webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · 都市
レビュー数が足りません
165 Chs

Hindi Mo Na Kailangang Magpaliwanag  

"Dahil ba kay Gu Jingze?" Nakangiting tanong ni Qin Qing.

Muling umiling si Lin Che habang nakatingin kay Qin Qing. Kahit anong gawin niya, hindi niya pa rin maitatanggi sa sarili na ito ang lalaking pinaglaanan niya ng kanyang puso sa kanyang kabataan. "Hindi ibang tao ang dahilan kung bakit tayo nagkakagusto o hindi nagkakagusto sa isang tao."

Gusto mo ang isang tao dahil sa dahilang gusto mo siya. Hindi mo na kailangan pang ikumpara siya sa ibang tao.

Tumalikod siya at nagsimulang humakbang palabas. Binuksan niya ang kanyang cellphone at nakita niyang napakarami na'ng missed calls.

Paglabas niya ay agad niyang nakita ang butler sa bahay nila na matiyagang naghihintay sa kanya.

Napakurap-kurap si Lin Che at nagtanong dito, "Butler, paano mo nalaman na nandito ako?"

"Kanina ka pa po hinahanap ni Sir. Narinig lang po namin na hindi mo siya sinipot sa dinner ninyo at hindi niya alam kung saan ka nagpunta," mabilis na tugon ng butler.

Napatampal ng ulo si Lin Che, "Naku, oo nga pala. Nawala sa isip ko ang tungkol sa dinner namin. May bigla kasing nangyari."

"Kami na ho ang bahalang mag-asikaso nito para sa inyo, Madam. Umuwi nalang po muna kayo."

"Okay, sige. Mabuti pa nga. Wala na din naman akong dapat gawin dito," wika ni Lin Che.

Sumakay na siya sa kotse na nagsundo sa kanya. Hindi niya maiwasang magtaka sa ikinikilos ng butler na iyon. Karaniwan kasi ay kalmado lang ito at mahinahon pero parang iba ang galaw nito ngayon. Hindi niya alam kung ano ang nangyari kaya mabilis niyang tinanong ang driver na nasa unahan, "Galit ba ang inyong Sir?"

Napakaikli lang kasi ng pasensya ng lalaking iyon. Tiyak na nag-aalburuto na ito ngayon sa sobrang galit.

Hindi naman malaman ng driver kung ano ang isasagot sa kanya. Alam nitong natural lang talaga na maingay, malikot at walang kimi si Lin Che. Pero, hindi nito alam kung paano sasabihin na ang bossing nila ay…

Walang sinuman sa kanila ang may lakas na loob na tapusin ang pangungusap na iyon. Hindi nila kayang harapin ang posibleng mangyayari sa kanila kapag may sinabi sila. Kaya, ang nasabi na lang ng driver ay, "Madam, malalaman mo nalang po iyan kapag nakarating na tayo sa mansyon."

Sa isang tingin lang ay masasabi niya kaagad na may mali. Natataranta ang kanyang isip at tahimik na tinatanong ang sarili, posible kayang galit nga ito ngayon dahil hindi siya dumating sa pinag-usapan nila?

At dahil alam niyang siya ang may kasalanan ngayon, naghanda na muna siya ng kanyang sasabihin bago siya nagpasyang pumasok sa loob.

Pero nagkataong nagmamadali rin sa paglabas si Gu Jingze at nakasalubong si Lin Che na kasalukuyang itinutulak ang pinto para pumasok sa loob. Mababanaag sa kanyang maitim na mga mata ang inis. Mabigat at malalim ang kanyang pagtitig. Sinulyapan niya ito nang ilang segundo bago dumiretso sa paglabas nang hindi ito kinakausap man lang.

Habang nakikita ang mahahabang bigkis ng mga paa nito na naglalakad palabas, nagmamadali at natatarantang nagsalita si Lin Che. "I'm sorry. Inaamin ko na kasalanan ko ang nangyari. Gu Jingze, mali ang ginawa ko na hindi ko sinagot ang mga tawag mo at hindi ako sumipot sa pupuntahan sana natin. Pero nagkataon lang talaga na may biglaang nangyari at nawala ako sa isip ko dahil sa pagkataranta, kaya pansamantalang nawala sa isip ko na…"

Dumako ang walang emosyon nitong mga mata sa kanya. Kasunod namang lumamig ang linya sa mukha nito. Para itong isang matigas na bato na tuluyang lumubog sa ilalim ng makapal na yelo, at nagdulot iyon ng kakaibang lamig na tumatama sa puso ni Lin Che.

