"Subalit sa nakikita ko, mga bata ang ipinadala sa atin ngayon, kaya na ba nila?" Tanong ng hari ng mga Garuda. Napakitakas ng tayo nito at baritono ang boses na tila isang napakalaking nilalang. Malalapad ang mga pakpak nitong halos ilang metro din kapag nakabuka.
"Engkanto din ba ang mga nilalang na iyan?" Pabulong na tanong ni Milo. Umiling si Maya at saka pabulong na sumagot ng—
"Hindi, ang tawag sa kanilang angkan mga Garuda. Pero kakaiba sila dahil sila ang angkan na matagal nang tumalikod sa iba pa nilang kauri at nanatili sa seklusyon."
Nanlaki ang mga mata ni Milo dahil sa narinig. Maigi niyang tinitigan ang nilalang at napansin niya ang tila kulay bahagharing hibla ng buhok sa likod nito. Halos maihahalintulad mo ito sa ginintuang buhok ng tikbalang na kanyang hawak ngayon.
Nagpatuloy pa ang diskusyon sa pagitan ng mga hari at kalaunan ay nagawa na ding pakalmahin ni Haring Rilan ang mga ito. Ngunit bago iyon ay kinailangan muna nilang ipakita ang kanilang mga kayang gawin upang huminahon at pumayag na ang mga ito.
Inabot din ng isang buong araw ang kanilang pagpupulong, halos dapit-hapon na nang mapagpasiyahan ng mga hari na bumalik sa kani-kanilang mga islang pinamamahalaan.
"Sa tingin niyo, may tiwala na kaya sa atin ang ibang mga hari? Pakiramdam ko, ilan pa rin sa kanila ang nagdududa." Tanong ni Milo habang tinatanaw nila ang mga papaalis na hari.
"Hayaan mo lang sila, ang mahalaga ay alam nating kaya natin. Pag-igihan na lamang natin ang ating misyon. Mahirap ipaliwanag sa salita kaya kailangan nating ipakita sa kanila ang resulta ng ating mga gawa." Wika naman ni Simon.
Kinaumagahan, maaga pa lamang ay nasa tuktok na sila ng kabundukan ng Guron, napagpasiyahan kasi nila na ang krital na naroroon ang kanilang uunahing linisin.
Hindi basta-basta ang paghahanda ng ritwal dahil hindi rin pangkaraniwan ang kanilang mga gagamiting alay at sangkap. Lumipas ang buong araw ay doon pa lamang nila nakumpleto ang kanilang mga kailangan. Nagsimula sila sa pagguhit ng isang malaking bilog sa palibot ng pinaglalagakan ng kristal ng Guron.
Kasunod na ginawa nila ay maayos na inihilira ang mga sangkap sa bilog saka isa-isang inihipan ng dasal na siyang magbibigay-buhay naman sa mga sangkap. Nang makita nilang isa-isa nang nagliwanag ang mga iyon ay mabilis silang pumwesto sa tatlo pang bilog na iniukit nila sa labas ng malaking bilog.
Doon ay sabay-sabay at dahan-dahan nilang ibinuhos ang tubig, langis at mga katas ng pinaghalong halamang gamot na may mga usal. Kasabay nito ay sabay-sabay nilang sinasambit ang mga kataga ng ritwal na kanilang ginagawa.
Matapos ang ritwal ay matyaga silang naghintay upang magkabisa ang kanilang ginawa. Ayon kasi kay Rilan hindi agaran ang bisa ng mga ritwal ng paglilinis. Dahan-dahan iyon at kapag walang naging abirya ay magiging matagumpay ang kanilang ritwal ngunit kapag may sumira ng ritwal ay paniguradong uulit na naman sila at sa pagkakataong iyon ay kakailanganin na nila ang pagpatak ng kanilang mga dugo para magtagumpay ang ritwal.
"Mas mabilis ang paggamit ng ating mga duho ngunit hangga't maaari ay iwasan natin na mangyari iyon. Kahit mabilis ang bisa noon, hindi iyon nirerekomenda ni ina, dahil bukod sa manghihina tayo ay siguradong kakapusin tayo ng oras." Wika ni Simon habang naghihintay sila.
"Tama si Simon, gagamitin lamang natin ang ating mga dugo kung labis na kailangan. Ihuhuli natin ang mga islang nauna nang lasunin ng mga marindaga dahil panigurado naroroon ang mga kalaban." Dagdag naman ni Maya.
"Marami pa silang bihag, simula nang magawa kung magpalit ng anyo bilang isang tagubaybay ay lumakas na rin ang pakiramdam ko. Nararamdaman at naririnig ko ang pagmamakaawa nila at ang paghingi nila ng tulong. At higit iyong mas malakas dito, marahil dahil kitang-kita ko amg buong karagatan mg Ilawud." Saad ni Milo na noo'y nasa kawalan ang paningin.
