webnovel

Kabanata Siyam [2]

"NASA LOOB SIYA, MAG-ISA AT MAY pinagkakaabalan," pahayag ni Cyan sa grupo nang matigil sila sa tabi ng kalsada na direktang kaharap lang ng tinutuluyan ng babaeng pinapakay.

"Kami na ni Myceana ang kakausap, mas maiging konti lang uusap sa kaniya upang 'di ito matakot." suhestyon ni Arlette, "Mag-abang na lang kayo rito at baka may 'di tayo aasahang panauhin." Ani nito at diretsong bumaba ng kotse.

Akmang lalabas na sana siya nang biglang hawakan ni Vinceo ang kamay niya't pinigilang tumuloy, "Myceana, mag-ingat ka." Sabi nito na ikinangiti niya.

"Opo." saad naman niya pabalik at marahang pinisil ang kamay nito.

"At saka kung sakaling tatakas man si Beth, mararamdaman mo yun bago siya magte-teleport; may malakas na puwersang hihila din sa 'yo." Pahayag ng lalake, "Kung magiging mahirap man ay gamitan mo na lang ng puwersa."

"Sige salamat," huling sabi niya at tuluyan na ring bumaba ng kanilang kotse.

Tahimik na tinahak ng dalawang babae ang maliit na daan patungo sa bungad ng bahay, walang nagsalita sa kanila, pero sa kaniya-kaniyang isipan sila nagkasundo't nagpaplano habang inobserbahan ang bahay na napakatahimik din. Unang tingin lang ay masasabing walang katao-tao ito; nakasara lahat ng bintana at makapal ng mga kurtinang nakatabing, nagkalat din sa bakuran nito ang mga tuyong dahon ng punong mangga na iilang buwan na sigurong nakatambak dahil sa kapal na pumapatay rin sa mga damo. Parang inabandona na talaga ang bahay ng iilang buwan, pero ang totoo'y ayon kay Cyan ay nasa loob talaga ito---gaya nila'y nagtatago rin para sa sariling kaligtasan.

"Tao po?' tatlong katok ang dinulot ni Arlette sa pinto nito at kapuwa silang natahimik, hinihintay ang sagotang tao mula sa kabilang panig.

"Beth?"

Wala pa ring sumagot, napakatahimik ng bahay at parang wala talagang tao sa loob, dahil dito'y kinuwestyon ni Myceana kung totoo nga bang narito pa ang babae at baka matagal na itong nakatakas. Mahirap na kung sakaling nakatakas na ito lalo na't marunong itong mag-teleport. Saglit niyang nilingon ang pinagmulang kotse upang kumuha ng sagot, doon ay nakita niya si Cyan sa tabi ng bintana at napatango lang ito upang itama ang pagdadalawang-isip niya.

"Beth Santino? Alam kong nariyan ka, nagtatago." Unang pahayag ni Arlette kahit na malabong nasa loob pa ito, "Isa kang altered at gano'n na rin kaming narito sa labas na umaasang makakausap ka."

"Beth, hindi kami masasamang tao, ang totoo'y isa kaming resistance laban sa Herozoan." Panghihikayat ni Myceana.

"At hangad naming pabagsakin ang Herozoan." Dugtong ni Arlette at napabuntong-hininga, "'Kailangan namin ang tulong mo."

Sa pinahayag ng babae ay biglang tumunog ang busol ng pintuan, palatandaang bumukas ito. Sa narinig ay bigla silang nabuhayan ng loob sa katotohanang narito nga ang pinapakay nilang babae, kung kaya't agad nilang inikot ang busol ng pinto at saka tinulak ito sabay pasok. Sa loob ay binulaga sila ng walang kalaman-lamang bahay, wala itong ni isang gamit at parang lumikas na ang nagmamay-ari nito.

"Beth?"

"Wala si Beth dito."

At nagimbal na lang sila nang biglang lumitaw ang lalake mula sa likod na may nakakalokong ngiti sa labi. Akmang aatekehin na sana ito ni Myceana nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay bumigay ang kinatatayuan nilang sahig, hindi na sila nakailag pa't kapuwa sila bumagsak sa malalim na hukay kasama ang sahig. Habang dinadaing sakit ng kanilang pagbagsak ay agad na humingi ng saklolo si Arlette sa kaniyang mga kasamahan, ngunit laking-pagtataka niya nang hindi niya magawang kausapin sa kabilang panig sina Renie at Valtor. Sa kabilang dako naman ay sinubukang kontrolin ni Myceana ang kanilang katawan at pinalutang paakyat, palabas sa hukay. Ngunit, laking-gimbal niya nang biglang sumakit ang kaniyang ulo at nawalan ng konsentrasyon, sa kasamaang-palad ay muli silang bumagsak at malakas na napaungol dahil sa sakit na dinulot nito.

Mula sa ibabaw ay roon dumungaw ang dalawang lalakeng estranghero na seryosong nakatingin sa kanila, mga altered na nakakahindik ang presensya, "Patay na si Beth." Pahayag ng isa at mula sa magkabilang kamay nito'y roon kumawala ang makapal at itim na usok na bumuhos sa loob ng hukay.

Sa sama ng bagsak nina Myceana ay nahirapan talaga siyang gamitin ang kakayahan lalo na't nangingibabaw sa kaniyang sistema ang sakit, wala na siyang nagawa pa't agad silang nilukob ng usok. Bago pa man nila malanghap ito ay mabilis siyang gumawa ng puwersang pansalag na humaharang at tumutulak papalayo sa usok. Wala na silang nakikita pa at purong kadiliman na lang sa loob ng hukay; nagsiksikan na sila sa ilalim at pahirapan para sa dalawa ang kanilang puwesto na inuupuan ang kanilang mga paa na lubusang nananakit.

"May humaharang sa kakayahan ko." Saad ni Arlette na pilit kinokontak ang kasamahan na naiwan sa labas, "Hindi ko kayang tawagan sina Vinceo."

"Arlette, nililibing nila tayo ng buhay!" gimbal na pahayag ni Myceana nang makitang may hinuhulog silang malalaking bato sa loob ng hukay, pabigat ito nang pabigat at dama niya ang 'di mawaring pangangalay sa braso at pananakit na naman ng ulo.

"Wala na tayong maaasahan pa kung hindi ang ating sarili na lang. Pakiusap Myceana, kailangan na nating makaalis dito hangga't may pagkakataon pa." desperadong turan ni Arlette na naiipit sa sikip ng kinalalagyan, "Baka aatakehin nila ang ating kasamahan."

"Nahihirapan ako, m-may kumakalaban sa kakayahan ko." daing niya sa sakit ng ulo, "B-Batid kong may telekinetic din dito at isang telepath."

"Myceana,"