webnovel

Kabanata Pito [1]

NAGKALAT ANG SUNOG, DUGUAN, at walang kabuhay-buhay na katawan ng mga sundalong naging suporta ng altered, ang mga sundalong ipinadala upang sila'y dakpin. Tanging ang natira sa gitna ng abandonadong kalsada ay isang lalakeng naglalagablab sa apoy ang magkabilang kamay at braso, at sa kabilang panig naman ay naroon sila na hinihingal sa pagod at hirap.

Saglit na napatingin si Myceana sa paligid at nakita niyang tuluyan nang nakalayo sina Vinceo, nagawa nilang sumuot at nawala sa mga nagkumpulang mga tao na nanonood sa kaganapan. Nakampante na rin siya't nalusaw ang kaniyang pangamba sa kaligtasan ng kaniyang mga kasama.

Sa kaligtaan ng kaganapan ay nakuha ang kanilang atensyon ng nagsidatingang mga patrol car, doon nagsilabasan ang mga pulis na may bitbit na kaniya-kaniyang baril na nakatutok sa kanilang gawi. Sa biglaan pagsulpot ng mga pulis ay muling nagbalik ang kaniyang takot, napakarami nila't paniguradong hindi na niya kakayanin pa kung dalawang panig ang kakalabanin niya. Pumapalya na ang kaniyang katawan at gano'n na rin ang sariling kakayahan, alam niyang isang napakadelikadong hakbang itong pagpapaiwan niya lalo na't napakalakas ng kaniyang kalaban.

"Myceana!"

Nalipat ang kaniyang tingin at nagulantang siya nang makita ang mala-ulap, isang napaka-kapal na apoy na kulay asul na patungo sa kanilang gawi. Sa takot na matamaan nito ay agad niyang kinontrol ang kalapit na sirang-sira na van at ito'y ginawang harang, samantalang sa kabilang dako naman ay nahagip ng paningin ni Myceana si Valtor na nakataas ang magkabilang kamay at nakakamanghang hinihigop nito ang hibla ng mga kuryente mula sa mga linya ng poste, at si Renie naman ay nagpakawala ng matinding liwanag na bumubulag sa mata ng mga taong nakikiusyoso sa kaganapan.

Sa tindi ng init ng apoy ay nagimbal si Myceana nang makitang natunaw ang van na hinarang niya, mistulang tubig ito na bumuhos sa lupa't para bang kumukulong tubig na nagmula sa bulkan dahil sa tingkad ng kulay kahel nito. Isang kurap lang ay lumipad patungo sa kanilang puwesto ang naglalagablab na apoy, mabilis naman siyang nakadepensa at nakagawa ng mala-pader na puwersang sumasalag sa apoy. Ngunit, sa lakas ng pinapakawalang apoy ng lalake ay damang-dama ni Myceana ang init nito na nagpapalubha ng hapdi ng kaniyang natustang balat.

"Myceana, kailangan mo siyang patigilin at ako na ang bahala."

Saglit niyang nilingon si Valtor at nakuha niya kaagad ang nais nito, kitang-kita niya sa buong katawan na nito ay may lumilitaw na hibla ng kuryenteng nababatid niyang napakatindi ng puwersa rin. Dahil sa 'di na niya kayang tagalan pa ang init ng apoy ay isinagawa niya kaagad ang binabalak, umaasang gagana ito at kakayanin pa ng kaniyang katawan.

Sa isang hudyat ay kinontrol niya ang inaapakang sementadong kalsada ng kalaban at ito'y pinasabog, tumilapon ito paitaas sa ere at gano'n na rin ang lalake na nakapuwesto sa malapit nito. Sa ginawa ng babae ay agad siyang napaluhod habang sapo-sapo ang ulo na mas lalong tumindi ang pagkirot.

