Hanggang rurok ang galit ni Mo Huiling kaya't kaagad niyang pinatay ang tawag kay Gu Jingze.
Habang pinapakinggan ang tunog ng pagpuputol ng kabilang linya, huminto muna siya saglit para mag-focus. Nang makita niya na dumating ang doktor, kaagad niya itong sinundan papasok sa kwarto ni Lin Che.
Natapos nang suriin ng doktor ang sugat ni Lin Che. Mabilis na gumagaling ang sugat nito sa hita at sinabi ng doktor na hindi na lang magtatagal at makakalakad na siya.
Nakamasid lang sa isang tabi si Gu Jingze. Nang mga oras na lumabas siya para sagutin ang tawag, natapos na nito ang pagkain. Hindi lang iyon, nakipagkwentuhan na rin ito sa doktor at pinuri kung gaano niya nagustuhan ang kanyang kwarto.
Wala talaga itong puso at hindi marunong magpasalamat.
Tiningnan naman ni Gu Jingze ang sugat sa hita ni Lin Che at tinanong ang doktor. "Matatanggal pa ba ang peklat na 'yan?"
Mabilis ngunit magalang at nag-iingat naman itong sumagot sa kanya. "Nakadepende lang po iyan sa katawan ng isang tao. At dahil hindi naman yata siya nagkakaroon ng peklat, sa palagay ko po ay hindi ito makakalikha ng peklat sa kanyang katawan. Posibleng gagaling agad siya, pero... sa ganitong lalim ng sugat, mag-iiwan pa rin ito ng maliit na peklat."
Habang tinatahi niya ang sugat nito, sinadya niya talagang gumamit ng stitching method na hindi gagawa ng peklat. Pero ngayon, mukhang imposible pa rin na hindi ito mag-iiwan ng peklat sa katawan.
Ayaw ni Gu Jingze na magkaroon ng peklat ang katawan ni Lin Che. Malalim ang pagkakakunot ng noo nito habang tinitingnan ang sugat. "Aasahan ko na walang kahit kaunting peklat ang maiiwan sa katawan ng aking asawa. Tawagin niyo ang pinakamagaling niyong doktor at gumawa kayo ng paraan."
Nang marinig ito ng doktor, bahagyang namutla ang mukha nito at paulit-ulit na tumango.
Nang makita ni Lin Che na umalis na ang doktor, iniangat niya ang kanyang ulo at nilingon si Gu Jingze. "Mukhang mag-iiwan nga talaga ito ng kaunting peklat. Pero okay lang. Kung magsho-shooting man kami, pwede ko naman itong takpan ng foundation."
Pero hindi pa rin nawala ang pagkakakunot ng noo ni Gu Jingze. "Hindi pwede. Kung hindi ito kayang gawin ng hospital na ito, maghahanap ako ng pinakamagaling na doktor sa buong mundo para bigyan ka ng kinakailangang paggamot. Hindi ko papayagang magkaroon ng peklat 'yang katawan mo."
Habang tinitingnan ni Lin Che ang seryoso nitong mukha, may kaunting saya ang naramdaman ng kanyang puso. Nilingon niya ito at nginitian. "Bakit? Iiwan mo na ba ako kapag nagkaroon ng peklat ang katawan ko? Alam mo, ang asawang na handa kang ipagtanggol ay hindi dapat iniiwan. Narinig mo ba ako? Kahit pumangit pa man ako, hindi mo pa rin ako pwedeng iwan.
Hindi kaagad sumagot si Gu Jingze. Maya-maya ay lumingon din ito sa kanya. "Relax. Hindi kita iiwan. Ayoko lang talaga na makakita ng peklat sa iyong katawan."
Ayaw niyang makita ito na masaktan lalo na kung siya ang dahilan.
Habang tinitingnan niya si Lin Che sa suot nitong stripe na hospital gown, naalala niya ang maputi, malambot at makinis nitong katawan. Hindi niya matanggap na madudungisan lang ito nang isang peklat dahil sa kanya.
"O baka naman, nagi-guilty ka kapag nakikita mo ito?" Tanong ni Lin Che habang umusog nang kaunti.
"Ano na naman 'yang pinagsasabi mo?"
Pero, nagi-guilty nga naman talaga siya.
"Kung talagang nagi-guilty ka, eh di tratuhin mo na ako nang maayos mula ngayon. Okay na rin kung hindi mo na ako basta-basta itatapon sa labas."
Napatigil naman si Gu Jingze. Naalala niya ang araw na iniwan niya lang ito sa labas ng kwarto.
Nagalit lang naman siya nang husto noon dahil sa walang preno nitong bibig.
Simula nang ipanganak siya, wala pang sinumang babae ang nangahas na kausapin siya nang tulad ng babaeng ito.
Pero ganoon pa man, sa ngayon ay mahinahon niya lang itong tiningnan at mahinang nagsalita, "okay".
Hindi din naman agad makapaniwala si Lin Che sa sagot nito. Napatitig muna siya dito nang ilang sandali habang tinatanong ang sarili. Ano'ng sinabi niya?
Inilayo ni Gu Jingze ang kanyang tingin at iniyuko ang ulo. Inayos niya ang mga gamot na ibinigay ng doktor at kumuha ng tubig para painumin na ito.
Sa unang araw, bahagyang sumasakit pa rin ang sugat ni Lin Che pero dahil ginamit na ng hospital ang pinakamabisang gamot sa kanya, hindi na siya gaanong nahihirapan pa.
