webnovel

Poetry

Napagod ako sa kaka-bike. Napagod din siguro siya kakasigaw kapag natutumba ako. Kaya ito kami ngayon nakasakay sa bangka at nagpapahinga.

Nasa gitna na kami ng lake. Tumigil na ko sa pagsagwan. Tahimik lang kami at dinadama ang katahimikan ng payapang tubig.

Malayo ang tingin niya sa may bandang kanan. Mahirap basahin kung ano ang iniisip niya. Hindi siya nakangiti. Halos hindi kumukurap ang mga mata niya.

Hindi siya nagsasalita, kaya pinili ko na ring tumahimik. Hindi ko rin naman alam kung saan ako huhugot ng topic. At saka, tingin ko, trip niya talaga ngayong damhin ang katahimikan.

Maya-maya, sa wakas, humarap na rin siya akin. Naxmiss niya sigurong titigan ang gwapo kong mukhang. Nyay, walang gano'n!

Wala ngang gano'n kasi sandali lang siyang tumingin sa akin. May nakapukaw yata ng interes niya sa bandang likuran ko.

Lumingon ako para makita kung ano ang naka-agaw ng pansin niya. Napangiti ako nang makita ang isang lalaki at isang bata 'di kalayuan. Pareho silang nakatayo sa gilid malapit sa lake. Mag-ama siguro sila.

Kung titingnan ang mga mukha nila, halatang nag-e-enjoy sila. May pagkakataon pa ngang sabay silang tumatawa habang nagsasalitan sila sa pagbato ng kung ano sa lake. Tinuturuan matahil ng tatay ang anak niya na patalbugin ang hinahagis nilang bato sa tubig.

Napangiti ako nang nakita kong napatalbog ng bata ang hinagis niyang bato sa tubig ng dalawang beses. Bigla tuloy akong nalungkot. Miss ko na ang parents ko.

"Sana maging bato na lang ako."

Humarap ako kung saan ko narinig ang tinig.

Napangisi na lang ako. Hindi naman ako binigyan ng pagkakataon ni Prim na mag-senti. Ito na naman siya sa ganito niyang remark.

Nang magtama ang mga mata namin, ngumiti siya nang maliit—ngiting agad na nabura sa mukha niya. Mababakas ang lungkot sa mukha niya.

"Bato? Bakit naman?" tanong ko. Ang weird kasi, bakit niya naman nasabi 'yun?

"Sorry—" Pinalo niya ang ulo niya. "—nakakatawa, anu-ano na naiisip ko."

Ngumisi ako. "Nakakatawa nga 'yun. Pero seryoso, bakit mo nasabi 'yun?"

"Sige, sasabihin ko 'yung pumasok sa isip ko pero pramis mo 'di ka tatawa."

Do'n ako natawa. Ngumiti ako at pinigilan kong lumabas ang ngipin ko.

"Nakakainis 'to. Wala pa kong sinasabi natatawa na."

Huminga ako ng malalim. Tumingin sa kanya at ngumiti. Tinaas ko ang kanang kamay ko, "Pramis, hindi ako tatawa."

Tinitigan niya muna ako na para bang inaalam sa mukha ko kung natatawa pa ko . . . kaya natawa ulit ako.

"Kainis 'to."

"Hindi na talaga. Tuloy mo na."

"E kasi di ba 'yung bato, walang pakiramdam. Manhid. Sana naging bato na lang ako. Para 'di ko na nararamdaman 'to. Itong sakit dito." Tinuro niya yung dibdib niya.

Natawa ako pero sa isip ko na lang. Pinigilan ko kahit ngumiti dahil kita ko sa mukha niya ang pagka-seryoso.

"O bawal tumawa. Eeeee. Ang korni ko." Nagtakip siya ng mukha.

Tumawa ako.

Tinanggal niya ang takip ng mukha niya. "Grabe siya, bawal nga tumawa e."

"Ako rin . . . Gusto ko ring maging bato," pangbawi kong sabi, natawa talaga kasi ako sa kaniya.

Napanguso siya, "Weh? Gaya-gaya ka naman."

Tumawa ulit ako. Napatakip ako ng bibig. Nakaka-ilan na ko.

