webnovel

Kabanata Anim [2]

"Ang tibay ng kaniyang force field, nahihirapan akong pasukin ang isipan niya." pahayag ni Arlette, "H-Hindi ko kaya." daing niya't napasapo na sa sariling ulo dahil sa tindi ng sakit na nadarama.

"Arlette, k-kaya mo 'yan!" turan naman ni Myceana, "Isipin mong mamatay tayong lahat dito kung hindi mo siya mapapatigil!" pananakot niya sa babae.

Hindi ito sumagot, sa halip ay ipinagpatuloy nito ang nasimulan. Sa kalagayan ni Arlette ay parang hinuhukay niya ang purong bato na lupa, napakatigas na kahit anong gawin ay hindi talaga niya nararating ang kailaliman nito. Sa halip, bilang resulta pabalik ay sobra naman ang puwersang umaatake sa kaniya.

Sa kabilang dako naman ay tahimik na naghihirap si Myceana, bilang panlaban sa force field na umiipit sa kanila ay gumagawa rin siya ng puwersang pumuprotekta sa mga kasama nang sa gayon ay 'di sila madadamay o matitiris kaagad, puwersang tinutulak pabalik ang force field.

Ang ulo niya'y sumasakit na sa walang-tigil na paggamit ng kakayahan, idagdag ang magkabilang kamay na nangangalay rin dahil sa ginagamit niya itong medyum sa pagkontrol ng kakayahan ay ramdam niyang hindi na siya magtatagal pa't mawawalan siya ng ulirat sa proseso.

Taimtim siyang nananalangin na sana'y matatapos kaagad ni Arlette ang pinapakay, sa paglipas ng sandali ay unti-unti nang sumisikip ang kanilang kinalulugaran, nagkadikit-dikit na sila at pinangangambahan niyang magtatagumpay ang baliw na lalake.

Sumusuporta na rin si Vinceo kay Myceana; buong-lakas at paulit-ulit niyang binabago ang hulma ng apektadong parte ng sinasakyang van, binabalik niya ito normal na ayos sa tuwing binibiyak at niyuyupi ito ni Wendyl, niliitan niya ang van at mas pinakakapal upang lalabanan din nito ang lakas ng force field.

Paulit-ulit niya ring binubuo ang nababasag na salamin, sapagkat ito lang ang nagiging tulay upang makita nila ang kabilang panig. Hirap na hirap na rin siya at lubos na kinakapos ng hangin, sa paglipas ng sandali ay parang nauubos na ang hanging hinihinga nila sa loob.

"Malapit na," maikling turan ni Arlette.

"Kaya mo 'yan, Arlette." saad ni Cyan.

"V-Valtor, gawin mo na." nauutal na pakiusap ni Arlette na ikinataka ng iba, maliban kay Valtor.

Bilang pagtugon, kahit na labag sa kalooban niya ay dininig ni Valtor ang hinihingi ni Arlette. Dali-dali siyang lumapit sa babae at inilapat ang magkabilang hintuturo sa magkabilang sentido nito, sa isang hudyat lang ay nasaksihan ng lahat kung papaano kinuryente ng lalake ang ulo ni Arlette.

Nabahala si Digit nang makita ang kalagayan ni Arlette; ang mga mata nito sa ilalim ng talukap ay mabilis na gumagalaw, marahang nanginginig ang buong katawan ng babae, at isang linya naman ng dugo ang tumagas mula sa ilong nito. Hindi niya alam kung anong nangyayari kay Arlette, nais niya itong saklolohan ito at patigilin si Valtor sa ginagawa ngunit nagdadalawang-isip siya na baka ikakapahamak rin nila ito, kung kaya't naiwan siyang nakatulala't nag-aalala na sa babae.

"Ngayon na Myceana!" sigaw ni Arlette.

Sa hudyat nito ay agad na kinontrol ni Myceana si Wendyl. Dahil sa kaniyang panghihina ay kaunting pwersa lang ang nailaan niya, agad na tumalsik ang lalake ngunit hindi naman malayo ang inabot nito sapagkat nabatbat ito sa sariling gawa na force field at diretsong bumagsak sa matigas at magaspang na kalsada.