Sandaling natigil ang pagpapakawala ng apoy ng lalakeng altered sapagkat ginamit nito ang sariling kakayahan upang lumipad at pigilan ang sarili sa masamang bagsak. Ngunit, laking-gimbal nito nang akmang gaganti na sana siya ay bigla siyang ginulat ng isa pang atake. 'Di mabilang ang hibla ng mga kuryenteng nagsilabasan sa kamay ni Valtor na bumulusok patungo sa lalake, sa kasamaang-palad ay 'di na ito nakaiwas pa't tinanggap ng buong katawan niya ang kuryente.

Kumawala ang nakakapanindig-balahibong sigaw ng lalake dulot ng sakit kasabay ng agaran nitong pagkatapon; hindi pa rin napuputol o natitigil ang hibla ng kuryente sa pagtutusta ng katawan niya, hanggang sa kalaunan ay natigil na ito sa pagsigaw at bumagsak ito sa may 'di-kalayuan nang itigil na rin ni Valtor ang pag-atake.

Sunog at namumula ang katawan ng walang kabuhay-buhay na lalake na nakabulagta sa magaspang at mainit na kalsada; umuusok pa ito kalakip ang malapot nadugong tumatagas sa mga nagsibiyakang laman. Sa hitsura nito ay hindi na makikilala o mabibigyan pa ng pagkakakilanlan ang lalake, tustadong-tustado ito at walang bahagi ng katawan nito ang hindi nangitim. Kalunos-lunos kung iisipin, ngunit para kila Myceana at nararapat din itong marasan ng lalake dahil sa ginawa nito.

"T-Tara na, kailangan na nating umalis at baka may ipapadala na naman ang Herozoan." Hinihingal na turan ni Valtor kay Myceana at tinulungan ang babae na tumayo, "Kaya mo pa ba?" tanong niya.

"K-Kakayanin."

"Baka nakakalimutan n'yong may isa pa tayong haharapin dito." Pahayag naman ni Renie na tinutukoy ang mga pulis na nakatago sa likod ng kaniya-kaniyang sasakyan dahil sa nakakasilaw na sinag.

"Sumuko na kayo't itigil n'yo na ang kaguluhan dito bago pa lumalala ang sitwasyon." Anunsyo ng lalakeng may baritonong boses gamit ang isang megaphone, "Magbibilang ako ng hanggang tatlo lamang! Mapipilitan kami kung magiging matigas 'yang ulo n'yo."

"Anong gagawin natin Myceana?" tanong ni Renie na 'di pa rin tinitigil ang pagpapasiklab ng matinding sinag sa gawi ng mga pulis at otoridad.

"Isa!"

"Kailangan na nating tumakas," natatarantang utos ni Valtor, "Ngayon na!"

"Napapalibutan nila tayo, wala tayong ibang lagusan."

"Myceana, kaya mo bang liparin tayong tatlo papalayo rito

"Dalawa!"

"H-Hindi ako sigurado, sumasakit na ang ulo ko."

"Lalaban tayo!"

"Tatlo!"

At sa hudyat ng pangatlong bilang ay itinigil ni Renie ang pagpapakawala ng matinding liwanag. Bilang opensa ay nagpakawala siya ng hibla ng liwanag na nakakapaso't sapat na upang tumusta ng kung anong bagay. Ngunit kasabay naman nito ay ang biglaang pag-ulan ng mga sunod-sunod at nakakabinging putukan ng baril.

Bilang depensa ay agad na pumagitna si Myceana at gumawa ng puwersa na pumipigil sa 'di mabilang na bala na tatami na sana sa kanila, sa kabilang dako naman ay sumuporta kaagad si Valtor at isa-isang nagpakawala ng kuryente na direktang tumatama sa mga patrol car ng mga pulis, bilang resulta ay nagkakaroon ng matinding pagsabog na nagpababa sa bilang ng mga umaatake sa kanila.

"Umi—."

Sa 'di inaasahang pagkakataon ay hindi nila namalayan ang biglaang pagbulusok ng isang missile patungo sa kanilang gawi. Dahil sa masyadong okupado na si Myceana ay 'di na siya nakapaghanda pa't hindi na rin siya nakagawa ng panibagong depensa. Kung kaya't bigla na lang siyang natulala sa kinatatayuan at tila nablangko sa pangyayari.