webnovel

Kabanata Anim [1]

Habang malayang dinadama ang lamig ng sinasakyang van at ang marahang pag-alog nito, nalunod na naman sa malalim na pag-iisip si Myceana; sa puntong ito ay ginugulo na naman siya ng kaniyang nakaraan, bagay na nagpapahirap sa kaniya at nagdudulot ng kalungkutan.

Ramdam na ramdam niya ang parteng nawawala sa kaniyang buhay, isang malaking espasyo na hindi niya magawang punan kahit na anong gagawin. Isang misteryong 'di niya magawang sagutin sa nakalipas na mga buwan, isang palaisipang hindi niya alam kung masasagot pa ba niya o hindi na.

Wala siyang kaalam-alam sa kaniyang pinagmulan, bagay na bumabagabag sa kaniya sa tuwing siya ay nananahimik at nalalayo sa reyalidad ang iniisip. Hindi niya alam kung sino ang nagluwal sa kaniya't nagpalaki, tanging naaalala lang niya ay ang araw na kung saan siya nagsimulang magkamalay sa lahat---ang unang araw sa Herozoan Genetics.

Para lang siyang nabuhay ng walang dahilan, hindi niya alam kung anong pakay sa kaniya ng Herozoan noon at bakit siya, sila pinalaki at sinanay. Siguro gagamitin, naisip niya, dahil sa hanggang ngayon ay nagsusumikap pa rin ang Herozoan sa paghahanap at pagdakip sa kanila. Sila ang mga produkto nito na nagkawatak-watak, at ngayon ay pilit na nitong kinokolekta.

Batid niyang nasa Herozoan niya lang makukuha ang sagot sa lahat, nasisiguro niya na may alam ang mga ito sa kung saan siya nanggaling, sino ang kaniyang mga magulang, at kung bakit siya nagkaganito---papaano siya nagkaroon ng kakayahan.

"Mga k-kasama, ay nakasunod sa 'tin." nagambala ang kapayapaan sa loob ng sasakyan nang biglang nagsalita si Cyan at mababakas sa boses nito ang pangamba, "Tatlong kotse, kanina pa sila nakasunod kahit saan man tayo dumadaan."

"Sandali lang," pahayag ni Digit na biglang binilisan ang pagpapatakbo at saka pinindot ang isang buton na kalapit lang ng manibela, "Susubukan natin ang drone mo, Vinceo."

At sa isang kurap lang, ang mala-piramide na maliit na bagay sa sahig na iniwanan ni Digit kanina pa ay biglang nahati sa tatlo; bumukas ito at saka biglang nagliwanag ang pabilog na bagay sa gitna at saka lumitaw ang hologram na video ng mga kaganapan sa labas na direktang kuha ng drone na sinusuyod ang paligid.

"May dalawang altered sa loob at tatlong lalakeng armado sa unang sasakyan." pahayag ni Cyan, "Ang sa pangalawang sasakyan naman ay purong normal na tao at halatang armado, mga suporta."

"Masyadong matao rito, malabong aatake sila dahil paniguradong marami ang madadamay."

"Kung desperado ang Herozoan, hindi 'yan prob---"

Sa isang kisap-mata lang ay natahimik sila nang makitang biglang nagsihawi ang mga sasakyang kasabay nila sa kalsada, nagdikit-dikit ito sa pinakagilid na bahagi ng animo'y nagbibigay-daan. At ang mas nakakagimbal pa ay nang mapagtanto nilang nakatigil o nakapako na pala sila sa gitna ng daan; kanilang sasakyan na lang ang natitira sa gitna at kasama na ro'n ang dalawang kotse na nakasunod at papalapit na sa kanilang kinalulugaran.

"Hindi ko inaasahan 'to," biglang saad ni Digit. "Papaano nila tayo natunton?!" aniya na kahit anong sa gas ay 'di talaga tumatakbo ang minamaneho.

"May alam ba sila sa 'ting plano?" tanong Renie.

"Hindi maganda 'to," komento naman ni Vinceo na nag-aalala.

"May isang telekinetic sa loob, delikado tayo." pahayag ni Myceana nang maisip na may kagaya siyang nagmamanipula ng bagay-bagay.

"Hindi telekinetic," biglang tanggi ni Vinceo, "Tignan n'yo sa labas."

Nagsitingin sila sa labas at laking-pagtataka nila nang may kung anong manipis na bagay na nakapaligid, namamagitan ito sa mga sasakyang nahawi at sa sa kanilang sinasakyan. Mistulang isa itong manipis na tubig na nakabuhos mula sa himpapawid at nag-iiba't bumabago sa imaheng nasa likod nito.

