Ngumiti lamang si Gu Jingze habang nakatingin kay Mo Huiling dahil alam niyang magkaka-rashes lang siya kapag sinubukan niyang hawakan ito. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nangahas na lumapit kahit nakita na niya ito kanina. Pero ganoon pa man, hindi pa rin siya komportable sa loob ng kwartong iyon.
Kumunot ang kanyang noo at idinako ang tingin dito. "Mayroon ka bang ginawa dito sa kwarto mo? Bakit parang hindi ako komportable dito sa loob?"
Huminto muna saglit si Mo Huiling bago sumagot. "Ah...nagspray lang ako kanina ng kaunting pabango dito."
Huminga nang malalim si Gu Jingze bago lumingon dito. "Huiling, dapat ay sinabi mo na lang sa'kin na gusto mo lang talaga akong pumunta dito para makita ka. Bakit kailangan mo pang magsinungaling na may sakit ka?"
Mahinahon lang ang pagtatanong ni Gu Jingze dahil kanina niya pa nahalata na nagpapanggap lang ito na may sakit.
Nagulat si Mo Huiling. Hindi niya inaasahan na mahahalata siya ni Gu JIngze. Kinakagat niya pa rin ang kanyang labi nang siya'y sumagot. "Akala ko kasi hindi ka pupunta dito para makipagkita sa'kin kaya..."
Iniyuko ni Gu Jingze ang kanyang ulo at ayon nga sa kanyang inaasahan, nagsilabasan na naman ang mga rashes sa kanyang katawan.
Nang mapansin ni Mo Huiling si Gu Jingze na halata ang pagka-disgusto habang inililibot ang tingin sa buong silid, mabilis niya itong tinawag. "Lumabas na muna tayo dito at maupo."
Mabuti na lang at maganda ang night gown na kanyang napili. Tumayo siya at buong hinhin na inayos ang kanyang sarili. Napatingin naman sa kanyang katawan si Gu Jingze at napansin na masyadong masikip ang kanyang suot pero hindi na nagkomento pa. Ngumiti nalang ito sa kanya at lumabas.
Aminado si Gu Jingze na napaka-sexy tingnan ni Mo Huiling sa suot nito ngayon. Subalit, dahil na rin siguro alam niya na sa kanyang sarili kung ano ang mangyayari kapag hinawakan niya ito, wala siyang naramdaman na kahit anong pagkaakit kahit napakaganda man nito.
Nang maramdaman ni Mo Huiling na hindi man lang siya tiningnan ni Gu Jingze, nakaramdam siya ng kaunting pagkadismaya. Ngunit, medyo nasanay na siya dito kaya't sinabi niya na lang sa sarili na sadyang ganito na talaga ito noon pa man. Simula nang magkasakit ito, kahit minsan ay hindi ito naakit sa kahit sinong babae.
Wala itong interes sa kanya at lalong hindi rin ito magkakainteres kay Lin Che.
"Samahan mo muna akong kumain bago ka umalis," ani Mo Huiling.
"Okay. Hindi pa rin naman ako kumain bago magpunta dito."
Dahil sa isiping nag-alala si Gu Jingze nang malaman na may sakit siya, masayang ngumiti si Mo Huiling. "Okay, sige. Magpapaluto ako ng steak. Kailangan mong bumawi sa'kin ngayon dito sa pamamagitan ng isang candlelight dinner."
Subalit, lumapit sa kanila ang kasambahay. "Ma'am, naputol po ang kuryente ngayon dito sa atin. Imposible pong makapagluto ngayon."
Galit na sumigaw si Mo Huiling. "Paanong nangyari 'to? Tawagan mo sila at magtanong ka kung anong nangyayari. Ipaayos mo kaagad ito. Ngayon din!"
Natataranta namang sumagot ang katulong. "Ma'am, ang kalahating bahagi pong ito ng ating lungsod ang nawalan ng kuryente. Ang sabi po nila, naputol po ang linya dito habang inaayos po nila ang ilang kable. Mabilis naman po nila itong inaayos ngayon."
Nanggagalaiti na sa galit si Mo Huiling. Bakit ngayon pa ito nangyari? Bihira lang bumisita dito si Gu JIngze. Dapat sana ay kakain silang dalawa, iinom ng ilang wine, at kung mapagod man ito nang husto, eh di sana ay dito ito magpapalipas ng gabi.