Natahimik naman sina Maya at Simon at agad na napatitig kay Milo. Nabalot sila ng katahimikan nang mga pagkakataong iyon. Ilang oras pa ang lumipas ay tuluyan nang pumaitaas ang tatlong buwan sa kalangitan ay doon na natuon ang pansin ni Milo.
Muli niyang narinig ang mga boses na humihingi ng tulong at maging ang malumanay na pag-awit ng mga marindaga. Sa pagkakataong iyon ay matapang nang nilalabanan ni Milo ang mapanghalinang pag-awit na iyon at maiigi niyang itinuon ang pansin sa mga boses na siyang nagsusumamong tulungan sila.
Nang tuluyan namang umepekto ang kanilang ritwal, ay kitang-kita nila ang pagtingkad ng kulay ng kristal, lumiwanag iyon at naglabas ng puro at malinis na puwersa na siyang hudyat na nagtagumpay sila sa una nilang misyon.
Dali-dali na silang bumaba ng bundok ay bumalik sa tirahan ni Rilan para magpahinga. Muling sumpit ang ikalawang araw ay tumuloy naman sila sa susunod na lokasyon ng kristal, nasa kabilang panig naman iyon ng Guron. Iyon ang lugar na inabandona ng mga tagubaybay dahil sa unang pag-atake ng mga magindara.
Nalapit iyon sa dalampasigan at doon nakalagak ang libingan ng mga ninuno ng mga magindara.
"Imortal ang mga tagubaybay hindi ba? Paano namamatay ang tulad nila?" Tanong ni Maya kay Amael.
"Tama ka babaylan, imortal ang mga lahi ng tagubaybay ngunit kung nanaisin ay maaari sin naming isuko ang buhay namin kay Bathala. Ang iba ay namatay sa mga labanan noong unang panahon." Paliwanag ni Amael.
Nanlalaki ang mga matang napatingin si Milo kay Amael habang namimilog pa ang bunganga sa sobrang gulat.
" Ibig sabihin, kontrolado niyo kung kailan niyo nais mamat*y?" Gulat na tanong ni Milo.
"Oo Milo, hindi lang iyon, kontrolado din namin ang aming edad. Kung nais naming tumanda tulad ng tao ay kaya naming gawin iyon. Kaya maayos kaming nakikisalamuha noon sa mga tao sa mundo. Masaya ang buhay sa mundo kasama ang mga tao noon." Saad pa ni Amael na tila nangangarap ng gising.
"Ano ba ang nangyari noon Amael? Bakit nalaman ng mga tao ang tungkol sa sungay mg mga tagubaybay?" Tanong naman ni Simon na siyang nagpukaw din sa pagnanais ni Milo na malaman ang buong pangyayari noon.
"Hindi nalalayo sa mga tao ang aming wangis kapag nasa mundo kami, mababait ang mga tao sa amin, ang naalala ko nasa isang kabundukan ang aming munting pamayanan, nagtatanim ng mga mais, palay at iba't-ibang uri ng gulay ang kabuhayan namin. Dahil magaling sa pagsasaka ang mga tulad nating tagubaybay ay palaging malusog ang mga halamang pinapatubo namin sa aming lupa at itinitinda naman namin iyon sa mga bayan at baryo na malapit sa aming pamayanan." Panimulang kuwento ni Amael at saglit siyang humugot ng malamim na hininga bago muling nagsalita.
"Ngunit isang araw, isahg matandang hukluban ang nagawi sa isang bayan kung saan namin itinitinda ang aming mga ani. Masyado kaming naging kampante at pinagsawalang-bahala namin ang biglaang pagdating ng dayong iyon. Huli na nang mapagtanto namin na isang siyang manisilat, at matagumpay na niyang nalason ang isipan ng mga taong kaniyang nakakausap. Doon nabunyag ang aming tunay na pagkatao. Tinugis kami ng taong bayan sa aming munting baryo sa kagubatan at nagkataon nasa anyo kami ng pagiging tagubaybay kaya naman sa isipan ng mga tao ay tama ang huklubang iyon. Marami sa amin ang namatay at napugutan ng ulo, nakuhanan ng sungay at karamihan sa kanila ay mga kababaihan at kabataan. Kaya naman, sa huli ay nagdesisyon kaming lumipat dito sa Ilawud kung saan malayo sa mga tao. Malayo sa mga mata ng mga ganid sa kayamana at kapangyarihan." Dagdag pa ni Amael.
Ramdam nilang tatlo ang hirap at sakit na nararamdaman ni Amael habang inilalahad sa kanila ang mga pangyayari noon. Subalit hindi nila alam kung paanojg gagawin nila para naman kahit papaano ay gumaan ang loob nito.
Kalaunan ay napagpasiyahan na lamang nilang tumahimik hanggang sa marating na nga nila ang kinalalagakan mg ikalawang kristal. Tulad nang nauna nilang ginawa ay wala silang naging problema kaya naman mas napabilis ang kanilang pagsasagawa ng ritwal sa lugar na iyon. Magkagayunpaman at inabot pa rin sila ng dilim sa paghihintay na maging matagumpay ang ritwal bago nila lisanin ang lugar.