Kasabay ng pagbagsak ng lalake ay gano'n na rin ang pagkawala ng ulirat ni Arlette dulot ng sagarang paggamit ng kakayahan. Nasalo naman kaagad ito ni Renie at itinabi upang makahiga ng maayos kahit na napakasikip ng kanilang kinalalagyan.

"Isa pa Myceana, bumabangon na si Wendyl." nangangambang utos ni Digit, "Nariyan pa ang force field niya pero hindi na ito makapal."

Sa galit ni Myceana ay hindi siya sumuway, bagkus, gamit ang naipong lakas ay walang kahirap-hirap niyang kinontrol ang ulo ng lalakeng akmang babangon na sana mula sa pagkakahiga. Paulit-ulit niya itong pinag-uumpog sa kalsada at tumigil lang kalaunan nang makita niya itong hilong-hilo at duguan.

"May isa pang altered doon," nag-aalalang saad ni Cyan at tinuro ang gawi ng sasakyang pinagmulan din ni Wendyl kanina.

"Wala nang aatake pa sa 'tin," galit na galit na pahayag ni Myceana at walang pag-aatubiling kinontrol ang bawat pinto ng sasakyan, pinipigilan ito sa pagbukas.

At nagimbal na lang ang mga kasamahan ni Myceana dahil sa kaniyang ginawa na hindi nila aakalaing gagawin nito. Mababakas ang matinding galit sa mukha ng babae nang paunti-unti nitong niyuyupi ang sasakyan gaya ng sinapit ng van ni Digit, dahan-dahan niya itong dinudurog animo'y dinadaganan ng naglalakihang mga bato ang sasakyan.

Kahit nahihirapan siya't ramdam niyang sumasakit na ng todo ang sariling ulo ay 'di pa rin siya tumitigil. Patuloy niyang niyuyupi ang sasakyang itim sa kagustuhang maiipit din ang altered na nasa loob nito.

"M-Myceana,"

Ngunit, napatigil si Myceana nang hawakan ni Vinceo ang balikat niya't hinila, kasabay naman nito ay ang biglaang pagsiklab ng apoy sa sasakyan na pilit niyang dinudurog, at nasundan ito ng malakas na pagsabog.

Binalot ng malaking apoy ang sasakyan, sobrang kapal din ng usok na itim sa paligid nito na lumulutang patungo sa himpapawid. Pero, mula sa puwesto nila ay kitang-kita ng grupo kung paano bumukas at nabiyak ang isang bahagi ng sasakyan.

At hindi sila makapaniwala nang biglang lumabas ang bulto ng taong binabalot ng naglalagablab na apoy.

Matalim na nakatitig ito sa kanilang gawi, bagay na ikinapangamba nila. Sa isang kurap lang ay biglang nagpakawala ito ng apoy na lumipad patungo sa kanilang gawi na kalaunang bumabalot sa force field na nakabalot din sa kanilang sasakyan.

"A-Ang init," daing ni Renie na pinagpapawisan ng todo, "Tinutuyo niya tayo rito."

"Made-dehydrate tayo kung 'di tayo makakalabas kaagad dito." turan naman ni Valtor.

Upang salagin ang atake ng lalake ay kinontrol ni Myceana ang apoy, gumawa siya ng puwersang tumutulak papalayo sa naglalagablab na apoy. Ngunit, sa tuwing tinutulak niya ito pabalik ay siya ring paglakas ng siklab nito, tumitindi ang init na nagpapahirap ng lubos kay Myceana.

"Hayaan n'yo na lang muna," suhestyon ni Vinceo, "Paiinitin natin ang makina ng sasakyang 'to hanggang sa ito'y sumabog. Sa paraang gano'n na lang siguro tayo makakalabas sa natitirang force field ni Wendyl."

"Hindi ba nasira yung makina sa pag-ipit sa 'tin kanina?" tanong ni Renie.

"Hindi pa,"

"Gaano ka kasigurado sa planong 'to Vinceo?"

"Hindi ako sigurado, pero hindi pwedeng tutunganga na lang tayo at maghihintay kung kailan matutuyo itong kaniya-kaniya nating katawan. Mas mabuting sumubok hangga't may pagkakataon pa."