webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Urbano
Classificações insuficientes
54 Chs

Family Bonding

Maagang umalis si Rina sa mansion ng Ledesma. Hindi na siya makapaghintay na makita ang kaniyang pamilya. Isang buwan din silang hindi nagkita. Dahil nakasahod na rin siya ay balak niyang bumili ng pasalubong sa dalawang kapatid at sa kaniyang ina.

Naalala niya na mahilig ang kaniyang bunsong kapatid na mag-drawing. Balak niyang bilhan ito ng mga materyales sa pagguhit katulad na lang ng pastel, color pencil, graphite pencil at sketch pad. Palagi niyang nakikita ang mga drawings ng kaniyang kapatid at manghang-mangha talaga siya rito.

Tinawagan niya ang kaniyang kaibigan na si Lauren para magpasama rito na mamili.

Pupunta rin siya sa market para makabili ng grocery items. Alam kasi ni Rina na abala rin ang mga kapatid sa pag-aaral kaya wala na itong oras pa para mamili.

"Hello Lauren, sa'n ka?" bungad niya sa kaibigan sa kabilang linya.

"Sis, nandito pa ako sa work pero pauwi na rin ako," sagot ni Lauren.

Matagal nang kaibigan ni Rina si Lauren. Magkababata sila at naging magkaklase sa elementary at high school. Parang bato ang tibay ng relasyon nila bilang magkaibigan. Kahit na hindi naging magkaklase noong kolehiyo, mayroon pa rin silang komunikasyon sa isa't isa.

"Kita tayo sa Robinson, mamimili kasi ako," aniya.

"Naku Sis, ang yaman mo na talaga ah."

"Hindi naman. Pinalad lang na magkaroon ng trabaho na may malaking kita."

"Ano ba ang work mo?" tanong ni Lauren.

Sandaling napahinto sa paglalakad si Rina. Naalala niya ang kontrata na pinirmahan niya. Kasama sa kontrata na iyon na manatiling lihim ang mga nangyayari sa loob ng pamilya Ledesma.

"Uy Sis. Natahimik ka? Bali-balita na sa Ledesma ka raw nagtatrabaho ah?"

Lumunok si Rina ng laway. Kung sasabihin niya na nagtatrabaho siya sa loob mismo ng mansion ay mauuwi iyon sa maraming tanong lalo pa at maraming interesado sa buhay ng mga Ledesma dahil sa pagiging misteryoso ng pamilya na ito sa kanilang lugar. Marami ang nagnanais na makapasok sa loob ng mansion para malaman kung anong itsura nito at kung sino ang mga nakatira roon.

"Sa'n mo naman nakuha ang balitang 'yan?" tanong niya.

"Wala, narinig ko lang. Sige na, sige na. Ibababa ko na 'to. Paalis na talaga ako."

"Sige, sige. Bye."

"Bye Sis."

Sumakay si Rina sa jeep. Habang nasa biyahe ay hindi niya maiwasang hindi isipin si Theo. Kumusta kaya ito sa dalawang araw na mag-isa na naman sa mansion? Ang akala ng iba ay masaya ang makikita sa loob ng mansion ngunit ang totoo ay mayroong isang lalaki roon na matagal nang nagtatago upang makaiwas sa mundo dito sa labas.

"Manong, para po," sabi niya sa driver.

Bumaba siya nang huminto ang jeep sa tapat ng Robinson. Pagkababa niya pa lang ay nakita niya na ang kaibigan na si Lauren na walang tigil sa pagkaway hanggang sa tuluyan siyang makalapit dito.

"Sis!" Nakipag-beso ito sa kaniya.

"Kanina ka pa?"

"Hindi, magkasabayan lang tayo," sagot ni Lauren na parang kitikiti dahil alis na alis na ito sa puwesto nila.

Pumasok sila sa loob at namili ng mga groceries pagkatapos ay naglibot sila sa mall para bilhan ng pasalubong ang dalawang kapatid. Bola ang bibilhin niya para sa kapatid na sumunod sa kaniya dahil mahilig iyon sa basketball at drawing materials naman sa bunso niyang kapatid. Binilhan din niya ang ina ng paborito nitong kakanin.

