lin Che na lumabas at nakasuot ng swimsuit.

Ang makinis nitong balat ay natatakpan ng manipis na bikini at sa mga gilid ay nakatali ang manipis na mga strap nito. Patag ang tiyan nito at ang dibdib ay nakatayo't malusog. Kakaiba ang init na dala nito at nakakaakit ang mukha.

Ang bikining iyon… iyon ang pinili niya bago sila umalis…