Sa isip naman ni Gu Jingze ay tahimik siyang nagtatanong kung dapat ba siyang magalit lalo dahil hindi nito sinagot ang kanyang mga tawag o dahil sinadya talaga nitong hindi siya sagutin dahil kasama nito si Qin Qing…

Pinukol niya ito ng malamig na tingin. Pansamantalang nawala sa isip nito?

Bakit hindi nalang nito sabihin ang totoong dahilan kung bakit nawala sa isip nito ang tungkol sa usapan nila?

Muli ay pumihit siya patalikod at nagpatuloy sa paghakbang palabas.

Nataranta muli si Lin Che at tinawag si Gu Jingze, "Gu Jingze, galit ka ba talaga?"

Nang mapansing hindi man lang siya nito nilingon, patakbo siyang sumunod dito. "Gu Jingze, bakit ka ba nagkakaganito ha? Agad-agad ka lang nagagalit kahit hindi mo pa nga ako natatanong kung ano ang nangyari. Sobrang bilis nga kasi ng mga nangyari kanina. At isa pa, ngayon pa lang naman nangyari ang ganito na hindi ako nakarating sa usapan natin ah! Kailangan ba talagang magalit ka nang ganito? Ano…"

"Magpapaliwanag ka?" Tinitigan ni Gu Jingze si Lin Che. "Anong paliwanag ba ang kailangan kong marinig?"

Hinawakan ni Lin Che ang pinto ng kotse.

Napatingin naman si Gu Jingze sa kamay ni Lin Che. Inabot niya iyon at marahang inalis sa pagkakahawak doon. "Kailangan ko bang hintayin ang paliwanag mo para sabihin sa akin na kaya ka nagpunta sa hospital dahil nandoon ang lalaking mahal mo? Na kaya hindi mo nasagot ang mga tawag ko dahil kailangan mong alagaan ang minamahal mong pasyente?"

"Ano…" Ang hina nga talaga ng kukute niya, aniya sa sarili. Sabi na nga ba ay may alam ito sa nangyari. Kaya nga nagawa nitong papuntahin ang butler sa hospital para hanapin siya.

Walang bagay na hindi nalalaman ni Gu Jingze.

"Pero…"

"Ito lang ang itatanong ko sa'yo. Nakakalimutan mo na bang nobyo siya ng kapatid mo? Na magpapakasal na silang dalawa? Na ang lalaking iyon ay magiging bayaw mo na?"

"Ano…"

Pagkatapos bigkasin ang nakakasugat sa puso na mga salitang iyon ay agad nitong sinenyasan ang driver para paandarin na ang sasakyan.

Walang ibang nagawa si Lin Che kundi ang tumayo nalang doon at sundan ng tingin ang papalayong sasakyan.

Anong impyerno na naman ba ito…

Hindi niya nakakalimutan ang katotohanang mapapangasawa na ito ng kapatid niya. Iyon nga ang dahilan kung bakit nagpumilit siya na makaalis na sa hospital na iyon.

Sa hospital…

Halata ang pagkainis sa mukha ni Qin Qing. Sigurado siyang wala siyang sinabihan tungkol sa nangyari sa kanya, pero bigla nalang pumasok ang doktor sa kwarto niya at sinabing ililipat daw siya sa ibang hospital, sa isang pagamutan na mas maganda at mas high-tech.

Hindi nagtagal ay nailipat na siya sa pinakamalaking military hospital sa kanilang bansa at ang kanyang kwarto ay nasa VIP ward.

Gaya kanina ay nakahiga pa rin siya. Nang makita niya ang mga nurse na paroo't-parito ay agad niyang pinahinto ang isa at kanyang tinanong, "Bakit ako nandito? Nasan ang mga kamag-anak ko? Nandito na ba sila?"