"Kumusta ka na Sis?" tanong ni Lauren. Kasalukuyan silang kumakain sa fast food restaurant nang matapos silang mamili.

"Okay lang naman ako Sis...nakakaraos na kami nang paunti-unti. Ang plano ko ay ipatingin si mama sa doktor."

"Tama lang 'yan Sis. Matagal na ang ubo ng mama mo diba?"

Binuka ni Lauren ang bibig nang pagkalaki-laki para isubo ang hotdog bun na hawak. Punong-puno ang bibig nito at bumubukol na ang pisngi habang ngumunguya.

"Simula nang mamatay ang papa mo ay madalang na rin tayong nakakapag-usap."

Yumuko si Rina. Naalala niya na naman ang kaniyang papa na namatay noong first year college siya. Hangga't maaari ay ayaw niya na sanang maalala pa iyon dahil lalo niyang nami-miss ang ama.

"Sorry Sis."

Ngumiti siya sa kaibigan. "Hindi, okay lang Sis."

Matapos kumain at magpahinga ay nagpaalam na sila sa isa't isa. Magkaibang ruta kasi ang sasakyan nila. Pakanan si Rina at pakaliwa naman si Lauren.

Sumakay siya ng tricycle papunta sa kanila. Marami kasi siyang dala at hindi niya kaya kung lalakarin niya lang iyon.

Pababa pa lang siya ng tricycle ay sinalubong na siya ng mga kapatid. Mabuti na lang at araw ng Sabado kaya walang pasok ang mga ito.

"Ate!" sabi ni Julius. Ang bunso sa magkakapatid. Kinuha nito ang ilan sa mga pinamili niya.

"Kumusta ka Ate? Hindi ka tumawag at nag-text man lang sa amin," nakangusong sabi naman ni Jan, ang sumunod sa kaniya. Tinulungan din siya nito sa mga dala.

Tumayo nang tuwid si Rina habang tinatanaw ang kabuuhan ng kanilang bahay. Isang buwan lang siyang nawala pero naninibago na siya sa lugar.

Gawa sa plywood ang mga dingding nila. Kahit kahoy lamang ang materyales sa pagbuo ng bahay nila ay masasabi niyang matibay iyon dahil ilang bagyo na ang napagdaanan nito. May alam kasi sa pagkakarpentero ang ama nila kaya kahit gawa lang sa kahoy at plywood ay maganda pa rin tingnan. Pagpasok sa bakod na gawa sa kawayan ay sasalubong ang pinto na may pinturang asul. Ang dingding ay napipinturahan naman ng dirty white kaya hindi halata ang dumi rito.

Pumasok siya sa loob at lumapit sa ina na nakaupo sa katre. Nagmano si Rina sa ina na nagulat din nang makita siya.

"Mama, kumusta po?" tanong niya. Bahagyang nangayayat ang kaniyang ina. Payat na ito nang umalis siya subalit mas nangayayat ito ngayon nang dumating siya.

"Okay lang Anak. Bakit hindi ka nagparamdam sa amin ng isang buwan?" Namumuo ang luha sa mata ng kaniyang ina kaya niyakap niya ito. Halata niya ang bahid ng pagtatampo sa boses nito.

"Sorry Ma, bawal po kasi sa trabaho. Hindi po ako nakapagsabi sa inyo dahil biglaan po ang nangyari," paliwanag niya. Gusto niya rin sanang sabihin na wala siyang ideya na kasama iyon sa kontrata pero pinili niya na lang na ilihim iyon.

"Kumain ka na ba?" tanong ng kaniyang ina. Baluktot ang likod nitong lumapit sa kaldero na nasa kalan. Binuksan nito ang kaldero at tiningnan ang loob. Pigil itong umubo upang hindi ipakita sa kaniya ang nararamdaman.

"Opo Ma, kayo po ba? May binili po akong groceries para sa inyo. Pang-isang buwan na po 'yan. Magbibigay rin ako ng pera para sa bayarin at para sa pandagdag sa iba pang gastusin. Kumusta na po pala ang pakiramdam niyo? May sumasakit pa ba sa inyo?" nag-aalalang tanong niya sa kaniyang ina.