"Ano 'yan?"

Ngunit, nalihis naman ang kanilang atensyon nang makitang pinapagitnaan na sila ng dalawang kotseng kanina pa humahabol sa kanila. Nagsibukas ang mga pinto nito at doon iniluwa ang mga lalakeng suot-suot ang unipormeng palatandaang sila ay Herozoan.

"Wala na tayong magagawa pa," saad ni Arlette, "Kailangang harapin natin 'to."

"Siguraduhin n'yong matutuloy pa natin ang plano," bilin ni Digit, "Ayokong pumalya dahil lang sa bwisit na abalang 'to."

Unang kumilos si Vinceo at sinubukang buksan ang van, ngunit laking-gulat nila nang hindi ito magawang itulak ng lalake. Binalak din ni Myceana na tumulong, kinokontrol ang pinto na bumukas, pero gaya ng unang balak ni Vinceo ay 'di pa rin ito bumubukas. Kahit puwersahan niya itong winawasak ay 'di pa rin tumatalab, sa halip ay ramdam ni Myceana na may kung anong nakaharang.

"Aatake na sila!" bulalas ni Cyan na ikinagimbal ng lahat.

"Ako na," presenta ni Myceana at sinubukang kontrolin naman ang mga taong nagsilapit sa kanilang kinalulugaran, "Bakit hindi ko sila makontrol?" puno ng dismaya niyang pahayag nang hindi tinatablan ang pinupuntirya niyang kalalakihan, "Ba't parang may humaharang?!"

"Isang force field!" paglalahad ni Digit, "Invisible na puwersang nagagawa ng isang altered na pumipigil sa kahit anong kakayahan ng ibang altered."

"Shit!"

Lahat sila'y nawalan ng balanse nang biglang niyanig ang kanilang sinasakyang van, kaniya-kaniya silang napamura nang masubsub ang iilan sa kanila't nabagok ang ulo. At huli na nang mapansin nilang nayupi na pala ang iilang sulok ng sasakyan, nagsibiyakan ang mga bakal at gumuhit ang linya ng biyak sa mga babasaging itim na bintana.

"Gusto ata nila tayong palabasin," saad ni Valtor na hawak-hawak ang ulong nabagok.

"Kontrolado 'yan no'ng lalakeng may suot-suot na pulang jacket, si Wendyl Fernandez. Sa kaniya nag-uugat ang Force field." pahayag ni Digit na kakabangon lang at naghahanap ng mapapagkakapitan, "Unahin n'yo siya, bago pa niya tayo matitiris dito."

"Anong gagawin natin?" tanong ni Renie.

"Subukan mo siyang guluhin Arlette," suhestyon ni Vinceo, "Sa puntong mawawalan siya ng pokus at malilihis ang kaniyang atensyon ay matitigil ang pagkontrol niya sa sasakyan natin. Yun na ang tsansa mo Myceana, pabagsakin mo kaagad siya."

"Tatagos din kaya ang kakayahan ko?" nag-aalinlangang tanong ni Arlette, "Baka sasalagin lang din ito ng kakayahan niya." nagdadalawang-isip sa kakayahang taglay.

"Kaya---"

Muli sa ikalawang pagkakataon ay napadaing ang iilan sa grupo nang biglang niyanig ang sinasakyan nilang van. Namalayan na lang nila kalaunan na unti-unting tinitiris ang sasakayan mula sa iba't ibang bahagi, halatang gusto silang ipitin lahat sa loob at durugin ng todo. Nabasag na ang mga bintana at ang 'di mabilang ang bubog na tumalsik sa kanila.

"Kaya mo 'yan, isipin mong mas makapangyarihan ka pa kaysa sa kaniya." saad ni Digit upang palakasin ang loob ng babae.

Desperadong-desperado na ang lahat at wala na rin silang ibang naiisip na plano, kung kaya't walang magawa si Arlette kung hindi ang sumugal sa tsansang nakalatag, habang ang kaniyang mga kasamahan naman ay malakas ang tiwala sa kaniya. Nasa kaniya nakasalalay ang kaligtasan ng mga miyembro at responsibilidad niyang tugunan ito hangga't makakaya.

Sa isang hudyat niya ay hinayaan niya ang sarili at sinubukang konektahin ang lalakeng seryosong nakatitig sa kanilang gawi at minamanipula ang force field.