"Sige nga, bakit gusto mong maging bato?"

Ngumiti muna ko. "Kasi hindi naman talaga manhid ang mga bato."

Kita ko sa mukha niya ang malaking tandang pananong. "Bato nga e. Manhid. Walang pakialam."

"Kilala mo ba si Rio Alma?"

Umiling siya.

Parang na-disappoint ako nang konti. National artist, hindi kilala? Joke. Naiintindihan ko naman na iba-iba lang talaga ang hilig ng mga tao. Paborito ko lang talaga si Rio Alma at malapit ang loob ko sa mga akda niya.

"May tula siya, Kung Maaari Sana ang pamagat."

"Hindi kasi ako masyadong mahilig sa arts and literature, sorry." Nag-peace sign siya. "You know, mas inclined ako sa science."

Napanguso ako. "Ako rin naman. BS Math ako ha."

Bumuka ang bibig niya at naghugis letter 'O'. Parang may umilaw na bumbilya sa ulo niya. "Naaalala ko na, ikaw si Balagtas!"

Natawa ako. Tinakpan ko ang mukha ko ng kanang palad ko, pero sa pagitan ng mga daliri sinisilip ko ang reaksyon niya. Nagpipigil siya ng tawa.

"Balagtas, tawag sa'yo yan ng mga klasmeyt natin noon. Kasi 'do ba paborito ka ni Mrs. Herrera. Kapag pinapagawa tayo ng tula, 'yung tula mo lagi ang pinipili niyang basahin sa harap ng klase." Tinanggal niya ang takip sa mukha ko. "Pero seryoso, gusto ko 'yung mga tula mo. Magaganda. Tagos sa buong pagkatao."

Napangiti ako. Ngumisi siya, pagkatapos, sabay kaming tumawa. Malakas.

Nakakatawa 'yung tagos sa buong pagkatao. Iba rin.

"E ikaw ba, Balagtas din ba tawag mo sa'kin noon?" sabi ko habang pinapakalma ang sarili mula sa pagtawa.

"Tingin ko hindi. Hindi naman kasi tayo close no'n 'di ba?"

Napatango ako. "Hindi ko nga matandaan na tinawag mo ko nang gano'n minsan."

"Pero balik tayo do'n sa tula ni Rio Alma. Gusto kong marinig. Sige nga."

Napatigil ako. Ngumiti, "Sige, ganito yung sinasabi sa tula."

At binigkas ko nga ang tula sa kanya. Paborito ko iyon kaya kabisado ko ang bawat salita at taludtod.

+ + +

Kung Maaari Sana

ni Rio Alma

Nangangarap ang batong maging ibon,

Malayang katipan ng simoy at dahon.

Nangangarap ang tutubing maging bulaklak

Kaya natutulog nang bukad ang pakpak.

Nangangarap ang sampagang maging hamog

Kaya sasampatak ang ngiting ihandog.

Nangangarap ang hamog maging luha

Upang maihugas sa dibdib na luksa.

Nangangarap ang luhang maging bituin

Upang matanglawan ang matang may dilim.

Nangangarap ang bituing maging suklay

Sa buhok ng dalagang nalulumbay.

Nangangarap ang suklay maging tutubi

Sa mata ng paslit pagdating ng gabi.

Nangangarap ang ibong maging bato

At payapang sumabay sa pintig ng mundo.

+ + +

Pagkatapos kong bigkasin ang huling mga salita, tumahimik lang kami habang tinitingnan ang isa't isa. Kita sa mga ngiti niya na nagustuhan niya ang tula.

"Kaya hindi manhid ang mga bato. Nararamdaman nila ang pintig ng mundo. Nakakaunawa. Naiintindihan nila ang ibang tao. Nauunawaan ang nararamdaman ng iba. Kaya nasabi ko 'yun, gusto kong maging bato." Natawa. Ang korni ko rin pala. "Ang lalim 'no?"

"Pero gusto ko."

"Talaga?"

Tumango siya. "Oo, Balagtas."

"O ba't Balagtas na tawag mo sa'kin?"

"Kasi close na tayo, 'di ba?"

Automatic na gumuhit ang ngiti sa labi ko.