Napansin niya kung paano umiwas ng tingin ang ina niya kaya pinagtaka niya ito.

"Salamat Anak. Saan ka pala nagtatrabaho ngayon?" pag-iiba nito ng usapan kaya ngumiti na lamang siya. Marahil ayaw ng kaniyang ina na mag-aalala pa siya.

Sasagot na sana siya sa tanong ng ina subalit naunahan siyang magsalita ni Jan. "Alam mo ba ate, sabi ng mga kapitbahay natin sa Ledesma ka raw nagtatrabaho. May nakakita raw sa 'yo na kasama sina Mr. and Mrs. Ledesma."

Tumawa si Rina at sinabi, "Sino namang nagpakalat niyan? Malabong matanggap ako sa Ledesma. Alam niyo niyo namang napaka-misteryoso ng pamilyang iyon at napakayaman. Hindi sila kukuha ng mga tauhan nang basta-basta lang." Pinakita niya ang pekeng ngiti sa tatlong kasama para mapaniwala ang mga ito.

"Oo nga Ate. Mayayaman ang Ledesma at wala pang nakakapasok sa mansion nila maliban na lang kung miyembro ka ng pamilya o kaya tauhan ka roon. Kaya hindi nga kami naniwala agad sa sabi-sabi nila," sabi muli ni Jan.

Huminga nang malalim si Rina. Mabuti na lang at napaniwala niya ang mga kasama. Kahit usap-usapan lang iyon sa bayan nila ay alam niya mismo sa sarili kung ano ang totoo. Talamak kasi sa lugar nila ang tsismisan. May mga kapitbahay sila na walang magawa sa buhay kundi ang pakiaalam o pag-usapan ang buhay ng mga tao. Ang ilan sa usapan ng mga ito ay totoo at mayroon namang hindi o mga may bawas at dagdag na sa kuwento.

Alas dos na nang hapon nang kumain sila. Nagluto si Rina ng adobong manok. Iyon ang pinagsaluhan nilang lahat. Tuwang-tuwa naman ang dalawa niyang kapatid nang makita and regalo niya sa mga ito. Nagsimulang mag-drawing si Julius at nag-dribble naman si Jan sa kanilang bakuran.

"Ma, kapag may kailangan kayo ay mag-text na lang kayo agad. Patago na lang akong titingin sa cell phone ko habang nasa trabaho. Kaya nga lang hanggang text lang talaga kayo kasi hindi ko rin masasagot kung tatawag kayo, bawal kasi talaga."

Bumuntong-hininga ang kaniyang ina. "Napakaistrikto naman diyan sa pinagtatrabahuan mo Rina."

"Opo Ma eh. Kailangan sumunod para hindi matanggal sa trabaho."

"Sa'n ka ba nagtatatrabaho?"

Lumunok si Rina ng laway. Kasalukuyan siyang naghuhugas ng pinagkainan nila. Kailangan niya na namang bumuo ng kasinungalingan para hindi na magduda ang ina. "Sa Manila pa ako Ma. Yaya ako roon."

Tumango-tango ang kaniyang ina kaya napabuga siya ng hangin. Mabuti at nakumbinsi ito sa mga sinabi niya.

"Eh kumusta naman ang bata na inaalagaan mo?"

Palihim siyang natawa. Kung malalaman lang ng ina niya na hindi bata ang inaalagaan niya, marahil ay matatawa rin ito.

"Okay naman Ma, mabait na bata," pagsisinungaling niya. Pilit niyang tinatago ang namumuong ngiti sa labi. Subalit napahinto siya sa pagkuskos ng plato nang maalala ang kalagayan ni Theo. Kumusta kaya ang lalaki? Kumain na kaya ito? Ano kayang ginagawa nito ngayon?

Umiling-iling siya. Day-off niya ngayon kaya dapat wala sa trabaho ang utak niya. Dapat niyang samantalahin ang araw na kasama niya ang pamilya. Dapat siyang magpakasaya.