webnovel

Kabanata Pito [2]

Hanggang sa isang kurap lang ay biglang nakaramdam ng malakas na paghila si Myceana na para bang may matinding puwersa na humigop sa kaniya. Ang inaasahan niya ay isang pagsabog ang wawasak sa kaniyang katawan, ngunit hindi. Sunod niyang namalayan ay ang paggalaw ng paligid na para bang umaalon hanggang sa isang kurap lang ay nakakapagtataka't nakakabiglang natagpuan niya ang sarili na nakatayo sa liblib ng eskinita, kasama sina Valtor at Renie na natulala't hindi rin makapaniwala sa nangyari.

"A-Anong nangyari?"

"Hi-Hindi ko alam…"

"Papaano tayo napunta rito?"

"M-May humila sa 'kin, h-hindi ko alam kung sino."

"Mamaya na tayo mag-usap, kailangan na nating umalis at hanapin sina Arlette." Suhestyon ni Renie na panay sa pagsilip sa dulo ng eskinita.

"Myceana?"

Sabay silang napalingon sa pinagmulan ng boses at laking-gulat nila nang makita si Cyan na sumulpot mula sa kaliwang bahagi ng eskinita, kasama nito si Vinceo at kapuwa akay-akay nila si Arlette na may malay-tao na rin ngunit hinang-hina naman dahil 'di nito magawang tumayo ng maayos.

Sa nakita ay nakaramdam ng panatag si Myceana sa katotohanang maayos lang sila, ngunit 'di maalis-alis sa kaniyang isipan ang kyukyosidad patungkol sa kung papaano sila biglang nalipat sa isang kurap.

"A-Arlette, mabuti naman at ligtas kayo." Pahayag ni Myceana at paika-ikang nilapitan ang mga kakilala upang tumulong.

"May humila sa 'min papunta rito, mabilis ang kaganapan at 'di ko alam kung sino o papaano." Sagot ni Vinceo.

"K-Kami rin, pero napatay na namin ang natitirang altered."

"May nakita akong van doon, mas maiging mamaya na natin ito pag-usapan at umalis kaagad tayo upang gamutin itong mga sugat natin at nang makapagpahinga na rin." Suhestyon ni Cyan na atat na atat nang umalis.

• • •

ALAS SYETE NG GABI AT NATUON ang kaniya-kaniyang atensyon ng bawat isa sa paggamot ng sariling sugat na natamo sa 'di inaasahang sagupaan. Nilinis nila ito, inaalis ang mga duming kumakapit, at saka nilalagyan ng disinfectant bago tuluyang tinatakpan ng benda. Kasalukuyan silang nasa loob ng department store, ang natatanging lugar na naisipan nilang magpalipas ng ng gabi kung saan may sapat na suplay ng gamot at pagkain.

"Ano na ang plano natin?" tanong ni Valtor na tapos na sa paglinis at paggamot ng sariling sugat, "Itutuloy pa ba natin ang atake?"

"Oo," determinadong sagot ni Digit na nakahiga sa malinis at malamig na sahig, "Sa ngayon, hindi pa, kailangan muna nating magpagaling."

"Hindi ba kayo nagtataka?" singit ni Vinceo, "Papaano ba tayo natunton ng Herozoan, may alam ba sila sa mga pinaplano natin?" ani nito at inabot ang inumin mula sa lalagyan nito.

"Nakakapagtataka nga na kahit ginawa na natin ang lahat upang ilihim ang pag-atake ay may ambush pa ring nangyari." Pagsang-ayon ni Renie," Maaari ngang nakatunog sila sa 'ting binabalak, kung gano'n man ay paniguradong may Herozoan na nasa paligid lang natin—nagmamasid."

"O kaya'y may Herozoan sa loob ng grupong ito." Biglang saad ni Digit na ikinatahimik ng lahat.

"H'wag ka namang magsalita ng ganiyan Digit, magkasama tayo sa laban dito at pawing biktima tayo ng Herozoan, malabong magkakatotoo 'yan."

"Arlette? Sumasang-ayon ka rito?"

Hindi sumagot ang babae, sa halip ay isa-isa nitong tinignan ang mga kasamahan, "H-Hindi pa ako sigurado. Pero hindi rin magtatagal ay makukuha ko rin ang ninanais kong sagot."

Napatayo si Myceana mula sa pagkakaupo sa sahig matapos niyang takpan ang panghuling sugat sa braso, kahit na buong katawan niya ay kumikirot at naka-bra lang ay tinungo niya ang isang bahagi ng department store at kinuha mula sa lalagyan ang isang bag ng loaf bread. Marahan niya itong pinisil at laking-pasasalamat niya nang malamang malambot ito, ramdam niyang wala talaga siyang gana ngumuya nang ngumuya sa ngayon.

"Hindi ba natin pag-uusapan ang misteryosong paglitas sa 'tin kanina?" tanong ni Renie na bumasag sa tension ng grupo, "Muntikan na tayong matamaan ng missile kanina kung 'di lang tayo biglang nalipat."

"Maaaring isang altered na kayang mag-teleport," pahayag ni Digit at nabaling ang tingin sa gawi ng nag-iisang monitor ng kalapit na counter at agad itong binuhay.

Napatingin din ang kaniyang kasamahan sa gawi nito, doon ay agad nilang nakita ang mga larawan na nais ipinakita ni Digit, "Bolivia Soriel, Lanister Terio, Beth Santino, at Aster Ruiz. Silang apat ang narehistrong mga altered na gawa ng Herozoan. Isa sa kanila ang tumulong sa 'tin."

"Kung isa nga sa kanila at nagawa niyang tulungan tayo. Maaari kayang tulungan din niya tayo sa pagpapadali ng trabaho?"

"Anong nais mong ipabatid, Myceana?"

"Ang ibig kong sabihin ay maaari ba niya tayong tulungan upang makapasok sa facility ng Herozoan."

"Magandang plano 'yan."

"Pero ang tanong, saan natin sila tutuntunin?" tanong ni Vinceo.

"Cyan? Kaya mo ba?"

"Ano bang kakayahan ni Cyan?" tanong ulit ng lalake.

"Kaya niyang tumunton ng altered, siya ang dahilan ba't namin natunton kayo." Paliwanag ni Arlette.

"Pero h-hindi ko masisiguro,"

"Bakit naman?"

"Y-Yung kakayahan ko, h-hindi ko makontrol. Sumasakit ang ulo ko ng lubos."

"H'wag mong pilitin, maaaring dahil sa atake 'yan kanina. Mas maiging magpahinga ka muna ngayon Cyan at baka bukas o sa makalawa ay magagawa mo na 'yan."

"Sige,"

"Kung hindi pa kaya ni Cyan, magagawa ko yun." Suhestyon ni Digit at kumuha ng makakain sa sinasandalang na lalagyan, "Kontrolado ko ang surveillance cameras ng buong syudad, maliban lang kung may mas malakas pa sa 'kin na isang technopath din."

"Mas maaga, mas mabuti. Hindi puwedeng mauulit ang nangyari na mauunahan na naman tayo ng Herozoan."