27 Kabanata Siyam [1]

Ika-1 ng Disyembre, 2018

5:48 am

PAGDILAT NG MGA MATA NIYA ay mukha kaagad ni Myceana ang bumungad sa kaniyang paningin, tipid itong napangiti at nabasa niya ang lungkot sa mga mata nitong kasing-kulay ng kape, pero sa kabila nito'y kapansin-pansin naman na puayat ito dahil sa mga mata nitong matamlay at namumula pa. Nginitian lang din niya ito pabalik at agad napatakip ng mukha upang magkunwaring nasisilawan siya sa tumatagos na liwanag sa loob ng sasakyan, medyo nailang din siya sa tingin ng babae habang siya'y nakahiga kung kaya't dali-dali siyang napabangon paupo kahit na sumasakit pa ang kaniyang ulo.

"Kanina ka pa ba rito Myceana?" mahina niyang tanong habang kinukusot ang magkabilang mata upang alisin ang butil-butil na muta.

"Kagabi pa," sagot nito na ikinagulat niya sapagkat medyo kakaiba itong ipinapakitang kilos ng babae.

"Kagabi mo pa ako binabantayan?! Bakit naman? Wala naman akong sakit," aniya na hindi makapaniwala; napatakip din naman kaagad siya ng sariling bibig upang 'di nito maamoy ang kaniyang mabahong hininga, at marahan din niyang pinahid ang magkabilang bahagi ng labi upang alamin kung may naninigas ba siyang laway at laking-pasasalamat niya nang malamang wala ito, "Teka, 'di ka ba natulog?"

"Oo, binantayan kita dahil sa hindi ako pinatulog ng sariling konsensya sa ginawa ko sa 'yo kahapon." nanlulumong saad nito at seryosong napatingin sa kaniya, "Nag-aalala lang ako sa 'yo. Pasensya na talaga, Vinceo."

"A-Ano bang nangyari?" tanong niya na lubusang nagtataka sa kung ano itong tinutukoy ng babae, base sa tono ng pananalita nito at nangungusap na mga mata ay batid niyang malala ang atraso nito dahil sa nagpuyat pa talaga ito sa tabi niya, "Ah, yung sa kotse ba? Okay lang yun," turan niya nang kumakalabit sa kaniyang isipan ang senaryong pasikreto siyang sinubok kahapon nina Myceana at Arlette.

"Hindi yun," tanggi nito na lalong ikinataka niya.

At nagsimula na siyang maguluhan kahit maagang-maaga pa, hindi niya alam pero hindi na niya matukoy ang pinupunto nitong babae, "Alin ba talaga?"

"Yung tunggalian natin, hindi mo ba naaalala?" tanong ni Myceana at biglang nagbago ang timpla ng mukha; mula sa malungkot ay agad na nangibabaw ang pagtataka nito.

"Naaalala pa," sagot niya nang maalala nga ito, "pero wala namang problema yun, maganda at matindi ang pag-eensayo natin kahapon Myceana. Wala akong nakikitang rason sa kung bakit ka mag-aalala sa 'kin ng lubos-lubos." paliwanag niya upang gumaan na itong loob ng babae.

"Seryoso ka?" tanong na naman nito na hindi talaga makapaniwala.

"Oo," sagot niya't nginitian ito, "Sus, ikaw talaga. Ang sabihin mo, gusto mo lang talaga akong pagmasdan habang natutulog." panunukso niya rito at nakakalokong nginitian upang patawanin ang nag-aalalang babae.

"Aba b'wisit ka, hindi gano'n!" sabi nito at naramdaman na lang niya ang marahang puwersang humampas sa kaniyang dibdib na gawa nito, "Seryoso ako Vinceo, lubos akong nakokonsensya sa ginawa ko sa 'yo. Pasensya na talaga at sumobra ako."

"Wala nga yung problema sa 'kin, pangako wala akong hinanakit o poot sa 'yo kung yun ang gusto mong marinig." Aniya ulit, "Basta't matutuloy talaga yung lakad natin, hinding-hindi ako magtatampo."

"Oo, matutuloy talaga yun." paninigurado nito at matamis na napangiti, "Sige na, magbihis ka na Vinceo dahil nangangamoy tuyong-pawis 'yang pang-itaas mo. Pinapatawag na tayo ni Arlette at importante raw kaya mauuna na ako." Bilin at pamamaalam nito na ikinatango niya. "Sumunod ka kaagad."

"Opo," aniya at dali-daling pinulot ang maayos na nakatiklop na damit sa tabi.

NAGTATAKA MAN SA REAKSYON ng lalake ay nakapante na rin ang loob niya nang mapatawad siya ni Vinceo at naging propesyonal ang pananaw nito sa kanilang pag-eensayo. Laking-pasasalamat na lang niya at 'di ito nagtanim ng loob sa kaniya sa kabila ng karahasang ginawa niya kahapon, ang totoo'y para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib matapos ang lubusang pag-alala na baka ito ang magiging dahilan upang umalis sa grupo ang pinakamakapangyarihan nilang kasapi.

