webnovel

Chapter 61

"Mabuti na lamang at naabutan niyo kami, kung hindi ay malamang sa malamang, pinaglalamayan na kami ng buong bayan ngayon. Sinasabi ko na nga bang hindi kami pababayaan ng Panginoon, may tulong siyang ihahatid at kayo iyon." Masayang wika pa ni Mang Isko at isa-isang niyakap sina Milo. Napahinto naman siya nang matuon ang pansin niya kay Liway.

"Mang Isko, si Liway po, bago naming kasama." Pakilala ni Maya at lalong nangunot ang noo ng matanda.

"Kasama, hindi ba't sa Ilawud kayo pumunta?" tanong niya habang matamang sinusuri ang mukha ng dalaga.

"Kamusta po, ako si Liway. Isa rin po akong babaylan." Nakangiting pagpapakilala ni Liway.

"Isa kang babaylan kamo, na galing sa Ilawud? Pero bakit hindi kulay puti ang iyong buhok?" Nagtatakang tanong ni Mang Isko na labis nilang ikinabigla.

"Alam niyo ang tungkol sa aming lahi, Mang Isko?" gulat na tanong ni Liway at napatango naman si Mang Isko. Tinapik nito sa balikat si Liway at naupo na siya sa bakanteng upuan malapit sa natutulog na si Rita.

"Matagal ko nang alam, minsan naikuwento na rin sa akin ito ng namayapa kong Lolo. Mahabang panahon na ang nakalilipas. KUng ganoon ay isa ka rin sa kanila at malamang isang sabulag ang nagkukubli sa tunay mong wangis. Tama iyan, magiging agaw tingin ka lamang sa mata ng mga tao at hindi natin ala,m, may mga tao pa rin na sugapa sa kapangyarihan." saad ni Mang Isko at napatango naman ang dalaga.

Mayamaya pa ay pumasok na rin sa loob ng bahay si Gustavo.Luminga-linga ito at matamis na napangiti nang makita ng kaniyang mga mata si Agnes. Dali-dali siyang naglakad papalapit sa mga ito. Marahan siyang lumuhod at niyakap ang nakaupong si Agnes. Humagulgol naman ng iyak si Agnes nang muling mayakap si Gustavo.

"Salamat at ligtas ka. Kaytagal kitang hinintay, kahit kailan ay hindi ako nawalan ng pag-asa na muli tayong magkikita. Salamat sa Diyos at muli niya tayong pinagtagpo." Humahagulgol pa rin na wika ni Agnes habang yakap-yakap si Gustavo.

"Hindi ba't sinabi ko na babalikan kita agad. Patawad kung ngayon lang ako nakabalik. Marahil ay dininig ng panginoon ang mga panalangin mo na maligtas ako dahil nakadaupang-palad ko ang grupo ni Milo. Kung hindi ay siguradong hindi na ako makakabalik pa." Saad ni Gustavo at napatingin kay Milo, Maya, Simon at Liway.

"Walang anuman Manong Gustavo, sadyang iniadya ng Maykapal ang ating pagkikita. Napakahiwaga talaga ng ating mundo." Nakangiting wika ni Maya. Naging masaya ang kanilang pag-uusap nang gabing iyon. Maging ang awra sa bahay ni Mang Isko ay napakagaan. Para bang hindi sila galing sa isang madugong labanan kontra sa mga aswang na kalahi ni Gustavo.

"Wala na ba sila, hindi na ba sila babalik?" tanong ni Mang Isko. Napasimangot naman si Gustavo nang marinig ang tanong na iyon. Alam niyang hindi iyon ang huling pag-aatake ng mga kalahi niya. Paniguradong gagalaw na ang hukbo ng kaniyang ama.

"Simula pa lamang ho ito, napat*y ko si Ismael na siyang panganay na anak ng aming ama, kapag hindi siya nakabalik panigurado si ama na mismo ang gagalaw." tugon ni Gustavo.

"Ibig sabihin marami pa ang lahi niyo?" tanong ni Simon. Tumango naman si Gustavo bago itinuon ang pansin sa kaniyang anak na mahimbing nang natutulog.

"Hindi sila titigil hanggat hindi nakukuha ang anak ko, alam ni ama na hindi na niya ako mapipilit sa mga kagustuhan niya kaya ang anak ko ang gagawin nilang bagong pinuno." paliwanag ni Gustavo.

"Iyon din ang sabi ng aswang na huling umatake sa akin Gustavo, bakit ba ayaw nila tayong tigilan? Nais lang naman natin ang mabuhay ng payapa at malayo sa kanila, bakit kailangan pa nilang hatakin ang anak natin sa magulong mundo nila?" puno ng paghihinagpis na tanong ni Agnes. Awang-awa siya sa kaniyang anak, lalong-lalo na sa kaniyang asawa. Napakarami na ng pasakit na dinanas nito sa kamay ng kaniyang mga kalahi ngunit parang kulang pa rin?

Saglit lamang ang kasiyahan nila ng gabing iyon, muli silang nahulog sa pag-iisip sa mga puwedeng mangyari.

"Magsipagpahinga na muna tayo, kailangan nating makabawi ng lakas. Hindi pa sila agad-agad makakaatake dahil maghihintay pa si ama ng tatlong araw na palugit. Kapag hindi nakauwi si Ismael matapos ang tatlong araw na palugit ay doon na sila muling gagalaw. May oras pa tayo para makapaghanda." Wika ni Gustavo at napatango sila.

"Tama si Manong Gustavo, magpahinga tayo habang may oras pa." sang-ayon ni Milo na noo'y napapahikab pa. Nagkatawanan naman sila at nagdesisyon nang magpahinga.