Nang maalala ni Mo Huiling na mayroon itong asawa na kinakasama sa bahay nito, mas lalong ayaw niya itong pauwiin ngayon.
"Kalimutan mo na lang 'yan, Huiling. Huwag mo na silang abalahin pa." Totoong hindi pa siya kumain kanina kaya nagugutom siya ngayon. Pagkatapos mag-isip nang ilang sandali, walang pag-aatubili na inutusan ni Gu Jingze ang katulong. "Kung mayroon kayong de-gas na stove, bumili ka nalang muna ng cup noodles para kainin namin."
Nang marinig siya ng katulong, hindi kaagad ito nakaimik dahil sa pagkabigla. Ganoon din si Mo Huiling. Halatang di ito makapaniwala na nagtanong, "Gusto mong kumain ng cup noodles?"
"Tama ka, Huiling. Kung paminsan-minsan ay kakain ka ng cup noodles, masarap din naman siya." Pagkatapos, muli niyang ibinaling ang atensiyon sa katulong. "Hayo na at bumili ka na ng cup noodles para sa'min."
Walang balak na baliin ang kanyang utos, kaya't kaagad na tumalima ang kasambahay.
Nag-aatubiling lumingon si Mo Huiling kay Gu Jingze. "Bakit bigla mong naisip na kumain nito?"
"Totoong masarap talaga ito. Subukan mo ring kumain para malaman mo."
Siyempre, ayaw ni Mo Huiling na kumain nito. Sa kanilang status, bakit naman sila basta-basta nalang kakain ng isang basura?
Ngunit, nahihirapan siyang tumanggi dahil si Gu Jingze mismo ang nag-alok nito.
Maya-maya ay dumating na ang kasambahay na may dalang cup noodles. Dinala ito nito sa kusina para ihanda at ilang sandali lamang ay naaamoy na ang bango nito. Matalas ang amoy nito at nalamangan pa nito ang mamahaling pabango ni Mo Huiling kaya lalo lang itong nairita.
Nakasimangot pa rin siya kahit nakahanda na ang cup noodles sa kanila. Bagama't maayos at malinis ang pagkakaluto nito, nandidiri pa rin siya dito.
Habang nakatingin si Gu Jingze sa cup noodles na iyon, naisip niya na kapareho ito ng niluto ni Lin Che nang isang araw. Dahil dito, mas lalo siyang ginanahang kumain.
Umupo siya at marahang sinimulan ang pagkain.
Habang pinagmamasdan ni Mo Huiling si Gu Jingze na ganadong kumakain, hindi pa rin talaga siya makapaniwala. Kahit anong tingin ang gawin niya sa pagkaing iyon, hindi niya talaga ito kayang lunukin.
Sa status na mayroon sila, hindi tama na kumakain sila ng cup noodles ngayon. Hindi ito maikokompara sa pasta.
Kalahati na ang naubos ni Gu Jingze nang mapansin niyang dalawang subo pa lang ang nagagawa ni Mo Huiling. Iniangat niya ang kanyang ulo at tinanong ito. "Bakit? Hindi ka ba nagustuhan?"
Hindi na maitago pa ni Mo Huiling ang pandidiri sa kanyang mukha. "Jingze, basura ang pagkaing ito. Hindi ka rin dapat kumakain nito. Hindi ito mabuti para sa'yong katawan. At isa pa, napakadumi din nito."
Biglang nawalan ng gana si Gu Jingze dahil sa mga sinabi nito. Tiningnan niya ito. Bagama't alam niya na ang cup noodles ang tinutukoy nito, pakiramdam niya ay si Lin Che ang tinatawag nitong madumi.
Hindi niya malaman ang dahilan, pero naiugnay niya na ang cup noodles kay Lin Che.
Bahagyang nainis siya dito ngunit hindi niya ipinakita.
Alam niyang hindi niya kayang pilitin si Mo Huiling na gustuhin ang anomang gusto niya. Ngunit, medyo nadisappoint siya dito. Hindi niya inaasahan na hindi nito iyon magugustuhan. Kaya sinabi niya na lang dito na, "Kung ayaw mo talaga, wag mo ng pilitin pang kumain. Alam ko namang hindi ito masyadong mabuti sa kalusugan."