"Myceana," pambungad ni Arlette na umalingawngaw sa loob ng gusaling pinagtataguan.

Sa loob ng factory ay namataan niya si Arlette na nakatingin sa kaniyang gawi, hindi lang ito nag-iisa at kasama nito ang iba pa nilang kasamahan na halatang kakagising lang; lahat sila'y nakapaligid sa isang mesa na walang laman, at mababakas ang pagiging seryoso sa kani-kanilang mga mukha, kung kaya't sa tanawing yun ay nabatid niyang may may problema na naman o may importante silang pag-uusapan.

"Bakit Arlette?" aniya nang tuluyang nakadalo sa mesa, "May problema ba?"

"Wala naman," sagot nito habang pinagtutuonan naman niya ng pansin ang maliit na piramideng bagay sa gitna ng mesa, ang piramideng pagmamay-ari ni Digit na kapaki-pakinabang din sa grupo. "…ang pinakahinihintay nating pagkakataon ay narito na."

"Aatakehin na ba natin ang Herozoan?"

"Oo," sagot ni Digit at tinapik ang piramide, bigla naman itong bumukas at isang hologram ang lumitaw sa gitna ng ere.

"Sa mga nagdaang araw ay wala tayong ibang ginawa kung hindi ang magpagaling---mag-ensayo, at halos lahat ng posibleng mangyayari sa planong pag-atake natin sa pasilidad ay napag-isipan na rin natin at nagawan ng buong proseso ang bawat plano. Kung kaya't ayon pa kay Digit ay walumpung porsyento na ang tsansa na magiging matagumpay ang misyong ito." paliwanag ni Arlette, "Vinceo, halika, samahan mo kami." At natigilan silang lahat saka sabay na napalingon sa lalakeng naglalakad patungo sa 'kanilang kinalulugaran, napatango naman ito at mabilis na humakbang.

"Kailan natin ito isasagawa?" tanong ni Renie habang hindi inaalis ang tingin sa hologram ng pasilidad ng Herozoan, kinikilatis na naman niya ito gaya ng kanilang ginagawa bawat-araw upang isaulo ang mga pasikot-sikot sa loob.

"Ngayong araw na." turan ni Arlette na may kakaibang ngiting nakapinta sa labi na halatang nasasabik, ngunit pangamba naman ang dulot sa kaniyang kasamahan, lalong-lalo na kay Valtor na natatakot din para sa kanilang kaligtasan, "Natunton na rin sa wakas ni Cyan ang isa pang altered rito sa syudad na kinakailangan natin at ayon sa kuha ng mga surveillance cameras, ito ay si Beth Santino."

"Yung may kakayahang mag-teleport."

"Oo," sagot ni Digit at biglang nagbago ang hugis ng pasilidad na hologram at ito'y napalitan ng mukha ng babaeng may mahaba, makapal, at purong kulot na buhok, "Tatlo lamang ang altered na may kayang mag-teleport ayon sa records ng Herozoan, kung kaya't malaki rin ang tsansa na siya yung tumulong sa 'tin no'ng inatake tayo ni Trevor. At kung sakaling siya man ay maaaring tutulungan ulit niya tayo ngayon upang gawing posible itong matagal na nating hinahangad."

"Tabi tayo Myceana," sumiksik si Vinceo sa tabi niya at nakialam sa pinag-uusapan ng grupo, at gaya niya ay inoobserbahan din nito ang hologram ng pasilidad na muling ipinakita ni Digit, "Paano kung hindi siya yun?" tanong nito.

"Gagawin natin ang lahat upang hikayatin siyang tumulong, siya na lang ang pag-asa natin ngayon dahil paniguradong hawak ng Herozoan sina Lanister at Bolivia. Siya lang ang magiging daan natin papasok na hindi nangangailangan ng sakripisyong dugo." Pahayag ni Arlette.

"Sa ngayon ay kailangan na nating maghanda, natapos na ba ang kotse Renie?" tanong ni Arlette.

"Oo handa na siya kagabi pa, pero ang baterya na lang ang kailangang i-charge no'n at puwede na natin siyang gamitin."

"Ako na an bahala ro'n," presenta ni Valtor at napaakbay kay Renie at napangiti rito nang lingunin siya ng lalake.

"Mag-aalmusal lang tayo rito at magliligpit din ng mga gamit, dapat walang matitirang bakas na nagmula tayo rito na maaaring magiging dahilan ba't tayo matutunton ng kalaban. Eksaktong alas otso ay aalis na tayo." Utos ni Arlette na ikinatango ng lahat.

avataravatar
Next chapter