Kinaumagahan ay halos tanghali na nang magising sila. Abala na sa kusina si Mang Isko at Aling Rita nang bumangon si Milo. Tulog na tulog pa noon si Simon at hindi na niya muna ito inabala sa pagpapahinga. Naabutan niya ang dalawang matanda na abala sa mga niluluto nito.

Matapos maghilamos at umupo siya sa mesa at nakangiting pinagmasdan ang mga ito matapos bumati ng magandang umaga.

"Aba'y magandang umaga rin sa'yo Milo. Nagugutom ka na ba, teka at mayroon na tayong lutong kamote rito." Masayang bati ni Mang Isko at agad na kumuha ng nilagang kamote sa malaking kaldero. Natuwa naman si Milo at mabilis na tinulungan ang matanda.

Matapos tanggapin ang mga kamote at nagtimpla na rin siya ng kape. Sarap na sarap pa siya sa pagkain nang makarinig sila ng mga taong nagtatakbuhan sa labas ng kanilang bahay.

"Bakit kaya ang ingay sa labas?" tanong ni Mang Isko.

"Puntahan mo nga saglit at ako na muna ang bahalang magbantay dito sa niluluto natin." ani Aling Rita na marahang hinahalo ang niluluto nito.

Dali-dali namang lumabas si Mang Isko at sumunod dito si Milo. Paglabas ay nakita nilang nagkakagulo ang mga tao di kalayuan sa kanila. Nang may dumaan sa kanila na animo'y pabalik na ay agad nila itong hinarang upang tanungin.

"Anong nangyari doon?" tanong ni Mang Isko sa lalaking naharang nila.

"Mang Isko, may natagpuan patay doon sa bukana, isang bata at isang matanda. Hindi sila tagarito at mukhang bibisita lamang, marahil ay nadaanan sila kagabi ng mga aswang na umatake dito sa bayan natin. Dadalhin daw ang mga katawan sa sentro at baka may nakakakilala. Dulong bayan na it kaya panigurado na dito ang sadya nila." salaysay ng lalaki.

"Gano'n ba, o' siya gawin na ninyo ang dapat, pupunta kami roon upang makibalita."

Agad na ding umalis ang lalaki pagkawika ni Mang Isko.

"Nakakaawa naman po ang mga taong iyon kung totoo nga ang sabi ng lalaki Mang Isko." Malungkot na wika ni Milo. BUmalik na rin sila papasok sa kusina at naabutan na nilang naroroon na din si Simon at Maya sa hapag.

"O' anong nangyari?" agap na tanong ni Aling Rita.

"May natagpuang pat*y doonsa bukana, isang bata raw at isang matanda, mukhang papunta rito at hinala ng ating mga kababaryo ay nadaanan iyon ng mga aswang na sumalakay rito kagabi. Pupuntahan nga muna namin doon sa sentro at nang makita namin kung may kamag-anak ba rito o wala." tugon ni Mang Isko at naalerto naman ang magkapatid. Nagpresenta na rin ang mga ito na sumama at nagmartsa na nga sila patungo sa sentro ng bayan.

Pagdating doon ay agad din naman silang pinaraan ng mga taong nagkukumpulan. Paglapit sa dalawang bangkay ay agad naman nilang nakita ang kalunos-lunos na sinapit ng mga ito. Puro kalmot ang buong katawan at halos bali na din ang mga buto sa braso at binti nito. Wakwak ang tiyan ng mga ito, halatang katakot-takot na paghihirap muna ang dinanas ng maglolo bago nawalan ng buhay.

"Wala bang nakakakilala sa kanila rito? Kamag-anak man lang sana?" Tawag ni Mang Isko. Inilibot nila ang paningin sa mga tao ngunit walang nagsasalita. Hanggang sa isang babae ang nagmamadaling lumapit sa kanila. Balisang dumudunagw ito sa kumpulan ng mga tao at agad din naman itong napansin ni Milo.

"Paraanin niyo ang babaeng yan." Wika ni Milo at agad naman sinunod ng mga tao roon. Marahang lumapit ang babae na sa tantiya nila ay nasa kwarenta na, bahagya pa itong nagpapasalamat habang hindi mapakaling nilalakumos ang hawak na basahan. Paglapit niya sa kinaroroonan ni Mang Isko ay agad itong napatitig sa dalawang bangkay na nakahandusay sa lupa. Nanlalaki ang mga mata nito at bigla na lamang bumilis ang paghinga ng babae.

Mabilis namang nilapitan iyon ni Maya at inalalayan.

"Ale, kilala ho ba ninyo ang mga biktima?" tanong ni Maya ngunit hindi na nakasagot ang babae dahil pumalahaw na ito sa pag-iyak habang tinatawag ang pangalan ng kaniyang ama. Bigla-bigla din itong nawalan ng malay dahil sa sobrang pagkabigla sa nakita.

Nagkagulo ang mga tao at mabilis namang pinahiga ni Maya ang babae sa lupa. Agad ding kumuha ng langis si Milo sa bulsa at ipinahid iyon sa ulo ng babae at maya kung anong dahon siyang ipinaamoy rito.

Ilang sandali pa ay muli itong nagkamalay ay doon na ito muling humagulgol ng iyak. Ayon pa sa babae ay nasa kabilang baryo nakatira ang tatay niya kasama ang anak ng kapatid niyang namayapa na. Pupunta dapat ang mga ito sa bayan ng Talusan dahil kaarawan ng anak niya ngayon araw. Kagabi pa niya hinihintay ang dalawa ngunit dahil sa pagsalakay ng mga aswang ay nagkagulo na sa bayan at hindi na nila nagawang makalabas ng asawa niya para salubungin ang mga ito.