Naitanong niya sa sarili kung tinawagan ba ni Lin Che ang kanyang pamilya?

Kasi kung nabalitaan ng pamilya niya ang nangyari sa kanya, siguradong kanina pa dumating ang mga iyon. Pero nakapagtataka dahil wala pa rin ang mga ito, kahit anino man lang nila.

Parang gustong maiyak ng nurse habang nakatingin sa kanya. Magsasalita pa sana siya ulit nang may marinig siyang yapak ng sapatos na naglalakad palapit sa kinaroroonan niya.

Napatigil siya sandali bago iniangat ang ulo. Mula sa di-kalayuan ay may nakita siyang hilera ng kalalakihan na nakasunod sa lalaking nasa gitna at malalaki ang mga hakbang na naglalakad.

Ang taong dumating ay walang iba kundi si Gu Jingze.

Itim na itim ang suot nito. Ang natural nitong seryosong mukha ay mas lalong naging madilim ang anyo. At pati ang mga mata nitong walang bakas ng katuwaan ay mas lalong naging matalim. Nang titigan niya ito ay malalarawan niyang kalmado at kaswal lang ang ekspresyon nito pero nararamdaman niyang sa likod ng kalmang anyo nito ay may lihim na banta…

Bakit ito nandito…

Dumako ang tingin ni Gu Jingze sa kanya.

Nagmamadali naman siyang bumangon. "President Gu?"

"Huwag ka ng mag-abala pa. Nabalitaan ko mula kay Lin Che na niligtas mo raw siya. Labis ang aking pasasalamat sa'yo kaya naisipan kong personal kang bisitahin dito. Sinigurado ko rin na magiging komportable ka habang nagpapagamot ka dito. Alam mo naman siguro na ito ang pinakamagandang hospital sa ating bansa. At ipinagkatiwala ko na rin ang iyong kagalingan sa mga tao dito sa hospital. Alam kong gagawin nila ang lahat para maging mabilis ang iyong paggaling. Kaya, hindi mo na kailangang isipin pa ang anumang bagay. Mag-focus ka na lang sa pagpapagaling. May ipinadala na rin akong tao sa inyo para balitaan ang pamilya mo. Hindi magtatagal ay parating na sila ngayon dito."

Si Lin Che?

Si Lin Che ang nagsabi dito tungkol sa nangyari?

Dismayado ang mukha ni Qin Qing. Nakatingin lang siya sa kawalan. Alam niya at nararamdaman niya ang matinding kabigatan sa puso niya, pero gayunpaman, hindi niya iyon pwedeng ipahalata.

Dahil si Lin Che na mismo ang nagsabi kay Gu Jingze at nagawa pa nga nitong papuntahin mismo si Gu Jingze sa hospital para bisitahin siya…

Ibig sabihin ay ayaw na nitong makipag-ugnayan pa sa kanya.

Mukhang totoo nga na hindi ito nagkagusto sa kanya simula nung una.

Tuyo ang labi na ngumiti si Qin Qing. "Maraming salamat. Normal lang naman na ginawa ko yun. At isa pa, babae si Lin Che, hindi mabuti sa kanya kung masusugatan siya dahil sa aksidenteng iyon."

"Pero gusto pa rin kitang pasalamatan. Syempre, ginawa mo iyon para kay Lin Che. Kung kaya, parang ginawa mo na rin iyon para sa akin."

Inilibot ni Qin qing ang tingin sa paligid. Kaya pala sa isang VIP ward siya ngayon nakahiga.

Pagkatapos ay idinako niya ang tingin sa mga tao ni Gu Jingze. Hindi nakapagtataka kung bakit nagustuhan ito ni Lin Che.

Kahit na alam nitong delikado ang buhay nito, wala pa rin itong balak na sumuko.

Napailing nalang siya. Nagmukha tuloy siyang katawa-tawa dahil sa ginawa niyang pag-amin kanina.

Kahit naman kasi sino ang tanungin kung papapiliin sa kanilang dalawa, malamang ay si Gu Jingze ang pipiliin ng mga ito.

Pero hindi niya pa rin mapigilang manghinayang. Kung sana lang ay nakita niya nang mas maaga ang kabutihan at kagandahan ni Lin Che…