20 Kabanata Anim [3]

Mula sa malapad na van, gamit ang kakayahan ay mas pinasikip ito ni Vinceo upang mas kumapal ang isang bahagi. Sa tulong na rin ni Myceana inikot nila ang van at iniharap ang bahagi ng makina sa gawi kung saan direktang tumatama ang apoy ng lalakeng altered.

Sa paglipas ng sandali ay mas lalong umiinit ang loob ng sasakyan, tagaktak na ang kani-kanilang pawis at naliligo na sila rito. Panay na sila sa pagdaing at mababakas na ang panunuyo ng labi ng bawat isa, gano'n na rin ang kaniya-kaniyang lalamunan na magaspang at lubos na nanunuyo.

"M-May anim na pu't anim na porsyento na lang ng oxygen sa loob ng van, hindi magtatagal ay wala na tayong mahihinga pa. Delikado kung magkaka-hypoxia tayo rito." anunsyo ni Vinceo na ikinabahala ng lahat.

"Kailang—"

Hanggang sa isang kurap lang ay niyanig ang kanilang kinalalagyan nang sumabog na ang makina ng sasakyan. Dulot ng panghihina at sa bilis ng pangyayari ay nawalan sila ng balanse't diretsong natumba; nahampas ang kaniya-kaniyang katawan, lalong-lalo na ang ulo sa matigas na bagay.

Sunod-sunod na daing at sigaw ang umalingawngaw sa loob lalo pa't ramdam nilang nalapnos ang kaniya-kaniyang balat sa mainit na bakal, kung kaya't agad silang napabangon at napaupo sa malambot ngunit 'di mainit na upuan.

Habang sapo-sapo ang sariling ulo na sumasakit ay gumawa ng may katamtamang laki na butas sa isang bahagi ng sasakyan si Vinceo. Doon sa labas ay nakita niya ang apoy na hinahaplos ang isang mala-salaming bagay sa harap—ang force field, palatandaang palpak ang kaniyang plano.

"Nariyan pa rin ang force field, hindi tumalab ang pagsabog." nanlulumong pahayag ni Vinceo, "Hindi talaga tayo makakalabas dito hangga't 'di ito inaalis ni Wendyl.

"Papatayin ko siya," suhestyon ni Myceana na hinihingal at hawak-hawak ang brasong nalapnos ang balat na lubusang nanhahapdi, "sa paraang gano'n na lang siguro mapapawalang-bisa ang force field."

"K-Kaya mo pa ba?" Tanong ni Cyan at seryoso siyang tinitigan sa mata.

"Kailangan kong sumubok Cyan dahil wala na akong ibang naiisip na paraan." aniya at ipinikit ang mga mata, "Maliban lang kung may mas kapaki-pakinabang kayong naiisip."

Walang sumagot mula sa grupo, bawat isa'y nalunod sa malalim na iniisip sa kung paano nila lulutasin ito. Kahit napakainit ng nadarama ni Myceana ay pilit niyang pinapakalma ang sarili; binibigyan ng kapayapaan ang isipan habang pinapalawak ang impluwensya ng kaniyang kakayahan--- hinahagilap ang lalakeng pinapakay niya.

Mula sa limang metro na impluwensya ay lumawak ito nang mas lumawak hanggang sa naramdaman niyang umabot ito sa kinalulugaran ng walang-malay na tao---Wendyl. Damang-dama niya ang katawan nito at gano'n na rin ang leeg ng lalake. Kung kaya't hangga't may pagkakataon pa siya ay walang pag-aalinlangan niyang pinilipit ang leeg nito; mahigpit niya itong sinakal hanggang sa isang hudyat lang ay pinihit niya ito at marahas na inikot sa kanan.

"Patay na siya," anunsyo niya nang masigurong binawian ng buhay ang lalake sa ginawa niya. Lumupaypay sa kinauupuan; hinihingal siya't nagsimula nang maghirap sa paghinga, at kalakip din nito ay ang pag-inda niya sa nakakapanghinang sakit ng sariling ulo.

At nakumpirma nila ito nang maramdamang mas lalong uminit ang loob ng van at lahat sila'y naghirap ng lubos sa paghinga ng maayos. Napatingin sila sa isang bahagi at nagimbal sila nang makitang nagbabaga't matingkad na ang kulay ng bakal---halatang direktang sinusunog ito mula sa labas.

"Wala na ang force field at paubos na ang hangin dito sa loob. Tara na!" sigaw ni Vinceo at gamit ang natitirang lakas ay gumawa siya ng butas sa kabilang bahagi ng sasakyan.

Kahit hinang-hina ay nagtulungan silang anim upang makalabas sa mala-impyernong sasakyan; kahit gusto nang bumigay ng kanilang katawan ay pinilit nilang tumawid para sa sariling kaligtasan. Paglabas nila ay kaniya-kaniya silang napatakbo ng iilang metro, ngunit hindi ito nagtangal nang magsibagsakan sila sa magaspang na kalsada habang malalim na sumisinghap ng hangin; napahiga sila't namimilipit din sa sakit ng mga sugat na natamo.

