webnovel

Goodbye

Kasalukuyan kaming naglalakad sa Session Road pabalik sa hotel na tinutuluyan ni Prim. Ginabi na kami mula sa paglilibot.

"Ngayon ko naramdaman ang pagod mula sa buong maghapon." Huminga ng malalim si Prim.

Nagpunta kaming Botanical Garden, nangabayo sa Wright Park, nagsenti-sentihan sa BenCab Museum, at namitas ng strawberry sa La Trinidad. Kahit ako, sa tagal ko na rito, ngayon ko lang nagawa 'to. Para talagang turista.

"Napagod nga rin ako," tugon ko. Lumingon ako sa kaniya.

"Nakakapagod." Ngumiti siya habang yakap-yakap ang mga braso. "Pero masaya."

Tumango ako at ngumiti. Sang-ayon ako sa kaniya. Ako ang nag-suggest sa kaniya na gumala at maglibot kami para makapag-enjoy siya, pero ang totoo, pati ako sobramg nag-enjoy. Nag-enjoy ako sa mga pinuntahan at ginawa naming magkasama . . . Nag-enjoy akong kasama niya.

"Ito o," inabot ko sa kanya ang itim kong jacket na pinasuot ko na rin sa kanya kanina dahil nga naka-sleeveless lang siya.

"Ibinalik ko na nga 'yan sa'yo para 'di ko makalimutan mamaya."

Natawa na lang ako kasi inabot niya pa rin ang jacket at nagmadaling isuot ito.

"Pero ang lamig talaga e," ani Prim. "Thanks ha. Baka ikaw naman ang lamigin."

"Okay lang. Medyo sanay na rin naman ako sa klima rito."

Ningitian niya ako pagkatapos ay nagpatuloy na kami sa paglalakad. Pareho naming alam na malapit na kami sa tinutuluyang hotel ni Prim. Pagkarating namin doon, kailangan magpaalam sa isa't-isa.

Pareho na tayong tahimik. Walang nagsasalita. Hindi ko alam kung ano ang mga tamang salita para magpaalam.

Tumingin ako sa kaniya. Medyo nakatungo na siya at para bang pinagmamasdan ang bawat hakbang ng kanyang mga paa.

"Back to reality na naman ako," bulalas ni Prim.

Napangisi ako. "Ako rin. Hello, exams na ulit ako."

"Ako naman, pagka-check out ko sa hotel mamaya . . . ito na, kailangan ko nang umuwi." Tumawa bigla.

"Bakit natawa ka?"

"Nakakatawa kasi 'yung naisip ko."

"Ano 'yun?"

"Para akong si Lion na babalik na sa dati niyang gubat."

"Nakakatawa nga 'yun." Napangiti ako sa ideya. "Pero tulad ni Lion, babalik ka sa gubat at mas magiging matatag."

Ngumiti siya nang maliit. "Ang totoo, hindi ako sigurado. Hindi ko alam kung kaya ko. Kung bukas ba makakangiti rin ako tulad kanina—" Mas lumapad ang ngiti niya. "—tulad ngayon."

Hindi ako agad na sumagot. Nakatingin lang kami sa isa't isa at dinadama ang katahimikan.

"Dandelion," ang tanging nasabi ko.

"Dandelion?" pagtataka niya.

"Iyong mga puting bu—"

"Alam ko 'yun," pagputol niya, "bakit mo biglang nabanggit 'yun?"

"Kasi may lion din sa dulo?"

Natawa siya sa naisip kong dahilan.

"Hindi. Ang totoo, bigla ko kasing naalala 'yung isang tula na nagawa ko minsan."

"Libangan mo talaga yan 'no?"

"Oo e. Iba-iba talaga tayo. May mga tao na nabubuhay nang walang panitikan at mga tula. May mga tao naman na bahagi na ng buhay nila ang mga ito. Parte na ng pagkatao."

"At isa ka na do'n."

Tumango ako.

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. "Dandelion. Gusto ko ring marinig. Okay lang ba?

Huminga muna ako nang malalim. "Sige."

Pareho kaming nakatanaw sa unahan habang patuloy na naglalakad. Sinimulan kong bigkasin ang tula na para bang naka-ukit na sa puso ko ang bawat salita.

May mga bagay na mahirap tanggapin

ng isip na pilit lumilipad,

ng pusong pilit na ikinukubli

sa mga tela ng kasalukuyan.

May mga bagay na ninanais

na hindi na sana natapos,

mga bagay na hindi na lang sana nasira,

May mga taong pinapangarap

na sana hindi na lamang lumisan,

Mga bagay na sana

Hindi nagdala ng iyong kalungkutan.

Pero...

May mga bagay na dapat tanggapin

Kung iyon ang paraan para mahawi

ang mga ulap at masilayan ang langit,

Itaas ang kamay, ipaalon sa hangin

Tumakbo sa malawak na parang

sabay bati sa isa na

nagtataglay ng mga bagong ala-ala.

Tumigil siya sa paglalakad at humarap sa'kin. Napansin ko ang namumuong luha sa mga mata niya na kumikislap kapag natatamaan ng mga liwanag mula sa dumadaang mga sasakyan. Ikinabigla ko ang kasunod niyang ginawa.

Niyakap niya ko.

Pagkatapos, bumulong siya sa kaliwang tenga ko, "Thank you, Don. Thank you."