Nang gabing iyon, nang matutulog na sana si Lin Che, tiningnan niya si Gu Jingze sa kanyang mga mata at tinanong ito. "Ano'ng gagawin mo ngayong gabi?"
"Huwag na akong isipin pa. Dito lang ako, uupo."
"Bakit hindi ka na lang umuwi para makapagpahinga?"
"Hindi na kailangan. Dito lang ako at magbabantay sa'yo." Nang maisip ni Gu Jingze na maiiwan niya ito dito nang mag-isa, naisip niya na baka malungkot lang ito.
Isa pa, hindi katulad ng ibang pasyente doon, wala siyang kahit isang kapamilya man lang na nandoon para tingnan siya. Si Gu Jingze lamang ang kasama nito bilang kanyang asawa.
"Hindi na nga kailangan pa... baka pwede ka'ng lumabas at maghanap ng matutulugan."
"Hindi na. Napakaraming apparatus dito kapag gabe at kailangan mo rin ng kasama na magbabantay sa'yo. Dito lang ako."
"Ah... Kung ganoon..." Na-touch naman si Lin Che dahil doon. Tiningnan niya si Gu Jingze at maya-maya ay tiningnan ang kanyang kama. Mas malaki ang kanyang kama sa isang ordinaryong hospital bed.
Ilang sandali muna siyang nag-atubili bago itinuro ang kanyang kama. "Bakit hindi ka na lang umakyat at dito na lang matulog? Malaki naman ang kama para sa katulad ko."
Patagong sinulyapan ni Gu Jingze ang pwestong itinuro ni Lin Che. Nakaramdam siya nang kasiyahan dahil sa paanyayang iyon.
Sa totoo lang, gustong-gusto niya talagang gawin iyon.
Nang mapansin ni Lin Che na wala lang itong kibo, muli siyang nagsalita. "Bakit? Natatakot ka ba na baka sunggaban kita bigla? Kung ganoon, lalagyan ko ng unan sa may gitna. Napakalaki ng kama oh. Kaya magkahiwalay pa rin naman tayong matutulog."
Bahagyang kumunot ang noo ni Gu Jingze. "Oo na. Sige na nga. Gagawin na natin 'yan. Matulog na tayo."
Nang marinig niya na pumayag na ito, mabilis namang pumunta sa kabilang bahagi ng kama si Lin Che para bigyan ito ng space.
Inayos muna ni Gu Jingze ang mga kalat doon bago humiga na.
Nakahiga sila sa magkabilang bahagi habang ang unan ay nasa pagitan nila.
Ngunit, masyadong naniwala si Lin Che sa kanyang sarili. Bagama't ganoon ang kaniyang pwesto, hindi siya makatulog dahil naririnig niya ang malalalim na hinga ng katabi na kanina pa naunang makatulog sa kanya.
Mabuti na lang at tumalab na ang gamot na kanyang ininom at nakatulog na rin siya.
Naramdaman naman ni Gu Jingze na hindi na gaanong gumagalaw ang kanyang katabi. Naisip niya na nakatulog na siguro ito.
Nagpakawala siya ng malalim na buntung-hininga at pagkatapos ay tumalikod na habang pinipilit ang sarili na makatulog.
Ngunit, papikit pa lang ang kanyang mata ay may mga paang tumama sa kanyang likod.
Kaagad namang nagdilim ang paningin ni Gu JIngze.
Ang babaeng ito... hindi na ba sumasakit ang paa nito?
Kahit may sugat man ito, hindi pa rin nagbabago ang pagtulog nito.
Para hindi mahawakan ang sugat nito, dahan-dahan niyang inangat ang hita nito at pinatalikod.
Pero, ang kamay na naman nito ang nakahawak sa kanya.
Naisip ni Gu Jingze na kung hindi kutsilyo ang ilalagay sa pagitan nila, walang iba pang makakapigil sa babaeng ito na gumalaw habang natutulog.
Maingat niyang hinawakan ang kamay nito at marahang tinanggal sa pagkakahawak sa kanya.
Ngunit, napatingin siya nang malapitan sa tahimik at natutulog nitong mukha...
Medyo basa at mapula ang labi nito. Sa mga oras na iyon ay ibang-iba na ito sa babaeng halos mamatay na kahapon. Maayos na ang kalagayan nito.
At, lumapit naman sa kanya si Lin Che...
Napatigil si Gu Jingze. Nakadikit na ang labi nito sa kanyang mukha.
Kung gagalaw pa siya nang kaunti, tiyak na magdidikit na ang kanilang mga labi.
Dahil sa kalambutan ng labi nito, parang may kuryenteng pumasok sa katawan ni Jingze dahilan upang makaramdam siya ng pag-iinit. Habang nakatingin siya sa bibig nito, pakiramdam niya ay natuyo na ang kanyang bibig...
Pero, bigla na naman itong gumalaw. Ngayon, tuluyan na ngang magkadikit ang kanilang mga labi. Dahil sa matinding init na nararamdam, lalong kumunot ang noo ni Gu Jingze.
"Lin Che, nakikipaglaro ka sa apoy!" Nagbababala ang kanyang tono habang nagsasalita nang nakatikom ang labi. "Subukan mo pang gumalaw ulit..."
Pero, halata namang walang narinig si Lin Che sa sinabi nito...