"Mga hangal," isang boses ng lalake ang umalingawngaw sa kabahaan ng abandonadong kalsada, "Sa tingin n'yo makakatakas pa kayo sa kalagayan n'yong 'yan? Ba't pa kayo lumabas?"

"K-Kailangan na nating umalis," hinihingal na pagmamakaawa ni Renie, "Susunugin niya tayo ng buhay."

Lahat sila'y hindi makakilos ng maayos, bawat galaw ay may kalakip na daing at ungol dulot ng kaniya-kaniyang lapnos sa balat. Pilit din nilang hinahabol ang sariling paghinga, maliban lang kay Arlette na hanggang ngayon ay wala pa ring malay at akay-akay ni Cyan.

"L-Lalaban pa ako, hindi puwedeng hanggang dito na lang. Sa huli'y papalya pa rin tayo dahil hindi na natin kayang tumakas pa."

Gayunman, sa kagustuhan ay nagawa pa ring tulungan ni Myceana ang sarili na tumayo, kahit nanginginig ang kaniyang binti ay nagawa niyang tiisin ang 'di mawaring sakit at panghihina ng sariling katawan. Mababakas sa mata niya ang determinasyon; ang kagustuhang magwagi, at ang takot na baka may mamamatay sa kanila---ito ang nagpapalakas ng kaniyang loob.

Kaharap niya ay ang dating van na ngayo'y naglalagablab ng apoy, unti-unti nang napapawi ang nagbabagang kulay nito matapos itigil ng lalake mula sa kabilang panig ang pagtutusta nito. Kasing-init ng araw ang naglalagablab na apoy sa kanilang harapan, ngunit salungat ito sa nadarama ni Myceana na panlalamig; mistulang binabalot ng yelo ang kaniyang magkabilang kamay na nagpapamanhid din nito.

"Renie, kaya mo pa ba?"

"Kaya pa,"

"Vinceo, ikaw?"

"Hindi na, sumasakit na ang ulo ko." daing nito, "Pasensya na."

"Magtulungan kayo ni Digit, ilayo n'yo sina Cyan at Arlette dito." utos niya't tinulungan ang lalake na tumayo, "Bilisan mo hangga't may pagkakataon pa."

"T-Tulungan n'yo ko,"

Dininig naman niya ang hinihingi ni Valtor at kapuwa nagtulungan sila ni Renie upang tugunan ito; hinila at inalalayan nila patayo ang lalake habang binabantayan naman na siguradong makakalayo ang iba pang kasamahan sa aktuwal na delikadong lugar. Awang-awa si Myceana kay Vinceo na buhat-buhat ang walang-malay na si Arlette, gano'n na rin kay Digit na akay-akay si Cyan na paika-ika sa paglalakad.

"At pinatakas n'yo pa talaga yun?" nabaling ang atensyon niya't muli siyang binalot ng takot nang marinig ang boses ng lalake, "Alam n'yo naman siguro na kaya kong tustahin sila kahit nandito lang ako, 'di ba?" pagbabanta nito at biglang sumiklab ang naglalagablab na apoy sa magkabilang kamay nito.

Isang lalakeng binata ang nakaharap ni Myceana, bagay na salungat sa kaniyang iniisip. Hindi gaanong malaman ang katawan nito ngunit tadtad naman ng sari-saring disenyo ng tattoo. Matalim ang tingin nito sa kanila at wala siyang ibang nababasa sa ekspresyon nito kung hindi ang kagustuhang pumatay. Kasunod nito ay ang mga hukbo ng kalalakihang may tangan-tangan na mga dekalibreng baril na nakatutok sa kanilang gawi.

"Lubayan n'yo sila!" Asik ni Myceana at kinontrol ang umuusok na van, kinaladkad niya ito at buong-lakas na inihampas sa gawi ng mga armadong kalalakihan kasama ang altered.

Sa isang hawi lang ay tumilapon ang mga 'di nakaiwas; gumulong sila magaspang na kalsada at may 'di mapalad na nadaganan ng van, maliban lang sa lalakeng altered na nagawang lumipad gamit ang sariling apoy at lumapag sa may 'di kalayuan.

Kahit hindi kumportable si Valtor sa sariling kalagayan ay agad siyang kumilos at pinatamaan ng isang hibla ng kuryente ang lalakeng altered. Sunod-sunod siyang nagpakawala ng matinding puwersa ng kuryente ngunit todo-ilag naman ang lalake. Kapag may nakukuhang tsansa naman ang kaniyang katunggali ay pinapatamaan siya nito ng apoy, gumapang ito patungo sa kaniyang gawi ngunit agad naman siyang nakakailag sa takot na matusta nito.

Sa kabilang dako naman, ang iilan sa mga sundalo na nagawang umilag sa atake ni Myceana ay agad na gumanti, sa isang kurap lang ay nagpaulan ito ng bala sa kanilang gawi. Ngunit, mabilis namang nakabuo ng puwersang depensa si Myceana at hinarang ang lahat ng bala. At bilang opensa ay inatake ni Renie ang mga sundalo; isa-isa niyang pinatamaan ito ng matingkad na hibla ng liwanag na tumusta sa bahaging natatamaan ng sundalo.

avataravatar
Next chapter