Nauunawan niya naman; isa pa, magkapareho lang sila ni Mo Huiling. Simula nang mga bata pa sila, pareho silang nakapag-aral nang maayos kaya hindi talaga normal sa kanila ang mga ganitong bagay.
Dahil okay naman na si Mo Huiling, tumayo na siya at nagpaalam. "Busog na ako. Kung wala ka ng ibang kailangan, mauuna na ako."
Nasa hospital pa rin si Lin che. Okay lang kung pansamantala siyang mawawala sa araw pero masyado itong malikot kapag gabe. Hindi siya mapapanatag na hayaan ang ibang tao na bantayan ito. Kapag nabuksan na naman ang sugat nito, mas lalo lang lalaki ang peklat nito.
Masyadong pangit ito para sa isang babae.
Isa pa, napakaganda ng kutis nito. Napakalambot at maputi kagaya ng snow. Hindi niya hahayaan na madungisan ito nang kahit kaunti.
"Ganyan ka ba talaga ka-busy?" Mabigat ang loob ni Mo Huiling na mahiwalay na naman kay Gu Jingze habang nangugulila siyang nakatitig dito.
Nang makita ni Gu Jingze ang nakakaawa nitong ekspresyon, bahagya siyang nag-alangan. Pero nang maalala niya si Lin Che, pinatigas niya ang kanyang puso at mariing ipinagpatuloy ang kanyang desisyon.
"Huiling, sasamahan na lang kita muli kapag hindi na ako busy."
Dahil pursigido itong umalis, wala ng nagawa pa si Mo Huiling kundi ang lumabi at sinamahan ito sa labas. Alam din naman niya na imposibleng mabago pa niya ang isip nito kapag nakapagdesisyon na ito.
Nang makaalis na si Gu Jingze, bumalik na sa loob si Mo Huiling at tiningnan ang dalawang mangkok ng cup noodles. Pagalit na tinawag niya ang kasambahay. "Sino ang bumili nito? Itapon mo ang lahat ng ito sa labas. Ang pagbili ng mga basurang ito tapos dinala pa sa pamamahay na ito... napakabaho talaga. Linisin mo nang maayos ang lugar na ito. Ayokong may maamoy na kahit kaunti man lang ng basurang iyan!"
---
Walang magawa si Lin Che sa kanyang kwarto kaya naghanap siya ng mga TV Channels at nanood ng mga balita sa showbiz. Nakita niya ang isang interview kay Gu Jingyu na kung saan sinabi nito na patuloy pa rin ang filming ng kanilang drama. Dahil sa kanyang sugat, humingi siya ng ilang araw na day-off. Hindi niya naman inaasahan na kaagad siyang pinayagan ng production team at hindi na siya masyado pang inabala.
Napansin niya na katulad ng isang malaking sunog ay patuloy pa rin ang pagkalat ng balita tungkol sa kanilang filming. Dahil doon, lalo siyang nag-alala at gusto na niyang makabalik agad para makasali sa filming nila. Isa pa, napakalaking oportunidad nito para sa kanya kaya wala siyang balak na basta nalang itong bitawan.
Habang pinag-iisipan ito ni Lin Che ay dumating na si Gu Jingze at nakita siyang nanonood ng TV. Tinanong siya nito habang palapit sa kanya. "Kumain ka na?"
Sumagot naman si Lin Che ng "oh". Nakita niya na mukha itong masaya kaya naisip niya na baka kararating lang nito mula sa pagbisita kay Mo Huiling. Pero, hindi na niya ito binanggit pa. "Kumain na ako. Uminom na rin ako ng gamot."
"Mabuti kung ganoon."
"Sabi ng doktor, pwede na raw akong makalabas bukas at magpahinga sa bahay," ang sabi ni Lin Che.
"Talaga? Sa tingin ko, kailangan mo pang manatili dito sa kanilang pangangalaga nang ilang araw pa." Nakasimangot si Gu Jingze habang sinasabi ito.
Ganoon din ang sabi ng doktor, pero gusto na talagang bumalik ni Lin Che sa kanilang filming.
Ilang taon lang siyang magiging Madam Gu. Hindi magtatagal ay magdi-divorce din sila, kaya kailangan niyang magsumikap para sa kaniyang sarili.